One Month Later…
“HINDI mo yata pinanonood iyong bagong teleserye ni Andrew? Maganda pa naman ang kwento,” si Mama Cecille isang lingo ng umaga at kumakain sila ng almusal.
Nagkibit siya ng balikat saka sinumulan ang pagkain.
Hindi rin naman niya maunawaan ang sarili niya. Ang totoo hindi naman nagbago ang nararamdaman niya para sa lalaki maliban sa nagtumindi pa iyon. Simula iyon nang may mangyari sa kanila at magkaroon ang katuparan ang lahat pantasya niya para rito.
Pero aaminin rin niya na nasasaktan siya kapag nakikita niya ito, ang mukha nito kahit sa TV lang.
Lihim na pinagtawanan ni Lana ang kaniyang sarili dahil doon.
Matalino siyang tao pero pagdating sa pag-ibig, katulad ng iba, isa siyang dakilang tanga.
At hindi niya maipaliwanag iyon, kung bakit at kung paano dahil kung tutuusin wala namang ibang malinaw at pwedeng itawag sa namagitan sa kanila ni Andrew kundi one-night-stand.
At para sa isang katulad nitong artista at sikat na sikat pa, alam niya na normal na lamang ang ganoon. At iyon ang kailangan niyang tanggapin.
Tamang kasusubo lang niya nang biglang bumaligtad ang kaniyang sikmura matapos malasahan ang corned beef na iginisa ng tiyahin.
“B-Bakit ang sama ng lasa nung corned beef, M-Mama?” aniyang tinakpan ang sariling bibig at nang hindi makapagpigil ay tumakbo sa banyo at doon nagsimulang magduwal.
“Anong nangyari sa’yo?” nang makabalik ay bungad agad sa kaniya ng tiyahin.
Umiling siya saka bumalik sa binakanteng silya. Pagkatapos ay natilihan nang may maalala.
“Lana, kinakausap kita. Ano bang nangyayari sayo? Bakit tulala ka? May problema ba?” ang magkakasunod na tanong sa kaniyang ng kinikilalang ina.
Napakagat-labi ang dalaga saka mabilis na umiling. “W-Wala ho, nangasim lang siguro ang sikmura ko,” pagdadahilan niya saka tumayo.
“Saan ka pupunta? Hindi ka pa tapos mag-agahan?”
“May bibilhin lang ho,” sagot niya saka nagtuloy sa palabas ng kabahayan.
“LANA! Saan ang punta mo?” boses iyon ni Marius sakay ng minamaneho nitong kotse na sinabayan ang paglakad niya.
“Sa drugstore,” maikling sagot niya saka nginitian ang lalaki.
“Halika, hatid na kita para hindi kana mapagod sa paglalakad,” alok nito sa karaniwan na nitong friendly tone.
“Naku huwag na,” aniyang ngitian ang binata.
Pumalatak si Marius. “Dali na, saglit lang naman iyon kung may sasakyan,” giit nito kaya sa huli ay nagpaunlak na rin ang dalaga.
“Salamat nga pala doon sa cake noong birthday ko ah,” simula niya nang nasa loob na siya ng kotse ni Marius.
Tumawa ng mahina ang lalaki. “Isang buwan na mahigit iyon ano ka ba. At isa pa, hindi ba nag-thank you ka na sa text?” tanong-sagot ni Marius sa kaniya.
Umikot ang mga mata ni Lana. “Eh sa ngayon lang tayo nagkita eh. Saka iba parin ang pagpapasalamat ng personal syempre,” sagot naman niya.
Hindi na sumagot pa sa sinabi niyang iyon ang matalik na kaibigan niya at sa halip ay narinig niyang nagpakawala nalang ng mahinang tawa.
Kaklase niya noong high school si Marius bukod pa sa isang barangay lang sila naninirahan.
