ANG NARAMDAMANG titig ng isang pares ng mata ang nagpamulat kay Marianne. Una niyang nasilayan ang mukha ni Casey na masayang nakatingin sa kanya. Nakatagilid siya sa kama samantalang ito naman ay nakalapag na sa kama. Napangiti naman siya dito at hinaplos ang mukha nito.
“Mommy, ang sweet niyo naman ni Daddy. Bagay na bagay talaga kayo,”
Napakunot siya sa sinabi ng anak niya. Paano silang magiging sweet ni Caspian eh nilagay na nga niya ang isang mahabang carrot pillow sa pagitan nilang dalawa?
Pero dahil sa tanong na iyon ng anak ay napagtanto niyang may isang kamay pala na nakapatong sa kanyang baywang. Nanlaki ang mata niya nang ma-realize kung kaninong kamay iyon. Nakayakap sa kanya si Caspian na nakatagilid din! Humagikgik naman si Casey sa reaksyon niya.
“Casey!” namumulang sabi niya saka bumalikwas ng bangon. Wala na siyang pakialam kung magising man si Caspian sa ginawa niya.
“Mommy, panira naman po ng moment eh. Kung may camera lang po ako, sigurado pong na-picture-an ko na kayo ni Daddy. Para po kayong iyong mga nasa telenobela na mag-asawa.”
“At may alam ka na sa mga ganyan, ha?!”
“Kasi po si Ate Rica, palaging nanonood ng ganoon kaya nakakanood na din po ako.”
“Ikaw talagang bata ka. Limang taon ka pa lamang marami ka ng alam.” Sabi niya dito at marahang kiniliti ito sa tagiliran. Marahan lamang ang ginawa niyang pagkiliti dito dahil baka mapagod ito at makasama iyon sa puso nito. Ngunit kahit ganoon ay malakas na humagikgik pa rin ito sa ginawa niya.
“Ano’ng mayroon?” mulat-pikit pang tanong ni Caspian na halatang nagising dahil sa ingay na ginawa ni Casey.
“Daddy, tulungan mo po ako! Kinikiliti po ako ni Mommy!” sumbong ni Casey sa ama nito. “Kilitiin mo nga din po si Mommy para makaganti ako!”
Binalingan naman niya si Caspian para balaan. “Lagot ka sa akin kapag sinunod mo si Casey!”
Isang pilyong ngiti naman ang naglaro sa labi ni Caspian at sinunod nga nito ang utos ni Casey. Napalakas naman ang pagtawa niya dahil sa ginawa nito.
“Tama na!” sigaw niya dito pero hindi siya nito tinigilan. Pati si Casey ay nakikiliti na din.
Halos maiyak na siya sa kakatawa dahil malakas ang kiliti niya sa tagiliran. Nang hindi na niya makaya ay muli siyang napahiga sa kama at napapatong naman sa kanya si Caspian dahilan upang magtama ang kanilang mga mata. Tumigil na ito sa kakakiliti sa kanya at matamang tinitigan siyang mabuti. Pakiramdam niya ay natutunaw siyang tsokolate dahil sa titig nito.
“You are so beautiful…” narinig niyang mahinang wika nito.
Itinulak niya itong palayo at tumayo na sa kama. Kinuha niya si Casey na mukhang tuwang-tuwa pa dahil sa nangyari. Iniwan nila si Caspian sa kuwarto at nagpunta sa kusina ng bahay.
“Narinig mo `yon, Mommy? Sabi ni Daddy beautiful ka daw!”
Namula muli siya dahil sa sinabi nito. “Casey!” saway niya dito.
Pero hindi siya pa rin nito tinigilan. “Si Mommy, kinikilig sa sinabi ni Daddy!” tukso sa kanya nito sabay tawa.
“Hindi, ah!” tanggi niya kahit ang totoo ay kinikilig talaga siya sa sinabi sa kanya ni Caspian. Kahit mukhang losyang na siya ngayon ay nagawa pa rin siya nitong sabihan ng ganoon. Tumaba tuloy ang puso niya dahil sa sinabi nito.
“YEHEY! Magpi-picnic tayo!” walang pasidlan sa tuwa si Casey nang marinig ang sinabi ng ama nitong magpi-picnic daw sila. Tumalon-talon pa ito dahil sa saya.
Siya naman ay nagpunta sa kusina para maghanda ng pagkain para sa picnic nilang tatlo. Tatlong araw matapos nilang maiuwi si Casey mula sa ospital ay nagyaya si Caspian para mag-picnic sila. Ayon dito, gusto daw nitong mailabas ang bata dahil nararamdaman nitong kahit masaya ito sa mga binili nitong laruan ay may gusto pa rin ito bukod doon. Sumang-ayon naman siya sa sinabi nito dahil nararamdaman din niya iyon.
