“MOMMY, totoo po bang babalik muli si Daddy?” tanong sa kanya ni Casey habang nakahiga sa hospital bed nito. Kung kani-kanina lamang ay nasa hospital ward ito ng ospital, ngayon naman ay nasa pinakamagandang kuwarto na ito ng hospital na iyon. Nang makita kasi ni Caspian ang ward ay agad nitong pinalipat ang anak nila sa magandang kuwarto. Ang dahilan nito ay dahil baka lalong magkasakit ang kanilang anak sa lugar. Marami kasing naka-admit sa ward at iba’t iba ang sakit.
Tumango siya sa bata at hinawakan ang pisngi nito. Ilang araw mula ngayon ay in-sched na ng doktor ang operasyon ng bata. Nang sinabi niya ang tungkol sa kalagayan ni Casey kay Caspian ay namutla ito sa narinig tanda ng takot sa kalagayan ng bata. Kinausap agad ni Caspian ang doktor na tumingin kay Casey at sinabing umaayon na ito tungkol sa pagpapa-opera sa bata. Ang sabi pa nga nito ay kung kinakailangan na bukas na bukas din ay maoperahan ang bata para maging maayos ang kalagayan nito ay payag ito. Iyon nga lamang ang sabi ng doktor ay may schedule daw ang ganoong mga operasyon. Sa Lunes, dalawang araw mula ngayon naka-schedule si Casey para maoperahan.
Sinigurado ni Caspian sa kanya na magiging maayos ang lahat. Ito na daw ang bahala sa lahat ng finances na kakailanganin ng bata. Hindi na siya nagtaka tungkol doon. After all, base sa itsura nito ngayon ay mukhang napakayaman nito.
“Mommy, alam mo po ba, sobrang saya ko kasi dumating na sa buhay natin si Daddy. Sa wakas, may daddy na rin ako. Hindi na ako aasarin ng mga kalaro ko na walang daddy. Hindi na ako maiinggit sa kanila habang nakikita ko silang nakikipaglaro sa daddy nila.”
Nginitian niya ang bata. Matagal na nitong sinasabi sa kanya ang problema nitong iyon tungkol sa mga kalaro nito. Awang-awa siya noon sa bata tuwing umuuwi ito sa bahay na umiiyak dahil inaasar ito ng mga kalaro nito. Ngayon ay hinding-hindi nito maasar ng mga batang iyon.
“Masaya rin ako anak na dumating muli ang daddy mo sa buhay natin…” Sobrang saya kung alam mo lang. Matagal ko nang inaantay na bumalik muli siya.
Ngumiti ang bata. “Ang guwapo-guwapo po pala ni Daddy `no? Kamukhang-kamuha ko po siya. Ang bait-bait din niya sa akin. Mukha rin siyang mayaman. Siguradong hindi ka na muli babalik sa paglalabada kapag kinuha na niya tayo, Mommy!”
Nasa ganoong sitwasyon sila nang biglang bumukas ang pinto ng suite nito at niluwa niyon si Caspian. May dala-dala itong malaking plastic ng Jollibee at isang malaking teddy bear. Nakapagpalit na din ito ng damit. Mas lalo itong naging guwapo sa paningin niya sa suot nitong gray na polo at jeans. Mukhang nakapaligo na din ito dahil mamasa-masa pa ang buhok nito. Inilapag nito sa side table ang supot na dala nito at ibinigay kay Casey ang malaking teddy bear. Agad naman na namilog ang mata ng bata nang makita ang teddy bear.
“Wow!” bulalas nito saka niyakap ang teddy bear. “Para sa akin ba ito, Daddy? Ang laki-laki niya!”
Tumango naman si Caspian at aliw na pinagmasdan ang anak habang nilalaro nito ang teddy bear. “Nakakatuwa pala siya. Sa mga simpleng bagay lang masaya na siya,” wika nito saka tumingin sa kanya.
Kiming ngumiti siya. “Ganyan talaga si Casey. Masaya na siya sa mga simpleng bagay na naibibigay sa kanya. Kahit nga sirang manika pinagtitiyagaan niyan may malaro lang siya.”
