When He Cries Chapter 68

Tumirik ang mata ng babae at niyakap ang scrapbook nito. “Hindi ka naman namin nasosolo. Lagi na lang nakadikit ang ex-girlfriend mo sa iyo. Kapag kinausap ka namin, sinisimangutan kami. Kapag naman magpapa-picture tayo, pati siya sumasahog sa picture. Hindi ka namin maka-moment. Nakaka-jirita talaga.”

“Oo nga. Panira ng moment ang ex mo,” sang-ayon naman ng iba.

Napailing na lang si Kenji. Sumilay ang lungkot sa mga mata nito. Di niya alam kung dahil nalulungkot ito dahil sa ginawa ni Margaret sa mga fans nito o dahil ayaw ng mga fans ng binata kay Margaret. “Sorry, guys. Hindi ako aware doon,” anitong parang na-shock. “I… I thought you were okay with Margaret. Hindi ko rin alam na sinisimangutan niya kayo. H-Hindi ko talaga napansin.”

Bulag nga marahil ang pag-ibig. Kapag nagmahal ka ay hindi mo nakikita kung ano ang hindi maganda o mali sa taong mahal mo. Lahat kasi ng nakikita mo sa kanya ay maganda o tama. Parang ngayon natakpan ang piring sa mata ni Kenji. And she felt bad for him.

“Gusto nga naming kalbuhin ang bruhitang iyon matapos ang ginawa sa iyo,” nanggigigil na sabi ng isang babaeng mukhang office girl sa likuran pa ng pila. Parang tumakas pa ito sa trabaho.

“At gusto ka naming i-hug nang makita kang umiyak. Hurt na hurt kami,” wika ng isang fan na naka-uniform pa ng isang unibersidad sa Mendiola.

“I really appreciate your concern, love and sympathy for me. But let’s still respect Margaret. Desisyon niya iyon na maghiwalay kami at makipag-date sa iba. Saka nakaka-move on naman ako. Mas mapapabilis ang pagmo-move on ko dahil sa inyo,” malumanay na sabi ni Kenji.

“Sa akin?” tanong ng nasa unahan ng pila.

“Inyo ang sabi, ‘Te. Meaning damay-damay tayo. Huwag mong solohin si Kenji,” anang dambuhalang beki.

“Kenji, ibig bang sabihin mas madalas ka na naming makakasama ngayon?” excited na tanong ng fan na mukhang lola na.

“Yes. Dito ako madalas sa Sweet Surrender,” sabi ni Kenji.

“Hoomayygassshhh! Kahit na sa Paranaque pa ako galing dadayuhin ko ito,” wika ng isang chubby na girl sa likuran.

“Kahit na wala ako dito, sana suportahan pa rin ninyo ang friend ko na si Yngrid,” wika ni Kenji at inilahad ang kamay sa direksyon niya. “She owns the café. Gusto ko dito dahil nakaka-relax ang atmosphere. It has a homey feeling. A perfect place to chill out with friends and family. Yngrid will take care of you.”

“Hi!” aniya at kumaway sa mga fans ni Kenji. “Salamat sa pagbisita sa café ko. Sana hindi ito ang huli.”

“Of course. Madadalas ako dito. Ang friend ni Fafa Kenji at friend din namin. So okay lang ba na i-hug kita, Miss Yngrid?” tanong ng fan ni Kenji, ang payat na babae sa unahan ng pila.

Nagulat siya noong una. Bakit naman siya nito iha-hug? Samantalang kanina lang ay parang gusto siyang kalbuhin ng fans nito nang akala ay sisingit siya. Pero parang ine-expect ng lahat na maging mabait siya at tanggapin ang hug na iyon. After all, lahat naman sila ay fans ni Kenji. Bawal siyang mag-inarte.

“Of course,” aniya at tinanggap ang yakap na iyon ng fan ni Kenji.

“Basta friend mo lang si Kenji. Huwag mong aagawin sa amin,” mariing na banta ng babae sa kanya.

Tumawa lang siya. “We are good friends.”

Good friends naman talaga sila para kay Kenji. Di naman ito aware na pinagnanasaan niya ito.

“Okay lang naman na ma-in love ulit si Kenji basta huwag lang siyang paiiyakin at ipagpapalit sa iba. Katulad ko.” At umubo si Momay, ang isa sa mga fan ni Kenji na nagpapaypay dito.

“Ambisyosa lang! Daganan kaya kita diyan?” wika naman ni Mommy Chox, ang isa sa mga marshall na nagbabantay sa pila.

Pasimple lang na kumain si Kenji pero patuloy pa rin ito sa pagpirma. Bumalik siya sa loob ng café pero di niya maiwasang lingunin ito. Nagulat na lang siya nang tabihan siya ng kapatid ni Kenji na si Gui. “Hayaan mo lang si Kuya. Sanay iyan sa gutuman at pagod. Saka marami ring bigay na pagkain sa kanya ang fans niya. I am sure hindi naman iyan nagugutom.”

“Pero iba pa rin kung ako ang mag-aalaga sa kanya,” nausal niya bago pa niya mabawi. At nakangisi niyang tiningala si Gui. “As a friend, of course. At tinulungan niya ako dito sa café kaya responsibilidad ko siyang alagaan.”

“Uhummm… you like my brother?” nanunukso nitong tanong habang may ngiti ang mga mata at nakaangat ang isang gilid ng labi nito.

Umiling siya at iniwas agad ang tingin dito. “No. He is just a friend.”

Pambihira naman itong si Gui. Nabuko pa siya. Ganoon ba siya ka-transparent? Kung alam ni Gui, di kaya alam din ni Kenji?

Inilapat nito ang hintuturo sa labi nito. “Hindi ko naman ipagsasabi kung gusto mo si Kuya. As a matter of fact, pwede pa kitang ilakad sa kanya. Bibigyan pa kita ng tips kung paano mo siya mapapaamo. Para iwas friendzone ka.”

Nagningning ang mata niya. “Talaga?”

Ayos ito! Mga sekretong impormasyon tungkol kay Kenji mula sa mismong kapatid nito. Sino ba naman siya para tumanggi?

Humalakhak si Gui. “See? You really like him.”

“Wag kang maingay. Baka may makarinig sa iyo. Kuyugin pa ako ng fans niya,” pananaway niya dito at hinila ito sa isang tabi. Ayaw niya ng gulo. Parang mga pating ang fans ni Kenji. Makasinghot lang ng dugo ay tiyak na sasagpangin siya at di siya iiwan hangga’t di siya luray-luray. Mahal pa niya ang buhay niya, thank you.

Biglang naging seryoso si Gui at lumamlam ang mga mata. “I love my brother. He is the kindest person I know. Di ko alam kung ano pang ginawa ni Margaret sa kanya. But he is broken inside. At sa palagay ko malaki ang naitulong mo sa kanya para maka-move on. I want to see him happy.”

“So do I.” At gagawin niya ang lahat para mapasaya ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.