Nagpatuloy sa pagkukwento si Kenji habang kumakain. “Mahilig na talaga ako sa aso noong nasa Brazil pa lang ako. But when I turned sixteen and started modeling and travelling the world, I couldn’t afford to get one. Wala akong pirming lugar at madalas ay hindi naman ako nagtatagal sa isang city o sa isang bansa. Until I came to the Philippines and met Margaret. I fell in love with her and her dogs. Sila ang naging pamilya ko dito bukod sa mga kasamahan kong models na parang kapatid ko na. Margaret gave me stability. Nag-decide akong mag-stay dito at hindi na umalis. I still have projects abroad but Manila is my home now because of them. And because of the breakup and with the dogs gone, wala akong ipinagkaiba sa isang lalaking nakipaghiwalay sa asawa. My dogs are going though that transition just like actual children in a family breakup. And I just miss them so badly.”
Naiintindihan naman niya ang pinagdadaanan nito. Medyo di lang siya sanay sa ganoong sitwasyon pero pilit niyang inuunawa. Di lang basta aso para dito ang mga alaga nito. They were practically his family.
“I am here for you. Alam ko hindi ko naman kayang pantayan ang pagmamahal na naibibigay sa iyo ng mga alaga mo. But I am here.”
“I know. Pero magkaiba naman kayo, Yngrid. You are not a dog,” anang si Kenji at bahagyang natawa.
Pwede naman siyang gumawa ng dog tricks para mapatawa ito. Para lang mawala ang pangungulila nito sa mga alaga nito. Pero siyempre ay may mas maganda siyang ideya. “Are you busy this Friday night?” tanong niya.
“Not… really. Why?”
“Baka gusto mong sumama dito.” Ipinakita niya dito ang ticket para sa concert ng Fireworks. “I don’t know if you like romantic concerts. Pero wala kasi akong kasama dito. Will you be my date?”
Nagningning ang mga mata nito. “Yes. Of course. Ang totoo tatanungin nga kita sana ngayon kung gusto mong pumunta kaso naubusan na ako ng ticket. Kung yayayain kitang mag-date, I want to give you the best. Buti may nakuha kang ticket. Gusto ko talagang pumunta dito. Pero… magkano ba ito? Ako ang lalaki kaya ako ang dapat magbayad ng ticket sa date natin.”
“Binigyan ako ng ticket nila Casey.” Baka akala ni Kenji ay siya pa ang bumili ng ticket para sa date nila. May pride naman siya. “Kaya huwag kang dapat na bayaran dahil wala akong ginastos diyan.”
Pero kung nagkataon ay handa siyang gumastos para lang mayaya ng date si Kenji. Gusto niyang magtatalon sa tuwa. Gusto pala siya nitong yayain ng date pero wala lang itong ticket. Napausal siya ng dasal sa langit. That must be a sign. Siya ang pinili nito na makasama sa romantic concert. Siya dapat ang yayayain nito. May magandang mangyayari sa concert na iyon. Nararamdaman niya.
Kinindatan siya nito. Hindi na niya nakikita ang lungkot sa mga mata nito. Mukhang excited na ito. “Matutuloy pa rin pala ang plano ko para sa atin. So it is a date?”
“Definitely a date.”
“ANONG mas bagay sa akin?” tanong ni Yngrid habang hawak ang isang black lacy dress at red halter dress. Naka-webcam chat sila ni Justine sa Skype. Nasa kuwarto siya sa bahay niya. Di siya pumasok sa Sweet Surrender dahil gusto niyang ready siya sa date nila ni Kenji. Alas dos pa lang noon ng hapon at alas siyete pa sila pupunta sa Araneta Coliseum sa Cubao para sa concert.
“Inabala mo ako sa meeting ko para lang malaman kung anong bagay na damit sa iyo?” Tumirik ang mata ni Justine at binalikan ng tingin ang binabasang papeles. “Akala ko naman kung anong klaseng emergency na ang sinasabi mo. Yngrid, ang emergency ay importanteng mga bagay na iiwan ng ibang tao ang lahat para lang daluhan ka. For example, sunog, aksidente, may sakit, nilindol, binagyo, na-tsunami, sumabog na bulkan. A matter of life and death. Anong category ba ang sa iyo sa mga nabanggit ko?”
“Matter of life and death naman itong pamimili ng damit ko. Dito nakasalalay ang tagumpay ng gabing ito. Hindi lang damit. Gusto ko ring malaman kung anong bagay na ayos sa buhok ko at make up.”
Maasim na ngumiti si Justine at saglit na inalis ang tingin sa binabasang papeles saka sumulyap sa screen nito. “Yngrid, ikaw itong maraming alam sa beauty and fashion sa ating magkakaibigan. Ikaw ang expert sa ganyan. Now you are asking me? Dapat nga kami ni Dreamilyn ang humihingi ng advice sa iyo.”
Bumuga siya ng hangin at ipinaypay ang kamay sa mukha. “Nate-tense ako. Hindi ko na alam kung maganda ako o hindi. Nakaka-pressure naman kasi itong date na ito.”
“Nape-pressure ka? Date lang iyan. Hindi beauty pageant. Saka sabi naman ni Kenji na mas gusto ka niyang natural. Kung ano ang maganda sa iyo, iyon na rin ang maganda para sa akin,” wika ng kaibigan niya. Parang di naman sineseryoso ni Justine ang problema niya. Ito ang mas liberal mag-isip kumpara kay Dreamilyn na hanggang ngayon ay conservative pa rin.
“Siyempre naman kailangang magandang-maganda ako. Di pwedeng kung ano na lang ang itsura ko. This is our first real date. Ako pa nga ang nagyaya. But nonetheless, I must look beautiful for him. So what to wear?”