“Siguradong lalaki siyang mabait…”
“Oo nga,”
Tumingin ito muli kay Casey. Nakita niya ang kaligayahan sa mata nito habang nakatingin sa bata. Mukhang masayang-masaya ito sa pagkakita sa nawalay na anak nito. Pero kahit ganoon, ano nga kaya ang tunay na saloobin ni Caspian? Ano ang mangyayari sa kanila pagkatapos ng lahat ng ito?
Paano kung kuhanin nito si Casey pero hindi siya? Alam niyang nasaktan niya nang husto si Caspian noon at pinagsisihan niya nang malaki ang naging desiyon niyang iyon noon. Masakit sa kanya ang desisyon niya nang iwan niya ito noon.
Pinili niya ang pangarap niya sa pag-ibig. Pero mukhang nagkamali siya ng napili dahil nauwi lamang iyon sa wala.
Ngayon, tanging si Casey na lamang at ang walang kasiguraduhang pagbalik sa kanya ni Caspian ang tanging natitira sa kanya.
“HONEY, I’ll be going there in the Philippines by next week! I want to be there with you dahil sobra na kitang na-miss.” masayang anunsiyo sa kanya ni Jessica habang kausap niya ito sa cellphone dalawang araw matapos ang huling tawag nito sa kanya nang nasa townhouse niya siya.
“Ha?” gulat na sabi niya. Wala sa usapan nilang dalawa na susunod ito sa kanya sa Pilipinas. At hindi rin niya lubos maisip na uuwi ito sa Pilipinas ngayon at susundan pa siya.
Bumuntong-hininga muna ito bago muling nagsalita. “I said, pupunta ako diyan sa Pilipinas para masundan ka. Missed na missed na kasi kita.”
“But Jess, `di ba’t may trabaho ka? Baka magalit ang boss mo.”
“Nagpaalam na ako kay Boss. Ang sabi naman niya ay okay lang tutal naman daw ay first time kong mag-leave sa trabaho.”
“Pero...” hindi niya alam ang sasabihin sa nobya.
“Pero ano, Caspian? May problema ka ba?”
“Wala…” nasagot niya kahit sa totoo lang ay malaki. Alam niyang masasaktan si Jessica kapag nalaman nitong nagkaanak siya sa babaeng minahal niya bago niya ito napansin.
“Kung ganoon bakit kung makapagsalita ka ay parang ayaw mo akong papuntahin diyan? Hindi mo ba ako na-miss?”
“I miss you but...”
“I miss you but ano, Caspian? You know what, you freak me out. Nanibago ako sa mga sinasabi mo ngayon sa akin. Totoo bang wala kang problema?”
“I’m just tired these past few days, Jess. Pagpasensyahan mo na ako. But I’m okay, don’t worry about me.”
“Are you sure you’re okay?” may pag-aalala sa tinig nito.
“Yes, I’m okay.” Wika niya saka nagpaalam na dito. Nang maibaba niya ang cellphone ay tumingin siya sa gawi ni Marianne na nakaupo sa waiting lounge ng operating room. Kasalukuyang nasa loob ng operating room si Casey at inooperahan. Hawak-hawak nito ang isang rosaryo. Bago pa man dalhin si Casey doon ay todo na ang pagdadasal nito na sana ay maging maayos ang operasyon ng anak nila.
Tinignan muna niya sa malayo si Marianne bago siya lumapit dito. Halos hindi ito natutulog para lang mabantayan ang anak nila. Ramdam niyang mahal na mahal nito ang anak nila. Ganoon din naman siya sa anak niya. Kahit na ba kakakilala pa lamang niya sa bata ay naging mahalaga na ito sa kanya. Hangga’t maari ay ayaw niyang maalis sa tabi nito. Ibayong saya ang dala nito kapag kasama niya ito.
Kagaya ng saya na nararamdaman mo nang magkasama pa kayo ni Marianne. Wika ng isang bahagi ng isip niya.
