“ANONG gagawin ko M-Mama?” nagpipigil ng emosyon na tanong ng dalaga.
“Sino ang ama ng bata?” ang sa halip ay tanong-sagot sa kaniya ng tiyahin.
Hinanakit at hindi galit ang naramdaman ni Lana sa boses ng kaniyang Mama Cecille. At iyon ang dahilan kung kaya tuluyan na ngang humulagpos ang lahat ng luhang kanina pa pinipigilan ng dalaga.
“M-Mama n-naman,” protesta niya na tuluyan nang napahagulhol pagkuwan.
“May pamilya ba?” anitong tinitigan siya ng tuwid sa mga mata.
Umiling siya.
“Bakit hindi ka maghabol? Wala naman palang pamilya. Hahayaan mo bang lumaki ang batang iyan nang hindi nakikilala ang sarili niyang ama? Katulad ng ginawa sa’yo ng pabaya mong ina?” ngayon ay galit na ang Mama Cecille niya.
Nanatiling nakayuko lang si Lana habang patuloy na umiiyak.
“Sumagot ka, Lana!” mas mataas na ang boses ni Cecille kaya lalong nilamon ng matinding guilt ang puso ng dalaga.
“Si A-Andrew po, Mama!” sagot niya sa pagitan ng pagluha.
Nanlaki ang mga mata ng tiyahin niya.
“A-Andrew? I-Iyong artista?” gulat na gulat o hindi makapaniwala.
Alin man sa dalawa ay talaga hindi kayang ilarawan ang klase ng emosyong rumehistro sa mukha ng Mama Cecille niya.
“S-Sa P-Palawan? Nagkita kayo sa Palawan?”
Luhaang sinalubong ni Lana paningin ng tiyahin.
“P-Patawarin mo ako Mama,” aniyang muling napahagulhol saka nanghihinang isinubsob ang mukha sa sariling mga palad.
Hindi sumagot ang tiyahin niya. Sa halip, ilang sandali ang nakalipas ang naramdaman niyang kinabig siya nito saka mahigpit na niyakap.
“Patawad po Mama, patawad po,” aniyang nagpatuloy sa pag-iyak na tila isang bata habang nakasubsob ang mukha sa tiyan ng tiyahin niyang yakap niya ng mahigpit ngayon.
“Tumahan ka na, makakasama sa apo ko kapag na-stress ka,” singhot nito saka hinaplos ng banayad ang kaniyang buhok.
Sa narinig ay parang naramdaman ni Lana na hinaplos ng pakpak ng ibon ang puso niya. Kaya naman sa halip na tumahan ay lalo siyang napaiyak.
“Salamat Mama, salamat po,” aniyang mas hinigpitan pa ang pagkakayakap sa tiyahin.
Ilang sandaling hinayaan siya ng Mama Cecille niya sa ganoong ayos. Nang tumahan ay pinainom siya nito ng tubig saka mahinahong kinausap. Noon na nga niya sinimulang ikuwento sa kaniya ang lahat.
“Bakit ayaw mong ipaalam kay Andrew ang tungkol sa anak ninyo?” tanong nito sa kanya.
Mapait ang ngiting pumunit sa mga labi ni Lana.
“Kapag ginawa ko iyon Mama, baka itanggi lang niya. Baka ma-eskandalo tayo, at ayokong mangyari iyon sa iyo at lalo na sa anak ko,” paliwanag niya sa mababang tono.
“Kaya ko namang buhayin ang anak ko kahit ako lang. Kayo nga naibigay ninyo sa akin ang lahat ng pagmamahal at pag-aaruga na kailangan ko. Siya pa kaya?” aniyang nakangiting hinaplos ang impis paring puson. “may Mommy na may Lola pa,” bigla, ang lahat ng takot at sakit na nararamdaman niya kanina ay napalitan ng kakaibang klase ng kaligayahang hindi niya kayang pangalanan.
Tumango ang Mama Cecille niya.
