You’re Still My Man (Filipino) Chapter 21

Namili siya ng groceries para kay Benedikt. Puro take out at delivery lang ang madalas nitong kainin. Feeling niya ay asawa na siya ni Benedikt. Siyempre wala naman ito nagte-take advantage sa kanya habang nasa bahay siya nito. Nang sumunod na araw ay di na sila magkatabi sa guestroom. Payapa na rin siyang nakatulog sa kabila ng mga nangyari nang nakaraang araw – ang komprontasyon nilang mag-ina kay Santina pati ang paghaharap ng mga magulang niya.

Siguro dahil alam niyang kahit anong mangyari ay nariyan si Benedikt. Hindi ito mawawala sa tabi niya kahit na anong mangyari. At bilang pasasalamat ay gusto niyang pagsilbihan ito. Parang training na niya ito bilang future Mrs. Benedikt Valenciaga. Oras na maging mag-asawa na sila ay titiyakin niyang luto niya ang matitikman nito.

Naka-encode na sa lock ng condo ni Benedikt ang fingerprint niya at ibinigay na rin nito ang password sa kanya. Pagpasok niya ay nagulat siya nang makitang nakaupo sa sala si Teresina at nagbabasa ng magazine. "Tita, nandito po pala kayo,” sabi niya at humalik sa pisngi nito. “Gusto po ba ninyo ng makakain o maiinom?”

“It is okay, hija. I know my way around here. Ipinaghanda ko na ang sarili ko ng tsaa.”

At nakita niya ang tasa na wala nang laman sa center table. “Nasa office po si Benedikt ngayon."

"Ikaw talaga ang gusto kong makausap,” anito sa seryosong tono. “Maupo ka.”

Umupo siya sa tabi nito pero may dalawang talampakan silang pagitan. Dahil naramdaman rin niya na may guwang sa pagitan nila. “Tungkol po saan?”

"Tungkol sa mga pagbabago sa kasal mo. Tungkol sa nanay mo.” Bumuntong-hininga ito. “Hindi ako pabor na siya ang maghatid sa iyo sa altar."

"Mas gusto ninyong si Mama Santina ang maghatid sa akin sa altar?” bulalas niya. “Alam ba ninyo kung anong ginawa niya sa pamilya ko?"

"Oo. Naiintindihan ko ang punto mo. But there is so much at stake here.” Her voice was tough but there was an underlying current. “Ang kompanya ng pamilya mo at pamilya ko. Ang pangalan ng mga pamilya natin. Si Santina ang matinding koneksiyon ng pamilya mo sa negosyo. Aaminin ko na malaki rin ang naitulong niya sa negosyo ng pamilya ko. Our foundations were shaken when my husband became too weak to handle the company. Hindi namin kayang masangkot sa panibagong eskandalo."

"So it is all about money and reputation,” she said in a low, icy voice. Tulad ng sinabi ng ama niya sa nanay niya. Ito ang sandata ni Santina laban sa ina niya. Sa kanilang mag-ina.

Naging matigas ang anyo ni Teresina. "Huwag mong sabihing di iyon mahalaga? Nakasalalay dito ang kinabukasan ninyo ng anak ko. Wala akong pakialam sa gulo ng pamilya mo hangga't hindi maaapektuhan ang pamilya ko. Isang araw lang ang hinihingi ko sa iyo. Hindi mo ba pwedeng ibigay?"

"At iyon po ang pinakamahalagang araw sa buhay ko. Pangarap ko lang naman na mabuo ang pamilya ko. Ang tunay kong pamilya."

Kinuyom niya ang palad. Di niya inaasahan na darating ang pagkakataong ito. Na malalaman niya ang totoo at may pag-asang mabuo ang pamilya niya kahit na isang araw lang. Mabubuo sana ang kaligayahan niya. Ayaw na niyang magpanggap. Ayaw na niyang ng balat-kayo. Ayaw na niyang umaktong perpekto ang lahat pero balot ng kasinungalingan. Sa loob ng sampung taon ay iyon ang naging buhay na niya. Ayaw na niyang sumunod sa sayaw ng mundo na iyon, ng mundong pabor sa sinungaling na katulad ni Santina.

Naningkit ang mata nito. "Nangako ka sa amin na di ka na magdadala ng gulo sa pamilya ko. Huwag mong sirain ang pangako mo. Oras na gumawa ka ng gulo at may nangyaring di maganda sa mag-ama ko, gagawin kong impiyerno ang buhay. Binalaan na kita. Mas gugustuhin ko pang pakasalan ng anak ko ang isang babaeng di niya mahal pero magiging tahimik ang buhay niya kaysa sa babaeng mahal nga niya pero sasayangin naman ang pinaghirapan naming mag-asawa. Iwan mo na ang anak namin kundi mo kayang tuparin ang mga pangako mo." Tumayo ito at kinuha ang clutch bag nito. “Huwag mong babanggitin kay Benedikt ang tungkol dito kung ayaw mong matikman kung gaano ako katinding magalit.”

Nakatulala lang siya nang umalis ito. Hindi siya makahinga. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa parehong impyernong kinalagyan ng ina niya sa piling ng ama niya. Sa parehong impyernong kinalagyan niya sa loob ng sampung taon na puno ng kasinungalingan. Hindi ba't ito mismo ang tinatakasan niya?

Nakita niya ang nangyari sa ina niya na sinira ng ambisyon at kagustuhan ng iba na manatili sa kapangyarihan. Paano kung pinili niyang sundin ang gusto niya at dumating ang panahon na kamuhian siya ng pamilya nito? Makakatagal pa ba ang pagmamahalan nila ni Benedikt? Hindi iyon nangyari sa kaso ng mga magulang niya at siya ang nagdusa. At ayaw din niyang danasin iyon.

Tama si Teresina. Kung sisirain lang niya ang lahat ng pinaghirapan ng mga ito sa pagpapapakatotoo niya ay mabuti iwan na niya si Benedikt.

Parang may punyal na tumarak sa dibdib niya. That would be suicide. Ngayon pa lang ay parang mamamamatay na siya sa sakit. Pero humihiyaw ang pagkatao niya na iwan ito habang kaya pa niya. Bago pa tuluyang mawasak ang pagkatao niya at kalululuwa dahil sa pananatili sa tabi nito.

Kailangan niyang magdesisyon sa lalong madaling panahon.

ON my way up. See you.

Pumitlag ang puso ni Maki nang matanggap ang text message ni Benedikt. Pinunasan niya ng tissue ang gilid ng china bowl na may beef stew na niluto niya. Ipinaling niya iyon ng bahagya para maging maganda ang pagkakalagay sa mesa. Inayos niya nang bahagya ang rosas na nasa plorera sa gitna ng pera. Nang matiyak na perpekto na ang lahat ayon sa gusto niya. Saka lang niya sinindihan ang kandila. Hinubad din niya ang apron kaya nakita ang bagong dress na kasabay niyang binili nang mag-shopping silang mag-ina.

“I am home!” sigaw ni Benedikt nang pumasok ng condo.

“Dinner is ready,” anunsiyo niya. Parang napaka-natural na sabihin niya iyon. Na parang mag-asawa na sila. Nakadama siya ng bigat sa dibdib niya subalit pinalis niya iyon. Espesyal ang gabing ito para sa kanila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.