WILD FANTASY (FILIPINO) Chapter 33

"MAGPAPAKASAL na kayo?" masaya ang tono ng boses ni Mama Cecille pero wala roon ang pagkagulat na siyang inaasahan ni Lana kaya siya ang totoong nasorpresa.

"Iyan lang ang sasabihin mo, Mama?" nang hindi makatiis ay naitanong pa niya kasabay ng hindi sinasadyang pagsasalubong ng kaniyang mga kilay.

Tumawa ang Mama Cecille niya saka pinaglipat-lipat ang paningin sa kaniya at kay Andrew na nakangiti nakikinig lang. "Ano bang inaasahan mong reaksyon galing sa akin Lana? Hindi mo ba gusto itong ganito? Masaya ako na siya namang totoo" anito. "magkakaroon na ng masaya at buong pamilya ang apo ko, ano pa bang reaksyon ang kailangan kundi ang maging masaya?" pagpapatuloy ng matanda.

Hindi nakapagsalita roon si Lana at sa halip ay sinulyapan si Andrew na katabi niya sa mahabang sofa habang si Andrea naman nang mga oras na iyon ay mahimbing nang natutulog sa kwarto nito.

"Ibinibigay ko sa inyo ang aking basbas, sana maging maligaya kayo dahil tama ang desisyon ninyo" makahulugan ang huling sinabi ni Mama Cecille bagaman hindi nakuha ni Lana kung ano ang ibig sabihin.

Nagulat si Lana nang bigla ay mahigpit na ginagap ni Andrew ang kamay niya saka iyon hinalikan pagkatapos ang banayad na pinisil. Hindi pa nakuntento roon ang lalaki dahil kinabig siya palapit rito saka hinalikan ang ulo.

"Aalagaan ko po si Lana, at gagawin ko ang lahat maging masaya lang siya sa piling ko" anitong ibinitin sandali ang iba pang gustong sabihin nang bahagya nitong ilayo ang sarili sa kanya. 

Awtomatikong napatingala si Lana sa binata kaya naman nagtama ang kanilang mga mata. At katulad ng dati kapag nangyayari sa kanila ang ganoon, agad na nagiging mabilis ang tibok ng puso ng dalaga. 

"Gagawin ko po ang lahat para sa kanilang dalawa ng anak ko" si Andrew habang nanatiling magkahinang ang kanilang mga mata.

Hindi nakapagsalita si Lana sa narinig. Hindi rin niya tiyak kung dahil ba sa nakaka-magnet na titig ni Andrew o dahil narin sa nakabibinging tibok ng puso niya mabilis na nag-init ang mga mata ng dalaga. Pero kagaya ng dati, pinagsikapan niyang magkontrol ng emosyon at nagtagumpay naman siya roon. 

"Paano, maiwan ko na kayo at matutulog na ako. Alas-nueve narin at hindi maganda sa akin ang nagpupuyat" ang tiyahin niya sinundan ang sinabi ng mahinang tawa. 

"Sige po Mama" sagot ni Lana.

"Oo nga pala, kailan ba ang plano ninyong pagpapakasal?" pahabol pang tanong ng Mama Cecille niya.

Si Andrew ang sumagot sa tanong na iyon ng matanda. "In two weeks time po, Mama" anitong ngiting-ngiti siyang nilingon pagkatapos.

Tumango-tango ang tiyahin niya. "Sige, matutulog na ako" anitong nanatiling masigla ang tono ng boses.

Sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan ilang sandali pagkatapos. Habang si Lana ay nanatili naman sa pagkakahilig sa balikat ni Andrew na mahigpit naman ang pagkaka-akbay sa kaniya.

"Pwede ba akong makitulog dito? Kahit ngayong gabi lang?" ilang sandali pagkatapos ay binasag ni Andrew ang katahimikan sa naglalambing nitong tinig.

Humaplos ang tanong na iyon ni Andrew sa puso ni Lana kaya awtomatikong napangiti ang dalaga. "Hindi pwede, saka ilang araw nalang naman ang hihintayin mo hindi ba?" aniyang kumawala sa pagkakahilig sa balikat ng binata.