“Nauunawaan kita anak,” anitong ngumiti. “gawin mo ang alam mong makabubuti para sa inyo ng apo ko. Nandito lang ako sa tabi mo kapag kailangan mo ng tulong ko” anitong ginagap ang palad niya saka bahagyang pinisil.
Ngumiti siya. “Opo. Pero Mama, kapag may nagtanong sa inyo, sabihin nalang ninyo hindi ninyo alam,” aniya.
Nagbuntong hininga doon ang tiyahin niya. “Ano kaya kung ibenta natin itong bahay?”
“Ano ho?” ang nagulat na tanong-sagot ni Lana.
Nagkibit ng balikat ang Mama Cecille niya.
“Iniiwasan ko lang kasi ang kahit anong pangit na salitang pwedeng sabihin ng mga taga-rito sa’yo. Ayokong maranasan mo ang dinanas ng nanay mo. Hinusgahan siya ng mga tao rito. Kahit ang totoo dito kami parehong ipinanganak at lumaki. Parang ikaw,” naramdaman niya ang concern sa boses ng Mama Cecille niya kaya naunawaan niya ang sinabi nito.
“Sigurado ho kayo?” paniniyak niyang tanong. "Kasi, kung tutuusin maibebenta sa magandang presyo itong bahay at lupa, Mama. Sa tantiya ko makakabili na tayo ng isang bagong bahay na may tatlong kwarto at dalawang banyo sa Mercedes Estate,” pagpapatuloy pa niya.
Maganda ang bukas ng mukhang tumango ang Mama Cecille niya.
“Ikaw na ang bahalang mag-asikaso tungkol sa pagbebenta nito anak. Kasi kung tutuusin sa’yo rin naman mapupunta ito, sakaling mawala ako” sa huling sinabi ng tiyahin ay natigilan si Lana.
“Mama naman, huwag po muna,” aniya.
Tumawa ng mahina ang tiyahin niya saka tumayo at pumasok ng kwarto nito. Sandali lang iyon at lumabas narin dala ang isang brown envelope na iniabot sa kanya. Binuksan iyon ni Lana saka inilabas ang nasa loob.
“Titulo ng lupa?” kunot ang noong tanong ng dalaga sa tiyahin.
Tumango lang ang Mama Cecille niya saka muling nagbuka ng bibig para magsalita.
“Nagsasabi lang ako ng totoo. Kaya mas magandang ibenta na ito habang buhay pa ako. Nang maranasan ko namang tumira sa bahay mo,” ang makahulugan nitong sabi.
Nanlaki ang mga mata ni Lana nang makuha ang ibig sabihin ng tiyahin.
“I-Ibig sabihin?” aniyang nabasag ang tinig.
“Gusto kong ipamana sa iyo ang bahay at lupang ito anak. Tutal hindi narin naman tayo binalikan ng nanay mo. Ako naman ay may edad na, tama lang na ibigay ko na iyan sa iyo. Ibenta mo ito, bumili ka ng bago, para sa pagbabagong buhay mo. Kasama ang apo ko,” ang nakangiting paliwanag sa kaniya ng tiyahin.
Noon muling napaiyak si Lana. Tumayo siya saka mahigpit na niyakap ang nag-iisang taong nagawang isakripisyon ang lahat, maging ang sarili nitong kaligayahan para lang sa kaniya.
“Maraming salamat po, Mama. Maraming salamat po,” aniyang nagpahid ng mga luha pagkatapos.
“Naalala ko tuloy iyong sinabi ko noon sa’yo noon,” anitong pinakatitigan siya ng may paghanga.
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Lana sa sinabing iyon ng tiyahin. “Sinabi?”
Tumawa ng mahina ang Mama Cecille niya saka pagkatapos ay nagsalita. “Na bagay kayo ni Andrew Scott. At kung siya ang mapapangasawa mo, siguradong magiging maganda o kaya naman ay gwapo ang magiging apo ko,” pagpapaalala pa nito.
