Present…
NAGBALIK sa kasalukyan ang diwa niya nang pumasok sa ilong niya ang pamilyar na amoy na iyon ng isang lalaki. Isang tao lamang ang alam niyang may ganoong klase ng pabango.
“Caspian…” anas niya at unti-unting minulat ang mata. Bumungad sa kanya ang puting kulay na dinding sa loob ng malaking kwarto na iyon. Naramdaman din niya ang isang malambot at pamilyar na kamay na humahawak sa kamay niya. Noon niya napagtanto na nasa isang siya ospital ng oras na iyon.
Nag-angat ng ulo ang taong may hawak sa kamay niya nang maramdaman ang paggalaw niya. At tama nga siya. Ang taong iniusal niya ang pangalan ay ang lalaking nasa tabi niya.
Sandali siyang natigilan nang makita ang mukha nito. Mas lalong gumanda ang dati ng magandang features ng mukha nito. Napansin din niyang mas lalong kumapal at lumago ang buhok nito. Malayong-malayo iyon sa dating istilo noon. But he still managed to be handsome. Sa katunayan ay mas guwapo pa ito ngayon kaysa noon.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong nito sa kanya. Kita niya ang pag-aalala sa mukha nito.
“I-I’m okay…”
“Nagkasugat ang kaliwang kamay mo nang mabangga kita. Sigurado ka ba talagang okay ka lang?”
Pinakiramdaman niya ang sarili niya. Wala naman siyang nararamdamang kakaiba maliban na lamang sa kaliwang kamay niya na sinabi nga nitong nagkasugat nang mabangga siya.
“Sa palagay ko naman ay ayos lang ako. Kaunting sugat lamang naman itong nasa kaliwang kamay ko.” Sagot niya nang bigla siyang may naalala. “Anong oras na?”
“It’s six in the morning now. Nahimatay ka nang dalhin kita dito kaya nakatulog ka na din.”
“Six?!” malakas na bulalas niyo. “Bakit hindi mo ako ginising?”
“You need to rest, Marianne. Ang sabi ng doktor ay kailangan mo noon. You looked exhausted and very tired when I bought you here.”
“Pero hindi mo alam ang maaring mangyari nang dahil doon!” sigaw na niya sabay bangon sa kamang kinahihigaan niya. “I need to go.”
“But Marianne, kailangan mo pang magpahinga!” pigil nito sa kanya.
Bago pa siya makapagsalita muli ay biglang bumukas ang pinto. Iniluwa noon ang isang batang babae na halatang umiyak. Agad na nilapitan siya nito at niyakap.
“Mommy, sobra po akong nag-aalala sa `yo. Lalo na at paggising ko ay wala ka sa tabi ko. Sabi po kasi ng doktor ay umalis na kanina si Ate Rica para ipaghanda ang mga kapatid niya sa eskuwela kaya naman wala akong mapagtanungan kung saan ka nagpunta.”
“Mommy?” takang wika ni Caspian habang pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang mag-ina. “May anak ka na?!”
Napapapikit siya. Paano ba niya ipapaliwanag dito ang lahat? Paano ba niya sasabihin dito na at least na maging isang sikat na theater actress sa ibang bansa ay nauwi sa pagiging dalagang ina ang career niya?
Tumingin ito sa anak niya at nakita niya base sa reaksyon ng mata nito ang pangamba habang nakatingin sa bata.
“A-ano’ng pangalan mo?” dahan-dahan tanong nito kay Casey.
“Cassandra po. Casey for short...” sagot naman ng bata.
Lumunok muna ito bago muling nagsalita. “I-ilang taon ka na?”
“Five years old po…”
Parang tinamaan naman ng kidlat ang naging ekspresyon ng mukha nito. Ngunit nang makabawi sa pagkabigla ay niyakap nito ang bata. “And you are my child...”
Hindi niya masabi kung ano ang nabasa niya mula sa boses nito. May kasama iyong tuwa at para din na may kasamang panghihinayang.
Ang bata naman ay halos hindi makahinga sa ginawa ng lalaki. Nang hindi nito makaya ay kumawala ito sa pagkakayakap ng lalaki. “Kayo po ang Daddy ko?” medyo nag-aalinlangan pang tanong ng bata.
