“Hindi kayo pwedeng mawala sa concert ni Casey. Sa isang bukas na iyon,” sabi ni Dreamilyn at inabot ang mga ticket sa kanila ni Justine. Iyon ang kauna-unahang concert ng banda ni Casey na Fireworks na puro love songs ang kakantahin at hindi hard core rock na puro angst sa buhay. Kaya naman nagkakaubusan na ng ticket dalawang buwan bago ang concert. Magkakaroon na nga ng repeat concert sa isang buwan pero siyempre ay exciting pa rin ang unang araw ng concert.
Nagkita-kita silang magkakaibigan sa café at isinama ni Dreamilyn si Caset na pakuyakuyakoy lang habang umiinom ng kape. Pakanta-kanta lang ito ng kanta ni Eric Clapton na Change the World na pumapailanlang sa loob ng Sweet Surrender habang ka-duet naman nito si Justine. Kapag kantahan ay magkasundo ang mga ito.
“Pupunta kami ni Stefan. Hindi pwedeng mawala siya,” excited na wika ni Justine habang nagniningning ang mga mata. “Ito ang unang date namin na kasama kayong mga friends ko.”
Halata naman sa ningning ng mga mata ni Justine na in love na ito sa kay Stefan Chua. Biglang nagbago ang ihip ng hangin sa pagitan nito at ng masungit na binata. They were starting to build a relationship in their own pace. Na di na kailangang diktahan ng kanya-kanyang lola. And it was good. Nakikita rin naman kasi niya ang effort ni Stefan para sa kaibigan niya. Kung saan masaya ang mga kaibigan niya ay doon na rin siya. Huwag lang talagang sasaktan ang mga ito ng lalaki dahil mag-a-ala-Gabriela Silang siya.
Tuwang-tuwa naman si Yngrid nang tingnan ang ticket na bigay ni Dreamilyn. Front row seat. Pero nawala ang ngiti niya nang kapain iyon. “Bakit isa lang ang ticket ko?” nangmumulagat ang mata niyang tanong.
“Oo. Isa lang naman ang ticket mo,” kaswal na sagot ng kaibigan niya.
“Romantic concert tapos mag-isa lang ako? Anong kaapihan ito, Dreamilyn?”
“Wala ka namang boyfriend,” kaswal na pakli nito.
“E paano ako magkaka-boyfriend kung iisa lang ang ticket ko?” angal niya.
Pinaghahandaan niya ang concert na iyon. Ilang araw na nga siyang nagpa-practice kung paano yayayain si Kenji sa concert. Siyempre di naman niya ito pormal na mayaya dahil wala pa naman siyang ticket. Pero ngayon ay nasa kanya na ang susi para sana sa first romantic date nila. So what kung siya ang magyaya at magbigay ng ticket. Kaso ay mabubulilyaso pa yata.
“Ibigay mo na ang isang ticket kay Yngrid. Chance na niya ito para mapasagot na niya si Kenji Matsunaga,” nakangising sabi ni Casey na nakatukod ang baba sa balikat ni Dreamilyn. Ang parehang ito ay nagawa nang malampasan ang malulupit na pagsubok na dulot ng showbiz.
“Ganyanan na tayo ngayon, Casey?” nanlalaki ang mata niyang tanong.
“Supportive naman ako sa love life mo,” sabi ng guwapong rockstar at inalok ang nakakuyom na kamao. Ibinangga din niya ang nakakuyom na kamao dito. “Okay na? Magkaka-boyfriend ka na after ng concert ko?”
“Ang lagay ikaw pa nanliligaw kay Casey?” tanong ni Dreamilyn sa mataas na tono. “Ano ka naman, Yngrid?”
“Hayaan mo na siya sa buhay niya, love,” sabi ni Casey at kinintalan ng halik ang balikat ni Dreamilyn. “Hayaan natin kung saan siya masaya.”
Inilayo ni Dreamilyn ang ulo ni Casey palayo sa balikat nito. “Ano ka ba naman, Casey? Nakakahiya. Maraming taong nakakakita.”
“Huwag nga kayong mang-inggit dito. Nakakairita na!” nakatirik ang mata niyang sabi.
Hanggang ngayon ay naa-amaze pa rin siya kung paanong nagkatuluyan sina Casey at Dreamilyn. They were worlds apart. Isang konserbatibong teacher at isang sikat na rockstart. Dreamilyn even hated Casey at first. Pero kalaunan ay nahulog ang mga ito sa isa’t isa. Hinihiling niya na sana ay happy ending din sila ni Kenji. Kung kay Dreamilyn nga ay nangyari ang himala, bakit hindi sa kanya?
Makalipas ang ilang minuto ay ihinatid niya palabas ng café ang mga kaibigan. May ilang mga fans na nagpa-picture pa kay Casey at matiyaga lang na naghintay si Dreamilyn sa isang tabi. Ganoon din naman siya kay Kenji. Kapag may mga fans na nagpapa-picture ay di siya nagiging kontrabida. Hinahayaan lang niya ang mga ito. Kasama iyon sa pagmamahal. Ang pagiging maunawain sa taong mahal niya at sa trabaho nito. Kasama sa trabaho ang mga fans ni Kenji. At nangako siya sa sarili niya na di pagseselosan ang mga ito. Hindi siya tutulad kay Margaret.
Di nagtagal ay si Kenji naman ang pumasok ng Sweet Surrender. “Hey, gorgeous!” bati nito at kinintalan siya ng halik sa pisngi. “Sila Casey at Dreamilyn ba ang nakita ko na umalis?”
“Yes. Kaalis lang din ni Justine.”
Sinenyasan agad niya ang bagong guwapong staff na si Kristoff para ihanda ang order ni Kenji na itinawag nito sa kanya kanina bago ito pumunta ng café. Nanalo sina Frecy at Armie at dalawang guwapong staff na lalaki ang kinuha niya. Kailangan niya ang endurance ng mga lalaking service crew lalo na’t mas late na silang nagsasara kaysa dati sa dami ng customers na dumadayo sa café.
Idinala ni Yngrid si Kenji sa likurang balkonahe ng café kung saan tanaw ang berdeng golf course sa baba. Isinara niya ang pinto papunta doon para manatiling pribado ang lugar para sa kanilang dalawa ni Kenji. “How is your day?” tanong niya at umupo sa tapat nito.
“Tiring and sad.” Bumuntong-hininga ang binata. “I miss the kids.”
“Oh!” Mag-iisang linggo na mula nang sunduin ni Margaret ang tatlong alagang aso nito at ni Kenji. Ang balita niya ay idinala nito ang tatlong alaga sa hacienda ng bago nitong nobyo sa Bicol. Ang sabi ay isang linggo pa bago ibalik ni Margaret ang mga alaga. Mukhang apektado talaga si Kenji.
Magandang stress reliever nga naman para kay Kenji ang mga aso lalo na’t masakit din sa ulo ang schedule nito. Kaya nga ginagawa niya ang lahat para lang mapasaya ito pero parang di pa rin sapat.
Malungkot itong ngumiti. “You must think it is stupid, right? Missing my dogs. Treating them like real kids.”
“Well, may mga tao naman na itinuturing na matalik na kaibigan ang mga aso. You must really love your dogs a lot.”
Naputol ang pag-uusap nila nang idulot ni Frecy ang pagkain nito. Di na ito masyadong nagpapa-cute kay Kenji dahil busy ito sa pagbakod sa bagong service crew na si Kristoff.