When He Cries Chapter 65

“Pwede ba hayaan mo na lang ako? Ikaw lang ang nakakagulo sa buhay ko. Ano ba ang di mo maintindihan sa ‘hindi kita gusto’? Naging prangka ako sa iyo sa simula pa lang. Ikaw ang dapat na tumanggap na hindi lahat ng gusto mo ay kayang bilhin ng pera ng pamilya mo. Ayoko sa lalaking brat,” angil niya dahil punong-puno na talaga siya sa lalaki. Ito ang sumisira sa mga pangarap niya.

“Lalo kong tataasan ang upa mo kapag hindi mo ako sinagot,” anito at hinaklit ang braso niya.

“Gawin mo. Wala akong pakialam. Pwede naman akong umalis sa pwesto ninyo kung gugustuhin ko. Hindi ako natatakot. Mas mabuti nga iyon para makawala na ako sa iyo.”

“Bakit? Tutulungan ka ng Kenji na iyon? Hindi ka niya matutulungan. Umaasa ka lang sa wala. Paglalaruan ka lang niya. Sa akin ka rin babagsak.” At saka inilapit nito ang mukha sa kanya na akmang hahalikan siya.

Itinulak niya ang mukha nito palayo at saka tinapakan ang paa nito. Napaigik ito sa sakit. Lumuwag ang pagkakahawak nito sa braso niay at kumawala siya sa pagkakahawak nito. “Ayoko sa iyo. Isaksak mo iyan sa kukote mo. Marami akong pwedeng mapagkuhanan ng pera. I am not totally poor or without means. At sa susunod na manggulo ka pa, ire-report na kita sa security!” banta niya at saka siya nagmamadaling sumakay ng kotse niya. Naisara na niya iyon bago pa siya nito mahabol. He was such a crybaby.

“Magiging akin ka rin, Yngrid! Tandaan mo iyan!”

NANGINGINIG ang buong katawan ni Yngid at naninikip ang dibdib niya habang nagmamaneho papunta sa Sweet Surrender. Nang makalayo sa subdivision ay napilitan siyang itabi ang sasakyan sa kalsada para pakalmahin ang sarili. Nagagalit siya. Galit na galit. Bakit ba hindi siya tatanan ni Bruno? Napapagod na siya na itaboy ito palayo. Nakakapanghina. Nakakaiyak.

Naisubsob niya ang mukha sa manibela at umiyak ng umiyak. Hindi naman problema sa kanya ang pera. Ayaw lang niya ng pakiramdam na hina-harass siya. Gusto lang naman niya ng tahimik na buhay, mapaunlad ang shop niya at maging masaya kasama ang lalaking gusto niya.

Pinahid niya ang luha nang maalala si Kenji. Pupunta pala si Kenji ngayon sa café niya. Baka nandoon na ito sa Sweet Surrender at hinihintay siya.

Akmang ii-start niya ang kotse nang tingalain niya ang rearview mirror. Nasindak siya nang makita ang babaeng nasa salamin. Akala niya ay may iba siyang kasamang aswang sa kotse na nakaupo din sa driver’s seat. Pero siya pala iyon. Dahil sa kaiiyak niya ay kumalat na ang make up niya sa mukha niya. Nagulo na rin ang buhok niya.

“Oh, no! Hindi ako pwedeng humarap kay Kenji na ganito ang itsura,” usal niya at dali-daling inilabas ang facial wipes mula sa compartment ng kotse niya. Dali-dali niyang nilinis ang mukha niya. Hindi siya pwedeng humarap kay Kenji na parang pupunta siya sa Halloween party. Baka matakot ito sa kanya.

Nag-retouch siya at nginitian ang sarili sa salamin. Pwede na ang simpleng make up para magmukhang presentable. Sapat na para di mahalatang umiyak siya o kaya ay problemado sa buhay.

Pagdating niya sa café ni Yngrid ay nagulat siya sa sobrang dami ng tao. Nakapila ang maraming kababaihan at ibang diskumpiyado siya kung babae nga sa labas ng café. Lahat ay excited sa kung anumang mayroon sa loob. Anyareh? Ganito ba kung makipagkape si Kenji sa mga fans nito? Parang may pila ng lotto. Dumog na dumog naman ata. Di naman siguro pwedeng may program sa loob dahil di kasya ang mga tao doon.

Damang-dama niya ang excitement ng mga tao sa pila. Mukhang kailangan ng tulong ng mga tauhan niya. Akmang papasok si Yngrid sa pinto nang harangan siya ng isang nakapila doon. “Miss, bawal kang pumasok. May pila o!” mataray na sabi ng teenager na babae na sa palagay niya ay nasa sixteen pa lang.

“Oo nga, ‘Te. Nakakahiya ka naman. Majonda ka na para singitan kami,” nakataas ang kilay na wika ng bekimon na sa patpatin pero matangkad. Nakasuot ito ng violet na blouse, leggings at naka-headband na may malaking stargazer na design. Halos kalahati ng ulo nito ay okupado ng stargazer.

Nag-angalan din pati ang iba pang nasa pila dahil sa ingay ng mga ito. “Oo nga. Nakakahiya ka naman, ‘te!” Kahit ang mga nakapila na mukhang kaedad ng nanay niya ay ‘ate’ ang tawag sa kanya. Mapapaaway siya nang wala sa oras. “Kami ang mauuna kaya kami ang dapat mauna kay Kenji.”

Pilit siyang ngumiti sa mga ito. “Pasensiya na po. Ako po kasi ang may-ari ang café. Pwede na po ba akong pumasok?” magalang niyang tanong.

Biglang nahawi ang daan para sa kanya at nanahimik ang mga nag-aangalan. Nakakalokah ang dami ng tao. Parang di kakayanin ng aircon niya dahil kahit sa loob ng café ay willing tumayo ang mga tao. Walang balak na lumabas. May mga hawak pang camera at videocam ang iba. Ganito karami ang fans ni Kenji? Nakapila ang mga ito at papunta sa counter ang pila. Nasaan na si Kenji? Hindi yata niya ito makita sa dami ng mga fans nito. Baka natabunan na ito.

“Good morning, Ma’am! Welcome to Sweet Surrender,” magalang na bati ng boses ni Kenji Matsunaga. Nilingon niya ang counter at naestatwa siya nang makita na nakatayo ito sa may counter at nakasuot ng T-shirt at apron na may tatak na Sweet Surrender. Hindi ito simpleng fans day lang. Ito mismo ang nagse-serve sa customers nito bilang isa sa mga service crew niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.