Dahilan kaya naging malapit sila sa isa’t-isa. Pero dahil nga likas na maiilap sa mga lalaki noon si Lana, mas marami parin ang mga babaeng kaibigan niya na silang mas madalas nga niyang kasama sa eskwelahan noong nag-aaral pa siya.
“Saan ba ang project mo ngayon at mukhang mas madalas kang wala dito sa’tin?” tanong niya.
Nagkibit ng balikat ang binata. “Sa Baguio, five-star hotel. Once a week ang uwi ko dito sa Quezon City.”
Tumango-tango si Lana.
Engineer si Marius, gwapo, matalino at mabait. Higit sa lahat, kilala niya mula pagkabata. Alam niyang maraming babae sa barangay nila ang nagkakagusto sa binata. At hindi rin siya manhid para hindi maramdaman na espesyal siya sa lalaki.
“Sinong boyfriend mo ngayon, Lana?”
Hindi na bago ang tanong na iyon kay Lana kaya naman napangiti nalang siya. “Wala,” pagsasabi niya ng totoo.
“So, pwede palang mag-apply?” ang nakangiting tanong nito.
Mahinang tawa ang naglandas sa lalamunan ni Lana. “Hayan ka na naman eh,” aniya muling natawa.
“Ikaw naman talaga ang gusto ko, matagal na. High school palang tayo alam mo na ang tungkol sa feelings ko sa’yo hindi ba?” pabiro pero may laman na sagot ni Marius.
“At alam mo rin noon pa man na nakikita kita bilang matalik na kaibigan. Bilang kapatid ko, kaya please naman huwag mo na akong kulitin,” aniya natawa narin.
Ganoon talaga silang mag-usap ni Marius noon pa man. Sanay na sila sa ugali ng isa’t-isa kaya hindi sila nagkakapikunan.
“Ano bang bibilhin mo sa drugstore?” alam niyang iniiba ni Marius ang usapan.
Kinindatan niya ito saka itinulak pabukas ang pinto ng sasakyan.
“Mag-iingat ka sa pagmamaneho. Saka ko na sasabihin sa’yo, pag may mahabang oras na tayo.
Nginitian lang siya ng binata. “Uy teka, ano na nga palang nangyari sa Facebook mo? May tinataguan ka?”
Sa tanong na iyon natigilan si Lana. Dahilan kaya napilitan siyang bumalik sa loob ng sasakyan ng kaibigan niya.
“Bakit ba ang dami mong tanong?” aniya rito.
“Masama ba? Eh magkaibigan tayo hindi ba? Sa totoo lang kilala kasi kita kayaako nagtatanong” sagot sa kaniya ni Marius.
Ang tinutukoy ni Marius ay ang pagpapalit niya ng pangalan sa kaniyang Facebook account.
Dati ay first name at surname lang ang ginagamit niyang username.
Pero isang araw matapos ang nangyari sa kanila ni Andrew ay minabuti niyang palitan ang pangalang gamit niya sa lahat ng kaniyang social media accounts.
Ngayon ay Lana Amara na ang gamit niya. Ang kaniyang una at ikalawang pangalan, minus the surname Montes.
“Meron nga akong tinataguan,” pag-amin niya.
Nagsalubong ang makakapal na kilay ni Marius. “Ano?”
Tumango siya. “Saka ko na ipapaliwanag sa’yo ang lahat. Sige na,” paalam niya saka na tuluyang bumaba ng sasakyan.
NANGINGINIG ang mga kamay na ibinaba ni Lana ang hawak na pregnancy test sa sink na nasa loob ng kanilang banyo.
Tatlo ang binili niyang pregnancy kit at ang lahat ng iyon ay sinubukan niya. Ang lahat ay isa lang ang lumabas na resulta.
Positive.
Buntis siya, magiging nanay na siya at ang batang iyon ay ang naging bunga ng isang gabing namagitan sa kanila ni Andrew.
“P-Paano na ito? A-Anong gagawin ko?” aniyang tuluyang napaiyak pagkatapos.