“Oo, Casey. Ako ang iyong ama.”
Tumingin sa kanya ang anak niya. Waring nagtatanong kung totoo ba ang narinig mula sa lalaki. Tumango siya dahil iyon talaga ang katotohanan. Humarap muli ito sa lalaki at nagsimulang mamuo ang luha at yumakap sa lalaki. “Daddy…”
“Anak...” ginantihan nman ito ng yakap ng ama nito.
“Alam niyo po bang matagal na po kitang hinahanap? Lagi akong nagtatanong kay Mommy kung saan kita makikita para makasama kita pero laging hindi niya masagot ang tanong ko...”
“I’m so sorry, Anak. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari ay sana hindi ako umalis ng bansa. Sana ay nandito ako sa tabi mo. Pero tapos na ang lahat. Nangyari na ang nangyari. Hindi na natin maibabalik ang nakaraan. But I promise you, I will stay forever with you from now on. Hindi na ako aalis. Hindi na tayo magkakahiwalay…” naiiyak na wika ni Caspian. Hinalikan pa nito ang noo ng bata.
“Daddy...” tanging nasabi na lamang ng bata.
Parang nagkaroon ng mini-reunion sa pagitan ng mag-ama. Halatang-halata kay Casey na masayang-masaya ito sa pagkakita sa ama nito. Noon pa siya madalas tinatanong at kinukulit ni Casey tungkol sa Daddy nito pero madalas ay iniiwasan niya iyon. Hindi niya kasi alam kung paano sasagutin ang tanong na iyon ng bata.
Si Caspian naman ay halatang natuwa din sa pagkakita sa anak na nawalay. Pinagpapasalamat niya sa Diyos at hindi ito nagtanong pa sa kanya tungkol sa kung iba’t ibang detalye tungkol kay Casey. Ni hindi nito pinagdudahan kung anak ba talaga nito si Casey.
Ngunit siya naman ay hati ang nararamdaman. Masaya siya na bumalik na si Caspian. Sa wakas ay may ama na rin na ituturing ang kanyang anak. Ngunit may tanong na bumabagabag isip niya sa pagbabalik nito. Maibabalik pa kaya nila ang nakaraan nila na nasira dahil sa pangarap niya?
WALA pang beinte-kuwatro oras mula nang magbalik si Caspian sa Pilipinas pero ang dami ng nangyaring nakakagulantang sa kanya. Una, ang hindi sinasadyang pagkakabunggo niya kay Marianne na nagdala muli sa kanila para magtagpo muli ang kanilang landas. Hindi niya lubos maisip na dahil lamang napadaan siya sa isang madilim na kalye sa may Tondo kung saan hinahanap niya ang restaurant na palaging bukang bibig ng isang naging kaibigan niya sa Canada ay makikita niya muli ito.
Ngunit may isa pa palang pangyayari ang hindi niya inaasahang darating sa kanya ngayong araw at iyon ay ang kaalamang may anak pala siya. May anak siya na ngayon lamang niya nakita at nakilala!
Noong una ay nais niyang magalit kay Marianne sa ginawa nito. Ni hindi man lang nito pinaalam sa kanya na nagkaanak sila. Pero sa huli ay naisip din niya na wala na rin namang magagawa ang galit niya. Kahit magalit pa siya dito ay hindi na nila maibabalik ang nakaraan. Isa pa ay may kasalanan din naman siya dahil umalis siya ng bansa. Kung naisin man nito na ipaalam sa kanya ang bata ay mahirap gawin iyon. Wala na siyang natitirang kamag-anak sa Pilipinas upang mapagtanungan nito kung nasaan siya. Wala din ni isa sa mga kaibigan ang nakakaalam kung paano siya mako-contact o mapupuntahan man lang.
May kung anong emosyon ang pumasok sa dibdib niya nang makita niya si Casey pagpasok nito ng hospital suite kung saan in-admit niya si Marianne. Kamukhang-kamukha niya ang bata. Noong una ay ayaw niya pang maniwala sa nakita ngunit nang tawagan nitong “Mommy” si Marianne ay agad ang pagpasok ng kakaibang kaba sa puso niya. Lalo na nang makita niya ang itim na itim na mata nito na kagayang-kagaya sa kanya. Nakaramdam siya ng tinatawag na “lukso ng dugo” nang mayakap niya ang bata.
