Nakadama siya ng tagumpay nang naglakad ito palayo. Alam niyang pansamantala lang ang tagumpay na iyon. Subalit natatakot siya sa pwedeng mangyari ngayong alam na niya kung ano ang kayang gawin ni Santina.
"Come. I am famished. Ito lang ang pinakahihintay ko na parte ng wedding preparation na ito,” untag ni Benedikt sa kanya. Saka lang nawala ang alalahanin niya.
She would try to make things right for her mother. At alam niyang nariyan si Benedikt para tulungan siya sa anumang gusto niyang gawin para sa nanay niya. Hindi siya dapat matakot.
“GREAT food. Nahirapan akong mamili,” sabi ni Maki matapos ang
“Mabuti na lang napagtugma ni Nanay Lupita ang pagkain na babagay sa theme ng kasal natin,” sabi ni Benedikt. “Kasi kung ako lang ang masusunod lahat na ng pagkain doon ihanda natin.”
Magaan ang atmosphere dahil di sila nahihiyang magtawanan ni Benedikt sa harap ng nanay niya. They were encouraged to choose what they want saka nito sasabihin sa kanila kung ano ang rason bakit di rin babagay ang putahe sa theme nila.
“Nag-HRM si Nanay bago siya na-discover bilang singer,” puno ng pagmamalaki niyang sabi. “Kaya kung makikita mo si Papa dati, namimintog ang pisngi. Masarap kasing magluto si Nanay.”
Magtatayo sana ng restaurant at bar ang nanay niya kundi lang ito nagpakasal sa ama niya. Nag-lie low mundo ng musika at inasikaso silang mag-ama. Kapag lang may mga rally at mga anibersaryo ng mga historical events saka ito dumadalo para kumanta.
"Maki, pwede bang sumabay sa akin si Benedikt pauwi? May importante kaming pag-uusapan. Si Mang Fidel ang maghahatid sa iyo,” malumanay na sabi ni Teresina.
"Sige po,” sabi niya.
Kinintalan siya ng halik sa noo ni Benedikt. "Kahit huwag mo na akong hintayin. Magpahinga ka na."
Tumango siya. "Mag-ingat po kayo,” sabi niya at humalik sa pisngi ni Teresina.
May kapormalan ang ngiti ni Teresina. Tahimik din ito habang nagkakasiyahan sila kanina. Parang hinahayaan lang sila nito na magdesisyon sa menu o nawalan na ito ng gana. Sa palagay niya ay hindi ito nasisiyahan sa mga nangyaring eksena kanina lalo na sa pagwawala ni Santina.
"Ayaw yata sa akin ng nanay ni Benedikt,” wika ni Lupita nang bumibiyahe na sila pabalik sa restaurant nina Talia. Di niya ito pwedeng iuwi pa sa condo ni Benedikt. Ang plano niya ay maghanap ng bahay para sa kanila. Magiging mahirap ang mga susunod na araw para sa kanila. Di pa iyon alam ng nanay niya pero gusto niyang maging mas maayos ang buhay nito. Mabawi nito ang dignidad nito na nawala.
"Naninibago lang po siya pero masasanay din po siya. Si Benedikt na po ang bahala sa kanya,” paniniyak niya dito. Tahimik ito hanggang dumating sila ng restaurant. Alam niyang marami pa itong alalahanin pero di niya ito masisisi. Iba ang mundo na ginagalawan niya. Iba ang mundo kung saan ang tulad ni Santina ang namamayani. Natural na lang na mag-alala ito.
Nang dumating sila sa restaurant ay lumapit si Talia. "May naghahanap po sa inyo, Tita Lupita.”
At lumingon si Talia sa sulok ng restaurant. Mula doon ay tumayo agad ang papa niya at lumapit sa kanila. “Lupita,” usal lang nito nang makita ang nanay niya. Bakas sa mata nito ang pagkabigla noong una at napalitan ng isang malambot na emosyon bago nawalan ng damdamin ang mata nito.
"Papa, anong ginagawa ninyo dito? Hindi po ako sasama pauwi sa iyo,” matigas niyang sabi.
"Kakausapin ko lang si Lupita,” malumanay nitong sabi.
"Pwede po kayo sa opisina ni Tatay mag-usap,” prisinta ni Talia.
"Umuwi ka na kay Benedikt, Maki. Kami ang bahalang mag-usap ng papa mo,” wika ni Lupita at iginiya ang papa niya patungo sa opisina ni Mang Monching.
