"Sir, bukas na lang kami magbibigay ng statement,” wika ni Kenji sa desk officer na siyang nag-handle ng blotter nila laban kay Bruno.
Nakaupo lang siya sa isang upuan habang yakap ang sarili. Nakaakbay naman sa kanya si Kenji at di siya iniwanan. Nawala na ang panginginig ng katawan niya dahil sa nangyari, but she was still in deep shock. Di pala ganoon kadali na makawala sa traumatic na pinagdaanan niya. Tuwing naiisip niya iyon ay natatakot pa rin siya lalo na’t nasa di kalayuan pa rin si Bruno. Sinubukan niyang magbigay ng statement niya pero nanginginig pa rin siya. Kaya kung ano na lang ang salaysay ni Kenji ay iyon na lang muna ang kinuha.
“Wala pong problema, Sir,” anang pulis kay Kenji. “Kami po ang bahala diyan kay Bruno Dimasalanta. Di po siya pwedeng luluko-luko dito.”
“Basta tiyakin lang ninyo na hindi makakalabas iyan sa loob ng kulungan.” At matalim na tiningnan ni Kenji ang direksyon ng kulungan kung saan na nakalagak si Bruno. Nakatulog na ito sa pinagsama-samang takot sa mga aso at kalasingan.
Nang mahuli ng security ay idinala na si Bruno sa pulisya. Parang wala ito sa sarili kahit na wala nang aso sa paligid. Pakiramdam nito ay lalapain pa rin daw ito. Mabuti pa ito ay nakatulog na. Samantalang siya ay gising pa rin at di pa rin tuluyang nakakabawi sa bangungot na pinagdaanan niya.
"Sige po, Sir,” anang pulis at kinamayan si Kenji. Sinenyasan nito ang pinaka-head ng security ng subdivision na naghihintay sa kanila sa di kalayuan.
"U-Uuwi na tayo?" tanong niya kay Kenji nang alalayan siyang tumayo.
"Yes. You need to rest,” wika nito sa malumanay na boses at hinapit ang katawan niya palapit sa katawan nito.
"Pero ayoko pang umuwi.” A shiver ran through her spine.
Pansamantala lang ang pagkakakulong ni Bruno. Natatakot na sa gitna ng pagtulog niya o sa gitna ng dilim ng gabi ay basta na lang susulpot si Bruno sa bahay kung mag-isa siya habang may hawak na basag na bote at itatarak sa dibdib niya. Natatatakot siya na baka wala na si Kenji at ang mga aso niya sa pagkakataong iyon para sagipin siya. Natatakot siya… Natatakot siya….
"Pero hindi agad makakalabas si Bruno hangga't di natin sinasabi. Tatlong araw siya diyan hangga't walang sinasampang kaso sa fiscal. Kapag meron na, kailangan pa niyang magpiyansa para makalabas,” paliwanag ni Kenji sa kanya. “I won’t let him harm you. Umuwi na tayo? I want you to rest. You need it.”
Bahagya siyang kumalma sa paniniyak nito. Tumango siya at hinayaan siyang alalayan papunta sa kotse nito. Binuksan nito ang pinto at inalalayan siyang makaupo. Nang nakaupo na ang binata sa driver’s seat ay ito pa mismo ang nag-lock ng seatbelt niya. “Salamat,” nausal niya.
Hinaplos nito ang pisngi niya. “Walang anuman.” At saka nito nakangiting in-start ang sasakyan.
Nang bahagya siyang nag-relax ay saka niya napansin ang oras. Alas tres na nang madaling araw. Dapat ay nagpapahinga na si Kenji. "Pasensiya na kung naabala kita. H-Hindi ko naman kasi inaasahan na mangyayari ito.”
"Okay lang. Mahalaga ligtas ka,” masuyong sabi nito at may lungkot sa mga mata nang tingnan siya. “Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kundi ako dumating sa tamang oras. That was so close.”
Niyakap ni Yngrid ang sarili. “I know. Kung wala ka nga siguro, baka wala na ako ngayon.”
Gahibla lang ang pagitan ng buhay at kamatayan. Sabi nga ay sa kamatayan daw pinakamalapit ang tao. Hindi mo alam kung kailan ka kukunin sa mundo. Maaring mangyari iyon sa isang iglap lang.
Pinanlalamigan siya ng katawan. Pakiramdam niya ay malapit siya sa kamatayan kapag bumalik siyang bahay. Malapit kay Bruno.
"P-Parang di ko gustong umuwi,” nausal niya. She wanted to clear her thoughts. Parang gusto niyang magpunta sa isang lugar kung saan hindi niya maiisip ang mga hindi magagandang nangyari.
Bumuntong hininga si Kenji at puno ng pag-aalala sa mga mata nang lingunin siya. "You have to rest. Tinawagan ko na ang kaibigan mong si Dreamilyn kanina. Sinabi ko na kailangan ka niyang puntahan sa bahay mo."
"Bakit?" tanong niya.
"Para may kasama ka. Pupunta daw sila kasama ang friend mo na si Justine.” Hindi na niya naisip ang mga kaibigan niya. Ni hindi nga niya naisip ang mga magulang niya. Nawala na sa isipan niya ang mga ito. Hindi kasi niya alam ang gagawin kanina. Wala siyang focus sa dapat gawin. “And of course, I will stay with you,” Kenji said in a comforting voice. “Basta kailangan mo ako, hindi kita iiwan.”
Kenji saved her life. Masyado nang malaking abala dito ang lahat ng tulong nagawa nito para sa kanya. She didn’t want to impose. "You have a pictorial tomorrow. Baka mapuyat ka." Alam naman niyang sa mahalaga dito ang magpahinga lalo na’t katawan nito ang puhunan nito.
Nagkibit-balikat ang binata. "Sa hapon pa naman iyon. Huwag ka nang kumontra at ipanatag mo ang sarili mo. Okay?"
"Okay,” usal niya at isinandal niya ang ulo sa sandalan habang pilit na pinapapanatag ang sarili.
Kailangan niyang maka-recover. Kailangang mawala ang takot niya. Kailangan niyang maging malakas. Masyado na niyang naabala si Kenji. At habang nakikita nito na natatakot siya ay di siya nito maiiwanan.
Bagamat gusto niyang manatili ito sa tabi niya para alalayan siya ay ayaw naman niyang magsakripisyo pa ito para sa kanya. Kailangan niyang maging matatag. Sobra-sobra na ang nagawa ni Kenji sa kanya para abalahin pa niya.
Nang dumating siya sa bahay niya ay naghihintay na sina Dreamilyn at Justine sa kanya. Pagbaba pa lang niya ng kotse ay sinalubong na siya ng yakap ng mga ito. “Anong nangyari?” tanong agad ni Dreamilyn at hinipo ang ulo at braso niya. "Okay ka lang ba? Anong ginawa sa iyo ni Bruno?"