Limang taon ang nasayang sa kanila ni Casey at Marianne. Pero hindi niya masisi ang kung sino man sa kanila. Umalis si Marianne ng bansa at iniwan siya. Umalis siya ng sariling bansa. Pareho silang nawalay sa isa’t isa.
Si Marianne ang kauna-unahang babaeng minahal niya at ang kauna-unahan ding babaeng dumurog sa puso niya. Sa unang tingin pa lamang niya dito ay alam niyang ito na ang babaeng gugustuhin niyang makasama sa habang buhay. He loved how her brown eyes make his heart beat so fast, how her scent makes her feel of something wonderful and how her long hair waves in the air. He fell in love with her fast and hard. At kung gaano naman nahulog ang loob niya dito ay ganoon naman kasakit ang nangyari sa kanya ng iniwan siya nito.
“We can work this out, Marianne. Gagawa ako ng paraan para makasama ka. I can go to Italy and work there para lang makasama kita.” Halos nagmamakaawa ng sabi niya nang paalis na ito papuntang Italy.
Umiling ito. “I know you love it here, Caspian. Ayaw kong sirain ang gusto mo. Alam kong gusto mong maglingkod sa sariling bansa mo. Hindi kita kayang puwersahin na sumama sa akin.”
“But I want to be there for you. Paano ka na kapag wala ako? Walang mag-aalaga sa `yo! Paano kung mapuyat ka na naman at palaging magpalipas ng gutom dahil sa kaka-practice? I want to be with you. Let me stay with you.”
“Hindi puwede. Gusto kong mag-focus sa career ko na ako lang mag-isa lang. Ayaw kong ma-distract. Kailangan kong tumayo sa sarili ko. Ayaw ko din na masaktan ka kapag hindi ko naibigay ang oras na kinakailangan mo.”
“But I will never be a distraction, Babe...” gumagaragal na ang boses niya nang marinig niya ang salitang “distract” sa bibig nito. Iyon ba ang tingin nito sa kanya? Distraction lang para dito? “Hindi ba’t pinatunayan ko na `yon sa `yo?”
Humugot ito nang malalim na hininga. Halatang nahihirapan na ito pero kinukubli lamang nito iyon. “Hindi mo ako naiintindihan, Caspian...”
He snapped in anger. “Hindi talaga kita naiintindihan, Marianne! Ano ba talaga ang gusto mo? I am willing to sacrifice everything for you pero ayaw mong gawin ko iyon para sa `yo! Hindi mo ba ako mahal kaya mo ako ginaganito?”
“I love you, Caspian. Pero magiging unfair sa `yo kung sakaling susunod ka sa akin. You have your own life at may buhay din ako at nais kong mag-focus sa career ko ng walang iniintindi. Hindi ako makakapag-concentrate kung palaging ang nasa isip ko ay ang tungkol sa ating dalawa. I want you to live your own life, Caspian.”
“I can’t live my life without you, Marianne...” nagsimula ng tumulo ang luha niya dahil sa sakit na nararamdaman.
Nag-iwas ito ng tingin at tumalikod sa kanya. “Maghanap ka na ng ibang babaeng mamahalin, Caspian. Find a girl who deserves your love. Isang babaeng kayang higitan ang pagmamahal na binigay mo sa akin.”
At pagkatapos noon ay naglakad na ito palayo. Nais niyang sumigaw sa sakit na nararamdaman pero walang lumalabas sa bibig niya na kahit ano. Napaluhod na lang siya habang tinatanaw ito na lumayo…
Ang tunog ng cellphone sa bulsa niya ang nagpawala sa isip niya nang pagdaloy ng alalaala. May tumatawag sa kanya.
“Honey! Nasaan ka na? Ayos ka lang ba? I’m so worried about you…” agad na bungad sa kanya ng caller nang masagot niya ang tawag. Nakilala niya agad ang boses nito base na rin sa mga sinabi nito. It was Jessica, ang girlfriend niya sa ngayon.
