“LOOK what you’ve done to my son. Idedemanda ko kayo. Kayo ng mga aso ninyo! Na-trauma siya sa ginawa ninyo. Ipinalapa ninyo siya sa aso. Tapos ay ipinakulong pa ninyo. Hindi siya makakain doon. Wala siyang matulugang matino. Mabaho. Mapanghi. Pinapak siya ng mga lamok. Ni di ko nga pinadadapuan sa lamok iyan. Hindi makatarungan ang ginawa ninyo! Magbabayad kayo.”
Pilit na pinatatatag ni Yngrid ang sarili habang naghihisterikal si Mrs. Dimasalanta. Arraignment iyon ng kaso na isinampa niya laban kay Bruno. Nakaharap siya sa fiscal na nasa puno ng mahabang mesa. Nakapagitna siya kay Kenji at sa abogado niyang si Attorney Chavez na puti na ang lahat ng buhok. Habang katapat naman niya si Bruno na mukhang lulugo-lugo at nangangalumata.
“Misis, kumalma lang po kayo para masimulan na natin ang pag-uusap na ito,” wika ng fiscal.
Sa paghaharap na ay aalamin kung asunto o areglo. Kung itutuloy ang kaso o sa magkakaayos na lang sila doon mismo. At base sa madamdaming speech ni Mrs. Dimasalanta ay mukhang palaban ito. Balak pa nitong magsampa ng kontra-kaso pati sa mga… aso ni Kenji? Kung wala lang siya sa mismong sitwasyon ay baka bumulanghit na siya ng tawa. That was absurd. Di niya alam kung nakainom din ng Black Label Jack Daniels ang ginang.
“Hindi pa ako tapos!” angil nito sa fiscal at siya naman ang dinuro. “At ikaw na malanding babae ka, isinama mo pa talaga dito ang lalaki mo para lang pasakitan ang anak ko? Wala kang puso!”
“Attorney Baltazar, pahinahunin ninyo ang nanay ng kliyente ninyo o ipag-uutos ko na palabasin muna siya sa opisina ko,” pormal na wika ng babaeng judge na mukhang istrikta. Sa tantiya niya ay nasa singkwenta anyos na ito. Bagamat itim pa ang buhok nito ay bakas naman ang katalinuhan at karanasan sa mga mata nito sa likod ng makapal na salamin.
“Madam, maupo na po kayo,” mahinahong wika ni Attorney Baltazar sa ginang. Ilang sandali munang natitigilan ang ginang habang nakatayo. Parang naiirita ito dahil naputol ang madamdamin nitong speech. Sa huli ay nakaingos itong umupo subalit bakas pa rin ang pagpupuyos sa mukha.
Akala yata ni Mrs. Dimasalanta ay kapareho sa mga teleserye ang paghaharap sa husgado kung saan masyadong madrama. Naka-shades pa nga ito at wide-brim hat para sa complete effect. Sa totoong buhay ay di kailangan ng histerya. Simple at matinong pag-uusap lang ang kailangan. Kaya nga kahit gusto niyang batuhin ng sapatos at patamaan sa noo si Bruno nang makita niya ay hindi siya nagpadala sa emosyon. Kinakalma na lang niya ang sarili. Ang gusto na lang niya ay matapos ang problemang iyon at magpatuloy sa buhay niya.
Minsan na siyang tinangkang sugurin ni Mrs. Dimasalanta sa café. Pero dahil na rin sa bodyguards niya kaya di ito basta-basta nakalapit sa kanya. Di naman nito pwedeng isabotahe ang café niya dahil advance siya ng ilang buwang bayad dito para mai-secure na di siya nito paaalisin. Ito ang mairereklamo oras na guluhin pa siya nito at sa halip na kaso lang ng anak nito ang problema nito ay mamomoroblema din ito.
Pinagsalikop ng abogado niya ang mga kamay. “Misis, anak po ninyo ang nanggulo sa kliyente ko. Siya po ang nanakit kay Yngrid at muntik na niyang patayin. Ipinagtanggol lang si Miss Singson ng mga aso ni Mr. Matsunaga. Hindi nila nilapa ang anak ninyo. Dinambahan siya at napahiga. May record po sa security at may CCTV footage na rin kung saan di maipagkakaila ang ginawa ng anak ninyo. Nagpa-blotter na ang kliyente ko. Matibay ang ebidnsiya namin. Ngayon, nasasa-inyo po kung gusto ninyong magkaayos tao dito o magkita tayo sa husgado.”
“Will you extort money from me? Ang kakapal ng mukha ninyo!” anang ginang at hinampas ang mesa. “Hindi kami magbabayad. Ilalaban ko ang anak ko. Kaya itong ipanalo ng abogado ko. Hindi makukulong ang anak ko.” Nilingon ng ginang si Attorney Baltazar na mariin ang mga labi. “Attorney, hindi tayo makikipag-areglo, di ba? Maipapanalo natin ang kaso.”
Tumikhim ang abogado. “Madam, mas mabuti po siguro kung makikipag-areglo na lang tayo.”
“Anong makikipag-areglo? Never! Sabi mo sa akin walang are-areglo. Ilalaban natin itong kaso. Sayang naman ang milyones kong ibinabayad sa iyo kundi mo maipapanalo ang kaso ng anak ko,” nakataas ang kilay na wika ng ginang.
“Pero matibay po ang ebidensiya nila. May CCTV footage pa. Malakas po ang laban nila at wala tayong magagawa doon.” At alam ni Attorney Baltazar na magaling din ang bar topnotcher na si Attorney Chavez at mas senior pa dito. Chicken lang sa abogado niya ang kasong iyon.
“Papalitan kita ng mas magaling na abogado,” mataray na wika ng ginang.
Talagang gagamitin nito ang salapi nito para lang manatiling malaya ang anak nito. Nagkausap na sila ng abogado niya. Mas gusto niyang makipag-areglo na lang sa ilang kondisyon. Pero kung magmamatigas ang kampo ni Bruno ay lalaban siya lalo na’t kayang-kaya nilang ipanalo ito.
“Magaling din ang abogado namin,” aniyang di mapigilang ngumisi. “At walang kahit anong halaga ng pera ang pwedeng magtago ng katotohanan, Mrs. Dimasalanta. One way or another, kailangang pagbayaran ng anak ninyo ang ginawa niyang mali sa akin. Muntik na akong mamatay sa kagagawan niya. Sa palagay ba ninyo mabibili iyon ng pera?”
“At paano mo naman mababayaran ang puso kong nasaktan mo?” hinagpis ni Bruno na sumibi at akmang iiyak.
Napamaang siya. “Aba! Buhay ko ang kapalit dahil lang di kita gusto?”
“Di ko naman sinasadyang saktan ka. Gusto ko lang mahalin mo ako.” Hinatak ni Bruno ang manggas ng blouse ng nanay nito. “Mommy, sabihin mo sa abogado mo gawin niya ang lahat para di na magalit sa akin si Yngrid. Mommy, pleaseeee! Saka ayoko pong makulong. Kapag nagpatuloy ang kaso, baka makulong pa ako, Mommy. Ayoko na pong bumalik doon. Ayoko na. Ibigay ninyo kay Yngrid ang lahat ng gusto niya.”
Mariing nagdikit ang labi ng ginang. Parang di nito alam kung paiiralin ang pride o susuko sa gusto ng anak nito. “Ano bang gusto mo?” singhal ni Mrs. Dimasalanta sa kanya.