Nanginginig at nanlalamig ang kamay ni Yngrid. Ibinaba niya iyon sa kandungan niya para walang makakita. Naramdaman niyang may mainit na kamay ng binata. Nang iangat niya ang tingin ay nakangiti ito sa kanya at tumango. Di siya dapat matakot. Kailangan niyang maging matatag. The ball is in her court now.
Huminga siya ng malalim at taas-noong tumingin sa kabilang kampo partikular kay Mrs. Dimasalanta. “Ma’am, gusto ko lang po ng tahimik na buhay. Na matanggap ng anak ninyo na ayoko sa kanya. Ilang beses ko nang pinalampas ang pangha-harass na niya. Hindi na po tama na pumunta siya sa bahay ko ng lasing at pinagtangkaan niya ang buhay ko. At huwag ninyo akong pamumukhaan ng pera ninyo. Hindi ko kailangan ng pera. Gusto ko lang na layuan ako ng anak ninyo. Kung alam ko lang na aabot sa ganito, sana noon pa ako nag-file ng restraining order laban sa kanya para malinaw. Pero bilang respeto sa inyo bilang ina at pinagsamahan natin bilang landlord ko ay di ko ginawa. Alalahanin ninyo na muntik ko nang ikamatay ang nangyari.”
“Misis, sana po pakinggan nating mabuti kung ano ang gusto ng kliyente ko. Gusto lang niyang matahimik siya at maging ligtas,” malumanay na paliwanag ni Attorney Chavez.
“Naging mabuti rin naman po ang anak ninyo sa akin kahit na ayoko sa kanya. Naging mabuti rin naman po kayo sa akin. Ayoko rin po na magkasira tayo. G-Gusto ko lang namang ilagay sa tama ang lahat,” aniya at parang gustong maiyak. Bakit parang siya pa ang kailangang magmakaawa sa mga ito? Siya na nga itong nadehado at muntik mamatay.
“Malaking trauma ang dinanas ng kliyente ko sa nangyari. Hindi biro na muntik na siyang mapatay,” paliwanag ni Attorney Chavez. “Napakaliit na bagay lang ang hinihingi ng kliyente ko. Ang katahimikan niya.”
“Gusto ko lang na tantanan ako ni Bruno. Gusto ko na lumayo siya sa akin. Malayong-malayo. Doon sa di ko na siya makikita pa.”
Natatakot pa rin siya tuwing umuuwi sa bahay niya at mag-isa. Kinakailangan pa niyang lumipat sa bahay ni Kenji para makasama ito o kaya ay kasama ang mga aso nito. Kapag wala ang binata ay sa kanya idinadala ng dog minder ng binata para makasama niya ang mga aso. It was not easy. Masyado siyang nagiging dependent sa binata. Mas gusto niyang maging malaya at makagalaw nang walang ibang dinependehan. Mahal niya si Kenji pero di naman pwedeng nakakunyapit siya dito habambuhay.
Nakailang session siya sa psychologist para sa therapy niya. Kailangan niya iyon para makalimutan niya ang trauma na dinanas. Pero nais niyang tuluyan nang mawala si Bruno sa buhay niya. Hindi makakatulong sa kanya kung palagi niya itong nakikita o nasa paligid lang ito. At sa palagay niya ay di rin nakakabuti kay Bruno kung nakikita siya at di nito natatanggap na ayaw na nga niya dito. Pareho nilang kailangan na mag-move on.
“Mahalin mo ako, Yngrid. Maawa ka na. Huwag mo akong itaboy,” pagmamakaawa ni Bruno at sinubukan siyang dukwangin sa mesa.
Mabilis siyang niyakap ni Kenji para protektahan mula kay Bruno habang pilit naman itong hinila pabalik sa upuan ng abogado nito at ng nanay nito. Sa sobrang inis ni Mrs. Dimasalanta ay hinataw nito ng palad ang pang-upo ni Bruno na parang bata. Bakas ang sobrang galit at kahihiyan sa mukha nito. “Bruno, tumigil ka nga! Dahil sa kahibangan mo nalalagay tayo sa alanganin. Muntik ka nang makapatay ng tao. Makukulong ka na. Ano bang ginagawa mo sa sarili mo, anak?”
Sa kahihila ng abogado ay napaupo sa sahig si Bruno. “Mahal ko po si Yngrid, Mommy. Ayoko nang nasasaktan. G-Gusto ko lang namang makasama siya.”
Nang mga oras na iyon ay wala siyang naramdamang galit kay Bruno kundi awa. Ganito siya kamahal ng isang lalaki sa puntong nagmumukha na itong tanga o desperado. Nalungkot siya para dito.
“Bruno, pwede naman tayong maging magkaibigan kung gusto mo,” sabi ni Yngrid sa malumanay na boses. Kaya naman siguro niyang ialok iyon dito. Kahit naman nakakairita si Bruno ay may kabutihan din itong naidulot sa kanya.
Umiling si Bruno. “Ayoko. Gusto ko mahalin mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang lahat. Kahit ano gagawin ko para sa iyo.”
Kinuyom niya ang palad. “Kung mahal mo ako, irerespeto mo ang desisyon ko. Hindi mo kailangang gawin ito sa akin. Hindi mo kailangang gawin ito sa sarili mo. Hindi lang ako ang babae sa mundo. Meron pa diyan na magmamahal sa iyo. Hindi ako iyon, Bruno. Hindi ako ang babaeng iyon. Bukod sa pakikipagkaibigan ay wala na akong ibang maiaalok sa iyo.”
Hinawakan ni Attorney Chavez ang kamay niya. Ibig sabihin ay ito na ang kakausap sa kabilang partido. “Hindi na kami magsasampa ng kaso kung babayaran ninyo ang damages na para sa kliyente ko. Nakaranas siya ng trauma dahil dito at kinailangan niyang sumailalim sa sessions sa isang psychologist.