Nangibabaw ang galit sa puso ni Maki. Hinawakan niya nang mariin ang balikat ni Lupita at tinulak palayo. “Miss na miss ninyo ako?” tanong niya sa malamig na boses. “Iniwan ninyo kami ni Papa para sumama sa ibang lalaki. Ni hindi nga kayo nagparamdam sa akin sa loob ng maraming taon. Kinalimutan na ninyo ang pagiging ina ninyo sa akin, di ba? Ano pang kailangan ninyo sa akin ngayon?”
Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at tiningnan siya sa mga matang tigmak ng luha. “H-Hindi totoo iyan.”
Naging bingi siya sa pagtanggi nito dahil inaasahan na niya iyon. “Wala na ba ang lalaki ninyo? Iniwan na kayo kaya bigla ninyong naalala na may anak kayo? O huwag ninyong sabihing sampung taon kayong nagka-amnesia at ngayon lang ninyo ako naalala.”
Hinaplos nito ang pisngi niya sa nangininig na kamay. “M-Magpapaliwanag ako.”
Pumiksi siya at pinalis ang kamay nito na humaplos sa pisngi niya. “Huli na ng sampung taon ang paliwanag ninyo. Hindi ko na iyan kailangan. Hindi ko na rin kailangan ng nanay.” At humakbang siya palayo dito. Naramdaman niya ang pangingilid ng luha niya. Kailangan niyang lumayo dito bago pa tuluyang pumatak ang luha niya. Ayaw niyang makitang naaapektuhan siya nito. Na nasasaktan siya.
Subalit hinabol siya nito at pinigilan siya nito sa braso. “M-Maki, pakiusap makinig ka muna sa akin! Kahit sandali lang.” Niyakap siya nito sa baywang. “O… O kahit di na ako magsalita basta mayakap lang kita. Iyon lang ang ibigay mo sa akin.”
Gusto niyang itulak ito palayo subalit nawalan siya ng lakas nang maramdaman ang init ng yakap nito. Parang naglaho ang sampung taong nagdaan. Kinuyom niya ang palad. Gusto rin niya itong yakapin. Gusto niyang bumalik sa pagkabata kung saan maayos ang lahat. Noong masaya pa siya at napapatahan at napapatulog siya ng mga kanta nito.
“Lumayo ka sa anak ko!”
Nahigit niya ang hininga nang marinig ang boses ni Santina. Nakadama siya ng panginginig at takot nang makita itong pababa ng kotse. Nakadama siya ng guilt dahil yakap niya ang nanay niya at nakita ng madrasta niya – ang babaeng tumayong ina niya. At sa nakikita niyang galit sa mukha nito ay alam niyang malaking problema ang kakaharapin niya.
Sinubukan niyang kumawala sa pagkakayakap ni Lupita subalit mas hinigpitan nito ang pagkakayakap sa kanya. “Hindi. Anak ko siya. Di ako papayag na ilayo mo siya sa akin.”
Nanlisik ang mata ni Santina at hinila siya mula dito. “Nawalan ka na ng karapatang maging ina niya nang iwan mo silang mag-ama. Ako ang nandoon para ayusin ang lahat ng gulong ginawa mo. Ako ang bumuo sa pamilya na ipinagpalit mo sa iba. Umalis ka na bago pa kita ipadampot sa mga pulis.”
Ngumisi si Lupita. “Sa palagay mo ba ay natatakot pa ako? Kahit saang impyerno mo pa ako ipadala, di ninyo ako mailalayo sa anak ko.”
Nakita niya ang bahagyang pamumutla ni Santina at humigpit ang pagkakahawak nito sa braso niya. Naluha siya dahil halos bumaon ang kuko nito sa balat niya. “Umalis na tayo, Maki. Halika na!”
Napaigik siya. “N-Nasasaktan po ako.”
Biglang lumuwag ang pagkakayakap sa kanya ni Lupita. “S-Saan ang masakit, anak?” puno ng pag-aalalang tanong nito.
