NAESTATWA si Yngrid sa kinatatayuan. No. Oh, no! Nandito si Margaret.
She looked so poised in her white sundress, wide brim hat, designer shades and a brown dainty sandals that encased her delicate feet. Kung tutuusin ay napakasimple lang ng damit nito pero mukha itong prinsesa. Kahit ang sikat ng araw ay parang sinasamba ang kagandahan nito. While she looked like the dirt under her feet. Basa ang sports sando niya at jogging pants. May bahid pa ng putik dahil sa pagkalong niya kay Rhodora. She was a mess. Hindi iyon ang pinakamagandang itsura na maihaharap niya sa mortal niyang kaaway lalo na’t katatapos pa lang siyang halikan ni Kenji at nanlamig ito sa kanya.
Anong ginagawa nito doon? Parang pasama nang pasama ang araw na ito para sa kanya.
Nagkahulan ang tatlong aso na animo’y nakilala si Margaret at kusang binitiwan ni Kenji ang tali nina Nikita at Missy. Napilitan din siyang palayain si Rhodora kung hindi ay mabibigti ito.
Nagtakbuhan ang mga aso papunta sa direksyon ng dating nobya ni Kenji. Umuklo ang babae at sinalubong ng yakap ang mga alaga ni Kenji. “My babies! Oh, I miss you so much. Mommy is here now,” malambing na sabi ng babae.
Mommy? Si Margaret ang ina ng mga anak ni Kenji. At si Kenji ang ama. Isang malaking pamilya ang mga ito. Hindi ito maari!!!
Darn! Dapat ay break na ito at si Kenji. Hindi na dapat magkita ang mga ito. At hindi siya dapat makita nito nang pawisan siya at walang kaayos-ayos. Margaret looked like a princess. Siya naman ay prinsesang gusgusin. Okay. Gusgusin lang. Di malayo siya sa pagiging prinsesa kahit ng mga gusgusin nang mga oras na iyon. Hindi iyon ang pinakamagandang pagkakataon para muli silang magkaharap. She was at a disadvantage.
At ang mga aso ni Kenji. Ngayon pa nga lang siya nagiging close sa mga ito pero halata naman na mas malapit ang puso ng mga ito kay Margaret. Akala niya ay siya na ang itinuturing na ina ng mga ito. Hindi pa rin pala.
Parang sinasampal siya ng lahat ng katotohanan sa harapan niya. This was Margaret Choi. Ito ang totoong may malaking importansiya sa buhay nina Kenji at ng mga aso nito. Ang babaeng minahal ni Kenji. Ang babaeng ina ng mga alagang aso ni Kenji.
She felt like a poor second choice. Isang babaeng ipinagsisiksikan ang sarili niya sa buhay ng mga ito. What a fine moment to make a realization like this one. Kung kanina ay nasa alapaap siya, pakiramdam niya ay bigla siyang inilaglag mula sa langit at bumagsak sa lubluban ng kalabaw.
Can this day get any worse?
Pasimple sanang tatakas si Yngrid sa di pa niya malamang paraan nang hawakan ni Kenji ang siko niya. “Come. Samahan mo ako kay Margaret.”
“Pero…huwag na lang kaya?”
Hindi naman niya ilalagay ang sarili sa posisyon kung saan malalait na naman siya ni Margaret o kaya ay masasaktan siya sa pagkikita ng mga ito. Hindi naman siya ganoon kamasokista. And right now, she was at her breaking point.
“Please,” pakiusap ni Kenji sa boses na parang mahalaga na pagbigyan niya ito. As if it was a matter of life and death.
Saka niya napansin ang pag-igting ng mukha nito. Parang di nito nagustuhan ang presensiya ni Margaret doon. Parang di nito inaasahan. He definitely didn’t like his ex-girlfriend’s presence. Iyon ang malinaw.
Maaring masyado pang sariwa ang sugat ng break up ng mga ito at hindi pa madali kung haharapin nito ngayon si Margaret kung kailan nagsisimula pa lang itong bumangon. Of course, his new house was his new paradise. Isang lugar kung saan walang alaala si Margaret. Siya lang ang kasama nito sa alaala sa bahay na iyon. Kaya nga ito lumipat ng bahay dahil sa kanya, di ba?
Kailangan siya ni Kenji ngayon. Hindi siya pwedeng mawala sa tabi nito.
“O-Okay,” nausal na lang niya sa nanginginig na boses. Kahit na may maliit silang di pagkakaunawaan kanina ay di niya ito pwedeng iwan kung kailan kailangang-kailangan siya nito.
Kinakabahan siya. Hindi rin niya gustong magkaharap sila ni Margaret ngayon pero kailangan siya ni Kenji. Kailangan niya na harapin ang babaeng nanakit dito. Titiisin muna niya ang sakit at personal nilang isyu ni Kenji. Narito lang siya sa tabi nito. Gamitin siya nito kung kailangan. Kung ano ang magpapagaan ng pakiramdam nito. Nangako rin naman siya sa sarili na gagawin niya ang lahat para di ito masaktan pa ni Margaret, hindi ba?
Go lang nang go! Tadtarin na lang ng Band Aid ang puso ko mamaya.
Mas okay na sa kanya ang masaktan kaysa naman si Kenji ay hahayaan niyang mag-isang saktan at talampakin ni Margaret.
Kaya naman hinayaan niyang akayin siya ni Kenji palapit. Malalaki ang hakbang ni Kenji habang maigting ang buong katawan. Animo’y susugod ito sa giyera. “What are you doing here?” pormal na tanong nito kay Margaret.
“Oh! Hi, Kenji!” Saglit lang nitong inangat ang tingin kay Kenji at muling binalingan ang mga aso na sabik na sabik dito. “Maagang natapos ang shooting namin. And the rest of the day, I am free. So I decided to fetch the kids. Look at them. They are a mess. Nadumihan nila ang dress ko. What have you done to my kids? T-They l-look like askals now. My poor kids. Napapabayaan yata kayo ng daddy ninyo. No wonder you miss me so much.”
Gustong magprotesta ni Yngrid. Hindi iresponsableng dog owner… ama si Kenji sa mga alaga nito. Sa mga panahong libre ito ay lagi nitong inaalagaan ang mga aso nito. He was very responsible and dedicated. Ang kapal ng mukha ng bruhang ito na sabihing pabaya si Kenji. E kung iikot kaya niya sa leeg nito ang dog leash para makita nito ang hinahanap nito?
Subalit di na niya kailangan pang sumingit sa usapan dahil si Kenji na mismo ang kumausap dito. “Hindi ko sila pinababayaan. We had fun at the park. Naglaro sila sa sprinkler. You know how much the kids love the water,” Kenji said in a stern voice. “Pasensiya ka na kung nadumihan ang designer dress mo. Because you shouldn’t be here in the first place. Ni hindi ka nagsabi na pupunta ka dito.”