When He Cries Chapter 66

“A-Anong nangyayari dito?” naguguluhang usal ni Yngrid. Bakit nakasuot ng apron ng Sweet Surrender si Kenji at kumukuha ng order ng mga customers at fans nito? Akala ba niya ay fans day? Di naman niya alam na Alipinin si Kenji Matsunaga ang affair na ito. At kahit kailan ay di niya naisip na gawing service crew ng café niya si Kenji. No way! Ito ang prinsipe niya. Dapat nga ay siya ang nagsisilbi dito habang nasa café niya. Kahit maging sex slave siya nito 24/7 ay ayos lang sa kanya.

Kaninong ideya ito? Hindi niya matanggap. Ayaw niya sa lahat ay nahihirapan si Kenji!

“Ma’am, nandito na po pala kayo,” nakangiting wika ni Frecy na may pin pa ng mukha ni Kenji ang apron. “Gusto po ninyo ng pin? Give away po ito ni Kenji sa lahat ng fans na pumunta dito sa café niya.”

“Anong nangyayari dito?” tanong niya sa dalaga. “B-Bakit nasa counter si Kenji at kumukuha ng orders sa customer?

“Ito po ang sorpresa niya sa mga fans niya. Siya mismo ang nagse-serve sa kanila bilang pasasalamat sa pagsuporta sa kanya at para daw ipakita niya na okay na ulit siya. Na nakakangiti na siya at handang mag-move on. Masaya siya at masaya ang fans niya na napagsisilbihan niya. Malaki na nga ang nakuha niyang tip. At umaga pa lang pero malaki na po ang kita natin.”

Umiling siya. “H-Hindi ko maintindihan bakit pa rin niya ginagawa ito.” Pwede naman nitong pasalamatan ang fans nito sa ibang paraan. A fan meet would do. Di nito kailangang magpakahirap at maging simpleng service crew lang.

Siniko siya ni Frecy. “Sorpresa po niya sa inyo, Ma’am. Naku! Di na tayo mahihirapan na makabayad sa upa. Tiba-tiba na ako sa kanya. May kasama pa siyang friends na model na tumutulong sa atin kaya po nakakatuwa. Nandito nga rin po ang kapatid niyang si Gui. Kasing cute niya, Ma’am,” kinikilig na wika nito.

“P-Pero wala naman akong pambayad sa kanya.”

At sumakit ang dibdib niya sa dami ng zero na dumaan sa mga mata niya. Malamang ay pagkalaki-laki ng talent fee ni Kenji at ng mga modelo nitong kaibigan. Baka hindi na niya mabayaran pa. Magkano ba ang bayad sa mga model? Ayaw na niyang isipin. Sa isang modelo pa lang ay butas na ang kaluluwa niya. Lalo na kapag Kenji Matsunaga and Company.

“Kayo na po ang kumausap sa kanya, Ma’am. Basta lang kasi niya kaming kinausap nina Armie at Jan Hubert na gusto ka daw niyang tulungan at huwag daw pong sabihin sa inyo ang plano. Nasorpresa ba kayo?”

“Oo naman,” aniya at napalunok. Parang may bikig sa lalamunan niya dahil gusto niyang maiyak. She was touched. Ginawa ni Kenji ito para sa kanya. Hindi madaling maging service crew. At hindi naman service crew ang trabaho ni Kenji pero nagpapakahirap ito para tulungan siya.

“Sa ngayon kailangan po nating mag-place ng order ng supplies. Mauubusan na po kasi tayo. Sa sobrang dami ng nakapila ngayon at may paparating pa, mukhang di rin po tayo makakapahinga.”

Hinawakan niya ang balikat ni Frecy. “Di bale. Minsan lang naman ito.”

“Good morning, Gorgeous Boss!” sigaw ni Kenji mula sa counter at kinawayan siya.

She blew him a kiss. He was an angel. Pero sa ngayon ay kailangan muna niyang tumulong dahil hindi kakayanin ng mga tauhan niya ang santambak na customers. Sa kusina siya tumuloy. Sa dami ng gagawin ay hindi na halos niya napansin ang takbo ng oras.

Maya maya pa ay inabala na niya ang sarili sa pagluluto ng pasta carbonara at paghahanda ng clubhouse sandwich para kay Kenji at sa mga kaibigan nito. Ala una na lang ng tanghali pero mukhang walang balak na maubos ang pila sa Sweet Surrender. At ayon sa naririnig niya ay may paparating pang ibang fans lalo na’t kumalat na ang picture ni Kenji kasama ang mga fans nito. May gustong dumamay, may gustong mangumusta at meron din na gustong gamutin ang sugatan nitong puso at maging susunod na girlfriend nito. Lahat naman ay ine-entertain ni Kenji nang may ngiti sa labi.

Pa-hum-hum pa siya nang lapitan siya ni Armie. Mukhang pagod na ito pero bakas ang excitement sa mga mata. Break time na nito at dahil wala nang pwesto sa labas ay sa kusina ito kakain. Naipagluto na niya ito ng honey roast pork. “Ma’am, ang dami na nating pera. Ilang oras pa lang na nandito si Kenji Matsunaga pero para sa tatlong linggo na ang na-quota natin.”

Nanlaki ang mga mata niya. “Talaga? Ganoon na kalaki ang kinita natin?” di makapaniwala niyang usal.

Sunud-sunod ang tangong ginawa nito. “Yes, Ma’am. Mabuti nga dumating na ang mga supplies natin kung hindi baka pati mga paso ng halaman natin sa labas bilhin na rin nila may mabili lang.”

Natawa na lang siya sa sinabi nito. Ganoon kabaliw ang mga fan ni Kenji dito. Idagdag pa ang kapatid nitong si Gui at ang mga hot din nitong modelong kaibigan. “Kahit naman ako siguro pati basahan at bakod sa labas bibilhin ko para lang makita si Kenji.” Sobrang swerte ng babaeng mamahalin nito. Guwapo na ito ay mabait pa. At isang mabuting tao. Hindi niya inaasahan na tutulungan siya nito sa ganitong paraan. It was a huge, huge gesture. Ngayon pa lang ay hindi niya alam kung paano makakabawi dito.

“At saka cute ang kapatid niyang football player. I like Gui. Kaso itong si Frecy kontrabida talaga. Dikit nang dikit kay Gui. Ako kaya ang nauna doon,” nakaingos na sabi ni Armie at pumadyak.

“O! Tama na. Baka magsabunutan pa kayo dahil sa lalaki,” bilin niya.

Bigla itong tumiklop. “Okay, Ma’am.”

“Uhmmm… sa palagay ba ninyo makakaya nating bayaran ang upa natin sa buwang ito? Malaki kasi ang itinaas,” sabi niya.

“Yes, Ma’am. Kahit bilhin pa ninyo si Bruno at ang nanay niya kakayanin natin,” puno ng kompiyansang sabi ni Armie.

“Puro ka talaga kalokohan. Kumain ka na lang diyan.”

“Seryoso, Ma’am. Tapos paparating pa ang mga fans na iba mamaya.”

“Huwag kayong mag-alala. Maayos lang natin itong problema kay Mrs. Dimasalanta, may bonus kayo sa akin,” sabi niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.