Nahati sa tuwa at lungkot ang puso ni Lana sa narinig. Saka naalala ang eksenang iyon na tinutukoy ng tiyahin niya habang kinikilig niyang pinanonood ang gwapong lalaki sa TV.
“Pero nabuntis lang niya ako, Mama. Hindi ko siya napangasawa,” kailangan niyang amining nasa puso niya ang bahagyang sakit dahil sa kinahinatnan ng lahat ng pagpapantasya nila sa lalaki.
Nakakaunawa siyang pinagmasdan ng kaniyang Mama Cecille. “Normal lang iyan, lalo sa isang katulad mong maganda ang karera,” anito.
Ngumiti siya. “Ikaw ba Mama. Nung iniwan ako sa’yo ng nanay ko. Anong naramdaman mo?”
“Natakot ako” ang mabilis nitong sagot.
“Huh?”
“Oo, inisip ko kasi baka hindi ko maibigay ang lahat ng kailangan mo. Hindi lang iyon pang pinansyal. Mas lalo iyong takot ko kung mapapalaki ba kita ng maayos? Kung ano ang maituturo ko sa’yo. At sana magabayan kita,” pag amin nito sa kaniya.
Nakaramdam ng guilt si Lana sa lahat ng narinig. Nagbuka siya ng bibig para magsalita pero naunahan parin siya ng tiyahin niya kaya naputol ang iba pang gusto niyang sabihin.
“Ang nangyaring ito, may magandang dahilan. Blessing ang mga bata sa buhay. Kaya dapat mas matuwa ka, kasi magiging nanay kana. At magiging Lola naman ako,” ang masigla nito sabi na kahit paano ay nakatulong sa pag-gaan ng kaniyang pakiramdam.
Four Months Later
DAHIL nga sa ginamit ni Lana ang koneksyon niya sa real estate ay mabilis na naibenta ang kanilang bahay at lupa. Pagkatapos at ay bumili sila ng isang three bedroom at toilet and bath na bahay sa Mercedes Estate sa may parteng Quezon City rin.
“Sino na nga ulit ang pangalan nung nakabili ng dati nating bahay?”
“Nagkibit ng balikat niya si Lana. Tina Silverio raw Mama,” aniya.
Kasalukuyan silang nag-aayos ng mga kasangkapang pang kusina gaya ng plato at iba pa.
“Maganda ang pangalan. Mukhang mayaman nga,” anito sa kanya.
Napangiti si Lana. “Kung hindi ako nagkakamali Mama, siya ang manager ni Andrew,” pagbibigay alam ng dalaga.
Natigilan doon ang tiyahin niya. “Tama ba ang narinig ko?”
“Yes Mama,” aniya.
“Nakakatuwa talagang magbiro ang pagkakataon,” komento pa ng Mama niya.
Hindi nagsalita si Lana sa sinabing iyon ng kinikilalang ina. Totoo naman kasi, pero ayaw niyang bigyan ng ibang kahulugan iyon at sa halip ay iniisip niya nagkataon lang.
“I LOVE it Tita, for sure magugustuhan rin ito ni Kuya Andrew,” si Samantha nang araw na isama siya ng tiyahing si Tina Silverio sa bagong bili nitong bahay. “kaunting renovation lang. Maganda parin ang classic,” pagpapatuloy niya.
Ngumiti si Tina. “Thank—”
Hindi na naituloy ng babae ang gustong sabihin nang mahagip ng paningin nito ang isang malaking litrato ni Andrew na naka-frame at nakasabit sa wall ng isa sa dalawang kwarto.
“Look, mukhang fan pa ni Kuya ang dating naka-kwarto dito,” ang amuse na naisatinig ni Samantha.
“Yeah, yaman rin lang na sa kanya litrato iyan, pakiuwi mo na sa kanya,” anitong kinuha sa ang litrato.
“I love you so much Andrew, forever and always, L.A.M,” aniyang binasa ang nakasulat sa likuran ng frame saka napangiti. “Fans are the sweetest persons in the world,” dugtong pa niyang kinilig pagkatapos.