You’re Still My Man (Filipino) Chapter 17

Kasinungalingan. Puro na lang kasinungalingan.

Yakap ni Maki ang sarili habang tahimik na umiiyak. Nasa harap siya ng condo ni Benedikt habang hinihintay itong dumating. Mula nang umalis siya ng bahay ay di niya alam kung saan siya tatakbo. Kung saan siya pupunta. Si Benedikt lang ang naiisip niya.

Sa loob ng sampung taon ay nabuhay siya sa kasinungalingan. At hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan kung anong buhay mayroon siya.

Napakasakit na harapin ang katotohanan. Na walang kwenta ang lahat ng pinaniniwalaan niya nang nagdaang mga taon. Si Benedikt lang ang inaasahan niya na magpoprotekta sa kanya sa lahat ng sakit na nararamdaman niya.

Nakaupo siya sa harap ng pinto ng penthouse nito. Nanginginig siya sa lamig at basang-basa sa ulan matapos magpalakad-lakad sa kalye na parang wala sa sarili. Ang alam niya ay ayaw niyang bumalik sa malaking mansion kung saan naging miserable ang buhay ng nanay niya. Ayaw niyang harapin ang ama niya at ang madrasta niya. Pumara siyang taxi nagpahatid sa condo ni Benedikt.

"Anong ginagawa mo dito?"

Lumingon siya nang marinig ang boses nito. "Benedikt?" Nagkaroon ng kaunting pintig ang katawan niyang manhid at hinang-hina.

Nakatayo ito sa hallway. Hawak nito ang briefcase nito at mukhang pagod na pagod sa trabaho. Pero naging alerto ito nang makita ang itsura niya.

Nabitiwan nito ang maleta at mabilis siyang nilapitan. Umuklo ito sa harap niya at hinawakan ang balikat niya saka pinagala ang tingin sa anyo niya. "Bakit ganyan ang itsura mo?"

Humagulgol na lang siya ng iyak at yumakap dito. "Puro sila sinungaling. Mga manloloko sila. Sinira nila ang buhay ko. Pinaikot lang nila ako."

"Sinong sila?" naguguluhang tanong niya.

Iyak lang ang naisagot niya. Kanina ay di niya magawang umiyak dahil sa galit kay Santina sa lahat ng pagmamanipula at kasinungalingan nito, sa ama niya na hinayaang mabulok sa kulungan ang ina niya at sa sarili niya dahil nagawa niyang magpamanipula sa lahat ng kasinungalingang iyon. Sa loob ng maraming taon ay nagpaapi at sinukol ang totoong siya para sa kasinunangalingan at pansariling interes ng iba. Hindi niya matanggap na nangyayari ito. She was so broken inside. Hindi niya alam kung paano pa siya mabubuong muli.

"Come. Sa loob tayo."

Dinampot nito ang maleta at in-encode ang password sa keypad na nasa tabi ng pinto ng condo nito. Saka siya nito inakay papasok sa loob. Nakasandig siya dito habang inaalalayan siya nito. Pagod na pagod siya at wala na siyang lakas.

Inupo siya nito sa sofa na nakaharap sa wall-to-ceiling na salaming bintana na may tanawin ng siyudad. Kitang-kita niya doon ang malakas na buhos ng ulan sa labas. Malakas pa rin ang ihip ng hangin na ihinahampas ang tubig sa salamin na halos malunod sa bagsak ng tubig mula sa langit. Ganoon din ang pakiramdam niya sa buhay niya. Ihinampas at iwinasiwas siya ng malakas na hangin at nilunod ng malakas na bagsak ng tubig. Nagmistula siyang bulag. Wala siyang nagawa dahil sa loob ng sampung taon ay sumunod lang siya sa agos. Napaniwala siya sa lahat ng idinidikta sa kanya na akala niya ay totoo.

"Let's get you out of those clothes. Baka magkasakit ka.” Naririnig niya ang boses ni Benedikt subalit hindi niya naiintindihan ang sinasabi nito. Hinawakan ito ang balikat niya. “Maki?”

