“Saan ka nanggaling kagabi?” nakataas ang kilay na tanong ni Dreamilyn.
Nakapamaywang agad ito pagpasok pa lang niya ng bahay niya. Pakiramdam niya ay isa siyang teenager na kinokompronta ng nanay niya matapos tumakas at makitulog sa bahay ng iba.
Ngumiti siya at itinaas ang dalawang kamay. “Good morning, Mother Superior! Pwede bang maghilamos muna ako at mag-toothbrush saka magsuklay ng buhok bago mo ako sermunan?” Akmang bubuka ang bibig nito nang putulin niya ng “thank you”, at saka siya nagtungo sa kuwarto niya.
Pero di siya tinantanan ni Dreamilyn. Sinundan pa rin siya nito sa kuwarto at nakabantay sa pinto ng banyo niya. As if naman tatakasan niya ito. “Alam mo ba na nataranta kami dahil paggising namin ni Justine ay wala ka? Tapos wala rin ang bodyguard dito kaya akala namin kung saan ka na nagsuot. Iyon pala nasa kabilang bahay ka lang. Ano naman ang ginawa mo doon? Ngayon ka lang umuwi. Anong oras na? Alas nuwebe na ng umaga.”
Yngrid took her time brushing her teeth and washing her face. Akala naman niya kapag na-in love itong si Dreamilyn sa isang rockstar ay magiging cool na cool na ito. Hindi pa rin kumukupas ang pagpapakananay nito.
Tapos na siyang maghilamos at tinutuyo ng bimpo ang mukha nang matapos ang sermon nito at pinamaywangan niya. “Anong masasabi mo?”
“Sinubukan kong matulog kagabi pero di pa rin ako mapakali. Umiinom ako ng tsaa nang i-text ko si Kenji. Nagkataon naman na gising din siya. H-Hindi kasi ako komportable dito sa bahay. Kaya doon muna ako kasama ng mga aso. Mas komportable ako kay Kenji kaya ipinaglatag niya ako ng higaan sa sala at sa kabila na lang ako nag-sleepover. Nakabantay pa nga ang bodyguards sa labas. Nandoon lang ako. Hindi nila ako iniwan,” matiyaga niyang paliwanag.
Natutop ni Dreamilyn ang dibdib. Shock na shock ang anyo nito at kulang na lang ay mapaantanda at mapausal ng ‘Mahabaging langit’. “Sleepover?” tanong nito sa mataas at histerikal na tono. “Heto kaming dalawa ni Justine. Katabi mo kaming natulog. Nandito kami para samahan ka kung kailangan mo kami. Pagkatapos habang tulog kami ay dumayo ka sa bahay ng iba. Nakitulog ka sa bahay ng lalaki? Ano ba naman ang iniisip mo, Yngrid? That is not proper.”
Nanghaba ang nguso niya. Sa tanda niyang ito? “Ayoko na kayong abalahin. Mahimbing ang tulog ninyo. Alam ko na pagod kayo at may trabaho pa kayo ngayong umaga.”
“Sus! Gusto mo lang magka-moment kay Kenji,” pang-aasar ni Justine.
“Gee! Thanks!” At pinanlakihan niya ng mata si Justine. Di man lang siya nito dinepensahan ng bahagya. Ibinuko pa siya nito. Lalo pa siya nitong ibinaon sa hukay. “Wala namang malisya ang pagtulog namin nang magkatabi. Ano naman ang gagawin namin? Nandoon ang mga anak niya.”
“Anak?” tanong ni Justine.
“Oo. ‘Yung mga aso niya. And Kenji is a perfect gentleman. Inalalayan niya ako. He made me feel safe,” paliwanag niya. “Hindi niya ako sinamantala. At wala kaming ginawang masama.” Saka niya pinanlakihan ng mata si Dreamilyn para idiin ang punto niya. Yes, what she did was not “proper” to her conservative friend’s eyes. Pero ang katwiran niya sa buhay ay hangga’t wala siyang ginagawang labag sa batas, wala rin namang nangyari sa kanila ni Kenji, walang masama doon.
