Nagdilim ang mukha ni Margaret. “You have no right…”
“Huwag kang magagalit ng ganyan, Margaret. Tumatabingi ang ilong mo. Ipa-upgrade mo nga sa doktora mo dahil baka ma-deform iyan kapag galit ka.” Ngumisi siya nang makitang kinuyom ng babae ang palad. Nakangiti siyang bumaling sa kasama nitong iguana. “Now, do you want any drinks? How about you, Iggy? Orange juice with cockroach killer?” She didn’t know if it would work on iguanas though.
“Huwag na lang,” sabi ni Iggy at napalunok. Natakot siguro ito na totohanin niya ang paglalagay ng cockroach killer sa juice nito. Gusto niyang ipakita kay Margaret na hindi na siya ang babaeng nauuto-uto nito dati. Na kaya na niyang lumaban.
Hinaplos niya ang ulo ni Missy at iba pang aso na nakatayo sa tabi ni Margaret. “I will see you when you are back.” Tinangkang ilayo ni Margaret si Rhodora mula sa kanya pero lumawit ang dila ng Pomeranian na parang excited ito sa haplos niya. Sa huli ay napilitan si Margaret na hawakan niya ang alaga nito. Tumuwid siya ng tayo. “If you’ll excuse me. Babalik muna ako sa bahay ko.”
Palabas na siya ng gate nang tawagin ni Margaret ang pangalan niya. “Hey, Yngrid!” Natigilan siya sa paglalakad pero di niya ito nilingon. “I know you like Kenji. But he loves me. You will always be a poor substitute. Just like before. Kahit tira-tirahan ko ay hindi mapapasa-iyo.”
Nanginig ang labi niya at mahigpit na hinawakan ang gate. Yeah! Parang sinampal siya ng sinabi nito. Pero di siya magpapahalata na nasaktan siya. She won’t give the witch the satisfaction. Nakangiti siyang humarap dito at itinaas ang noo. “How dramatic! Galingan mo pa ang pag-arte mo. Baka sakaling makilala ka na bilang totoong drama actress at hindi lang pa-cute ang role mo,” patutsada niya at saka iniwan ito bago na naman ito bumanat ng makakasakit sa kanya.
Sira na naman ang araw niya. Pero sa isang banda ay di maiwasang sumilay ang ngiti sa labi niya. Kung nasira ang araw niya, alam niyang nasira din ang araw ni Margaret dahil nabanggit niya ang pagiging ham actress nito. And it was a sore subject on her part. Pangit naman talaga itong umarte. Idinadaan lang sa pagpapa-cute sa tanda na nitong iyon. Pa-cute pa rin ang alam.
At least ay patas na silang dalawa.
“NAKAKAINIS! Nakakainis talaga ang babaeng iyon! Sobrang sarap na kalbuhin! Buwiset!” Gigil na gigil si Yngrid habang sina-shampoo ang buhok niya. Na parang mawawala ang inis niya kay Margaret Choi at aanurin kasama ng bula.
Break na nga ito at si Kenji ay kailangan pa ring magsanga ng landas nila? Parang may hati pa ring karapatan ang mga ito sa mga aso nito kahit na hiwalay nila katulad ng mga mag-asawang hiwalay na pero may shared custody pa rin sa mga anak nito. Ibig sabihin ay mas madalas silang magkikita ng bruhang iyon. At natitiyak niya na lagi nitong sasamantalahin ang pagkakataon para patutsadahan na naman siya at iparamdam sa kanya kung gaano siya kababa.
Pero nakabawi naman ako sa kanya. Naipahiya ko na rin naman siya.
Ang totoo ay mas malaki ang advantage niya kay Margaret. Mas marami siyang maibabatong putik dito. She was a showbiz personality yet she had so many shortcomings as an actress.
Pero sa huli ay di pa rin naman maganda sa pakiramdam kahit pa sabihing nasira din niya ang araw nito. The fact still remains that she was Kenji’s girlfriend for more than a year. Minahal ito ni Kenji. Mahal pa rin ito ni Kenji.
Ano ba siya ni Kenji? Wala. Kaibigan? Kaibigang nagmamahal dito pero di nito alam? Hinalikan siya ni Kenji pero di naman niya alam kung anong ibig sabihin noon. Kung may nararamdaman man sa kanya na espesyal si Kenji, malayong-malayo pa rin iyon sa nararamdaman nito kay Margaret. Tama naman si Margaret. She was just a poor substitute. At pakiramdam niya ay may malaking maso na dumidikdik sa puso niya.
Itinukod ni Yngrid ang palad sa tiles ng banyo habang habol ang hininga. Hinayaan lang niya ang tubig na umayos sa katawan niya. Parang gusto na niyang sumuko minsan. Pakiramdam niya ay nagugulpi ang puso niya sa sakit.
Konting tiis na lang, Yngrid. Sino ba kasi ang nagsabi na madaling magmahal? Pinasok mo ito. Pinili mo si Kenji. Pangatawanan mo na. Malapit ka na doon. Kailangan mo lang habaan ang pasensiya mo. Band Aid lang ang katapat ng puso mo. Konting tapal lang ayos na iyan ulit. Isang ngiti lang ni Kenji okay na ulit.
Ano pa nga bang magagawa niya kundi palipasin ang sakit at patatagin ang dibdib niya? Marami na siyang investment kay Kenji. Emotional investment. Malayo na ang narating nila. Isang pang-iinis lang ba ni Margaret ay susuko na siya? Di lang siya masagot ni Kenji kung para saan ang halik nito ay susuko na siya?
Kailangan ni Kenji ng panahon at pang-unawa. Si Margaret naman ay wala nang puwang sa buhay ng binata. Iyon ang malinaw. Kailangan lang niyang palaklakin ng endurance ang puso niya. Ganoon talaga ang pag-ibig. Pag sinukuan niya si Kenji ngayon ay baka ibang babae pa ang makinabang sa lahat ng effort niya dito. Mas malaki ang pagsisisihan niya kapag nagkataon.
Matapos magbihis at magsuklay ay narinig niyang bumukas ang gate ng bahay ni Kenji. Tumayo siya sa balkonahe at pasimpleng sumilip sa kabilang bahay. Nasa tapat pa rin ng bahay ni Kenji ang Mark III ni Margaret. Inilalagay na ni Iggy sa sasakyan ang mga gamit ng mga aso. Mula doon ay naulinigan niya na nagsasalita si Margaret at kausap si Kenji. Di nagtagal ay nakita niya ang mga ito na nag-uusap sa garden.