Makatapos nilang makapaghanda ng mga pagkain ay dumiretso sila sa isang parke hindi kalayuan sa may village. Maraming puno sa paligid at mayroon ding malaking playground sa may tabi.
Inilatag ni Caspian ang picnic blanket sa ilalim ng isang puno. Ipinatong naman niya doon ang basket na naglalaman ng pagkain nila.
“Mommy puwede po ba akong pumunta doon sa may playground para maglaro?” pagpapaalam sa kanya ng bata.
“Sige, anak. Basta `wag kang magpapapakapagod, ha? Hindi ka pa masyadong magaling.” Kahit na sinabi dito ng doktor na pwede na itong mamuhay katulad ng isang normal na bata pagkatapos nitong makalabas ng ospital ay gusto niya pa rin na makasiguro.
“Okay po.” wika naman nito saka pumunta sa playground hindi kalayuan sa kinatatayuan nila. Naiwan silang dalawa ni Caspian.
“Kailan nga pala darating ang girlfriend mo?” tanong niya kay Caspian nang makalayo si Casey. “Hindi ba’t sabi mo noong nakaraang linggo ay darating na siya ngayong linggong ito?”
“Naudlot ang pagpunta niya dito sa Pilipinas. Nang tumawag siya sa akin kahapon ay baka next week pa siya makasunod. May problema daw sa kompanya, eh.”
“Ah...” tanging nasabi na lamang niya. Nais na lang sana niyang isipin na hindi na susunod ang nobya nito sa Pilipinas. Masaya na kasi siya ngayon. Pakiramdam niya, nabuo ang pamilya niya sa pagdating ni Caspian. Wala na siyang nararamdamang takot sa kinabukasan. Ang tanging pangamba na lamang sa puso niya ay ang nalalapit na pagdating ng nobya nito. Paano na sila ni Casey kapag dumating ang babae? Paano na siya?
Ang sakit isipin na babalik muli sila sa dating buhay nila. Pero wala siyang magagawa kung sakaling iwan muli sila ni Caspian. Kahit na anak nito ang bata at siya ang ina ng anak nito, wala pa rin siyang karapatan na magsalita dito. Hindi sila kasal. Ni hindi siya nito nobya. Isa pa, may karapatan din ang nobya nito kay Caspian. At kahit na sinabi nito sa kanyang mahalaga siya dito ay iba pa rin iyon sa salitang mahal.
“Ahmm… Marianne, okay lang ba sa `yo na sa bahay ko tumira si Jessica kapag nakauwi siya dito sa Pilipinas?”
“Okay lang. Girlfriend mo naman siya, eh.” Sabi na lamang niya kahit na ba pinupunit ang puso niya sa ideyang iyon. Makakasama niya sa iisang bahay ang babaeng kinaiinggitan niya.
“Sure ka?” paniniguro ni Caspian.
Tumango na lamang siya at sinimulang ayusin ang mga pagkain nila. Inilabas niya ang ilang niluto niyang ulam.
“Mukhang masarap ang niluto mo, ah.” Puna nito nang makita ang mga hinanda niya.
“Hindi naman masyado. Hindi ako ganoong kagaling magluto,”
“Magaling ka naman magluto dati, ah? Naalala ko nga dito sa Menudo na ito ang masarap mong adobo.”
Tumingin siya dito. “Talaga? Akala ko, simula nang magkaganito ang buhay ko, pati luto ko naapektuhan na.”
“Masarap pa din naman. I remember those times na kapag may libre kang oras ay pinagluluto mo ako kahit papaano. Sa simpleng gesture mo na iyon, masayang-masaya na ako kasi kahit papaano, nararamdaman kong may halaga ako sa `yo. I missed those times. Iyong mga araw na kasama kita. At dahil din sa picnic na ito, naalala ko rin ang araw na nag-picnic tayo ng gabi sa soccer field.”
Biglang rumigidon ang puso niya sa narinig. Pinapaalala nito ang nakaraan. Pakiramdam niya tuloy ay may ibang ipinapahiwatig ito sa kanya. Pero katulad din naman nang nararamdaman nito ay ganoon din ang kanya. Nami-miss niya nang bongga ang araw na magkasama pa sila. Na palagi lamang itong nasa tabi niya at handang suportahan siya.
“And I wished na sana…” bumuntong-hininga ito at hindi na pinagpatuloy ang sasabihin.
“Sana na ano?”
Umiling ito. “Never mind. Ihanda na natin ang pagkain. Susunduin ko na si Casey para makakain na tayo ng lunch.” Sabi nito saka tumayo at naglakad na papunta sa kinaroroonan ng anak nila.
