And of course, kailangang layuan ni Mr. Bruno ang kliyente ko at di na siya lalapitan pa kung hindi ay ipapadampot siya at ipapakulong. Kailangan din sumailalim ni Mr. Bruno Dimasalanta sa therapy sa isang psychologist. My client believes that he is not fit. At maaring makasakit pa siya sa ibang tao sa mga darating na panahon.”
Nanlaki ang mata ni Mrs. Dimasalanta. “Sinasabi ba ninyong baliw ang anak ko? Wala kang karapatang sabihing baliw ang anak ko!”
“There is something bothering about his behavior. It is for his own benefit, of course. Isipin na lang ninyo kung anong mangyayari kapag natuloy ang kaso. Masisira ang pangalan ninyo lalo na’t makukulong ang anak ninyo. May mga reporter nang gustong kuhanin ang panig namin sa kasong ito. Paano na ang negosyo ninyo? Paano ang pribado ninyong buhay? Sa palagay ba ninyo ay maipapakasal pa ninyo ang anak ninyo sa matinong babae oras na makulong siya? Wala nang magkakainteres sa kanya. Mas mabuting iwasan na lang natin ang gulo para mapangalagaan ang privacy ng bawat isa, tama ba?”
“Ma’am, I think their terms are more than fair. Tanggapin na natin. Malakas ang ebidensiya laban sa anak ninyo. Kung ayaw ninyong magbayad ng danyos, pwede namang i-convert na lang sa pagrerenta ni Miss Singson sa property ninyo. Iyon ang napag-usapan namin ni Attorney Chavez kanina,” wika ni Attorney Baltazar. “Kung tutuusin ay maliit na bagay lang ang hinihingi nila kumpara sa kalayaan ng anak ninyo at sa kahihiyan ng pamilya ninyo.”
Nagngalit ang mga ngipin ni Mrs. Dimasalanta. Mariin itong pumikit at saka huminga ng malalim. Pagdilat nito ay may kalinawan na sa mga mata nito. “Sige na. Pumapayag na ako sa lahat ng kondisyon nila. Gusto ko na lang matapos ang gulong ito.”
“Mommy, baka pwede ko pa ring makita si Yngrid,” pagmamakaawa ni Bruno. “Kahit sa malayo lang ako. Hindi ko siya lalapitan.”
“Tigilan mo na siya sabi. Sa Quezon ka na titira sa farm natin mula bukas. Doon ka na hanggang makalimutan mo ang kahibangan mo. Ipapakasal na lang kita sa anak ng amiga ko doon. Ayoko na na ng gulo, anak!” pagmamakaawa ni Mrs. Dimasalanta kay Bruno. “Isaksak mo sa kukote mo na ayaw na niya sa iyo. Tanggapin mo na lang para sa sarili mo itong kapakanan.”
Nanikip ang dibdib niya habang pinagmamasdan ang pagmamakaawa ni Mrs. Dimasalanta kay Bruno. Sa kabila ng lahat ng nangyari ay isa pa lamang itong ina na ang nais ay ang kapakanan ng anak nito. In-spoil ng ginang ang anak nito. Ibinigay ang lahat ng gusto. Sinubukang protektahan hanggang sa huli. Sa ngayon ay di nakakabuti ang presensiya niya doon.
“Attorney, pwede po bang kayo na ang umayos dito?” tanong niya sa abogado niya. “G-Gusto ko na pong umalis.”
Tumango ito. Kinamayan niya ang fiscal at magkahawak ang kamay nila ni Kenji na lumabas ng opisina nito. Akmang hahabulin siya ni Bruno pero kinabig agad siya ni Kenji palapit sa katawan nito. Maagap naman ang mga bodyguard niya para protektahan silang dalawa.
“Yngrid, I am sorry. Magbabait na ako. Patawarin mo ako. Mahal kasi kita,” pagmamakaawa ni Bruno.
Malungkot niyang nilingon ang lalaki. “Goodbye, Bruno. Makakahanap ka rin ng ibang magpapasaya sa iyo.” At saka siya naglakad palabas ng fiscal’s office.
“Yngriddddddd!”
TULALA pa rin si Yngrid sa mga pangyayari. Nasa maliit siyang opisina ng Sweet Surrender kasama si Kenji. Doon sila tumuloy matapos ang meeting sa fiscal’s office. Kahit na sumang-ayon na ang kampo ng mga Dimasalanta sa kondisyon niya at nag-uusap na ang mga abogado sa kung anong mas papabor sa kanya ay parang di pa rin siya nakadama ng tagumpay.
Inilapag ni Kenji ang tasa ng umuusok na tsaa sa harapan niya. “Here. Chamomile tea.”
Inangat niya ang mata. “W-Wala bang iba?”
Ayaw niya ng tsaa. Not even coffee. She wanted to try something harder. A glass of margarita or tequila maybe? Kahit ano basta maging manhid lang siya sa lungkot na nararamdaman niya ngayon.
“Ito na ang inumin mo. Matutulungan ka nitong kumalma. Ako na ang maglalagay ng honey para sa iyo at gusto ko na inumin mo.” At binuhusan nito ng honey ang tsaa niya.
Hindi na niya magawang tumutol nang iabot nito ang tsaa sa kanya. “Thank you,” usal niya bago sinamyo ang tsaa. Pakiramdam niya ay gumagaan ang pakiramdam niya. Nang sumimsim siya ng tsaa at gumuhit ang init sa katawan niya ay nabawasan ang masamang pakiramdam niya.
“Feeling better?” tanong ni Kenji at umupo sa desk niya.
“A bit better,” aniya at bumuntong-hininga. Di naman talaga sapat kahit ang isang baldeng tsaa para mawala ang bigat sa kanyang dibdib.