“SAY thank you to your Ninong Marius, Andrea,” si Lana kay Andrea habang kumakain sila ng ice cream sa isang store sa loob ng mall.
“Thank you Ninong, promise, I will take care of her,” anitong niyakap pa ng mahigpit ang bagong Barbie doll na galing kay Marius.
Natawa ng mahina roon si Lana.
Hindi maikakaila na malaki ang pagkakahawig ni Andrea sa tiyahin at kapatid ng ama nito na si Samantha. Pero hindi na iyon kailangan pang malaman ng kahit sino.
Hindi na kailangan lalo pa ng anak niya. Dahil sa paglipas ng mahabang panahon, hindi niya pinagsisihan na inilihim niya kay Andrew ang bata.
Dahil nagawa niyang ilayo si Andrea sa maraming hindi magagandang bagay na posibleng mangyari kung sakaling naghabol siya kay Andrew noon.
Kaya naman kung mauulit ang pagkakataon, hindi siya magdadalawang isip na gawin ang kaparehong hakbang at desisyon na ginawa niya, tatlong taon na ang nakalilipas.
Maganda ang ngiting pumunit sa mga labi ni Marius.
“ Anytime, basta ikaw,” anitong kinurot ang pisngi ng bata.
“Tapos ka na?” si Lana nang mapansing ubos na ang ice cream sa cup ng anak.
“Yes Mommy,” sagot nito. “can we buy something for Lola, Mom?” dugtong pa nitong tanong.
Sasagot sana si Lana pero naunahan na ito ni Marius. “Sure, anong gusto mong iuwi para sa kanya?” ang mabait nitong tanong sa anak niya.
“Donuts!” ang maagap na sagot nf bata.
Natawa roon si Lana. “Mukhang hindi si Lola ang may gusto? Mukhang ikaw,” aniya sa anak habang ngiting ngiti.
Napahagikhik si Andrea. “Favorite namin ni Lola ang donuts Mommy,” giit nito
“O sige na, ako na ang bibili ng donuts,” si Marius na tumayo.
Umiling si Lana. “Sasamahan ka na namin.”
Nagkibit lang ng balikat nito si Marius. ”Okay,” anito.
“Mahaba pa naman ang pila. CR lang ako,” si Lana nang nakapila na sila sa isang kilalang tindahan ng donuts.
“Go ahead,” sagot naman ni Marius sa kaniya.
“Gusto mo bang sumama anak?” tanong ni Lana kay Andrea.
Umiling ang bata saka kumapit sa kamay ni Marius. “Dito nalang ako kay Ninong, Mommy,” anito.
“Right, ikaw nga pala ang pipili ng flavors,” amuse na winika ni Lana saka tinapik ang balikat ni Marius na tumango lang.
NAPANGITI si Andrew nang mamataan mula sa kinauupuan niyang Italian restaurant ang isang napakagandang batang babae na sa tingin niya ay nasa pagitan ng dalawa hanggang tatlong taong gulang.
Nasa tindahan ito ng donuts na katapat ng kinakainan nila ni Rhyza. Hawak nito ang kamay ng kasama nitong lalaki na sa tingin niya ay ama ng bata.
Bagay na bagay sa bata ang suot na pulang dress kaya tumingkad ng husto ang pagiging mestiza nito.
Ang buhok nitong itim na itim ay maganda ang bagsak at tuwid na tuwid.
Napangiti si Andrew, parang pamilyar sa kaniya ang bagsak ng buhok ng bata. Bagay na mabilis niyang iwinala sa isipan niya.
“Are you okay?” si Rhyza sa kaniya nang mapuna nito marahil ang kaniyang pananahimik niya.
“Y-Yeah” aniyang bahagya pang nagulat nang tapikin ni Rhyza ang kamay niya.
“Ano bang tinitingnan mo?” cuious nitong tanong saka sinundan ng tingin ang direksyong tinatanaw niya.
“Iyong bata,” sagot niyang tumawa ng mahina. “she’s so adorable,” dugtong pa niyang pinanatili ang paningin sa batang babae saka hindi napigilan ang mapangiti.