Sinundan niya ito ng tingin habang naglalakad papunta kay Casey. Ano ang nais nitong sabihin kanina? Nais din ba nitong maibalik ang nakaraan katulad ng nararamdaman niya?
“DADDY, subuan mo po ako,” ungot sa kanya ni Casey habang kumakain sila ng tanghalian sa park. Nakakatuwa lamang dahil parang bumalik siya sa nakaraan. Ang kaibahan nga lang ay park iyon, araw at kasama na nila ngayon ang bunga ng pagmamahalan nila ni Marianne.
Kinuha niya ang kutsara at nilagyan iyon ng pagkain upang subuan si Casey. “Masarap ba?” tanong niya dito pagkasubo.
Tumango ang bata at nginuya ang pagkain. Pagkatapos ay nagsalita ito. “Opo, Daddy. Masarap magluto si Mommy.” Bumaling ito sa ina nito na pinapanood itong kumain. “Mommy, ikaw naman po ang sumubo sa akin.”
Sinubuan din nito ang bata. “Ang sarap talaga ng pagkain, Mommy. Ang sarap din ng pakiramdam ko kasi kasama ko po kayo pareho. Sana po laging ganito.”
Sana nga. Nais niyang sabihin. Being with Casey and Marianne brought so much joy in his heart. “Ako din, Anak. Masaya ako na kasama ko kayo ng Mommy mo.”
Namilog sa kasiyahan ang mata ni Casey. “Talaga po, Daddy?”
He patted her head. “Yes, Baby.” Wika niya saka kinuha muli ang pagkain para subuan ang anak ngunit umiling ito.
“Busog na po ako. Si Mommy naman ang subuan niyo.” Sabi nito saka kindat sa ina.
“Casey!” saway naman dito ni Marianne. “Hindi na ako bata para subuan!”
Amused naman na tumingin siya sa bata. Nitong mga nakalipas na araw ay panay ang pagtutudyo nito sa kanya kay Marianne. Napapansin din niyang binibigyan din sila ng oras na mapagsama ng sila lang dalawa ng ina nito. Katulad na lamang ng ginawa nito kani-kanina lamang.
Tumingin siya kay Marianne. Nakakaaliw din tignan ang pamumula ng pisngi nito tanda na naapektuhan ito sa sinabi ni Casey.
Umiling-iling muna siya ngunit nakangiting kinuha ang kutsara na may lamang pagkain at sinubuan si Marianne. Mukhang nagulat naman ito sa ginawa niya ngunit agad ding nakabawi at ibinuka ang bibig para salubungin ang subo niya.
“Wow, ang sweet naman ni Daddy kay Mommy...” kinikilig na wika ng bata. “Ikaw naman, Mommy, subuan mo po si Daddy.”
Nang matapos nguyain ang pagkain ay sinubuan nga siya nito. Tumaba ang puso niya dahil sa ginawa nito. Noon kahit ang simpleng pag-alok nito ng candy ay nagbibigay sigla na sa araw niya. Pansinin lang siya nito ay buo na ang araw niya. Ganoon siya kabaliw kay Marianne.
“Yehey! Nagsubuan sila Mommy at Daddy!” nagsasayaw-sayaw pa si Casey dahil sa tuwa. Tumawa silang dalawa sa kakulitan ng bata. Nang matapos ang kainan ay niyaya silang dalawa ni Casey na magpunta sa playground upang maglaro.
“Pero Anak, walang maiiwan dito sa puwesto natin. Baka mamaya manakawan tayo. Kayo na lang ng Daddy mo. Maiiwan na lang ako dito.”
Lumabi ang bata sa ina nito tanda na hindi ito sang-ayon sa narinig.
“It’s okay. Besides hindi naman gaanong importante ang mga gamit kung mawala man `yan.” Sabat niya sa usapan.
“But—“
Magpoprotesta pa sana muli ito ng lumuhod ito sa harap ni Marianne at pinagsiklop pa ang kamay. “Dali na, Mommy!”
Iiling-iling na napngiti si Marianne at ginulo ang buhok ng anak saka pinatayo. “Ikaw talaga. Palagi mo na lang akong napapa-“oo”.”
Magkakahawak kamay silang nagpunta sa playground. They looked like a happy family in the eyes of many people.
Makulimlim ang panahon kaya hindi gaanong mainit sa playground. Hindi na rin ganoon karami ang bata kaysa kanina dahil tanghalian na. Maraming bata ngayon ang nasa kani-kanilang magulang upang kumain.
Una silang nagpunta sa may slide at doon nagpadausdos si Casey kasunod si Marianne. Tawa siya nang tawa hanggang sa makakababa ang dalawa. Pakiramdam niya ay bumata si Marianne dahil sa sayang lumalarawan sa mukha nito. Mukhang masayang-masaya ito ngayong magkakasama silang tatlo. Simula nang makita niya ito pagkatapos ng anim na taon ay ngayon na lang niya muli itong nakitang ganoong kasaya. Ang larawan ng mukha nito ay nagbibigay naman ng libu-libo ring saya sa puso niya. He missed her laughter and smiles.