Sinamantala ni Santina ang pagkakataon at hinatak siya nito mula kay Lupita at kinaladkad siya patungo sa kotse. Binigyan siya nito ng nagbababalang tingin. Ibig sabihin ay hindi siya dapat na umangal na nasasaktan siya at alam niyang magtutuos pa sila nito.
“Anak, makinig ka sa akin. Parang awa mo na,” pakiusap ni Lupita at nagtangkang humabol.
Nilingon niya ito. “Huwag na po kayong sumunod. Nakakagulo lang po kayo,” sabi niya subalit sa hallip na sa galit na boses ay naging pakiusap iyon.
“Pumasok ka sa loob ng kotse!” paasik na utos ni Santina.
Nang makapasok sa kotse ay di niya maiwasang tanawin ng tingin si Lupita habang papalayo ang sasakyan. Hindi niya alam kung bakit mas nakadama siya ng pangungulila nang mabitiwan si Lupita kaysa nang hawak niya ang kamay ni Santina.
Bakit nangungulila pa rin siya sa init ng haplos ng kanyang ina? Bakit di mawala ang pagmamakaawa sa mga mata nito? Bakit parang gusto niyang marinig ang paliwanag nito o kahit ang boses man lang nito kahit na alam niyang puno lang ng kasinungalingan?
Bakit parang gusto pa rin niyang makasama ang tunay niyang ina sa kabila ng sakit na ibinigay nito sa kanya? Hindi ito maari. Masaya na siya sa buhay niya. Buo na siya. Pero bakit may kulang pa rin? At bakit parang saglit na napuno ang kakulangang iyon nang yakapin siya ng kanyang ina?
“NAKIKIPAGKITA ka sa babaeng iyon?” Puno ng akusasyon at asido ang boses ni Santina habang nanlilisik ang tingin kay Maki.
Umiling siya habang mahigpit ang pagkakahawak sa shoulder bag niya. Kanina pa ito tahimik sa sasakyan pero alam niyang parang bulkan ito na nagbabantang sumabog. Pagdating sa bahay at kaharap na nila ang Papa niya ay saka siya nito kinompronta. “Hindi po. Basta na lang siyang lumapit sa akin kanina. Ngayon ko lang po siya nakita. Hindi ko nga po alam na buhay pa siya.”
Hinaklit ng madrasta niya ang braso niya at napaigik siya sa pagbaon ng kuko nito sa balat niya. Pakiramdam niya ay nagpasa na iyon dahil sa paulit-ulit na mahigpit nitong hawak sa kanya. Malayo sa malamyos na hawak ng nanay niya na kahit minsan ay di siya pinagbuhatan ng kamay. “Nakipag-usap ka ba sa kanya? Anong sinabi niya sa iyo? Gusto mo ba ulit siyang maging nanay mo matapos ang pang-iiwan nila sa inyo? Sumagot ka!”
Nahihintatakutan siyang tumingin dito. “Hindi po! Hindi po talaga!” May pagmamakaawa niyang tiningnan ang ama niya na nakakunot ang noo habang pinagmamasdan sila ni Santina. Sa mga gulo nila ni Santina ay di ito nakikialam. Pero mahalaga para sa kanya na makinig ito sa kanya ngayon dahil iyon ang totoo. Ayaw niyang isipin ng ama niya na bukas ang komunikasyon nilang mag-ina. Alam niyang parang tinraidor din niya ito gaya ng ginawa ng nanay niya. “Ayoko po talagang kausapin siya. Siya po ang pilit na lumapit sa akin. K-Kahit na tanungin pa po ninyo si Marlon. K-Kanina ko lang po nakita s-si Nanay.”
“Nanay? Tinatawag mo siyang nanay? Nakita mo na!” angil pa ni Santina.
“Tama na! Hayaan mo na siya!” saway ng papa niya dito at pilit inalis ang mahigpit na pagkakahawak ni Santina sa braso niya. “Nasasaktan na ang anak ko.”
Natigagal si Santina dahil noon lang ito napagtaasan ng boses ng ama niya. Kahit siya ay nagulat din. “P-Pero kinausap niya si Lupita…”