“I’m okay. Nandito na ako ngayon sa Pilipinas. I’m sorry kung hindi ako nakapag-reply sa mga text messages mo. I’ve been busy.”
Naramdaman niya ang pagtataka sa boses nito. “Busy saan? Hindi ba’t nasa Pilipinas ka lang naman para ayusin ang ilang papeles tungkol sa binabalak mong pagpapatayo ng firm diyan at sa isang araw mo pa iyon balak gawin?”
Bumuntong-hininga siya. Paano niya ba sasabihin dito ang mga bagay na nangyari ngayong araw? He knew it will surely break her heart kapag inamin niya ang lahat ng nangyari.
“Something came up,” palusot na lamang niya. “Don’t worry I’ll call you when I’m not busy na, ha?”
“But I miss you, honey. Don’t you miss me?” may pagtatampo sa boses nito.
“I miss you too. Pero madami talaga akong kailangang gawin for today kaya I’ll hang-up na.”
“Ah, okay. Just take care there, okay? And always remember that I love you.”
Huminga muna siya nang malalim bago muling sumagot. “I-I love you, too.” Saka ibinaba ang cellphone niya.
Nakilala niya si Jessica sa Canada. Pilipino din ito at nag-migrate ang pamilya sa Canada ng sampung taong gulang pa lamang ito. Mabait, maganda at maalaga ito. Halos wala siyang maipipintas dito.
Sa Canada siya namalagi kasama ang pamilya niya kaya nawala siya sa Pilipinas sa loob ng halos anim na taon. Pagkatapos kasi siyang iwan noon ni Marianne ay hindi niya alam ang gagawin kaya naman pinayuhan siya ng magulang niya na sumunod na lamang sa mga ito sa Canada para makalimot. Sinunod naman niya ang mga ito dahil pakiramdam niya ay mababaliw na siya sa Pilipinas dahil palagi lang siyang napapadaan sa mga lugar kung saan marami silang naging alaala ni Marianne.
Sobra siyang nasaktan dahil sa ginawa sa kanya ni Marianne noon. Minahal niya ito nang husto ngunit sa huli ay hindi nito pinili ang pagmamahal niya kahit handa siyang gawin ang lahat para dito.
Sa ngayon ay naroroon siya ngayon sa bagong townhouse niya sa may Quezon City na binili niya through online nang nasa Canada siya. Pati ang kanyang kotseng bagong gamit pa lamang niya ay nakabangga na ay through online din niya nabili.
Bago siya magpunta sa townhouse ay nagpaalam muna siya kay Marianne at Casey na may kukuhanin sa bahay at pinayagan naman siya ng mga ito. Ipinangako niyang babalik muli siya sa ospital makatapos magpalit ng kanyang damit at kumuha ng ilang mga gamit. Napag-alaman niyang naka-confine pala si Casey sa ospital din na iyon at pinasilip lang ng doktor sa suite ni Marianne dahil iyak ito nang iyak.
Nalaman din niya na may sakit pala sa puso ang kanyang anak. Kakakita pa nga lamang niya sa kanyang anak ay may karamdaman pa pala ito. Pero hindi niya masisi si Marianne dahil sa sinapit ng anak nila. Ramdam niyang marami itong pinagdaanan base na lang din sa itsura nito ngayon.
Malaki ang pinagbago ni Marianne. Parang dumanas ito nang matinding paghihirap sa lagay nito. Ang dating malambot na kamay nito ay puro kalyo na ngayon at magaspang na din. Parang tumanda ng isang dekada ang itsura nito.
Pero kahit ganoon pa man, may isang damdaming muling nabuo sa dibdib niya nang makita ito. Ngunit alam niyang hindi niya dapat iyon pansinin. May Jessica na siya sa buhay niya ngayon at parte na lang ng nakaraan si Marianne kahit may anak silang dalawa.
Napatingin siya sa malayo dahil sa kanyang pag-iisip. Paano niya maayos ang buhay kung ganitong naka-commit na siya sa iba at biglang dumating muli ang pinakaunang babaeng minahal niya kasama ang anak nila?