Sa kabila ng sakit na dinala nito sa kanya noon ay hindi pa rin maiwasan ng puso niya na tumibok ng abnormal habang kasama ito. Kahit na ba ibang-iba na ang itsura nito sa Marianne na kilala ng lahat noon ay may kakaiba pa rin itong halina sa kanya. Masaya siya sa bawat sandali na kasama niya ito at si Casey. Mula nang iwan siya nito halos anim na taon na ang nakalilipas ay ngayon na lang muli niya naramdaman ang sayang iyon.
Pero sa kabila noon ay may pangambang namumuo sa dibdib niya. Hindi siya puwedeng umibig muli kay Marianne. May nobya na siya ngayon at nasisiguro niyang mahal na mahal siya nito at hindi iiwan. Isang babaeng nakayang higitan ang pagmamahal na ibinigay niya noon kay Marianne katulad ng sinabi sa kanya nito. Nakahanap siya ng babaeng nais nitong makita niya sa katauhan ni Jessica.
Kaya naman hindi niya alam ang gagawin niya sa ngayon. Masyadong nagulo ang buhay niya sa muling pagbabalik ni Marianne. He was now committed with someone else who deserves his love more than Marianne do. Nasa kanya na ang pinakaperpektong babae sa mundo pero hindi pa rin maiwasang pumasok sa isip niya si Marianne.
“Ayos ka lang ba?” tanong niya dito nang makalapit sa kinauupuan nito. Umupo siya sa tabi nito.
Tumango ito at tumingin sa kanya. “Girlfriend mo ba ang kausap mo kanina?”
Napakunot ang noo niya sa sinabi nito. Paano nito nalaman na may girlfriend siya eh hindi pa naman niya sinasabi iyon dito?
Waring nabasa naman nito ang nasa isip niya. Nagsalita muli ito. “Hindi sinasadyang nakita ko ang text message na pinadala niya sa `yo kahapon. Ang naka-register na name sa cellphone mo ay “Honey Jess” kaya nag-assume ako na baka girlfriend mo iyon.”
“Ahmm… Yeah,” nasabi na lang niya. Si Jessica ang naglagay ng ganoong pangalan nito sa cellphone niya. “Tinawagan niya ako para ipaalam sa akin na darating siya dito sa Pilipinas by next week.”
“Oh, I see.” Sabi nito saka tumayo. “Sandali lang, ha? Pupunta lamang ako sa C.R.” Pagpapaalam nito sa kanya.
Tumango siya. Naiwan siya sa upuan habang pinapanood ang pigura nito papalayo doon.
NAIS UMIYAK ni Marianne sa pagkumpirma ni Caspian sa hinala niya. So it’s true na may girlfriend nga ito. Kahapon kasi habang umalis si Caspian para bumili ng pagkain ay naiwan nito ang cellphone nito. Hindi naman niya nais mangialam sa gamit nito pero narinig niya iyong tumunog. Na-curious lang siya kung ano iyon kaya naman napatingin siya doon. Nakita niya sa screen na may one text message ito na galing sa “Honey Jess”.
Kahapon ay nalaman niyang nasa Canada si Caspian noong mga nakalipas na taon. Iyon ang dahilan kaya kahit anong hanap niya dito nang makabalik siya sa Pilipinas ay hindi niya ito matagpuan. Base rin sa sinabi nito tungkol sa girlfriend nito ay naisip niyang sa Canada din nakabase ang nobya nito ngayon.
Gusto niyang mapaluhod sa lungkot sa nakumpirma niya. Sinunod nga nito ang sinabi niya noon. Nakahanap nga ito ng bagong babaeng mamahalin.
Pilit niyang ikinukubli ang luha sa kanyang mata sa harap ni Caspian pero nang masiguro niyang hindi na niyon ito nakikita ay bumuhos iyon.
Oo, nasasaktan siya sa kaalamang may iba ng babae sa buhay nito dahil sa buhay niya, ito lamang ang tanging pinaglaanan niya ng puso. Pero kasalanan din naman niya ang lahat hindi ba? May option siya noon pero hindi niya pinansin. Willing si Caspian na gawin sa kanya ang lahat pero binalewala lang niya.
