When He Cries Chapter 87

Lumigid ito sa likuran niya at hinaplos ang sentido niya. “You are too tense. Baka kailangan mong mag-relax. Gusto mong pumunta tayo sa wellness center ni Stefan? A dip at the Jacuzzi would be great."

Umiling siya. “No. Ayoko.” Kahit ang pagmamasahe ni Kenji ay di nakakabuti sa kanya. Lalo lang sumasama ang pakiramdam niya.

Pinihit nito ang swivel chair niya para makaharap siya dito at saka ito umuklo sa harap niya. “Hey! What’s wrong? Dahil ba nakita mo ulit si Bruno kaya ka nagkakaganyan? Iyon na ang huling beses na makikita mo siya. Hindi ka na niya masasaktan o maaabot. Iyon ang kasunduan ng kampo mo at kampo nila.”

“No. This isn’t about me. This is about Bruno. I feel sad for him,” aniya at bumuntong-hininga.

Kumunot ang noo ni Kenji. Nang tingnan siya nito ay parang nasisiraan siya ng bait. “Bakit naman? Sinaktan ka niya. Muntik ka pa nga niyang patayin tapos ngayon siya pa ang inaalala mo.”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi at huminga ng malalim. “Nalungkot lang kasi ako. Mahirap palang magmahal. Na sobrang mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat kasehodang magmukha kang tanga o mamuwersa ka para lang makuha mo ang taong mahal mo.” Niyakap niya ang sarili. “Nakakatakot yata kapag naranasan ko iyon.”

“Ang magmahal?” tanong ng binata.

Niyakap niya ang sarili. “Ang magmahal, ang umasa, ang magtiyaga, ibigay ang lahat sa taong mahal mo kahit na ipinagtatabuyan ka at sa huli masasaktan ka lang kahit na ginawa mo na ang lahat. Hindi ba parang nakakalungkot? Hindi ko ata kayang magmahal kung ganoon.”

Hinaplos nito ang buhok niya. “Love is the greatest and strongest feeling, Yngrid. Kahit na sabihin mo na ayaw mong magmahal, wala kang magagawa kapag nandiyan na. Kapag nagmahal ka kasi, kailangan mong pagsikapan para mahalin ka rin niya o kaya ay tumagal ang relasyon ninyo. Kailangan mong lumaban. Kasi kapag isinuko mo ang taong iyon, pakiramdam mo magsisisi ka dahil di mo ipinaglaban. Iyon ang nakikita ko kay Bruno.”

“Paano kung destructive na? Di mo alam nakakasakit ka na pala ng taong mahal mo, ng sarili mo o ng tao sa paligid mo?” tanong niya.

Ilang beses na siyang umasa kay Kenji noon at nabigo. Paulit-ulit. At ngayong malapit na sila sa isa’t isa, di na naman niya maiwasang umasa. Paano kung dumating ang panahon na maging katulad siya ni Bruno na sa sobrang pagmamahal ay maging desperada na? Na ayaw sumuko sa pagkabigo? Paano kung masaktan niya si Kenji?

Ngumiti ito. “Kailangan mong malaman kung kailan sasabihin na tama na. Na kailangan mong tirhan ng pagmamahal at respeto ang sarili mo. Kapag kasi ipinilit mo pa ang sarili mo sa isang maling pagmamahal, doon magsisimula ang problema. You will lose it. Hindi mo alam na nakakasakit ka na pala ng taong mahal mo o ng sarili mo. Kailangan mo pa ring gamitin ang utak at isipin ang tama. And I believe that you won’t lose it.”

“You will never know. We will never know. Di ko pa naman nararanasan.”

“Really?” tanong nito. “Di ka pa nai-in love?”

Umiling siya. “Hindi.” Di pa naman niya nasasabi kay Kenji na mahal niya ito. Hindi pa sa ngayon. Di naman niya alam kung anong pananaw nito sa pag-ibig matapos ang kapaitang dinanas nito kay Margaret. “Hindi ka ba natatakot na magmahal ulit?” maingat niyang tanong.

Subalit ngumiti lang ang binata sa kanya. Walang mabakas ng lungkot, galit, pait o sakit sa anyo nito. “Sabi mo nga may dadating din na para sa akin, di ba? Kapag ayaw sa iyo ng taong mahal mo, kailangan mo lang matutunan na pakawalan siya. I did. At nang kumawala ako, nawala na rin ang lahat ng negative na nararamdaman ko. Nariyan pa rin ang sakit pero natututo na akong magpatuloy sa buhay. A new life. At kailangan ganoon ka rin. I-enjoy mo ang bago mong buhay. You are free now. I am sure hindi na ipipilit ni Bruno ang sarili niya sa iyo. Kung anuman ang sakit na nararamdaman niya, it will heal in time. Kaya dapat ay ganoon ka rin. Di mo dapat ikatakot na maging katulad ka rin niya. You are stronger than that.”

Tumango siya. “You are right.”

Iingatan niya ang nararamdaman niya. She would always keep herself on check. Hindi siya gagawa ng bagay na pwedeng makasakit kay Kenji. Mas gugustuhin niyang masaktan siya kaysa saktan ito.

“At dapat mong ipagpasalamat na gumigising ka tuwing umaga nang buhay ka pa. Hindi mo dapat ikalungkot na buhay ka pa.”

Tumango siya. Tama ito. Maraming bagay siyang dapat ipagpasalamat at una na doon ang buhay niya. “Right. At gigising na rin ako sa umaga mula ngayon nang nagpapasalamat dahil kasama kita.”

Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Always. I will always be here for you, Yngrid. Huwag mong kalilimutan iyan.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.