Sa halip na sundin ang ina niya ay nanatili siya sa restaurant. “Di ka pa uuwi?” tanong ni Talia.
Humalukipkip siya at nagtungo isang metro mula sa pinto ng opisina ni Mang Monching. "Di ako aalis. Dito lang muna ako." Sa huli ay di siya nakatiis. Idinikit niya ang tainga sa pinto.
Kinalabit siya ni Talia. "Sabi mo sa akin masama iyan...”
"Shhhh!" saway niya dito at pilit na nakinig. Wala siya halos maulinigan dahil sa malakas na tugtog at sadyang mahina pareho ang boses ng mga magulang niya.
"Binabayaran mo ako para layuan ang anak ko?" Nahigit niya ang hininga nang marinig ang pagtataas ng boses ng nanay niya. Noon lang niya narinig na pinagtaasan ng boses ng nanay niya ang tatay niya. Pero mas nagulat siya sa narinig niya. Kahit siya ay tumaas ang presyon ng dugo. Hindi niya inaasahan na gagawin ito ng tatay niya. An all-time low coming from a decent man like him.
"Hindi kita sinusuhulan. Gusto ko lang ay maging disente ang pamumuhay mo. You deserve that as my wife,” malumanay na paliwanag ng ama niya.
"Hindi mo na ako asawa baka nakakalimutan mo. Ipina-annul mo ang kasal natin para pakasalan ang babaeng iyon. At ito ang paraan mo para bumawi? Ang bayaran ako para umalis sa buhay ng anak ko? Ganyang klaseng lalaki ka na ba ngayon?"
"Malaking eskandalo kung ikaw ang susulpot sa kasal ng anak natin. Di lang ito basta kasal nila ni Benedikt. Mahalaga din ito para sa negosyong hawak ng pamilya namin. Tungkol din ito sa kinabukasan nila. Gusto ko lang dumistansya ka kay Maki hanggang matapos ang kasal nila. Wala nang pipigil sa iyo na makita siya matapos iyon. Kailangan lang naming ipakita na buo at normal kaming pamilya."
"Anak natin ang tanungin mo. Siya lang ang maaring magdesisyon kung gusto niya ang presensiya ko sa kasal niya. Kung gusto niya ako sa buhay niya o hindi. Sa loob ng sampung taon ay nabuhay siya sa kasinungalingan. Siya lang ang magsasabi kung hanggang kailan niya gustong magpanggap sa masayang pamilyang sinasabi mo. Makakaalis ka na,” anang si Lupita sa malamig na boses.
Bumukas ang pinto. Bago pa siya lumayo ay nagkaharap na silang mag-ama. Malungkot ang anyo nito. Parang mas tumanda ito ng sampung taon. "Pa, huwag ninyong ilayo sa akin si Nanay."
"Anak, hindi iyon ang ginagawa ko,” malumanay nitong wika. O mas tamang sabihin na pagal ang boses nito. “Ayoko ring magkalayo kayo."
"Gusto kong ituwid ang lahat ng kasinungalingan, Pa. Sawa na po ako sa pagpapanggap. Gusto ko na makasama ang tunay kong ina sa kasal ko. Hindi ang babaeng sumira sa pamilya natin. Ayaw ba ninyong ituwid ang mga pagkakamaling nangyari sa pamilya natin?" tanong niyang may kasamang pakiusap.
"Gusto ko, anak. Pero komplikado na ang lahat,” anito at inilahad ang mga kamay. Alam niya ang ibig nitong sabihin – ang negosyo at reputasyon ang mahalaga dito. At marahil ay nakikisama lang ito kay Santina dahil sa sasabihin ng ibang mga tao. Pagod na siya sa ganoong klase ng buhay.
"Gusto kong buo ang tunay kong pamilya sa kasal ko. Sana po ito man lang iregalo ninyo sa akin,” pakiusap niya.
Bumuntong-hininga si Franco. "Mabuti pa sa ibang araw na lang tayo mag-usap. Mukhang pagod ka na."
Nang lagpasan siya nito ay nagtungo siya sa opisina ni Mang Monching. Naabutan niya ang inang si Lupita na umiiyak habang nakaupo sa sofa. Niyakap niya ito nang mahigpit. Di nito kailangang magsalita subalit alam niya kung saan nagmumula ang sakit sa puso nito.
Mahal pa nito ang Papa niya. Life was cruel to her and to her father as well. Isang pagmamahalang pinutol ng kasinungalingan. Isinusumpa niya na di iyon mangyayari sa kanila ni Benedikt.