Masakit iyon para sa kanya pero kailangan niyang tanggapin. Sa pagmamahal, hindi talagaa maiiwasan ang masaktan. Ngunit dapat ay hindi siya nasasaktan. Maling-mali na masaktan siya dahil siya ang nag-utos dito na maghanap na ito ng babaeng mamahalin pagkatapos niya.
Nasagot na ang tanong niya. Hindi na nila maibabalik ang nakaraang sinira ng pangarap niya. Hindi na niya maibabalik ang Caspian na noon ay ang tanging nakikita lamang ay siya dahil mayroon na itong iba.
Pero kay sarap umasa. Kahit alam mong wala na.
CHAPTER SIX
“MARIANNE, kain muna tayo,” anyaya sa kanya ni Caspian nang makabalik siya. Siniguro niyang bago siya bumalik sa lounge ay wala ng bakas na umiyak siya. Ayaw niyang maawa sa kanya si Caspian.
Umiling siya. “Ikaw na lang, busog pa ako.”
“No. Kumain ka na. Isang pandesal lang ang kinain mo simula kanina.”
“Okay lang. Walang magbabantay dito. Baka mamaya tawagin na tayo ng doctor.”
“Kakalabas lang ng isang doctor. Mga three hours pa daw siguro bago matapos ang operasyon kaya I’m sure hindi tayo tatawagin. And besides, mga wala pa naman sigurong isang oras para kumain ng lunch, `di ba?” sabi ni Caspian at hinawakan ang kamay niya.
Huminga muna siya nang malalim bago nagpadala sa hawak nito. “Okay,”
Iginiya siya nito sa parking lot at dinala sa kotse nito. Ilang sandali pa ay nasa isang restaurant na sila sa hindi kalayuan. Ito na ang pinag-order niya ng pagkain niya. Ngunit kahit masarap ang in-order nitong pagkain ay hindi niya magawang kumain nang madami. Naka-dalawang subo lang siya.
“Ayaw mo ba ng pagkain? O-order na lang ako ng iba kung—“
“No. Masarap naman ang pagkain. Wala lang talaga ako sa mood. I’m sorry.”
Ibinaba nito ang kubyertos na hawak. “Pero, Marianne, kung magpapakagutom ka, ikaw naman ang magkakasakit.”
“Hindi ako magkakasakit. Kaya ko ang sarili ko.”
Tumigas ang anyo nito. “Ayaw ko ng ganyan. Kakain ka ba o gusto mong subuan pa kita?”
“Caspian, sa tingin mo ba, sa lagay ko ngayon makakain pa ako? Parang may nagliliparang paru-paro sa dibdib ko sa sobrang kaba kay Casey.”
“At sa tingin mo ba, hindi rin ako ganoon? I’m damn scared, too. Pero makakabuti bas a sitwasyon yang ginagawa mo?” halata ang inis sa tinig nito nang magsalita.
Nagyuko siya ng ulo. “I-I’m sorry…” sabi niya at pilit na kumain.
Napabuntong-hininga naman ito. “I’m sorry too. Masyado akong nadala. Sana maintindihan mo na sa kabila ng lahat, mahalaga ka pa rin sa akin. I’m concern about you. Katulad ng dati, ayaw kong pinapabayaan mo ang sarili mo.”
Nang makasubo ay napatingin siya dito. Mahalaga. Concern. May pinapahiwatig ba ito sa kanya sa mga sinabi nitong iyon? Kung importante siya dito, malamang ay may puwang pa rin siya sa puso nito. Ngunit tama bang isipin niya ang bagay na iyon kung may iba na sa buhay nito?
“SUCCESS po ang ginawa naming operasyon sa anak niyo. Congratulations!” bati sa kanila ng doktor na sa wakas ay lumabas na rin ng operating room makalipas ang walong oras.
Para namang binunutan ng tinik sa dibdib si Marianne nang marinig ang sinabing iyon ng doktor. Nakahinga siya nang maluwag.
