“Salamat po sa magandang umagang ito at sa panibagong buhay,” pasasalamat ni Yngrid sa Panginoon pagmulat pa lang ng mga mata niya. Sumikat na ang araw at naririnig niya ang huni ng mga ibon sa labas. It was a good day indeed.
Nang nakaraang araw ay pumirma na siya ng kasunduan mula sa pagpapalayo kay Bruno sa kanya hanggang sa tatlong taon na libreng pag-upa niya sa pwesto ng Sweet Surrender. Ayaw niyang humingi ng kahit anong pera dahil sa nangyari sa kanya pero ayon sa abogado ay dapat lang iyon. Dahil pagdating sa korte ay ganoon din naman ang ilalaban nito dahil naaayon iyon sa batas. Wala namang katumbas na pera ang trauma na ibinigay sa kanya ni Bruno. Pero dahil karapatan na rin niya iyon ay di na rin siya tumanggi.
Ang totoo ay iniisip din niya noong una kung lilipat na lang siya ng lugar. Kung ililipat niya ang Sweet Surrender. Handa naman siyang magsimula ng panibago. Pero mas mahirap pa iyon para sa mga tauhan niya. Mapapalayo pa ng lugar ang mga ito. Magsisimula na naman siya sa mga bagong kliyente samantalang ayos na ayos na siya sa pwesto niya ngayon at sa mga customers niya na nadadagdagan din sa araw-araw.
Ikinonsulta niya iyon sa psychologist niya kung ano ang mas makakabuti sa kanya. Ayon dito, minsan naman ay paraan din ng pagpapatatag sa sarili ay ang pagharap sa mga bagay na nagpapaalala sa iyo sa mapapait na pangyayari sa buhay niya. Kung lilipat daw siya ng café, kailangan din niyang lumipat ng bahay. Maraming bagay na may kinalaman sa kay Bruno ang may nakatatak sa pang-araw-araw niyang buhay. Di niya kailangang laging takasan ang problema. Minsan ay mas mabuting harapin iyon, patatagin ang sarili at magpatuloy sa buhay. Kailangan lang maging positibo ang pagharap sa mga pagsubok. At iyon mismo ang ginagawa niya.
Ayon sa abogado ni Bruno ay paalis na ito papuntang Australia sa linggong iyon. Mas malayo sa kanya, mas mabuti. Pero hangga’t di ito umaalis ay hindi siya matatahimik. Kaya naman nanatali pa rin ang mga bodyguards niya hanggang matiyak na ligtas siya. Mas mabuti nang makasiguro siya kaysa naman magsisi sa huli.
Nakarinig siya ng kahol ng aso sa labas. Dali-dali siyang lumabas sa balkonahe ng kuwarto niya. Nakita niya na palabas na ng gate si Kenji kasama ang tatlong aso nito. “Good morning, Kenji! Good morning, kids!” bati niya at kinawayan ang mga ito.
“Hey! Maaga ka yatang nagising,” sabi ni Kenji na nagulat dahil alas siyete pa lang noon ng umaga.
“Maaga akong natulog kagabi.”
Hindi siya nagtatagal sa café nitong nakakaraang araw dahil na rin sa bilin ni Kenji. Gusto daw nito na mag-relax siya dahil lagi siyang tensiyonado. Ngayon ay balik-trabaho na talaga siya. May interview siya para sa bagong service crew ng Sweet Surrender. Nangangantiyaw si Jan Hubert na mag-hire ng sexy na babae para daw palitan na sina Frecy at Armie. Habang ang dalawang babae naman ay nagre-request na hot na service crew ang i-hire niya para daw tig-isa ng ka-love team ang mga ito.
Tiyak na maraming dadagsang aplikante mamaya – babae at bekis dahil na rin madalas sa café niya si Kenji. Maraming nagse-send ng online application form sa kanya at may special request pa na kung pwede ay ito daw ang magsilbi kay Kenji oras na ma-hire ang mga ito. Gusto niya ng tauhan na makakapag-focus sa trabaho at di siya kakaribalin kay Kenji. Malas ng mga ito dahil siya ang may-ari at ayaw niya ng kontrabida sa love story nila ni Kenji. She might go for two male service crews then. At di niya mapigilang ngumiti doon.
“Will you walk the kids?” tanong niya kay Kenji at inginuso ang mga aso.
“Yes. Join us!” yaya ni Kenji at isinenyas ang kamay para bumaba siya.
Bigla siyang na-excite. “Give me five minutes. Magbibihis lang ako.”
Mistulang ipo-ipo si Yngrid nang kumilos. Ang totoo ay inaantok-antok pa siya pero hindi niya palalampasin ang pagkakataon na mag-ikot-ikot sa subdivision kasama si Kenji. Di naman lingid sa kaalaman niya na may ibang mga babaeng umaali-aligid dito lalo na kapag ipinapasyal ng binata ang mga aso nito sa subdivision. It was high time to stake a claim on her man. Harharhar! Mamatay ang lahat ng nagnanasa kay Kenji sa inggit.
DI niya alam kung paano niya nagawan maghilamos, magsepilyo, magsuklay at magpalit ng damit sa loob ng limang minuto. Naka-pony na ang buhok niya, nakapagpalit na siya ng sports sando at jogging pants. Mabilis din niyang naisuot ng running shoes niya na madalang naman niyang ipantakbo. Kumuha siya ng towelette at saka humablot ng mineral water mula sa ref. Pinadaanan niya ng tingin ang sarili sa salamin bago lumabas ng bahay. She was good to go.