“Kahit na…”
“Okay lang naman sa akin kung kay Kenji ka natulog,” malumanay na putol ni Justine sa pagkontra ni Dreamilyn. “Mukha namang nakabuti sa iyo. Hindi rin madali ang pinagdaanan mong trauma kagabi.”
“Malaking tulong sa akin na katabi ko ang mga aso ni Kenji. Parang na-therapy nila ako.”
“At si Kenji?” dagdag ni Justine na may pilyang ngiti sa labi.
“Kasama na rin iyon,” pag-amin niya at di maiwasang mapangiti nang maalala ang nangyari nang makatabi niya si Kenji. “Parang nabura lahat ng masasamang alaala sa akin kagabi nang makasama ko siya. Ligtas ang pakiramdam ko habang yakap niya ako. At hindi ko iyon naramdaman kahit pa palibutan ninyo ako ng bodyguards. Hindi ako alam kung maiintindihan ninyo ako. Pero si Kenji mismo ang kailangan ko nang mga sandali na kailangan ko ng kapahingahan, ng kapayapaan. He made me forget. Pinaisip lang niya sa akin ang lahat ng magagandang bagay. Pinalitan niya ng masarap na pakiramdam ang lahat ng masamang nararamdaman ko. Kung wala si Kenji, pakiramdam ko mababaliw ako. Maiisip ko lang ang masasamang nangyari sa akin.”
Mataman siyang pinagmasdan ni Dreamilyn. “Fine. Kung diyan ka masaya at matatahimik, hahayaan kita. Just… alam mo na ang tama at mali. Matanda ka na.”
Pinagsalikop niya ang mga kamay. “Yes, Mother Superior.”
“Sige na. Bumaba na tayo para makapag-agahan,” wika ni Dreamilyn.
May kapilyahan ang ningning sa mga mata ni Justine nang kalabitin siya habang nakasunod sila kay Dreamilyn at pababa ng hagdan. “Did you kiss?” bulong ni Justine.
“Shhh!” saway ni Yngrid dito at pasimpleng tumango.
“You two kissed!” tili ni Justine. “Shocksss!! Nag-kiss nga kayo!!!”
Mariin siyang pumikit. Naku! Kundi lang masama ay baka naitulak niya ito sa hagdan sa inis niya. Di lang yata si Dreamilyn na matiim ang tingin sa kanya ang nakarinig ng pambubuking ni Justine. Pati ang buong baranggay ay alam na ang nangyari sa kanila ni Kenji kagabi.
“Ang ingay mo! For therapy lang iyon kaya ko siya hinalikan. Para mawala ang lahat ng negative na memories ko,” palusot niya kahit na nag-iinit ang mukha niya. I can pull this off. I can make this believable.
Sa gulat niya ay biglang humalakhak si Dreamilyn. “Oh! You are blushing. Ngayon lang kita nakitang nag-blush, Yngrid.”
Natigagal siya. “H-Hindi mo ako sesermunan, paluluhurin sa monggo at asin habang nakadipa at may makapal na libro sa magkabilang braso?”
“No. Matanda ka na. If you two want to kiss, that is fine. Pero kiss lang,” she ended in a stern note. “Ikaw din, Justine! Huwag basta-basta isusuko ang Bataan.”
“O! Narinig mo iyon?” sabi pa ni Justine sa kanya. “Huwag mo daw angkinin ang puri ni Kenji.”
Inirapan niya ang kaibigan. “Tse! Ano bang iniluto ninyo sa akin?”
“Bumili kami sa labas. Wala naman halos makakain dito sa bahay mo. Paano mo ii-impress si Kenji kung wala man lang kapagka-pagkain dito?” tanong ni Dreamilyn.