“Maari niyo na siyang makita at makausap bukas ng umaga. Sa ngayon ay nasa recovery room pa siya upang magpagaling.”
“Salamat po, Doc.” Halos sabay na wika pa nila ni Caspian.
Ngumiti lamang sa kanila ang doctor at nagpaalam na. Napaiyak siya sa sobrang tuwa.
“Don’t cry. Everything is all right now.” pag-aalo sa kanya ni Caspian. Ang init ng kamay nito ay dumampi sa likod niya.
“I can’t help it,” she said between sobs. “Pakiramdam ko ay naalis ang isang punyal na nakatarak sa dibdib ko.”
Niyakap siya nito at hinagod-hagod ang likod. Rinig niya ang malakas na tibok ng puso nito habang yakap-yakap siya. At siya naman ay ganoon din ang nararamdaman. Muling bumilis ang takbo ng puso niya kahit na ba naging normal na ang tibok noon nang marinig ang sinabi ng doktor.
Nag-angat siya ng mukha at tumingin dito. Suddenly ay bumagsak rin ang luha sa mata nito. At ang kaninang mabilis na tibok ng puso niya ay nagpaalala sa kanya ng pang-iiwan niya dito noon. Naisip tuloy niya ang dahilan kung bakit niya iniwan si Caspian noon.
Kailangan niyang iwanan si Caspian para sa career niya. Kung sasama ito sa kanya ay hindi niya ito mapapagtutuunan ng pansin dahil sa magiging career niya. Ayaw niyang makasama ito dahil natatakot siyang baka masaktan lamang ito kung sakaling kasama niya nga ito pero hindi naman niya ito napapansin. Nararamdaman niya na deep inside Caspian, nasasaktan ito kapag nawawalan siya ng oras dito. At ayaw niyang masaktan lalo ito.
Isa pa, nais niyang bumalik ang focus niya sa pangarap niya. Kung patuloy lamang na makakasama niya si Caspian, baka hindi siya makapag-focus sa sarili niyang career. Hindi naman sa sinasabi niyang distraction si Caspian sa kanya. Ayaw niya lamang ma-distract sa katotohanang nandoon ito sa tabi niya pero hindi naman niya ito napapansin.
“`Wag kang umiyak, please…”
Pinahid naman nito ang luha sa mata nito. “I can’t help it. Sobra akong na-relieved dahil okay na si Casey.”
Ramdam niya ang nararamdaman nito. Masaya siya na maayos na ang kalagayan ng anak nila. Pero madadagdagan pa pala ang kasiyahang iyon dahil muli siyang nakulong sa bisig nito.
“BABY, kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Caspian sa anak nang nasa loob na ito ng private suite nito.
“Medyo ayos na naman po, Daddy.” Sagot ng bata at pinilit na ngumiti.
Hinawakan niya ang ulo nito. “Basta `wag ka munang maglilikot, ha? Baka makasama sa `yo.”
“Opo, Daddy.” Sabi nito saka muling ipinikit ang mata para muling magpahinga. Sinabihan ito ng doktor na kailangan nitong magpahinga nang magpahinga para mas dumali na umayos ang lagay nito.
Nang makatulog ang bata ay binalingan niya si Marianne na nakaupo sa isang tabi. “Kapag nakalabas na si Casey ay sa bahay ko kayo tutuloy, okay?”
“Ha?” halatang nagulat ito sa sinabi niya. “`Di ba’t darating ang girlfriend mo next week? Paano kung—“
“It’s okay.” Putol niya sa sasabihin nito. “I’ll tell everything to Jessica.”
Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nasasabi kay Jessica ang tungkol kay Casey. Ngunit sa ngayon ay ayaw muna niyang problemahin iyon. May responsibilidad siya kay Casey bilang ama nito at kay Marianne naman bilang ina ng anak niya.
Masyado nang magulo ang sitwasyon para dumagdag pa si Jessica sa eksena. Saka na lamang niya dito ipaliliwanag ang lahat. Ang dapat niyang isipin muna ngayon ay ang mag-ina niya.
