You’re Still My Man (Filipino) Chapter 19

“ARE you having a great time?” tanong ni Benedikt sa kabilang linya habang kausap niya ito sa cellphone. Nilingon ni Maki ang nanay niya na paikot-ikot sa salamin suot ang ipinasukat niya ditong palda at blusa. Aztec ang design at sunod sa uso. It gave her a Bohemian look. Pero hindi na iyon bago sa kanya. Iyon mismo ang hilig na isuot ng nanay niya noong bata pa siya at isa pa itong mang-aawit. Parang kahapon lang iyon.

Nasa isang boutique sila sa Gateway sa Cubao niya ito inikot mula nang sunduin niya ito sa restaurant kung saan ito pansamantalang nanunuluyan. At kita niya ang kislap sa mga mata nito ngayon. Masaya siya na kahit paano ay napagaan niya ang loob nito.

“Yes. I am having a great time. Tapos na kaming magpa-spa, magpa-salon at ngayon ay nagsa-shopping kami. Mabuti napilit ko si Nanay na dito sa Gateway mamili. Gusto daw niya sa Divisoria lang at doon naman daw niya binibili ang damit niya dati pa.” Bumuntong-hininga siya at ngumiti. “May pagkakuripot talaga siya.”

“Parang may isang babae rin akong kilala na kumaladkad sa akin sa Divisoria minsan.” There was fondness in his voice. Kae-eighteen lang niya noon. It was her first date with him. Gusto niyang mamili ng damit at wala siyang makita sa mga mamahaling malls na gusto ni Santina. “And I fell in love with you that day.” His voice dipped lower.

“Kahit na nadukutan ka ng pera at kailangan tayong sunduin ng driver mo? Napagalitan tayong pareho dahil doon,” natatawa niyang sabi.

“I really had fun. Pwede ko kayong samahang mag-Divisoria next time… kapag maluwag na ang schedule ko.” Alam niyang pagod ito dahil wala ito halos tulog. Binantayan siya nito nang nagdaang gabi. May pagkakataon pa nga na nagising siya nang madaling araw at namulatan ito na nakatitig sa kanya. Saka lang siya bumalik sa pagtulog nang kintalan nito ng halik ang noo niya.

“Thank you, Benedikt. I love you.”

“I will see you later, sweetheart. Time for the meeting.”

Di naalis ang ngiti niya nang tapusin ang tawag. Sa kabila ng lahat ng di magagandang bagay na pinagdadaanan niya ngayon, di siya masyadong nalulungkot dahil kasama niya ang mga taong nagpapasaya sa kanya – ang nanay niya at si Benedikt.

She felt normal really. Mas normal pa kaysa sa sampung taong nagdaan. Marahil dahil ang katotohanan ang nagpalaya sa kanya. At sa katotohanang iyon ay natagpuan niya ang mga tao at bagay na totoong nagpapasaya sa kanya. Malaya niyang nagagawa ang lahat ng gusto niya. Walang patakaran sa kung ano ang dapat at di niya dapat na ikilos. Ito ang buhay na gusto niya.

“Ang nobyo mo ba iyon?” tanong ng nanay niya.

Nakangiti siyang tumango. “Opo. Tatapusin lang daw po niya ang meeting niya at susunduin niya tayo dito. Bagay po sa inyo iyan,” sabi niya at tumayo sa couch. “Bayaran na po natin.”

Pinigilan nito ang kamay niya at tiningnan ang etiketa. “Anak, may kamahalan ito. Baka may masabi ang…”

“Wala po silang sasabihin dahil pera ko po ito. Inipon ko po ito mula sa mga baon ko.” May mga fair din sila sa university kung saan may sarili siyang booth at itinabi din niya ang pera. Isang bagay na natutunan din niya mula sa kanyang ina kahit na nga ba may pagka-gastador at maluha ang kanyang madrasta. Dumikit siya dito at tiningnan ang repleksiyon nila sa salamin. “Mukha lang po tayong magkapatid.”

Mas maaliwalas na ang mukha nito matapos ang facial at spa treatment nito. Nagmukha muli itong bata dahil sa hair reborn treatment sa mahaba nitong buhok.

Nakatitig din ito sa repleksiyon nila. “Di rin ako makapaniwala na kapag nagkita tayo ay dalagang-dalaga ka na at ikakasal ka na. Parang kahapon lang noong ginagamot ko ang sugat mo sa tuhod dahil gusto mo akong ikuha ng bayabas at nalaglag ka. Galit na galit pa sa akin ang lolo mo,” maluha-luha nitong sabi. “Masyadong maraming nasayang na panahon.”