Tumawa ng mahina si Andrew, inilagay ang kamay sa baba niya saka siya niyuko at banayad na hinalikan sa mga labi.

Marahas na napasinghap si Lana sa halik na iyon ng binata. Marahan pero malalim at unti-unti niyong pinag-aalab ang kaniyang pagkatao.  Kaya naman hindi na siya nagtaka nang ilang sandali pa ay natagpuan nalang niya ang sariling tumutugon na rin ng maaalab na halik sa lalaki. 

"Hindi ko na mahintay ang makasama ka sa pagtulog, Lana" si Andrew nang pakawalan nito ang mga labi niya saka hinagod ng humahangang tingin ang kaniyang mukha. 

Ngumiti ang dalaga saka hinaplos ang gwapong mukha ng lalaking noon ay sa screen lang ng telebisyon niya nakikita, pero ngayon ay ama na ng anak niya and soon magiging asawa na niya. Hindi parin siya makapaniwala kapag naiisip niya. Pero totoo ito, at hindi siya nagpapantasya lang. 

"Ang lahat naman ng ito alam kong ginagawa mo para sa anak natin, kaya masayang-masaya ako. Kasi alam ko ito ang gusto ni Andrea" huli na para bawiin iyon.

Tumango-tango si Andrew saka siya mabilis na pinakawalan. "Yeah, nasabi mo nga rin sa akin minsan na wala kang hindi kayang gawin para sa anak natin."

Hindi maintindihan ng dalaga pero bigla ay parang kinabakasan niya ng matinding bitterness ang sinabing iyon ni Andrew. Pagkatapos ay tumayo ito saka na tinungo ang pinto. Mabilis na napasunod ang dalaga.

"Andrew!" habol niyang tawag sa binata sabay hawak sa kamay nito.

Walang salitang nilingon siya ng binata. Nagtama ang paningin nila at dahil doon ay nagkaroon siya ng pagkakataong makita ang kakaibang klase ng hinanakit at lungkot sa magaganda at asul na asul na mata ng ng lalaki.

"Aalis na ako" ang sabi nito.

Hindi maintindihan ni Lana kung bakit parang may kung anong takot ang lumukob sa puso niya sa simpleng sagot na iyon ni Andrew. Kaya naman kasabay ng sikdo ng pangamba ay ang paghigpit niya sa pagkakahawak sa kamay ng lalaki.

"No!" katulad ni Andrew, siya man ay nabigla sa nasabi. 

"A-Ano?" salubong ang mga kilay na tanong ng lalaki.

Lalong nagtumindi ang kaba sa dibdib ni Lana dahil sa isang iglap, pakiramdam niya nawalan ng kapasidad ang utak niya para mag-isip. Bukod pa roon ay hindi niya maikakaila na talagang apektado siya sa nakikita niyang matinding lungkot at hinanakit sa mga mata ni Andrew.

"H-Hindi ba sinabi mo gusto mong dito matulog? Kung okay lang sa'yo, tabihan mo nalang ang anak natin" ang naisip niya makalipas ang ilang sandali.

Sukat sa sinabi niyang iyon ay mabilis na naglaho sa mga mata ni Andrew ang lungkot at hinanakit. Sa halip ay napalitan iyon ng kakaibang klase ng katuwaan dahil sa ningning mga iyon na lalo pang nagtumindi nang ngumiti ito.

"Really? Are you sure?" sa karaniwang mabait na tono ng binata.

Malapad na ang naging pagkakangiti ni Lana. Pagkatapos ay magkakasunod siyang tumango saka walang anumang salita na yumakap ng mahigpit kay Andrew. Hindi niya maintindihan pero pakiramdam niya bigla ay kailangan niya ang yakap ng binata. 

Kaya naman sa kaisipang iyon ay lalong humigpit ang pagkakayapos niya rito na sa kalaunan ay ginantihan rin ng lalaki ng mas mahigpit pang yakap.

"Dito ka lang, huwag ka munang umalis. Please?" bulong pa niya saka inilapat sa matipunong dibdib ng binata ang kaniyang pisngi.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.