Ang daming bumabagabag sa isip niya. Paano niya ipapaliwang kay Casey ang lahat? Paano niya ipapaliwanag dito na malabong mangyari ang pinapangarap nitong “happy family” dahil may ibang babae sa buhay niya?
Alam niyang umaasa si Casey na mabubuo ang pamilya nila ngayong dumating na siya. Sa mga nagdaang araw na nagkasama sila ay wala itong halos sinabi kundi ang magkakaroon ng masayang pamilya. Ngunit hindi niya masabi dito ang totoo. Ayaw niya itong masaktan.
Pero ayaw din niyang saktan si Jessica. Napakabait nito para saktan lamang. Si Jessica ang babaeng nagturo sa kanya na magmahal muli. Ito ang babaeng tumulong sa kanya na makaalis sa impyernong napuntahan niya nang umalis si Marianne sa buhay niya.
At si Marianne. Napagtanto niya kanina nang mag-lunch sila na mahalaga pa rin ito sa kanya. Nag-aalala siya dito katulad na lamang ng pag-aalala niya dito noon kapag nakikita niyang pinababayaan nito ang sarili nito sa sobrang pag-eensayo.
He also wondered kung masaya ba itong dumating siya muli sa buhay nito, ng anak nila. Palagi niyang naiisip kung mahal pa rin ba siya nito sa kabila ng lahat. Sa muli kasing pagkikita nila ay unti-unting bumabangon muli sa dibdib niya ang damdamin dito na inaakala niya ay nabura na sa puso niya.
NANG tumigil ang kotse ni Caspian sa harap ng isang magarang bahay sa isang pang-mayamang village sa Quezon City ay nais mapa-“oh” ni Marianne. Sa ganda ng bahay ay kulang marahil ang apat na milyon para mabili iyon.
Si Casey naman ay namilog ang mata sa nakita. “Daddy, sa `yo po ang bahay na ito?”
Tumango ang lalaki at kinuha ang ilan sa mga gamit nilang mag-ina sa loob ng compartment ng kotse nito. Bago sila magpunta sa bahay nito ay dumaan muna sila sa apartment na tinitirhan nila para kuhanin ang mga damit at ilan pang mga gamit. Pagkatapos makuha ang gamit ay binuksan na nito ang pinto at pinapasok sila.
“Wow!” halos malula si Casey sa kagandahan ng bahay. Mula kasi sa kisame ng bahay at hanggang sa sahig noon, lahat ay maganda. Fully furnished na rin ang bahay. “Ang yaman-yaman mo po pala, Daddy!”
Ngumiti dito si Caspian at binuhat ang bata. “Department head kasi ako sa Engineering sa isang multi-national company kaya marami akong naipundar, Anak.”
Kumunot ang noo ng bata. “Ano po iyong department head? Malaki po ba ang sweldo noon?”
“Hmm... Oo, lalo na kapag sa isang bansa.”
“Ah.. Kaya po pala ang ganda-ganda nitong bahay niyo!”
“Bahay natin.” Pagtatama ni Caspian sa anak.
Nilibot nila ang kabuuang bahay. Maayos iyon at mayroong apat na malalaking kuwarto sa itaas at may kanya-kanya ding sariling banyo. Nang makapasok sila sa huling kwarto ng isang pasilyo ay nanlaki ang mata ni Casey sa nakita. Puro laruan ang nasa loob at may pintura pang color pink. Para talagang inayos para sa bata ang silid na iyon.
Wala kakatigil sa kaka-“wow” si Casey at halos magtatalon sa tuwa. Panay ang yakap nito sa iba’t ibang manika at teddy bear na nasa loob ng kwarto. “Akin po ba lahat ito, Daddy?”
“Oo. Sa iyo lahat `yan, Anak.”
Walang pasidlan ang tuwa sa mukha ni Casey nang masagot ng ama nito ang tanong nito. “Yehey! Ang dami ko ng laruan! Ang saya-saya ko!” sabi nito saka bumaba sa kama at hinalikan ang ama nito. “Thank you, Daddy!”