Sumunod ay pumunta sila sa swing. Noong una ay dinuyan lang niya nang dinuyan si Casey ngunit hindi nagtagal ay nagsawa ito. Siya naman ang pinaupo nito sa swing at ito ang nagduyan sa kanya. Pati si Marianne ay dinuyan nito na nasa kabilang swing.
Larawan ng masayang pamilya, iyon sila. Ang sarap sa pakiramdam ng magkakasama silang tatlo. Nahiling niya tuloy sa Diyos na sana ay hindi na lang nito sa kanya ibinigay si Jessica nang sa gayon ay kaya na niyang tuparin ang pangarap ni Casey na masayang pamilya.
Kung sakaling aalukin niya ngayon ng kasal si Marianne ay nararamdaman niyang sasagot ito ng “oo” sa kanya. Alam niyang gusto rin nitong tuparin ang kagustuhan ng anak. Madali sanang solusyunan iyon kung walang Jessica sa buhay niya. Sa nakalipas na araw ay napag-alaman niyang walang lalaki sa buhay ni Marianne ngayon. Nasisiguro niya iyon dahil wala namang kinukwento ang bata sa kanya at ganoon din naman si Marianne.
Masaya siya sa nalaman. Kung wala lang talagang Jessica sa buhay niya, malamang ay mas intense na saya pa siguro ang nararamdaman niya ngayon.
NAALIMPUNGATAN si Marianne nang maramdamang parang hirap na gumagalaw si Casey sa tabi niya. Agad na idinilat niya ang mata para tignan ang lagay nito. Nakaguhit ang sakit sa mukha nito. Napabangon naman siya para alamin ang lagay ng anak.
Kani-kanina lamang ay masayang-masaya ito dahil sa nangyaring picnic sa pagitan nilang tatlo ni Caspian ngunit ngayon ay tila hirap na hirap ang itsura nito.
“Casey, may problema ba?”
“Mommy…” wika nito sa nahihirapang tinig. Hawak-hawak nito ang dibdib.
Agad ang pagdaluhong ng kaba sa dibdib niya. Ginising niya si Caspian na nahihimbing na natutulog sa tabi niya.
“What’s wrong?” tanong nito nang magising.
“Daddy...” hirap pa rin sa pagsasalita si Casey. Umiiyak na si Casey habang sapu-sapo ang dibdib.
“Dalhin na natin siya sa ospital!” hintatakot na sigaw niya. Akmang tatayo na siya upang pangkuin si Casey ngunit pinigilan siya nito.
“`Wag na po, Mommy. Hindi ko na po kaya...”
Nais na niyang umiyak sa naririnig sa bata. Pakiramdam niya ay tinutusok ng malalaking karayom ang dibdib niya sa anyo ng anak at sa sinabi nito.
“Baby, kailangan ka naming dalhin sa ospital. Masama ang pakiramdam mo!” wika ni Caspian na halata ang takot sa mukha. Namumutla din ito.
Umiling ang bata saka muling nagsalita. “Kapag nawala na po ako, pangako niyo po na aalagaan at mamahalin niyo ang isa’t isa.”
“Casey! `Wag kang magsalita ng ganyan! Hindi ka mamamatay!”
Ngunit hindi nito pinakinggan ang sinabi niya bagkus ay bumaling ito kay Caspian. “Daddy, `wag mo pong papabayaan si Mommy. Ingatan niyo po siya. Hangga’t maari ay huwag niyo po siyang pahihirapan. Tama na po ang mga hirap na dinanas niya nang dahil sa akin.”
“Anak...” tanging nasabi ni Caspian sa bata.
“Basta po `wag niyo pong pababayaan ang isa’t isa. Mahalin niyo po muli ang isa’t isa katulad ng ipinakita niyong pagmamahal sa akin. Mahal na mahal ko po kayo…” wika ng bata saka dahan-dahang pumikit.
Napasigaw siya nang malakas nang sa mga sumunod na sandali ay hindi na humihinga si Casey.
ILANG araw na simula nang bawian ng buhay si Casey at ilang araw na din na walang tulog si Marianne. Palagi lamang itong nakatulala at nakaupo sa isang tabi. Sa buong durasyon ng burol ay hindi man lang ito nakikitaan ni isang luha na pumatak mula sa mata nito.
Masakit para sa kanya ang sinapit ng anak niya. Ni wala pang dalawang linggo simula nang makilala niya ito ngunit kinuha na ito ng Diyos. Ni hindi man lang siya binigyan ng Diyos nang mahabang panahon para makapiling ang anak.