“Huh?” aniya at marahan itong nilingon.

"Maki, hot shower? O mas gusto mo ang magbabad sa bath tub? Ihahanda ko para sa iyo. Hindi ka pwedeng mababad sa basa mong damit dahil baka magkasakit ka,” puno ng pag-aalalang wika nito.

"I...okay,” mahina niyang usal at sumang-ayon na lang dito.

Sinubukan siya nitong akayin subalit wala siyang lakas. Pagkuwan ay binuhat siya nito papunta sa shower room. “Ang damit mo!” usal niya nang maalala ang long sleeve shirt nito at slacks na suot nito. “Mababasa ka.”

“Magpapalit din naman ako ng damit mamaya,” sabi nito. “Saka nanghihina ka na.”

“Thank you,” usal niya at sinamyo ang bango nito. Nararamdaman niya ang init na tumatagos mula sa damit nito.

Nagpapasalamat siya sa haba ng pasensiya nito dahil kung siya lang ay wala na siyang lakas na gumawa ng kahit na ano. She was still in the oblivion. Lumulutang sa kawalan. Hindi niya magawang mag-function para gumawa ng kahit na ano. Ang huling bagay na pinakamatino niyang naisip kanina ay ang tumakbo kay Benedikt. Alam niyang ito lang ang pwede niyang sandalan. Ito lang ang pwede niyang pagkatiwalaan.

"Kaya mo bang maligong mag-isa?" tanong nitong puno ng pag-aalala ang mukha.

Saka lang siya dumilat at umiling. "Nanghihina ako."

“Pero magkakasakit ka kapag di ka naligo,” sabi nito at marahan siyang ibinana sa paa niya.

Sumandig siya sa katawan nito. Malungkot niya itong tiningala. She didn’t really care if she got sick or not. She already felt sick enough. Wala nang talo pa sa sakit na nararamdaman niya sa puso niya. Mas malala iyon kaysa sa pisikal na sakit na nagbabanta sa kanya.

Bumuntong-hininga si Benedikt at kinuyom ang palad saka ibinuka. "I will take care of you. Do you trust me?"

Pinagmasdan ang maamo nitong mukha. Gusto siyang asistehan ni Benedikt sa paliligo. Ito mismo ang maghuhubad ng damit niya para sa kanya. Hinihingi nito ang permiso niya. Inaalam nito kung gaano kalaki ang tiwala niya dito.

He had always been a gentleman. Di pa siya nito hiningan ng kahit anong bagay na pwedeng magparamdam sa kanya na di siya nito nirerespeto. Kaya naman lalo niya itong minahal. Lagi siyang prim and proper kapag kasama ito. Ilang beses lang siya nitong nakitang naka-swimsuit at di ito nag-take advantage sa kanya. Ngayon ay makikita siya nito nang halos walang damit o wala na talagang damit. It would be a first time for both of them. Bagamat magkasintahan sila, ang aspetong iyon ay isang tulay na pareho pa nilang di tinatawid.

"Yes. With anything,” she said in a rasp voice.

Ito lang ang pinagkakatiwalaan niya ngayon. Alam niyang wala itong gagawing maaring makasakit sa kanya. Poprotektahan siya nito kahit pa sa sarili nito.

Bumuga ito ng hangin. “Okay. I-Ipikit mo lang ang mata mo kundi ka komportable.”

Subalit sa halip na pumikit ay tiningnan niya ang mga kamay nitong nanginginig habang tinatanggal ang butones ng blouse niya. Sa halip na mailang, she was fascinated… and she felt alive.

Hindi pa sila naging ganito ka-intimate noon. Lagi siyang nirerespeto ni Benedikt. Para sa kanya ay hindi naman masyadong umikot sa pisikal ang relasyon nila. It was more about emotions and feelings. Para kay Benedikt ay iyon ang mas importante. May tamang oras daw para sa intimacy kapag kasal na sila. Mukhang mas kinakabahan pa ito sa kanya.