“You are welcome, Baby.”
Bumalik muli ito sa kama at nagsimula muling maglaro.
“Huwag mong masyadong pagurin ang sarili mo, Casey. Baka makasama sa `yo.” Bilin niya sa anak niya.
“Opo, Mommy. Okay lang naman po ang pakiramdam ko.” Wika nito habang nilalaro ang isang Barbie doll at isang teddy bear nang may naalala. “Dito po ba kayo tutulog sa kwarto ko kasama ko?” tanong nito sa kanilang dalawa.
Nagkatinginan naman sila ni Caspian nang marinig ang tanong ng bata. “Eh anak hindi tayo kasya diyan sa kama mo.”
Tinignan nito ang kama. “Kasya naman po tayo, ah. Malaki po itong kama ko.”
“Anak, malikot akong matulog.” Pagdadahilan na lang niya. Naiilang kasi siya sa ideyang magkakasama sila ni Caspian sa isang kama.
“Hindi ka naman po malikot matulog, Mommy.” Inosenteng pahayag ni Casey.
Sumabat naman si Caspian sa usapan. “Sige, Anak. Dito na kami matutulog mamaya ng Mommy mo.”
Nagtatalon naman sa tuwa ang bata at niyakap silang dalawa. “Yehey! Makakatabi ko na sa pagtulog ang magulang ko!”
Napakagat-labi siya. May sayang namumuo sa dibdib niya. Pero paano naman ang puso niya? Siguradong lalo lamang iyong malulunod sa lalaki kung sakaling magdadait pa sila kahit na ba gusto niya ang pakiramdam na iyon. Lalo lamang siyang aasa. At masasaktan.
Isa pa ay naiilang din siya. Hindi naman kasi pareho ang damdamin nilang dalawa. May mahal na itong iba at hindi na siya iyon.
KANINA pa nararamdaman ni Caspian ang paulit-ulit na pagbiling ni Casey sa higaan. Parang hindi ito mapakali sa puwesto nito na nasa pagitan nilang dalawa ni Marianne.
“Casey, may problema ka ba?” tanong niya dito.
“Hindi po kasi ako sanay na nasa gitna, eh.” Sagot nito. “Mas gusto ko po sa gilid ng kama.”
Nagmulat naman si Marianne ng mata nang marinig ang boses ng bata. “Anak, ayaw mo bang makatabi kaming pareho ng Daddy mo?”
“Eh hindi po ako makatulog. Nanibago po ako.” Sagot nito sa ina. “Puwede po bang diyan na lang ako sa gilid?”
Napatingin siya kay Marianne na napatingin din naman sa kanya. Kung sakaling lilipat si Casey sa gilid ay magkakatabi sila ni Marianne.
Honestly, gusto niya ang ideyang makakatabi ito pero may kasama iyong pagkailang. Alam niyang ganoon din ang nararamdaman nito. Kanina nang sabihin ni Casey na matulog silang pareho sa tabi nito ay ramdam niya ang pagiging unease nito.
“Sigurado ka bang makakatulog ka kung sa gilid ka hihiga?”
Tumango ang bata. Pinalipat na ito ni Marianne sa tabi nito. Kumuha naman ito ng mahabang unan para ilagay sa pagitan nila.
Nais niyang matawa sa ginawa nito. Six years ago ay nagsama na sila sa iisang kama at iyon din ang naging dahilan kaya nabuo si Casey. Ngayon naman ay parang hindi ito mapakali. Pero hindi naman niya ito masisi. Anim na taon na ang nakalipas at hindi na sila katulad ng dati. Wala na silang relasyon ni Marianne.
Inantay muna niyang makatulog ang dalawa bago niya pinagdesisyonang matulog na din. Ngunit bago iyon ay tinitigan muna niya ang mukha ni Marianne na mahimbing na natutulog sa tabi niya at napangiti. Alam niyang magiging masarap at mahimbing ang tulog niya dahil nasilayan niya ang mukha nito bago siya lamunin ng antok. Sumunod noon ay nakatulog nga siya nang mahimbing.