Ayon sa espesyalistang tumingin dito ay nagkaroon daw ito ng infection of the breastbone dahil sa ginawa ritong heart sugery. Maari daw sanang maagapan iyon kung uulitin ang ginawang operasyon o ang pag-alis sa breastbone. Pero dahil nahuli na daw ang lahat ay hindi na iyon nagawa pa.
Ngunit kung nasasaktan siya ay ramdam niyang grabe ang sakit na nararanasan ni Marianne. Ito ang nagluwal at nagpalaki sa bata. Kahit pa hindi ito umiiyak ay mababanaag sa mukha nito ang sakit.
At natatakot siya para doon. Marami siyang naririnig na kasong ganoon na nauuwi sa suicide. Alam niyang kinikimkim nito sa sarili ang luha at sakit. Halos ayaw siya nitong kausapin. Ni hindi nito kibuin ang mga taong dumadalaw sa burol. Sobrang pag-aalala ang nararamdaman niya para dito. Idagdag pang wala halos itong kinakain.
Palagi niya itong sinasabihan na magpahinga at kumain ngunit ayaw siya nitong pakinggan. Nais na niyang magalit dito dahil sa pambabalewala nito sa kalusugan nito. Ngunit pinigilan niya ang sarili na magalit dito dahil alam niyang mas lalo lamang iyong makakasama sa sitwasyon.
Hanggang sa mailibing si Casey ay hindi pa rin ito umiiyak. Lalong nagdurugo ang puso niya sa sitwasyon ngayon. Wala na nga ang anak niya ay papatayin pa siya ni Marianne sa sobrang pag-aalala.
Nagsi-uwian na ang mga tao ngunit nanatili pa rin si Marianne sa puwesto na malapit sa pinaglibingan kay Casey. Madilim na ang paligid dahil nagbabanta na ang langit sa pag-ulan.
“Marianne, tara na.” anyaya niya dito.
“Umuna ka na. Maiiwan na lang ako dito.”
“Pero hindi kita puwedeng iwan dito. Malapit ng bumagsak ang ulan.”
“Hayaan mo na ako. Umalis ka na.”
Bumuntong-hininga siya at hinawakan ito sa baywang. “Okay, kung ayaw mo pang umalis ay hindi rin ako aalis. Hindi kita iiwan. Let me stay with you.”
Nagulat siya nang may luhang lumabas sa mata nito nang sabihin niya ang mga katagang iyon. Noong una ay patak lamang iyon ngunit hindi naglaon ay bumuhos na iyon kasabay ng pagbuhos ng ulan. At dahil walang cover ang libingan ay nabasa sila ng ulan ngunit hindi pa rin ito natinag.
“Umalis ka na. Iwan mo na ako katulad ng pag-iwan ko sa `yo noon.” Pagtataboy nito sa kanya.
“Hindi ko kayang gawin iyon. Hindi kita kayang iwan.”
“Kaya mo iyon. Hindi ba at umalis ka rin ng bansa isang linggo matapos kong iwan ka? Hindi mo man lang inantay ang pagbabalik ko. Hindi mo man lang inantay na bumalik ako at masabi ko sa `yo na dinadala ko ang anak mo.”
Ang puso niya ay parang dinudurog nang makita ang ekspresyon ng dalaga habang nagsasalita ito. Larawan ito ng isang babaeng mukhang itinakwil ng buong mundo dahil may mabigat na kasalanang nagawa. Basang-basa ang mahabang buhok nito na ang ilan ay tumatabing sa mukha nito. Punong-puno ng hinagpis at sakit ang mukha nito.
“Iniwan mo rin ako, Caspian. Alam kong kasalanan ko ang lahat dahil ako ang nauna. Pero alam mo ba lahat ng pinagdaanan ko simula nang iwan kita? Parang may kasamang kamalasan ang pag-iwan ko sa iyo…”
Niyakap niya ito para maibsan ang sakit na nararamdaman nito ngunit hindi iyon nakatulong. Mas lalong lumakas pa ang iyak nito. Kumalas ito sa yakap niya at nagkuwento.
“Nang magpunta ako sa Italy ay may halong lungkot ang sayang nararamdaman ko dahil sa pang-iiwan ko sa `yo. Pero sa kabila noon, palagi kong iniisip na kailangang `wag akong magpaapekto dahil malapit ko ng maabot ang bituin na matagal ko ng inaasam na masungkit. Nahigitan ko si Lola. Makilala ako ng lahat hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
“Ngunit nawala ang bituin nang isang araw ay magising akong masama ang pakiramdam ko at dali-daling nagpunta sa banyo upang doon magsuka. Nakita ng ilan sa kasamahan ko ang nangyari sa akin at pinatignan ako sa doktor. Nalaman nilang buntis ako at pinauwi nila ako sa Pilipinas dahil sa kalagayan ko.
