“Hindi. Kinikilig lang ako,” anitong nawala na ang bahid ng kilig sa boses. “Mag-focus na lang ulit tayo sa café mo.”
“Sayang iku-kwento ko pa mandin kung anong nangyari sa amin ni Kenji nitong nakakaraang araw.” Gusto rin naman niyang i-share ang kaligayahan niya sa mga kaibigan.
“Saka na ang love life. Kailangan mong ituon ang buong atensiyon mo sa café. Huwag ka munang magpa-distract kay Kenji. Susubukan kong umisip ng promo para mas tumaas ang sales mo. Talagang hindi ka tatantanan ni Bruno. Matindi talaga ang bitterness pati ng nanay niya.”
Umungol siya. Nakaka-stress tuwing naiisip niya ang gulong dala ng mag-ina sa kanya. “Gusto ko na lang malagpasan ito.”
“Kung kailangan mo ng pera, pwede naman kitang pahiramin. Ayoko rin naman na lagi kang i-harass ni Bruno at ng pamilya niya. Kung kailangan mong magsimula ulit, huwag kang mag-aalangan na lumapit sa akin. Kung kailangan mong lumipat ng lugar, pwede ka naming tulungang maghanap ng pwesto.”
“Pero Justine, may problema ka rin naman.” Hindi ito nagkikibuan at ang lola nito dahil tumangging magpakasal kay Stefan aka Mr. Hibok-Hibok.
“Hindi naman pera ang problema ko. Saka kaya kong ayusin ito.”
“Okay. Aayusin ko itong problema sa Sweet Surrender pero mangako ka sa akin na sasabihin mo sa amin ni Dreamilyn kapag kailangan mo ng tulong namin.”
“Oo naman. Kayo lang naman ang natatakbuhan ko, di ba? Kailangan ko na ring bumalik sa trabaho. May tinatapos pa akong presentation. Bigyan mo ako hanggang bukas at susubukan kong umisip ng magandang promo.”
“Thank you, Justine. Pupunta na ako sa café. Baka nandoon na si Kenji at ang mga fans niya.”
Gusto niya na siya ang personal na mag-aasikaso kay Kenji. Maaring ang pagpunta nito sa café niya ang simpleng paraan nito para mag-promote. Kung makakakuha sila ng bagong customers sa café ay malaking tulong din para ma-boost ang sales nila. He didn’t have to do that but it was sweet.
“Okay. Have fun but don’t risk your heart,” pahabol ni Justine.
“I know, I know.” Hindi naman nito kailangang paulit-ulit na ipaalala sa kanya. Alam naman niya kung hanggang saan lang ang limitasyon niya.
Sinasamantala lang naman niya ang pagkakataon na nasa tabi niya si Kenji. Gusto lang niyang maging masaya sa kabila ng problema niyang pinagdadaanan. Iba kapag may kaibigang tumutulong sa kanya gaya nina Justine at Dreamilyn. Iba rin kapag may gaya ni Kenji sa buhay niya na nakakapagpangiti at nakakapagpakilig sa kanya. And she was looking forward to waking up the next day. Na kahit na may problema ay ngumingiti na siya maisip lang niya ito. And she loved that feeling. NI hindi na nga niya kailangang mag-isip kung okay lang iyon o hindi dahil lalo lang nasisira ang masayang pakiramdam niya. At sapat na ang maraming laman ng isipan niya. And this happy feeling was most welcome.
Palabas ng gate ang kotse ni Yngrid nang may biglang humarang sa dadaanan niya. Bigla siyang nagpreno. “Ano ba?” bulalas niya nang makitang si Bruno ang nakadipa ang mga kamay habang nakaharang sa dadaanan niya. Binusinahan niya ito pero di pa rin ito umalis. “Alis!” gigil niyang wika at sinenyasan itong tumabi. Subalit nanatili ito sa kinatatayuan. Walang balak na tuminag.
Napilitan siyang bumaba ng sasakyan. “Ano bang problema mo? Umalis ka nga diyan,” utos niya at isinenyas nang pabugaw ang kamay.
“Huwag kang magalit sa akin. Gusto lang kitang makausap,” anito sa malumanay at halos nagmamakaawang boses.
Napamaang siya. “Gusto mo akong kausapin? Matapos akong puntahan ng nanay mo para sabihin na tataasan niya ang upa ko dahil hindi kita gusto, may mukha ka pang ihaharap sa akin? Ano pa bang gusto mo?”
Wala namang kaso sa kanya kung taasan siya ng upa. Pero sana ay patas naman. Hindi iyong dumedepende kung ano ang gusto ni Bruno. Matino naman siyang kausap dahil maayos naman siyang magbayad. Hindi iyong kung ano ang mood ni Bruno ay doon nakadepende ang upa niya. Ayaw niya sa lahat ay ang pakiramdam na ginigipit siya.
“Mahal na mahal ako ni Mommy. Ayaw niyang nasasaktan ako. Pero pwede naman nating gawan ng solusyon iyan. Sagutin mo ako para wala ka nang bayaran na kahit ano. Kung pakakasalan mo ako, wala ka nang kailangan pang bayaran,” anito at lumapad ang ngiti.
Nanlaki ang ulo ni Yngrid sa mga suhestiyon nito sa kanya. “Ano? Bruno, mukha ba akong desperada sa pera? Kung madaliang pera lang ang habol ko, sana noon ko pa ginawa. Hindi mo ako masisilaw ng pera. Ano ang palagay mo sa akin? Sa halagang sampung libong piso sa isang buwan ay isasanla ko ang kaluluwa ko sa iyo. I am not that cheap.”
“Hindi cheap ang pagmamahal ko!” anitong biglang dumilim ang anyo. “Ako lang ang magmamahal sa iyo ng ganito. Bakit di mo ba makita? Tayo talaga ang para sa isa’t isa.”