When He Cries Chapter 67

“Yes!” sabi nito at di magkandatuto sa pagsubo. Gutom na gutom nga ito. Deserving ng treat ang mga tauhan niya. Na-appreciate niya ang loyalty ng mga ito. Parang kapamilya na niya ang mga ito. At gusto niya na kung anuman ang pangarap ng mga ito ay magkasama-sama pa rin sila.

Nang makapagpahinga ay nagpaalam na rin si Armie. Babalik na po ako sa counter, Ma’am. Baka nilalamangan na naman ako ni Frecy kay Gui. Kaya di na ninyo ako magiging karibal kay Kenji. Kay Gui na kami ni Frecy.” At saka ito kinikilig na lumabas ng kusina.

Well, di pa naman siya tuluyang ligtas sa bayarin. Malaki ang talent fee ni Kenji. Hindi pa nila iyon napag-usapan. Oo nga’t nagprisinta ang binata na tulungan siya pero professional pa rin ito. Hindi naman pwedeng minimum lang ang sweldo nito. He was a celebrity. At bawat appearance ng isang celebrity ay may bayad. Hindi naman charity institution si Kenji. Nagpakahirap itong tulungan siya. Kakayanin kaya ng kita niya sa araw na iyon ang talent fee nito?

Bahala na. Hindi naman siguro milyon-milyon ang halaga ng appearance nito. At sa dami pa ng customers na dadating mamaya, malaki ang dapat niyang ipagpasalamat kay Kenji. Malaking exposure ito sa café niya.

Lumabas siya ng kusina na bitbit ng tanghalian ni Kenji sa tray. Pero wala na ito sa counter. Sina Frecy at Armie ang kumukuha ng order at nasa kaha habang si Gui at iba pang modelo naman ay nagdadala ng order sa mga customers. Mahaba pa rin ang pila hanggang ngayon.

“Nasaan si Kenji?” tanong niya kay Armie na nasa kaha.

“Nasa labas po. Doon na daw ang meet and greet niya.”

Kaya naman pala mas maluwag na ngayon ang loob ng café. Bagamat okupado pa rin ang lahat ng mesa ay di na iyon siksikan gaya kanina. Kaya naman pala. Nasa labas na ang aksiyon.

“Hindi ba siya magpapahinga muna?” tanong niya. Ang alam niya ay saglit lang nagmiryenda kanina ang binata. Tapos ay bumalik ulit sa counter dahil sa dami ng fans na gustong si Kenji ang magsilbi sa mga ito.

Nagkibit-balikat si Armie. “Hindi ko po alam. Lapitan na lang ninyo, Ma’am.”

Ang mga fans ni Kenji muna ang pinakain niya. Nagtira na lang siya ng para sa binata at idinala iyon sa labas. Ang maliit na hardin sa labas ng café niya ay apuno iyon ng mga nakapilang fans ng binata. Dalawa ang pila. Ang isa ay papasok ng café habang ang kabila naman ay nakapila kay Kenji. May mga fans na marahil ay opisyales ng fans club ni Kenji ang nagsilbing marshals at tagaayos ng pila sa mga nagpapapirma. “O! Ingatan ninyo ang mga resibo ninyo. Kailangan bumili muna kayo bago kayo lumapit kay Kenji,” paalala ng mga ito.

Nagulat si Yngrid dahil di niya alam na may ganoon pang pakulo. But it was really helping them a lot. Hindi rin naman nagkakagulo ang mga ito dahil disiplinado. Naririnig niya si Kenji na nire-remind ang mga ito na sana ay maayos ang pila para di magkasakitan. Nang subukan niyang lumapit ay nakatikim siya ng matalim na tingin ng iba. “Ibibigay ko lang ang tanghalian ni Kenji…sana,” sabi niya sa dalawang bading na fan na mistulang bouncer na nakabantay sa tabi ni Kenji.

Tumabi ang mga ito saka lang siya nakalapit kay Kenji. Kausap ito ang isang fan. May dalawa itong tagapaypay sa tagiliran at naroon din ang bago nitong PA na si Glaymar na laging nag-a-assist sa mga pumipirma kay Kenji. Halatang pagod na ang binata pero nakangiti pa rin ito.

“Kenji, kumain ka muna,” sabi niya. “Baka gutom ka na.”

Itinaas nito ang kamay. “Okay lang ako. Kasisimula ko pa lang dito.”

“Pero baka malipasan ka ng gutom at magkasakit ka,” nag-aalala niyang sabi. “Mas importante pa rin ang health mo.”

“Kenji, okay lang sa amin kung kumain ka muna. Kasi kanina pa kami kumakain. Masarap ang pasta and bread nila.” At nag-thumbs up ang fan na nasa unahan ng pila. Mukhang aprubado nga nito ang produkto niya. Sa katunayan ay may hawak pa nga itong pesto cheese bread na bestseller nila.

“Kung gusto mo subuan pa kita,” alok ng isang babaeng fan na sa palagay niya ay five feet lang ang taas at payat.

“Madumi ang kamay mo. Gusto mong magka-bacteria si Kenji,” kontra naman ng may kalakihang beki na kasama nito.

“E di lagyan ng sanitizer," anang payat na babae.

“Ako naka-sanitizer niya,” prisinta ng beki at dumukot ng pesto cheesebread sa loob ng paper bag nito.

“Ako ang nasa unahan ng pila. Ako na dapat ang magsusubo,” anang babae sa unahan at nanlaki ang mata. “Wait for your turn.”

“Girls, hindi ninyo kailangang mag-away,” saway ni Kenji sa mga ito.

“Yes, Kenji!” sabay-sabay na sagot ng mga fans.

“Kakain na ako maya maya.” Tumingala ito sa kanya. “Just give me a chance to sign stuffs for ten of my fans. Then I will eat. Okay.” Saka siya nito kinindatan.

“Pero Kenji…”

Ibinalik ulit ng binata ang atensiyon sa babae sa unahan at di na pinansin ang protesta niya. “I really appreciate you coming here,” wika ni Kenji matapos pirmahan ang resibo at ang scrapbook ng fan.

“Hindi naman namin palalampasin ang chance na makita ka at makasama lalo na’t wala na si Margaret sa buhay mo,” kinikilig na sabi ng babae na hanggang tainga ang ngiti.

“Dati naman ninyo ako nakikita kahit noong girlfriend ko pa siya,” nakangiting sabi ni Kenji subalit nahimigan niya ang strain sa boses nito. Parang nasasaktan pa rin ito kapag napag-uusapan ang dating kasintahan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.