“Nang makauwi ako sa Pilipinas at hindi ka matagpuan ay ako na yata ang pinakamalas na tao sa buong mundo. Wala na ang isang taong nasisiguro kong tatanggapin pa rin ako sa kabila ng lahat. Hindi ako makaharap sa pamilya ko sa probinsya dahil natatakot ako sa magiging reaksyon nila kapag dumating ako sa kanila ng buntis ako at wala ang ama. Mataas ang ekspektasyon nila sa akin pero binigo ko sila.
“Kahit sa mga kaibigan ko ay wala rin akong mapuntahan. Ano na lang ang sasabihin nila sa akin kapag nakita nila ang kalagayan ko? Wala na akong mukhang ihaharap sa mundo pagkatapos ng lahat. Everybody is expecting me to be a star but I end up being like a dust. Panira, walang kuwenta at walang may gustong kumupkop.
“Kung saan-saan ako napadpad. Ni wala kahit isa ang tumanggap sa akin sa trabaho dahil sa kalagayan ko. Kaya naman kahit mahirap ay namasukan ako bilang isang labandera dito sa may Tondo upang may panggastos kapag nakapanganak na ako.
“Pero akala ko ay sapat na lahat ng naranasan ko. Iyon pala ay hindi pa dahil ang mas masakit sa lahat ay noong ipinanganak ko si Casey. Ang sakit-sakit pala ng nanganganak na wala man lang nakikiramay sa `yo. Ni wala man lang sumuporta sa `yo at nagdala sa ospital. Wala man lang taong umalalay sa `yo sa bawat pag-ire mo…”
Parang piniga nang malaking kamay ang puso niya sa narinig. Habang siya ay nabubuhay ng payapa at sagana sa Canada ay ito naman ay naghihirap.
“Marianne, I’m so sorry…”
Hindi nito pinansin ang sinabi niya bagkus ay nagpatuloy pa rin sa pagsasalita. “Lagi kong sinasabi sa sarili ko na sinira ng pag-ibig ang pangarap ko. Pero masisi ba kita dahil nahulog din ang loob ko sa `yo? Masisi ko ba si Casey dahil siya ang naging bunga ng pag-ibig na iyon?
“Pinagsisihan ko na masyado akong nag-focus sa pangarap ko. Hindi ko man lang inintindi ang tao sa paligid ko na masasaktan sa ginawa ko. Kung sana ay pinabayaan na lang kita sa tabi ko ay sana mayroon pang isang taong natitira sa akin ngayong wala na ang anak ko.
“I have nothing but Casey pero iniwan din niya ako. Iniwan ako ng tanging rason ko para mabuhay. Ano na ako ngayon kung wala na siya? I can’t live my life without anyone. Without anyone to accept me and love me.”
Patuloy pa rin ito sa pag-iyak hanggang sa unti-unting napaluhod ito sa damuhan. Niyakap niya ito nang mahigpit at sa pagkakataong iyon ay hindi na ito muling kumawala pa.
“Tahan na, please. Everything’s gonna be all right. I will never leave your side.”
At hanggang sa makatulog na ito dahil sa pagod at pag-iyak ay nanatili pa rin ito sa kanyang bisig.
“CASEY…” ungol ni Marianne habang dahan-dahang iminulat ang mata. Nasilayan niya ang ang dingding ng isang hindi ganoong kapamilyar na kuwarto ngunit alam niyang nakapunta na siya doon.
Naramdaman niya ang isang katawang gumalaw sa tabi niya. Napatingin siya kung sino iyon. Ang mukha ni Caspian ang nakita niya.
“Nasaan tayo? Nasaan si Casey?” wika niya. Hindi niya muling napigilan ang pagtubig ng mata habang naalala ang anak.
Lumungkot ang mukha nito at niyakap siya. “Wala na si Casey, Marianne. Wala na ang anak natin…”
“Hindi!” sigaw niya at binayo ang dibdib nito. “Hindi pa wala si Casey! Hindi ko matatanggap na wala na ang anak ko!”
“Marianne…” sabi nito saka hinaplos ang mukha niya.
Unti-unting dumaloy sa kanyang isip ang mga nangyari. Ang pagkamatay ng anak, ang pilit na pagtatago ng luha at ang pagkukwento niya sa naging buhay niya ng mga nakalipas na taon kay Caspian.
“Hindi ako puwedeng iwanan ni Casey! Hindi ako puwedeng iwanan ng anak ko! Wala ng natitira sa akin kundi siya lamang!”
