“Kinakabahan si Casey. Baka daw di ma-appreciate ng fans niya ang mga love songs na kanta niya,” kinakabahang sabi ni Dreamilyn nang tawagan si Yngrid sa cellphone. Bumibiyahe na sila ni Kenji papuntang Cubao at kasalukuyang naka-stuck sa traffic ng Commonwealth Avenue. “Baka daw batuhin sila ng kamatis. Gusto atang mag-back out.”
“Anong kaartehan iyan?” usal ni Yngrid. “Sabihin mo sa boyfriend mo marami na silang napatunayan. Ngayon pa ba siya matatakot?”
Cool na cool pa nga si Casey nang huling dumalaw sa café niya. Parang walang concert na paparating. Parang wala naman sa itsura ni Casey ang kinakabahan sa mga concert. Kumbaga ay beterano na ito sa concert scene.
“First time kasi nilang puro love songs ang kakantahin. Mas sanay sila na puro maiingay ang tugtugan nila. Di daw sila sanay. Wala naman akong alam sa music-music na iyan. Kahit anong sabihin ko na magaling siya ayaw niyang maniwala kasi in the first place di ko naman daw siya fan.” Bumuntong-hininga ang kaibigan niya. “Pakiramdam ko tuloy wala akong kwentang girlfriend.”
Bumuntong-hininga siya. Di niya alam kung paano palalakasin ang loob ni Dreamilyn kay Casey. “Ganito ang sabihin mo sa boyfriend mo. Huwag kamo siyang mag-backout. Kung hindi, ako ang kakanta sa concert niya. At panigurado uulanin ng delubyo sa Pilipinas. Maawa siya sa mga inosente na madadamay dito.”
Isang mahinhing tawa ang narinig niya mula kay Dreamilyn. “Naku! Tiyak na matatakot iyon kapag ikaw ang kakanta sa stage.”
“Tama. Makonsensiya kamo siya. Makonsensiya siya sa mga fans niya. Makonsensiya siya sa kapalaran ng Pilipinas.”
“Sige. Sasabihin ko iyan,” anito sa masayang boses. “Sabi na nga ba alam mo kung anong solusyon sa problema. Bye! See you later.”
Isinandal niya ang sarili at nagbuga ng hangin. “Whew! Akala ko di na tinutubuan ng kaba si Casey Jimenez. Sa tanda niyang iyon.”
“Lahat naman ng performers kinakabahan. Beterano o baguhan man kinakabahan pa rin.”
“Hmp! Huwag siyang maarte. Umayos siya. Ang ganda-ganda ko ngayong gabi para sa concert niya.” Di siya papayag na masira ang date nila ni Kenji.
Tumigil sila nang mag-red ang traffic light. In-on ni Kenji ang music player ng kotse nito. Pumailanlang ang kantang Alone ng bandang Hearts. “Uy! Favorite ko iyan.”
“Alam ko. Kaya ko nga pinatugtog.”
“Paano mo nalaman?” tanong niya. Di naman kasi mahilig ang music sa kanya kaya madalang siyang kumanta. Kaya nga banta sa kalikasan kung siya ang papalit kay Casey sa concert. Malamang ay maka-damage pa siya ng tainga ng mga fans na manonood ng concert. Maidemanda pa siya.
“Naririnig kitang kumakanta kapag nagdidilig ng halaman sa garden. Minsan ginagawa mo pang microphone ang hose ng tubig.”
Nahigit niya ang hininga at nakaawang ang labi itong nilingon. “N-Naririnig mo ako?” Mariin siyang pumikit. “Nakakahiya naman.”
Alam niyang uso ang boses ni Anne Curtis ngayon. Pero di naman ganoon kalakas ang loob niya na magkalat ng lagim. Si Anne Curtis ay kinaaaliwan ng mga tao. Pero siya ay baka ireklamo sa baranggay. At ngayong narinig ni Kenji ang boses niya, baka bawas ganda points iyon.
“Anong nakakahiya? Maganda ka naman.”
Matalim niya itong tiningnan. “Ganoon? Kahit konting confidence sa boses ko na pabalat-bunga di mo man lang ako binigyan.”
“I love hearing your voice. Napapangiti ako sa umaga kahit na pagod ako. Kaya maganda siguro kung mag-practice ka na kung sakali mang tuluyang kainin ng kaba si Casey at mag-backout sa concert.”
“Maaatim mo ang date mo na binabato ng kamatis at bulok na itlog?” nagtatampo niyang tanong.
“Siyempre hindi. Magdu-duet tayo sa concert. At pag may bumato ng kamatis o bulok na itlog sa iyo, poprotektahan kita,” sabi nito.
“Awwww! Ang sweet mo naman,” sabi niya at kinintalan ito ng halik sa gilid ng labi. “Thank you, Kenji!” Ito ang masarap na pakiramdam. Na kahit na ano pa ang kahinaan niya, nariyan pa rin si Kenji para saluhin siya.
Nakarinig sila ng busina sa likuran at napansin nila na umusad na pala ang sasakyan sa harapan nila. Bumalik agad siya sa upuan at sinimulang kumanta.
♫Until now, I always got by on my own. I never really cared until I met you.♫
Ang totoo ay masakit sa pandinig ang boses niya. Pero dahil katuwaan lang ito ay wala namang masama. Tanggap naman ni Kenji ang boses niya na parang winawarat na yero.
Nagulat siya nang sabayan din ni Kenji ang kanta niya. At sa himala ng himala ay in perfect harmony ang boses nila. Pareho silang wala sa tono. Kung parang winawarat na yero ang boses niya ay parang kokak naman ng palaka ang sa binata. Pero wala silang pakialam. Kanta lang sila nang kanta hanggang sa huli ay pareho na lang silang nagtawanan.
“Sa palagay ko bagay ang boses nating dalawa,” wika ni Kenji.
“Sabi ko naman sa iyo bagay tayo, eh!” At bigla niyang naipinid ang bibig. Baka naman isipin nito na masyado siyang assumingera.
“Yes, I agree. Bagay talaga tayong dalawa.”
Lihim siyang napa-“yes” sa sinabi ni Kenji. Sa palagay niya ay magiging perfect ang gabing iyon para sa kanila.