Nakita niya ang amusement sa mga mata ni Rhyza nang harapin niya ito.
“Don’t tell me gusto mo na ng anak? I should tell you, wala pa sa plano ko ang iniisip mo,” nasa tono ng dalaga ang pagpapaalala.
Magkakasunod na umiling doon ang binata.
“No, no,” paglilinaw niya. “agaw pansin lang tala---,” agad na napigil ang iba pang gustong sabihin ni Andrew nang mamukhaan ang isang pamilyar at napakagandang babae na lumapit at nagbuhat sa bata.
Kung saan nanggaling ang matinding sikdo ng kaba na biglang naramdaman ng binata, hindi niya masabi.
At lalong nagtumindi iyon nang marinig mula sa mismong mga labi ng batang babae na tinawag nitong Mommy ang bagong dating.
“Andrea! Hindi ba sinabihan na kita na huwag kang tatakbo?” naglalakad na ang mga ito at hindi na malayo sa kinaroroonan nila kaya malinaw iyong narinig ni Andrew.
Mabuti nalang at nasa mas nakukubliang bahagi ang mesa nila. Hindi siya mapapansin ni Lana kahit dumaan ito.
Oo, si Lana. Ang babaeng sa loob ng mahabang panahon ay hindi niya nakalimutan.
“Mommy, can you tell me more about my Dad?” ang malakas na boses ng bata na umabot sa pandinig ni Andrew.
“Andrea, not here,” saway nito sa anak.
“Please? Tall din ba siya like Ninong Marius? And handsome? And sweet?” magkakasunod na tanong ng bata.
Mabuti nalang at may kabagalan ang paglakad ng mga ito kaya nagkaroon ng pagkakataon si Andrew na marinig ang lahat ng iyon.
Kaya naman kasabay ng mas mabilis na sikdo ng kaba sa dibdib niya ay agad rin siya kumilos at napatayo.
“Hey, saan ka pupunta?” si Rhyza sa kaniya.
“I’m sorry, muntik ko ng makalimutan, may kakausapin pa nga pala akong tao. Goodness late na ako!” aniyang mas ginawang convincing ang pag-arte.
“Ganoon ba? Di sasama na ako,” ang babaeng tumayo narin.
“I’m sorry, please call your driver. Importante ito at medyo personal. Tatawagan kita mamaya,” paalam niya saka hinalikan sa mga labi ang dalaga.
“LANA,” mula sa loob ng kanyang kotse ay lihim na pinanonood ni Andrew ang babaeng bumaba sa sasakyan ng kasama nitong lalaki na tinawag ni Andrea na Ninong Marius kanina sa mall.
“Andrea, Andrew,” anas na naman ng binata saka nahati sa tuwa at galit ang puso niya.
“I have to talk to her. I need to talk to her,” aniyang naikuyom ang mga palad saka sinimulang magbilang ng taon sa isipan niya.
“Fuck! Damn!” mura niya pagkatapos ng ilang sandali.
Kung ang kakaibang pakiramdam na mayroon siya ngayon ang pakikinggan niya, well, hindi siya pamilyar sa tinatawag na lukso ng dugo. Pero may palagay siyang iyon ang naramdaman niya para sa batang tinawag ni Lana kanina sa pangalang Andrea.
Habang paulit-ulit na parang naririnig niya ang lahat ng tanong nito kanina tungkol sa ama nito. Dahil doon ay lalong nagtumindi ang hinala ni Andrew na anak niya ang bata.
Lalo at malaki ang pagkakahawig nito hindi lang sa kanya kundi mas lalong higit kay Samantha. Ang bunsong kapatid niya.
Alam naman niyang hindi sapat ang lahat ng iyon para mapatunayang tama nga ang pakiramdam niya kahit iyon ang unang beses niyang nakita ang bata.
Kaya naman isa lang ang naiisip niyang mainam na paraan.
Ang kausapin si Lana. At gagawin niya iyon, sa anu’t-ano mang paraan na kaya niya.