“Nandito pa ako, Marianne. Hindi kita iiwanan.” Wika sa kanya ni Caspian at pilit siyang pinapatahan.
Paano nasabi ni Caspian sa kanya ang lahat ng iyon? May Jessica ito sa buhay nito. Hindi pang-habang-buhay ay mananatili ito sa tabi niya para alagaan siya.
“Sinasabi mo lang iyan ngayon. Alam kong iiwan mo rin ako kapag natapos na ang lahat ng ito.”
“I promise you, Marianne. I will never leave your side. Sabay nating haharapin ang bukas.”
Umiyak siya nang umiyak. Ayaw niyang tanggapin na ang nag-iisa na lang siya pagkatapos ng lahat. Wala na ang isang taong importante sa buhay niya. Wala na ang anak niya at alam niyang kahit sinabi ni Caspian na mananatili ito sa tabi niya ay aalis din ito sa tabi niya dahil wala na ang isang taong nag-ugnay muli sa kanilang dalawa.
Halos isang oras siyang umiyak. Hinayaan lamang siya ni Caspian na ibuhos ang damdamin niya sa pamamagitan ng pag-iyak. Kahit si Caspian ay halatang nasasaktan din sa mga nangyari ngunit hindi nito iyon isinantinig sa kanya.
Nang mapagod siya sa pag-iyak ay itinalakbong niya ang kumot sa sarili na nakita niya sa paanan niya.
“Nilalamig ka ba?” tanong ni Caspian nang maramdaman nito ang panginginig niya.
Sa totoo lang ay kanina niya pa nararamdaman ang lamig na dumadaloy sa buong katawan niya. Pero hindi niya iniinda iyon. Mas masakit ang katotohanang wala na si Casey at wala na din siyang taong makakaramay sa buhay.
Sinipat nito ang kanyang leeg at umiling-iling na pumalatak. “Mukhang may lagnat ka. Siguro ay dahil sa pagpapa-ulan kanina. Isa pa, wala ka pang kinakain simula kaninang umaga. Saglit lang at magluluto ako ng makakain at kukuha ng gamot upang gumaan ang pakiramdam mo.”
Umalis ito ng kuwarto. Noon niya napagtanto na ang kwartong iyon ay isa sa mga kwarto sa loob ng town house nito. Malaki iyon at sa pagkakatanda niya ay iyon ang masters bedroom. Naiwan siyang mag-isa sa kuwarto. Hindi naman nagtagal ay bumalik ito at may dalang isang mangkok ng noodles at isa pang tablet ng biogesic. May dala din itong isang baso ng tubig.
“Kumain ka na upang bumalik ang lakas mo at gumaling ka na,” wika nito sa kanya at sinubuan siya ng noodles. Tinanggap naman niya iyon.
Sinubuan siya nito nang sinubuan at namalayan na lang niyang mabilis na nabubos niya ang noodles na niluto nito. Pinainom din siya nito ng gamot pagkatapos. Nang makainom ng gamot ay hinaplos nito ang mukha niya. “Magpahinga ka na para umayos na ang pakiramdam mo.” Kiming ngumiti pa ito sa kanya at hinalikan siya sa noo.
Hinawakan niya ang kamay nito. “Please don’t leave me.”
“I will never leave you. Never.” Paninigurado nito sa kanya at hinaplos-haplos pa ang buhok niya. Ipinikit niya ang kanyang mata. Gumaan ang pakiramdam niya dahil sa sinabing nito. Sana lang talaga ay totoo ang sinabi nitong iyon. Dahil kung sakaling pati ito ay mawala pa sa kanya sa pangalawang pagkakataon ay hindi na niya alam ang gagawin sa buhay niya.
MATAGAL ng tulog si Marianne ngunit nanatili pa rin na gising si Caspian sa tabi nito. Hangga’t maari ay ayaw niyang matulog. Gusto niyang manatiling gising sa tabi nito para mabantayan ito.
Ginawa niya ang lahat ng ito dahil mahal niya pa rin si Marianne. Hindi dahil sa naawa siya sa lagay nito kaya niya ito mahal. Iyon ay dahil sa kabila ng sakit na iniwan nito sa kanya ay palaging ito pa rin ang hinahanap niya.
Mahal na mahal niya si Marianne sa kabila ng lahat ng ginawa nito sa kanya. Pinilit niya itong kalimutan sa paraang nakipagrelasyon siya sa iba. Ang akala niya ay nagtagumpay na siya noon nang makilala niya si Jessica ngunit hindi pa rin pala. Hanggang ngayon ay si Marianne pa rin ang nag-iisang babaeng tinitibok ng puso niya.
Nakatingin siya sa kisame ng mga sandaling iyon upang pag-isipan kung ano ang mga dapat niyang gawin sa buhay. Kailangan na niyang iwan si Jessica kahit alam niyang masasaktan ito sa gagawin niya. Tutuparin niya ang sinabi niya kay Marianne. Mananatili siya sa tabi nito.
