Hindi gusto ni Yngrid ang nakikita. Bukod sa ayaw niya ang presensiya ni Bruno sa harap ng bahay niya ay ayaw din niya ang itsura nito nang mga oras na iyon. May hawak ito ng bote ng Black Label Jack Daniels at tinutungga iyon. Hahapay-hapay ang ulo nito at nakapikit ang mata na parang inaantok. Mukhang lasing na ito.
Pinindot niya ang busina. Nakuha niyon ang atensiyon ng lalaki. Dali-dali itong tumayo at muntik pang matumba dahil na rin sa pagmamadali. Pilit pa rin itong naglakad at tumayo sa harap ng kotse saka idinipa ang mga kamay na parang yayakapin siya. “Yngrid! Yngrid, nandito ka na. I love you, Yngrid!
Ano na naman ba ang kailangan nito? Ang alam niya ay idinala muna ito ng nanay nito sa farm ng mga ito sa Quezon dahil may irereto na naman daw na heredera dito. Nakahinga siya ng maluwag dahil baka sakaling makasagap ito ng preskong hangin doon at tantanan siya. Pero heto na naman ito at nanggagambala sa kanya. Ano bang dapat niyang gawin dito?
Di naman niya ito pwedeng i-ban sa subdivision dahil may sariling property ang pamilya nito doon dahilan kaya malaya itong nakakapasok. Kaya wala siyang magawa kapag basta na lang itong sumusulpot sa harap ng bahay niya.
Pinindot ulit niya ang busina. “Umalis ka diyan!” utos niya at sinenyasan ito nang paghawi ng palad niya para umalis sa harap ng kotse niya.
Sa halip na umalis ay isinandal pa nito ang sarili sa pader habang nakadipa ang mga bisig. “Yngrid! Yngrid, hindi ako aalis dito hangga’t di mo ako kinakausap.”
Umungol siya. Ano pa ba ang gusto nitong pag-usapan nila? Wala naman na silang kailangan pang pag-usapan. She was tired. Gusto na niyang matulog. At wala siyang oras para pagtiyagaan ang kalokohan at kalasingan nito. Lalo lang umiinit ang ulo niya kapag pagod siya. Baka mawalan siya ng pasensiya dito. Ayaw niyang managasa ng tao sa totoo lang.
Pinanggigilan na niya ang busina. “Alis! Umalis ka diyan!” pagtataboy niya. Wala siyang pakialam kung magising man ang buong subdivision. Ang gusto niya ay umalis si Bruno sa harapan niya.
“Mahal kita! Hindi ako aalis dito hangga’t di mo ako kinakausap. Hangga’t di mo sinasabi na mahal mo ako,” wika ng lalaki at lalo pang ipinagdiinan ang sarili sa gate niya. Kung pwede nga lang ay idikit na nito ang sarili sa gate ay baka ginawa na nito para lang hindi ito makaalis dito.
Sheesh! Paano na naman siya nasuot sa ganitong sitwasyon. Paano ba niya ito mapapaalis sa gate niya para makapasok na siya sa bahay niya? Of course, hindi naman niya ito pwedeng pwersahin. At labag naman sa batas at konsensiya niya kung sasagasaan niya ito kahit pa nga ba kating-kati na siyang tapakan ang pedal ng gas. Konting pasensiya pa, Yngrid. Kalma ka lang. Keep your murderous thoughts away. Inhale. Exhale.
Huminga siya ng malalim ng ilang beses. Kaya niya ito. “Hindi kita mahal. Umuwi ka na. Tatawag ako ng security. Wala akong pakialam kung may property kayo dito pero ipapa-ban kita dito.” Nag-dial siya ng number sa guardhouse. “Hello, sa Purpose Street ako. Sa Lot 5, Blk. 7…”
“Kundi mo ako kayang mahalin, magpapakamatay na lang ako.”
Hindi pinansin ni Yngrid ang banta ni Bruno. It must be a threat due to his drunken stupor. Nagpatuloy siya sa pagbibigay ng instruction sa security. Sana lang ay mabilis na rumesponde ang mga ito.
Umangat ang tingin ni Yngrid nang marinig siya ng pagkabasag ang bote. Akala niya ay nabitawan ni Bruno ang bote ng alak dahil na rin sa kalasingan nito. Nanlaki ang mata niya nang makitang ihinampas ni Bruno ang bote ng Black Label Jack Daniels sa gutter ng kalsada. Kumalat ang bubog at ang alak sa kalsada pero wala itong pakialam.
Nanlaki ang ulo niya nang itutok ni Bruno ang basag na bote sa dibdib nito. Drat! Magpapakamatay talaga ito. Nanlaki ang ulo niya. Malay ba niyang tototohanin pala nito ang banta nito.
Naloko na. Nasaan na ba ang security? Bakit matagal dumating? Walang ibang pwedeng tumulong sa dito ngayon kung siya lang. Kailangan niyang pigilan ang pagpapakamatay ni Bruno. Hindi iyon kaya ng konsensiya niya.
Binuksan niya ang kotse at dali-daling lumabas. “Bruno, huwag! Huwag mong gawin iyan. Please. Huwag kang magpakamatay!”
Sumibi ang lalaki at umiyak na parang batang inaapi. “G-Gusto ko nang mamatay. Pagod na pagod na akong magmahal. Pagod na pagod na akong magmakaawa sa pag-ibig mo. Lahat naman ginawa ko para sa iyo.”
Nakadama si Yngrid ng awa dito. Madalas siyang naiinis kay Bruno. Feeling niya ay malaki itong peste sa buhay niya. Pero habang pinagmamasdan ito ay di niya maiwasang malungkot. Ayaw naman niyang makasakit ng kapwa niya ng ganito. Nasobrahan na ba siya sa pagtrato kay Bruno? Masyado ba siyang malupit? Kundangan ay may katarayan kasi siya. Kaya kailangang maayos niya ito ngayon.
“Please. Pag-usapan natin ito,” malumanay niyang sabi at dahan-dahang lumapit dito habang nakaunat ang kamay. “Akin na ang bote.”
Umiling ito si Bruno at idinikit pa ang bote sa sarili. “Ayoko. Hindi mo naman ako mahal. Hindi mo naman ako mahalin. Palagi mo na lang akong sinasaktan. Kaya mabuti pang mamatay na lang ako. Para hindi mo na ako masaktan pa.”
“Huwag mong saktan ang sarili mo, Bruno. Sabi mo gusto mong mag-usap tayo. Nandito na ako. Pwede mo na akong kausapin. Pero di tayo magkakausap nang mabuti kung hawak mo ang boteng iyan,” anang si Yngrid sa malumanay na boses at lumapit pa dito. Kinakabahan din siya at natatakot sa mga nangyayari. Maari siyang saktan nito kapag lumapit pa siya pero hindi rin naman niya matitiis na may masaktan o ang mas malala ay may mamatay dahil sa kanya. Hindi iyon ang intensiyon niya kay Bruno. “Sige na. Ibigay mo na sa akin ang bote. Please,” mas malambing niyang sabi.
Humagulgol lang ng iyak si Bruno at hinayaan siyang hawakan ang kamay nito. Pero biglang piniligan ng malaya nitong kamay ang kamay niya. Hindi mahina ang kamay na humawak sa kanya. Malakas iyon. May pwersa. Parang hindi kamay ng isang lalambot-lambot na lasing.
Maang niya itong tiningnan. “Anong…”