Three Years Later…
“PUMASOK kana dito Andrea, dito mo na hintayin ang Ninong Marius mo,” ang Mama Cecille niya sa anak niyang si Andrea na ngayon ay magta-tatlong taong gulang na.
Noon lumingon kay Lana ang anak.
“Mo---” napigil ang iba pang gustong sabihin ng bata nang marinig nito ang pagparada sa harapan ng bahay nila ng isang pamilyar na sasaakyan.
“Ninong!” ang masaya nitong tili saka nagtatakbo patungo sa gate.
Napasunod ng kusa ang Mama Cecille niya sa apo nito. Habang si Lana ay nakangiti lang na sinundan ng tingin ang mga ito.
Parang kailan lang, nang mga panahong takot na takot siyang ipagtapat sa tiyahin ang pagbubuntis niya kay Andrea.
Ngayon, tatlong taon na ang mabilis na lumipas at talagang sa puso niya, wala siyang pinagsisisihang binuhay niya ang batang kung tutuusin ay naging bunga ng matagal na niyang pantasya sa ama nito mismo.
Sa paglipas ng panahon ay nanatiling maganda ang takbo ng career ni Andrew bilang artista. Sa katunayan ay ilag beses narin itong nanalo ng awards bilang pagkilala sa husay at galing nito sa pag-arte.
Pero hindi katulad noong hanggang pantasya lang siya sa binata. Hindi na siya masyadong updated sa karera nito maliban nalang kung narinig niya ito sa balita sa TV o radyo.
“Mommy si Ninong may dalang ice cream oh!” balita sa kanya ni Andrea saka patakbong lumapit sa kaniya para ibigay ang kalahating gallon ng chocolate ice cream.
“Coffee?” ang salubong niyang tanong sa kaibigan na kararating lang.
Umiling ito. “Ready na kayo?” tanong-sagot ng binata.
“Oo,” aniyang kinuha ang ice cream saka inilagay sa freezer. “sure ka Mama ayaw ninyong sumama sa mall?” si Lana sa Mama Cecille niya.
Umiling ang Mama Cecille niya. “May tinatapos pa akong tahiin anak, sa susunod nalang ako sasama sa inyo,” anito.
“Bye Lola!” si Andrea na humalik sa pisngi ng matanda. “I’ll buy you pasalubong,” pangako pa nito kaya hindi napigilan ni Lana ang mapangiti.
“NAGDE-DATE ba kayo ni Rhyza Cervantes, Kuya?” mula sa pag-aayos ng sa harapan ng malaking salamin sa kaniyang kwarto ay natigilan si Andrew nang marinig ang boses na iyon ng kapatid na si Samantha.
Tumawa ng mahina si Andrew. “None of your business,” sagot niyang dinampot ang pabango saka ini-spray sa kabuuan niya.
“Maganda naman siya kaso,” anitong ibinitin ang gustong sabihin.
Salubong ang mga kilay na hinarap ni Andrew ang nakababatang kapatid. “What? Ituloy mo,” aniya rito.
Nagkibit ng balikat si Samantha saka pumasok sa loob ng kwarto niya at dinampot ang isang pamilyar na blow up picture na nakatayo sa ibabaw ng chest of drawer niya.
“I wonder kung kasing sweet siya ng fan mo na ito,” ang tinutukoy ng kapatid niya ay ang sweet message na nakasulat sa likuran ng frame.
“Simple pero ramdam ko iyong sweetness niya, at ang love niya para sa’yo. Alam mo kasi Kuya, kung hindi ka lang sikat at mayaman, hindi siguro ako mahihirapan na ma-convince sa mga babaeng idine-date mo sa simula palang,” pagpapatuloy nito.
Agad na natigilan si Andrew sa narinig. Kasabay ang pag-rehistro ng isang magandang mukha sa kaniyang isipan. Saka pagkatapos ay natawa ng mahina at mabilis na iwinala iyon.
“I have to go,” aniyang dinampot ang susi ng kotse sa ibabaw ng console table.
“Okay, see you at dinner?” pahabol nitong tanong.
“Nope, sa condo ako matutulog,” aniyang kinindatan ng makahulugan ang nakababatang kapatid na tinaasan lang siya ng kilay.
Nasa kotse na siya nang tumunog ang message tone ng kanyang telepono. Inisip niyang si Rhyza iyon. Ang beauty queen na kasalukuyan niyang idine-date. Pero natawa nalang siya nang mapag-alamang si Samantha iyon.
“I kind of like this L.A.M fan of yours. Magkita sana kayo ng personal someday,” ang message nito sa kanya.
Naiiling lang na natatawa si Andrew saka inihagis sa passenger seat ang kanyang cellphone. Pagkatapos ay binuhay ang engine ng kotse.
Gusto ni Samantha na makita niya ang babaeng iyon na nagmamay-ari ng blow up picture na nasa kwarto niya ngayon.
Pero kung iisipin, iniwan nga nito ang litrato niya sa isa sa dalawang kwarto ng bahay na nabili ng tiyahin at dati niyang manager na si Tina Silverio.
Ang babae na pumanaw na dalawang taon na ang nakalilipas dahil sa sakit na breast cancer.
Iniwan nito iyon, ibig sabihin hindi na importante ang litratong iyon rito.
Bakit mo naman kasi iiwan at iwawalay sa iyo ang isang bagay na mahalaga sa’yo? Unless gusto mo itong kalimutan o kaya naman ay labis ka nitong sinaktan.
Mapait ang ngiting pumunit sa mga labi ni Andrew nang maalala ang dating manager na naging ina narin ang turing niya sa katagalan.
Sa maraming pagkakataon ito ang nagtuturo sa kanya kung ano ang mas mabuti niyang gawin. Mga hakbang na hindi makasisira sa career niya, sa image niya.
Kailangan niyang aminin na may mga pagkakataong para siyang robot na sumusunod lang sa lahat ng gustuhin nito noon. Pero sa kabilang banda, aminado rin naman siyang isa ito sa malaking dahilan ng tagumpay niya.
Nang mamatay ito, may bahagi ng pagkatao niya ang parang ibong nakawala sa hawla.
Pero gawa narin ng katotohanang napamahal na ito sa kanya na parang pangalawang ina ay nasaktan din siya ng sobra.
Katulad nang sakit na naramdaman niya nang mawala sa buhay niya si Blair, ang nag-iisang babaeng minahal niya ng sobra. Ang babaeng pinangarap niyang iuwi ng Pilipinas para pakasalan.
Sa kaniya unang inialok ng mga anak ni Tina ang bahay na huli nitong binili bago ito pumanaw.
At iyon ay ang bahay kung saan nga nakita ni Sam ang blow up picture na iniuwi pa nito sa kanila. At dahil nga sa pagpapahalaga niya sa pumanaw na manager at tiyahin, hindi nagdalawang isip si Andrew na bilhin ang bahay na kung tutuusin ay kagagaling lang sa minor renovation.
Nang mamatay si Tina ay si Patricia na ang humawak sa kaniya. Sa pagkakaisip sa pangalan iyon ay agad na napangiti si Andrew.
Business with pleasure ang namamagitan sa kanila ng dalaga.
Maganda, bata at mainit sa kama.
Ibinibigay lang naman niya ang pangangailangan nito. At ganoon rin naman siya rito.
Aware rin naman si Patricia sa mga babaeng idine-date niya kaya okay lang rito ang lahat ng iyon. Okay lang rito na may tinitingnan siyang iba.
Dahil ang lahat ng namamagitan sa kanila, malinaw na puro init ng katawan lang.