Biglang tumakbo ang mga aso nito kaya nakitakbo na rin siya. Kinuha na niya ang leash mula sa Pomeranian na si Rhodora habang ang Belgian Malinois na si Missy at ang Alaskan malamute na si Nikita ay hawak naman ni Kenji. Mas madaling i-handle ang toy dog na si Rhodora habang makukulit at malalakas naman ang dalawa pang mas malalaking aso.
Noong una ay naglalakad-lakad lang sila ni Kenji. Alam naman ni Kenji na di siya madalas mag-exercise kaya alalay lang ito. Napansin niya ang mga babaeng nasa labas ng bahay at parang hinihintay ito. “Hi, Kenji!” bati ni Suzie, ang nakatira sa dulo ng street niya na umagang-umaga ay nakasuot ng midriff blouse at sports shorts.
“Hi, Suzie!” bati rin ni Kenji.
“Hi, Suzie!” bati niya sa dalaga. Umasim ang mukha ng babae at di nakaporma dahil kasama siya ni Kenji. Naunahan niya ito.
“Join us for a jog?” yaya ni Kenji sa babae.
Ngumuso si Suzie. “Next time na lang. Kapag wala ka nang asong kasama.” Alam niyang di lang mga aso ang tinutukoy nito kundi siya. Siya ang asungot sa buhay ni Kenji na di nito mababakbak.
“Bye, Suzie,” malambing niyang wika at saka nagpatuloy sa paglalakad. May matagumpay na ngiti sa labi niya.
Marami pa silang babaeng nakasalubong at nadaanan. Lahat ay pawang gusto ng pagkakataon na masolo si Kenji. Habang nakangiti ang mga ito sa binata ay maasim naman ang mukha sa kanya.
Lihim siyang humalakhak sa isipan niya. Harharhar! Sorry, girls. Sa akin si Kenji ngayon. Akin lang forever and ever. Mamatay kayo sa inggit.
Kasehodang ma-persona non grata siya sa marami niyang kapitbahay. Hindi naman niya kasalanan kung sadyang may special spot siya sa puso at buhay ni Kenji. Deserve niya na siya ang babaeng nasa tabi nito. Sa bandang huli ay nagkasya na lang ang iba na sumulyap-sulyap habang dumadaan sila ni Kenji.
Maya maya pa ay nadaanan nila ang isang lalaki na nakasuot lang ang shorts at walang pang-itaas. Maskulado ang katawan nito, mukhang maton at nagdidilig ng halaman. Nang makita sila ni Kenji ay kumaway ito. “Kenji Matsunaga, I love you!” anito sa lalaking-lalaking boses. “Pakakasalan kita.”
Hindi alam ni Yngrid kung maiirita o matatawa sa lalaki. Maton na maton ito pero kung maka-I love you kay Kenji ay dinaig siya.
Nang makita niya ang pagkalito sa mukha ni Kenji, na parang nandidiri ito na nawiwirduhan ay isang mataginting na halakhak ang pinakawalan niya. “Ah! You are such a heartthrob,” tukso niya dito. “Marami sigurong babae, bekis at lalaki na nagpo-propose sa iyo.”
Hindi naman na bago na may mga naghahabol dito at may mga indecent proposal at wedding proposal. But she was curious and wanted to hear it directly from him.
Nagkibit-balikat ito. “Yes. Pero di ko naman tinatanggap. I am just friendly with people. May iba na nami-misunderstood ang pagka-friendly ko. But that is just me. I am nice to everyone. Di kailangang bigyan ng ibang kahulugan.”
Ouchness! Medyo sapul ang ganda ni Yngrid doon. Warning ba iyon sa kanya na huwag niyang bigyan ng ibang kahulugan ang kabaitan nito sa kanya? Baka nga naman pinagpapasensiyahan lang siya nito sa pasimpleng para-paraan niya para maka-score dito. Wala ba siyang pag-asa?
“Wala ka bang nagugustuhan sa mga babaeng nagpo-propose sa iyo?” tanong niya.
“Too early to tell. Kapag may nagustuhan ako, ikaw ang unang makakaalam.” Ouchness to the nth power! Paano kung hindi siya ang magustuhan nito? Paano kung mag-propose siya? Paano kung basted lang siya at friendzoned lang pala siya. Magdadrama na naman ba siya?
Biglang umiba ng direksiyon ng takbo ng tatlong aso. “Hey!” anang si Kenji. Nagpatangay ito sa dalawang alaga at bumilis ang takbo.
Nakihabol din siya sa mga ito. Nanlaki ang mata niya nang makitang papunta sa direksiyon ng mga sprinkler ang mga aso na kasalukuyang gumagana sa madamong bahagi ng park. Kumahol si Rhodora. Bagamat mas maliit at mabagal ito sa dalawang aso ay mukhang pareho din ito ng gusto.
“Rhodora, no!” aniya at huli na para pigilan ito sa pagtakbo at buhatin. Nagtatakbo pa rin ito sa sprinkler.
Dahil di nila binitiwan ni Kenji ang mga aso ay pareho silang nabasa. Gusto niyang mairita at mainis. Mukha na siyang basang sisiw nito.
Nagulat siya nang biglang humalakhak si Kenji. “Oh! They love water. Hindi ba masaya?” sabi ni Kenji na sa halip na umiwas sa tubig ay hinayaan lang itong mabasa.
“Para kang bata,” sabi niya.
“To appreciate my kids, I have to act like one as well. Kaya kapag nabasa siya, kailangan ko ring magpakabasa. Maiinis lang ako, di ba? Di ko naman sila pwedeng sabihan na tumigil. Not when they are enjoying.”
“Fine,” aniya at hinawi na lang ang basang buhok. Kung saan masaya si Kenji ay doon na rin siya.
Hindi pa rin nawawala ang ngiti nito nang magkwento. “Dati nagkaproblema ako nang dalhin namin sila ni Bonifacio Global City. May fountain doon na parang lahat ay pwedeng maglaro at magpakabasa – bata, matanda, mga aso. Di namin napigilan nang magtampisaw ang mga aso doon. Nabasa kami pareho ni Margaret. Pati sasakyan namin ay nabasa. Kaysa mainis kami, tumawa na lang kami nang tumawa. Sometimes it would be better if you would just laugh on things than annoy yourself.”
“Oh!” nausal na lang niya at natigilan.
Pero di naman niya magawang pagtawanan na lang ang nakikita niya. Naiirita siya. Maaliwalas ang mukha ng binata habang naaalala si Margaret at ang masasayang sandali na magkasama ang mga ito. Aray, aray naku naman! Kanina pa gulping-gulpi ang puso niya. Hindi naman niya maiwasang magselos. Paano ay may pagmamahal pa rin sa mga mata nito habang binabanggit si Margaret. Akala niya ay nagmo-move on na ito. Bakit parang nami-miss pa nito at gustong balikan ang alaala ng bruhang si Margaret? Wala naman siyang karapatang magreklamo. Wala naman silang ibang relasyon ni Kenji kundi FRIENDS, FRIENDS, FRIENDS!!!
“Nabasa ka na rin!” sabi nito at pilit siyang iniwas sa sprinkler. Noon lang nito napansin na basa siya.