Nasa ganoon siyang sitwasyon nang marinig niya ang tunog ng doorbell. Napakunot ang noo niya. Alas-nuwebe na ng gabi. Sino kaya ang maaring bumisita sa kanya? Isa pa ay tanging magulang lamang niya ang nakakaalam kung ano ang address ng bagong biling bahay.
Tumayo siya ng kama at nagsuot ng roba upang tignan kung sino ang nag-doorbell. Ganoon na lamang ang gulat niya nang makita si Jessica na nakatayo sa labas ng pinto niya.
“Jess, what are you doing here? Hindi ba’t sa makalawa pa ang dating mo?”
“Nagbago na ang isip ko, Caspian. Paano ba naman kasi ay papatayin mo ako sa pag-aalala sa `yo dahil ilang araw mo ng hindi sinasagot ang tawag at text ko sa `yo!”
Totoo iyon. Sa buong durasyon ng burol ni Casey ay hindi niya pinapansin lahat ng mga tawag at text sa kanya. “Pero paano mo nalaman ang bahay ko?”
“Wala ba akong karapatang magtanong sa magulang mo kung nasaan ka? Wala ba akong karapatan na hanapin ka at puntahan ka dito sa Pilipinas at ganyan ka magsalita?” may halong hinanakit ang boses nito.
“But Jesssica, I really have a lot of problems these days. Hindi kita kayang asikasuhin sa ngayon.”
“At sino ang kaya mong asikasuhin, ha?!” sabi nito saka sumilip sa loob ng bahay at nagdudang tumingin sa kanya. “May tinatago ka ba sa akin?”
“Jess, I—“
“Sagutin mo ako, Caspian!” sigaw na nito.
Nagyuko siya ng ulo. Pumasok naman ito at dumiretso sa masters bedroom kung saan natutulog si Marianne. Sinundan naman niya ito. Sakit ang lumarawan sa mukha nito nang makita ang nahihimbing na babae sa kwarto.
“Siya ba? Siya ba ang dahilan ng lahat ng pambabalewala mo sa akin nitong mga nakalipas na araw at linggo?”
Isinarado niya ang pinto ng kwarto at dinala ito sa lugar kung saan kahit magsigawan sila ay hindi sila maririnig ni Marianne.
“Jess, she’s Marianne...”
Namutla ang mukha nito sa narinig. Palagi niyang naikukwento dito ang tungkol sa babae. “So she’s back...” sabi nito sa mahinang tinig.
“Yes,” nakayukong wika niya.
“At hanggang ngayon ay mahal mo pa rin siya?”
“Ayaw kong saktan ka, Jess. Pero iyon ang totoo. Mahal ko pa rin siya hanggang ngayon.”
Pinagbabayo nito ang dibdib niya at umiyak. “Hindi mo ba alam na palagi mo na lang akong sinasaktan? Pinipilit ko ang sarili kong maniwala na mahal mo rin ako. Nagbubulag-bulagan ako na napalitan ko na si Marianne sa puso mo kahit sa buong durasyon ng relasyon natin ay alam kong palagi pa ring nasa isip mo ang unang babaeng sumira ng puso mo!
“Kahit surang-sura na ako sa kakayaya mo sa akin sa akin sa Italy upang mag-out-of-town ay pumapayag pa din ako sa gusto mo dahil gusto kitang makasama kahit alam kong kapag pumupunta tayo doon ay may isang babae kang hinahanap! Sawang-sawa na ako sa kakayaya mo na manood sa iba’t ibang stage play doon dahil sa kakahanap mo sa kanya! Akala mo ba’y hindi ko nararamdaman ang lahat ng iyon? Hindi ako bato para hindi maramdaman at hindi masaktan sa ginagawa mo, Caspian!”
Nagyuko siya ng ulo. “I’m so sorry, Jess. I’m so sorry for all the hurt that I’ve caused you. Pero hindi ko mapigilan ang sarili kong mahalin pa rin si Marianne sa kabila ng lahat. I hope you’ll understand me.”
“You know what? I want to think that you are a total fool for loving someone who left you behind because of her dreams. Pero ano ba ang magagawa ko? Sadyang bulag ang pag-ibig. Kahit sa kabila ng lahat ng sakit na dinulot niya sa `yo, hindi mo pa rin siya magawang kalimutan kahit nandito na ako sa tabi mo at handang gawin ang lahat para sa `yo…”
Hinayaan na lamang niya ito na umiyak at bayuhin ang dibdib niya. After all, hindi sapat lahat ng pinagagawa nito sa lahat ng sakit na naidulot niya dito.