“Huwag na po kayong umiyak. Ang mahalaga po magkasama tayo ngayon,” aniya at tinapik nang magaan ang pisngi nito. “Gusto ko po maging masaya lang tayo. Okay?”

Subalit bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha nito. “A-Ayos lang ba ito sa nobyo mo? Ang magkasama tayo? Alam ko na hindi maganda ang reputsasyon ko lalo na kapag nalaman nila na galing ako sa bilangguan,” sabi nito nang lumabas sila ng boutique dala ang pinamili niya.

Ginagap niya ang kamay nito. “Si Benedikt pa po ang nagsabi sa akin na kausapin kayo. Siya rin po ang nagsabi na ayos lang sa kanya na makasama ko kayo at lumabas tayo. At gusto rin po niya na makilala kayo. Wala po kayong aalalahanin sa nobyo ko. Ang totoo, kinakabahan po siya kung magugustuhan ninyo siya para sa akin.”

“Kung ganyan kabait ang nobyo mo, di ako tututol.”

Sa isang café sila nagpalipas ng oras. Nagse-serve ng ethnic fusions ang naturang café at alam niyang magugustuhan ng nanay niya. Maya maya pa ay dumating na si Benedikt. Sinalubong niya ito ng halik sa pisngi at ihinarap sa nanay niya. “Benedikt, gusto kong ipakilala sa iyo ang nanay ko. The legendary Lupita. Nay, si Benedikt po, ang pinakamamahal kong lalaki sa mundo.”

Kinamayan ito ni Benedikt. “Ikinagagalak ko po kayong makilala, ma’am.”

“Huwag nang ma’am. Masyadong pormal,” anang nanay niya sa magaang boses.

“Nanay na lang po. Nakita ko na po ngayon kung kanino nagmana ng kagandahan si Maki.”

Tinapik ni Lupita ang kamay ni Benedikt. “Mukhang mabait ang mapapangasawa mo, anak. Ngayon pa lang ay boto na ako sa kanya. Parang siya si…” anitong di na itinuloy ang sasabihin at iniwas ang tingin. Alam niya kung anong sasabihin nito. Maraming pagkakapareho si Benedikt sa ama niya. Tumikhim ito at napansin niya ang pagluluha ng mata nito. “Mukhang masaya naman ang anak ko sa iyo.”

“Mahal na mahal ko po siya. Gagagawin ko po ang lahat para sumaya siya,” madamdaming sabi ni Benedikt sa nanay niya at puno ng pagsuyo sa mga mata nito nang sulyapan siya. Alam niya iyon. Kahit na di nito sabihin ay alam niya iyon.

“Maraming salamat,” wika ni Lupita. Mukhang makakahinga ito ng maluwag na malamang nasa mabuti siyang mga kamay.

“Mabuti pa umalis na tayo,” sabi niya. “Baka ma-late pa tayo sa appointment natin.”

“Saan tayo pupunta?” tanong ni Lupita.

“Sa caterer po ng kasal namin,” wika niya. “Food tasting po. Mula ngayon ay gusto ko nap o kayong ma-involve kayo sa preparation ng kasal ko.”

Napagkit ito sa kinatatayuan. “Anak, hindi na kailangan. Gusto ko lang naman makasama ka. Ayokong magalit si Santina sa akin,” wika nito at umiling. Bakas ang takot sa mga mata nito. Alam niyang natatakot itong bumalik muli sa kulungan o kaya ay mas pahirapan siya nito Santina para lang layuan niya ito.

Naging mahigpit ang kapit niya sa braso nito. “Kayo ang nanay ko. Kayo po ang gusto kong makasama.” Ngayong kasama na niya itong muli ay di na siya papayag pang mahiwalay muli dito.

“Sumama na po kayo. Hindi po magbabago ang utak ng anak ninyo. Saka po ongayon lang kayo magkakasama. Ako po ang bahala,” paniniyak ni Benedikt.

Naramdaman niya ang panlalamig ng kamay ng nanay niya nang humimpil ang kotse ni Benedikt sa harap ng restaurant na siyang magha-handle ng catering service ng kasal niya. Alam niyang nandoon si Santina pero kailangan niyang maging mas matatag. Hindi na siya nito masisindak. Tapos na siya sa pagpapamanipula dito. Mula ngayon ay siya na ang bahala sa sarili niyang buhay. Di na siya magpapadikta dito.

Pagbaba pa lang niya ng sasakyan ay humahangos nang lumapit sa kanya si Santina. “Hija, natutuwa naman ako na nandito ka na,” sabi nito at niyakap siya. “Nag-aalala talaga ako sa iyo kagabi…” Bigla itong nanigas nang makita kung sino ang kasunod niyang lumalabas ng kotse. “Ikaw?” nanlalaki ang mata nitong wika habang nakatingin kay Lupita. “Anong ginagawa ng babaeng iyan dito?”