Parang isang sining ang isa-isang pagbuka ng butones ng blouse niya. Kahit ang panginginig ng kamay nito. Nang iangat niya ang tingin ay nakita niya na parang gusto nitong ipikit ang mga mata. Mas ilang pa ito sa kanya. Halos di ito humihinga nang hubarin ang blouse niya at inilapag sa gilid ng bathtub.

Marahan nitong ibinaba ang zipper ng palda niya at hinila ang tela na nakakapit pa sa binti niya. Hanggang underwear na lang ang matira sa kanya. Tumitig ito sa mata niya at iniiwasang tingnan ang katawan niya. While she didn’t mind at all.

“S-Sa palagay ko ay kaya mo na mula dito. Maghahanda ako ng makakain mo. Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka,” sabi nito at iniwan siya sa banyo.

Mas ninenerbiyos nga ito sa intimacy kaysa sa kanya. Di niya alam kung dahil na rin sa tindi ng respeto nito sa kanya o dahil natatakot ito na mas matindi ang pagnanasa nito sa kanya at di nito makontrol ang sarili.

Nang mapag-isa sa banyo ay saka niya binuksan ang shower. Hinayaan niyang tumulo ang mainit na tubig sa katawan niya. Sa kabila ng mainit na tubig na dumadaloy sa katawan niya ay nakadama pa rin siya ng panlalamig. Hinayaan niyang dumaloy nang dumaloy ang tubig hanggang namula na ang balat niya. Hindi sapat ang mainit na tubig para pawiin ang lungkot at sakit sa puso niya. Ayaw niyang mag-isa. Ayaw niyang wala doon si Benedikt.

Binalot niya ang sarili ng bathrobe na nakasabit sa banyo at saka lumabas ng banyo. Nakahimlay na sa kama ang T-shirt nito at boxer shorts. May disposable underwear din doon. Baka binili nito sa convenience store sa baba ng gusali. Nabawasan ang pangungulila niya nang isuot niya ang damit nito. And she also felt more human.

Lumabas siya ng kuwarto at nakita si Benedikt na may inaayos sa sala. Nakapagbihis na ito ng komportableng shorts at white sando. Basa rin ang buhok nito kaya nakaligo na ito. Ihinahanda nito ang pagkain sa mesa para sa kanya. “Ipinaghanda kita ng pagkain. Just soup and toasted bread. Paparating na ang ipina-deliver ko na pasta.”

“Salamat,” nausal na lang niya.

Maya maya pa ay dumating na ang in-order ni Benedikt ang ihinain nito sa harapan ni Maki ang pasta primavera at ang pesto cheese bread na paborito niya. Subalit kahit gaano pa katakam-takam ang amoy ng pagkain sa harap niya ay parang di tumutuloy sa utak niya. Wala siyang ganang kumain. Napangalahati lang niya ang tinapay at sumubo ng konting pasta. Dinadahan-dahan lang niya ang pagkain dahil ayaw niyang mahalata ni Benedikt na ayaw niyang kumain. Pagagalitan siya nito.

“Tumawag sa akin si Tito. Alalang-alala siya sa iyo. Sabi niya umalis ka daw ng bahay. Sinabi ko na nandito ka. Gusto mo bang umuwi na? Ihahatid kita,” sabi nito.

“No! Ayoko!” sagot agad niya at umiling. “Kapag pinilit mo ako, aalis ako dito.”

Oras talaga na pilitin siya nito ay tatakbo na lang siya. Iyon yata ang instinct niya ngayon. Ang lumayo sa sinumang magtatangkang ibalik siya sa ama niya at madrasta. Kung pwede lang ay di siya bumalik sa bahay na iyon.

Ginagap nito ang kamay niya. “Sabi ko sa kanila mag-uusap muna tayo.”

Muli siyang bumalik sa upuan nang matiyak na di siya nito ibabalik sa mansion. Subalit tuluyan na siyang nawalan ng ganang kumain. “Mas gusto kong magpahinga na lang. Wala akong ganang kumain.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.