“KUMUSTA na ang ikakasal?” tanong ni Talia nang magkasabay sila sa pila para sa application for graduation. Ito na lang ang pagkakataon na nagkikita sila. Bukod kasi sa abala sila sa mga requirements para sa graduation ay di na sila nagkikita para gawin ang bagay na pareho nilang hilig – ang pag-awit.
“Okay lang,” matamlay niyang sagot at kiming ngumiti.
Hinawakan nito ang kamay niya. “Anong okay? Hindi ka mukhang okay. Kita mo nga nangangalumata ka na. Baka kapag nakita ka ni Benedikt biglang umurong iyon sa kasal ninyo dahil nakakatakot ang itsura mo. Wedding ang inaasikaso mo at hindi Halloween party.”
Bumuntong-hininga siya at umusod sa pila na palapit sa counter. “Sumasakit lang kasi ang ulo ko.” Si Talia lang ang kaibigan niya na mahihingahan niya ng sama ng loob. Ang makakaunawa sa kanya. At kailangan niya ng kaibigang makakausap ngayon.
“Akala ko naman okay kayo ng prince mo.”
“Wala naman kaming problema ni Benedikt. Okay na okay kami,” sabi niya at pinaikot sa daliri niya ang diamond ring na bigay nito sa kanya.
Inilagay ng binata ang singsing sa daliri niya sa mismong engagement party nila na ginanap dalawang linggo matapos nitong pumayag na magpakasal sa kanya. Malibang madalang silang magkita at sa telepono lang sila madalas magkausap dahil pareho silang abala – ito sa trabaho at siya ay sa school requirements at sa pag-aasikaso ng kasal nila.
“Problema namin ang mga nanay namin. Wala silang ginawa kundi ang pagtalunan kung anong dapat na gawin sa kasal namin. Lagi na lang silang nag-aangilan kung ano ang dapat at di dapat. Ako tuloy ang naiipit. Kapag nagtampo ang isa, magtatampo naman ang isa.”
Mula sa wedding gown niya hanggang sa pagkain at pati sa ayos ng venue ay nagkakagulo ang mga ito. Tatlong buwan na lang bago ang kasal niya pero parang walang na-accomplish. Hindi sila umuusad. Gusto lang naman niyang maging masaya ang lahat kaya niya pinaaga ang kasalang ito.
“Akala ko pa mandin masaya ka dahil ikakasal ka sa prinsipe mo. Di rin pala. Kulang na lang yata pati sa posisyon ninyo sa honeymoon ninyo sila din ang magdedesisyon.”
Tinampal niya ang balikat nito. “Ikaw talaga puro ka kalokohan!”
Saka siya luminga sa paligid dahil baka may makarinig sa sinabi nito. Nakakahiya kapag may nakarinig sa usapan nila.
“Ano ka ba? Grabe naman kasi ang mga nanay ninyo. Akala mo sila ang ikakasal. Di mo dapat hinahayaan iyon. Magtanan na lang kaya kayo?”
“Kung pwede nga lang. Kaso di naman pwede. Masyado na silang maraming nagawang paghahanda para maging maganda ang kasal namin ni Benedikt.”
Parehong gustong maging Wedding of the Year ang kasalan nila. Imbitado ang lahat ng mga sikat na tao sa mundo ng negosyo at pulitika. Isang sikat na mang-aawit din ang inimbitahan para kumanta para sa kanila at gaganapin sa La Playa Rubella sa Anda, Bohol.
Everything was perfect but it was not. Parang may mali. Parang may kulang. Pero kikimkimin na lang niya iyon para kay Benedikt at sa kaligayahan ng pamilya nila. Baka pre-wedding jitters lang ito. Natural lang marahil iyon sa ikakasal.
“Masaya ka ba talaga?” tanong ng kaibigan.
“Oo naman.”
Pangarap niyang makasal kay Benedikt noon pa man. Ito rin ang magbubukas sa pagtupad ng mas marami pa niyang mga pangarap. At di lang pangarap nila ni Benedikt ang matutupad kundi pati na rin ng mga pamilya nila. Magiging isa na ang pamilya niya. Ang alam niya ay pinag-uusapan na rin ni Benedikt at ng Papa niya ang pagme-merge ng negosyo nila. It was a big deal for both of them.
“Mas masaya kaysa nang kumakanta ka?”