"That woman is my mother," aniya sa malamig at kalmadong boses. Nakangiti niya itong nilampasan habang hila-hila ang kamay ng nanay niya. Nakangiti siyang humalik sa pisngi ng nanay ni Benedikt. "Tita, ipinakikilala ko po sa inyo ang nanay ko na si Lupita Rubella," sinadya niyang idiin ang married name ng nanay niya. Para sa kanya ay ito lang ang asawa ng ama niya. Hindi ang mapagpanggap na si Santina. “Nanay, ang nanay po ni Benedikt na si Tita Teresina. Teresina Valenciaga.”

"H-Hello." Bakas ang pagtataka sa mukha ni Teresina nang humalik sa pisngi ni Lupita. Natural lang na maguluhan ito sa mga pangyayari. Baka hindi pa ito nasabihan ni Benedikt.

"Ikinagagalak ko po kayong makilala,” wika naman ng nanay niya.

"Anong ginagawa niya dito? Bakit idinala mo siya dito?" nagngangalit na tanong ni Santina.

"Mula ngayon ay involved na si Nanay sa lahat ng may kinalaman sa kasal ko,” aniya magaan. But underneath the light voice was a tone made of steele. Di mababali ang desisyon niya.

"No! Sisirain niya ang lahat ng pinaghirapan ko. Namin ni Teresina. You can't do this!" halos histerikal na wika ni Santina.

Ngumisi siya. Sa pagkakataong ito ay di na siya nag-aalala pa sa anumang galit na ipakita nito. Wala na itong kapangyarihan sa kanya. "Relax, Mama. Hindi pakikialaman ng nanay ko ang mga naplano na. Magbibigay lang siya ng opinyon niya. Hindi naman ugaling manghimasok ng nanay ko sa mga desisyon ko kahit noong bata pa ako. She was never a controlling mother.”

Mariing nagdikit ang labi ni Santina. "Mas maganda pa rin kung aalis siya dito."

"Aalis na lang ako,” mapagpakumbabang wika ni Lupita. “Saka na lang tayo magkita, anak."

Ikinawit niya ang kamay sa braso nito. "Hindi. Dito lang kayo, Nay. Di kayo aalis. Kayo ang tunay kong nanay at mas may karapatan kayo dito."

Nanlaki ang mata ni Santina. "Wala ka bang kahihiyan? Gusto mo talagang iparada ang nanay mo?"

"Yes. Gusto kong makita nilang lahat ang nanay ko. At gusto ko rin na siya ang maghahatid sa akin sa altar kasama ni Papa."

Nahigit ni Santina ang hininga. "You are deranged. Ano bang ipinakain sa iyo ng nangangalunya na babaeng ito at isa pang ex-convict? Gusto mo bang mapahiya talaga sa araw ng kasal mo?"

"Sa kanya ang lugar na iyon kundi mo lang sana minanipula ang lahat. Kundi kayo nagsabwatan ni Lolo at pinalabas na nangalunya si Nanay at ipinakulong siya kahit na wala siyang kasalanan. Inosente ang nanay ko. Kasalanan lang niya ay dahil siya ang pinakasalan ni Papa dahil nagmahalan sila. Hindi mo iyon matanggap kaya sinira mo ang pamilya ko. Hindi kita pagpapatawad,” aniya sa pagitan ng nagtatagis na ngipin.

"M-Mas mabuti pa pumasok na tayo. Nagtitinginan ang mga tao,” wika ni Teresina na namagitan na sa kanila. Nakuha na nila ang atensiyon ng ibang patron at mga staff ng restaurant.

Subalit walang balak na magpapigil si Santina. Dinuro nito si Lupita. "Isa kang salot sa buhay ko kahit na kailan.”

"Mag-ingat ka sa sinasabi mo kung ayaw mong bumalandra pabalik sa mukha mo ang sinasabi mo. Ikaw ang nanira ng pamilya ko. Ikaw ang maraming atraso sa akin,” matapang na wika ng nanay niya.

Matiim niyang tiningnan si Santina. "Umalis na po kayo bago ko pa makalimutan na kayo ang naging nanay ko sa loob ng sampung taon. Kahit na di ko naman maipagpapasalamat na nawalan ako ng tunay na ina at tino-tolerate lang ninyo ang presensiya ko para mapalapit sa ama ko,” sarkastiko nitong wika.

“Fine. I am leaving.” Tumingin ito kay Teresina. "Mag-ingat ka. Sisirain ng babaeng iyan ang pamilya mo at kakaladkarin sa putikan. You will realize that I am a better bet compared to her."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.