When He Cries Chapter 75

“Sabihin mo na mahal mo ako,” utos ni Bruno.

“Ano?” bulalas niya.

“Sabihin mo na mahal mo ako!” At bahagya pang dumiin ang pagkakahawak nito sa kamay niya na parang may kasamang pagbabanta. Na kapag di nito nagustuhan ang sagot niya ay may mangyayaring di maganda.

Pero di naman niya papatulan ang kalokohang ito. Kahit pa sabihin niyang lasing ito ay di niya ito papatulan. Ayaw niyang magsinungaling sa nararamdaman niya. “P-Pero hindi ko naman pwedeng…”

Tumigas ang anyo nito at nanlisik ang mata. “Hindi mo ako mahal,” mariin nitong wika at humigpit ang pagkakahawak nito sa pulsuhan niya. Hindi na iyon simpleng pagbabanta lang. Parang handa nitong baliin ang kamay niya.

“A-Aray!” igik ni Yngrid. “Bruno, bitiwan mo na ako. Please.”

Pumaikot ang braso nito sa harap ng balikat niya at isinandig siya sa katawan nito. Nanlaki ang mata niya nang itutok nito ang basag na bote sa leeg niya. Sakai to bumulong sa kanya. “Nagmakaawa ako sa iyo. Ginawa ko na ang lahat pero di mo pa rin ako mahal. Dahil sa lalaking iyon? Kaya hindi mo matanggap ang pagmamahal ko dahil sa kanya?”

Ginapangan ng kilabot ni Yngrid. Ito na nga ba ang kinatatakutan niyang mangyari. Ang mapahamak siya dahil sa awa niya at konsensiya. Malakas ang kabog ng dibdib niya at nanlalamig ang buong katawan niya. “P-Pag-usapan natin ito, Bruno. H-Hayaan mo na lang ako. Pakawalan mo na ako,” aniya at napalunok. Kahit ang paglunok ay masakit para sa kanya. Parang sasabog ang dibdib niya sa sobrang kaba.

Nanlisik ang anyo ni Bruno at idiniin pa sa leeg niya ang basag na bahagi ng bote. Hindi siya makagalaw. Di siya halos makahinga. “Hindi kita pwedeng hayaan sa lalaking iyon. Hindi ko kayo hahayaan na maging masaya. Kung hindi ka magiging akin, mabuti pang pareho na lang tayong mawala.”

Nanlaki ang mata niya nang iangat nito ang bote at akmang isasaksak sa kanya. She saw her life pass by through her eyes. Ganito ba kapag mamamatay na? Nanigas na lang ang buong katawan niya. Hindi niya magawang sumigaw o humingi ng saklolo. Mariin siyang pumikit at napausal na lang ng dasal habang hinihintay na tumagos ang talim ng basag na bote sa dibdib niya.

Bahala na ang Diyos sa kanya nang mga oras na iyon. Pero bago sana siya mamatay ay nakapagpaalam siya sa mga taong mahalaga at importante sa kanya. Di siya nakapagpaalam sa magulang niya. Sa mga kaibigan. Ni hindi man lang niya nasabi kay Kenji ang nararamdaman niya para dito. Mamamatay siya nang maraming pagsisisihan sa buhay niya.

“Huwag!” narinig niyang sigaw ni Kenji mula sa kung saan.

Kasunod niyon ay ang kahulan ng tatlong aso. Nang tumingin siya sa direksyon ng tunog ay nakita niyang pinakawalan ni Kenji ang mga aso nito at tumatakbo pasugod sa kanila ni Bruno. Mukhang mababangis ang mga ito. Kahit ang Pomeranian na si Rhodora ay nakisugod din.

Naramdaman ni Yngrid ang paninigas ni Bruno sa likuran niya. Lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanya at binitiwan siya sa labis niyang pagtataka. Bakas ang matinding takot sa mukha nito na parang nakakita ito ng halimaw. Bigla na lang itong kumaripas ng takbo palayo sa kanya. “Huwag! Huwag kayong lalapit!” sigaw nito saka itinapon ang basag na bote. Takot pala ito sa aso.

Napaupo na lang siya sa kalsada sa labis na panlulumo. Akala talaga niya ay tuluyan na siyang sasaksakin ni Bruno. She was safe now.

Subalit mabilis na tumahip ang dibdib niya nang marinig ang papalapit na kahol ng mga aso. Nang lumingon siya ay nakita niyang pasugod ang mga aso ni Kenji sa direksiyon niya. Mukhang mababangis ang mga ito at maangil. Bumalik na naman ang trauma niya nang sugurin siya ng asong si Missy sa Camiguin. At ngayon ay tatlo pa ang mga ito. Malaki o maliit man ang aso ay mabangis kapag nangagat o nanlapa.

Hindi siya makagalaw sa kinauupuan niya. Wala siyang lakas. Yumukyok na lang siya at pinrotektahan ang sarili niya mula sa pagsalakay ng mga ito.

Lumapit nang lumapit ang mga kahol sa kanya. Mariin siyang pumikit hanggang halos naramdaman niya ang hininga ng mga ito. Ang pagaspas ng balahibo ng mga ito sa balat niya. Ang pagbaon ng mga pangil….

Pero walang bumaon na pangil sa kanya. Nagtuloy-tuloy lang sa pagtakbo ang mga aso at nilagpasan siya ng mga ito. Nang iangat niya ang mga mata ay nakita niyang hinahabol ng mga ito si Bruno.

Dahil na rin sa kalasingan ay hahapay-hapay ito nang tumakbo. Kaya naman napakadali para sa mga aso ni Kenji na habulin ito. Dinambahan ito ni Missy at napadapa ito sa kalsada. Tinapakan ito ni Misty sa likod at tinahulan nang tinahulan. “Huwag po! Huwag po! Mommy, tulungan ninyo ako! Mommy”

Dinaluhan siya agad ni Kenji. “Yngrid!”

Ibinuka niya ang bisig at niyakap ito nang mahigpit. Nanginging ang katawan niya nang humagulgol siya ng iyak. “K-Kenji, natatakot ako. Papatayin niya ako kanina. Papatayin niya ako. Kung hindi ka dumating…”

Hinaplos nito ang katawan niya. “You are safe now. Di ka na niya masasaktan. I am here.”

Hindi siya nito binitiwan hangga’t di siya tumitigil sa panginginig. It was scary. Natatakot siyang gumalaw. Akala talaga niya ay katapusan na niya. Na hindi na niya magagawa ito. Na hindi na niya makakasama si Kenji. Na hindi siya nito mayayakap.

Mariin siyang pumikit at ninamnam ang init ng katawan nito. Maya maya pa ay may dumating na electronic jeep at isang motorbike. Sakay ng mga iyon ang security ng subdivision. “Tulungan ninyo ako! Alisin ninyo ang mga asong ito!” pagmamakaawa ni Bruno. “Papatayin nila ako. Papatayin nila ako.”

Lumapit sa kanila ang isa sa mga guwardiya. “Sir, ano pong nangyari dito?”

“Naabutan ko na sinasaktan niya si Yngrid. Sasaksakin ng basag na bote,” wika ni Kenji at matalim na tiningnan si Bruno. “Dalhin ninyo siya sa presinto. Hindi ako papayag na makawala siya basta-basta ng kulungan sa ginawa niya.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.