Matabang siyag ngumiti. “Iba ang pagkanta ko. Iba ang relasyon namin ni Benedikt. Kumakanta ako para sumaya. Pansamantala lang iyon. Habang si Benedikt ang magpapasaya sa akin habambuhay. Lahat ng babae ito ang pinapangarap kaya masaya ako. Ngayon lang ito. Pero pagkatapos ng kasal namin, magiging maayos na ang lahat.”
Hindi niya alam kung bakit mabigat pa rin ang loob niya kahit nang sabihin iyon. Hindi niya alam kung bakit parang tutol ang kalooban niya na balewalain ang pagkanta niya kahit alam niyang iyon ang tama. Ang pag-iisang dibdib nila ni Benedikt ang pinakamalaking accomplishment na magagawa niya.
Gusto ko ito. Gusto ko ito… paulit-ulit niyang sabi na parang kinukumbinsi ang sarili niya.
“Halika! Kain muna tayo sa labas,” yaya niya dito nang matapos silang makabayad sa cashier. Kinabukasan na lang nila itutuloy ang ibang requirement nila.
“Naku! Okay lang ba sa bodyguard mo?” tanong nito at nilingon ang bodyguard niyang si Marlon, ang isa pa niyang bodyguard kapag wala si Monette, na kunyari ay abala sa pagbabasa ng libro subalit ang totoo ay sinisipat-sipat sila ng tingin.
“Oo naman.” Ang direktiba lang naman ni Santina dito ay pigilan siyang sumama sa mga rally at tiyakin na siya gagawa ng kahit anong kahihiyan. “Saka sa tapat lang naman tayo ng school kakain. Nami-miss na kitang kakwentuhan.”
“Sige na nga. Libre mo naman, di ba?” malambing nitong sabi. “Kaya nga kita naging friend dahil mahilig kang manlibre.”
Isang halakhak ang pinakawalan niya. Gusto niya ang mga ganitong sandali kasama si Talia. Pakiramdam niya ay normal siya. Pwede niyang kalimutan pansamantala ang bangayan ng madrasta niya at ng nanay ni Benedikt at ang pressure sa nalalapit niyang kasal. Gusto lang niyang maging isang estudyante na ine-enjoy ang nalalapit niyang graduation. Alam niyang oras na maikasal siya kay Benedikt ay baka di na sila masyadong magkasama ni Talia. May iba na siyang priorities bilang maybahay ni Benedikt Valenciaga.
Di pa sila nakakalayo sa gate ng paaralan ay may isang babae siyang nakita na palapit sa kanya. Parang may bumundol sa dibdib niya. Payat na payat ang babae. Nakasuot ito ng kupas na blusang kulay rosas at bulaklaking palda na mukhang luma na rin. Nakapusod ang buhok nito. Malulungkot ang mga mata nito. Mukha itong mas matanda kaysa sa edad nito dahil sa hirap.
Pamilyar ang mukha nito. Isang mukhang sampung taon na niyang di nasisilayan.
Inangat nito ang kamay na parang gusto siyang abutin. “Maki… anak?”
Si Lupita Veracruz nga ito, ang babaeng nagluwal sa kanya.
“N-Nanay?” nausal niya.
“Anak!” anito sa nanginginig na boses at niyakap siya nang mahigpit. “Anak, miss na miss kita.”
Hindi siya makagalaw habang yakap siya nito. Namanhid ang buong katawan niya. Yakap siya ng nanay niya, ng babaeng nagsilang sa kanya. Muli niyang narinig ang boses nito, muling nadama ang haplos nito. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Halo-halo ang saya, lungkot, pangungulila at galit. Ito ang babaeng pinakamahalaga sa buhay niya noong bata pa siya bukod sa ama niya. Ang babaeng humubog sa kanya. Ang babaeng nag-alis ng kaligayahan sa buhay niya nang iwan sila nitong mag-ama.
Ilang beses ba niyang inasam na sana ay bumalik ito? Ilang beses ba siyang umiiyak tuwing sinasaktan at pinapagalitan siya ng madrasta niya sa mga kapalpakan niya dahil alam niyang iba sana ang buhay niya kung ang nanay niya ang nagpalaki sa kanya? Ilang beses ba niyang hiniling na sana ay ito ang nasa tabi niya para makausap niya ito tungkol sa mga bagay na alam niyang ito lang ang nakakaunawa sa kanya – tungkol sa musika at sa pag-ibig.
Subalit wala ito. Sumama ito sa ibang lalaki. Sinira nito ang pamilya nila.