Tumatakbo si Maki sa puting buhanginan habang hinahalikan ng alon ang mga paa niya. Isang lalaki ang nakatalikod sa di kalayuan na nakasuot ng cream chino shirt at naka-maong na pantalon. Kahit di ito nakaharap ay alam niya kung sino ito. Si Benedikt. Nandito si Benedikt.
"Benedikt, anong ginagawa mo dito?"
Dahan-dahan itong humarap sa kanya. "Marry me, Maki."
Umiling siya. "H-Hindi ko kaya. I am sorry."
Lumapit ito sa kanya at hinaplos ang mukha niya. Puno ng paghihirap ang anyo nito. "Hindi mo na ba ako mahal? I thought you will stay with me."
"Para din iyon sa kabutihan natin."
"Paanong naging mabuti iyon kung pareho tayong nasasaktan? Don't you miss touching me, kissing me, loving me?"
Mariin siyang pumikit. "You don't know how much. My life is miserable without you."
"Then let's end this misery, Maki."
Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata at hinila ito palapit sa kanya. "Then kiss me, Benedikt. Take me out of this misery."
Hinawakan nito ang likod ng ulo niya at dahan-dahang inilapit ang mukha sa kanya. Hindi humihiwalay ang mga mata nito sa kanya. Kinabahan siya na para bang iyon ang unang beses nitong hahalikan siya. Her lips tingled. She inhaled his manly scent that mingled with the scent of the ocean.
It was making her feel heady. Hindi niya inaakalang sa huli ay siya pa rin ang mahal nito. Na babalik ito sa kanya. That he was still her man.
Halos magdidikit na ang mga labi nila nang isang kamay ang humatak sa kanya palayo dito. "Ate! Ate, gumising ka na! Umaga na!"
UMUNGOL si Maki nang marinig ang boses ng pinsan niyang si Ponyang kasabay ang pagyugyog nito sa balikat niya. Wala na si Benedikt. Wala na sila sa tabing-dagat. Hindi na siya nito nahalikan. Sa halip ay nakasubsob ang pagmumukha niya sa unan at iyon ang ka-lips to lips niya.
Iritado siyang bumangon at hinarap ang pinsang chubbylita. "Ano ba? Bakit mo ako ginising? Ang ganda-ganda ng panaginip ko. Hahalikan na sana ako ni..." Natigilan siya nang maalala kung sino ang hahalik sa kanya.
"Nino? Ni Teacher Robert?" tukoy nito sa kasamahan niyang teacher sa La Reina Central Elementary School.
"Hindi no?" aniya at inirapan ito. Hindi siya interesado sa halik ni Robert o sa halik ng iba pang lalaki.
"E sino nga?" pangungulit nito.
Bigla niyang kinagat ang pang-ibabang labi. Nang pumunta silang mag-ina sa bayan ng La Reina may walong taon na ang nakakaraan ay pinili niyang ang lahat ng may kinalaman kay Benedikt. Hindi rin niya pwedeng ikwento dito ang tungkol sa dating kasintahan. Masyadong mahabang kwento.
"Si Coco Martin! Hahalikan na sana ako ni Coco Martin kung hindi ka lang panira ng moment,” paninisi niya dito.
Namaywang ang disinuwebe anyos niyang pinsan. Galing itong Leyte at dahil ulilang lubos na ay lumipat sa kanila sa Isla La Reina na isang sikat na tourist destination sa lalawigan ng Siquijor. Ito ang tumutulong sa bar and restaurant na pag-aari nilang mag-ina at nakatayo sa tabing-dagat. Nagsisimula nang dayuhin ang isla ng mga turista dahil sa puting buhangin, malinis na tubig at magagandang diving spots.
Namaywang ito. "Aba! Kasalanan ko pa. Ngayon kaya ang presentation ninyo ng mga bata para sa opening ng La Reina Annex Elementary School. Magpe-present ang mga bata sa harap nila Mayor at Governor."
Bigla siyang natauhan nang maalala ang naturang event. Music teacher siya sa La Reina Central Elementary School. Sa bayan ng La Reina sila lumipat na mag-ina mula nang umalis sila sa Maynila. Hawak niya ang children's choir kaya sila rin ang nahilingan na mag-present sa bagong bubuksang paaralan na nasa ilalim ng central school. Malaking bagay iyon dahil dadaluhan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan. Kaya naman kuntodo ensayo sila ng mga estudyante niya para sa program.
Hinawi ni Maki ang buhok. "Anong oras na ba?"
"Mag-a-alas sais na."
Nanlaki ang mata niya. "Ano? Bakit di mo agad sinabi sa akin? Sabi ko naman gisingin ako ng five-thirty."
"Tulog mantika ka naman kasi, Ate. Tapos kasalanan ko pa kung bakit late kang gumising."
Dali-dali siyang bumaba ng papag na may nakapatong na manipis na kutson at kinuha mula sa sampayan ang tuwalya niya. "Naku! Kailangan alas otso nasa Annex na kami. At kailangan alas siyete nasa school na iyon."
Nasa tuktok pa kasi ng bundok ang La Reina Elementary School Annex, ang bagong tayong elementary school sa bayan nila. Hirap kasi ang mga estudyante na dumadayo pa ng bayan para lang makapag-aral. Kung lalakarin ay inaabot minsan ng dalawa o tatlong oras ang mga ito para lang makapasok. Mas convenient at ligtas sa mga ito ang pagbubukas ng bagong paaralan at kailangan din ng suporta nila.
Ang problema ay dirt road ang dadaanan nila. May kulang-kulang isang oras din silang bibiyahe papunta sa taas kung may sasakyan.
Bakit ba hindi niya narinig ang alarm clock niya? Sa dinami-dami naman ng araw na pwede siyang tanghaliin ng gising, bakit ngayon pa? At sa dinami-dami ng araw na pwede siyang managinip tungkol kay Benedikt, ngayon pa kung kailan wala siyang oras para isipin ito.
"Ako na ang maghahanda ng damit mo, Ate,” prisinta ni Ponyang.
"Salamat," wika niya at dali-daling lumabas ng kuwarto.
Tumuloy agad siya sa may dirty kitchen para maghilamos at magsepilyo. Nadaanan niya sa kusina ang nanay niyang si Lupita na naghahanda ng agahan sa may kalumaan nilang kalan na de Gasul. "Good morning, Nay. Aga ninyong nagising."
Laging abala ang nanay niya sa bar and restaurant na pag-aari nito. Di iyon kalayuan sa kubo nila. Madalas iyong dayuhin ng mga turista at kahit ng mga lokal na residente La Reina dahil sa masarap na pagkain na pang-Pilipino talaga at ang ilang putahe ay sa isla ng La Reina lang matatagpuan at magandang tugtugan. Patok na patok iyon sa mga taong gusto lang mag-relax. Kaya naman madalas ay tulog ang nanay niya sa umaga. Madalang ang pagkakataon na nagkakasabay silang mag-agahan.
"Alam ko naman na importante ang araw na ito para sa iyo. Mabuti naman at nagising ka na. Akala ko hanggang mamaya ka pa maghihilik."
"Napanaginipan daw po niya si Coco Martin, Tiyang," sumbong agad ni Ponyang. "Nagalit pa nang gisingin ko at di daw siya nahalikan ni Coco."
Binigyan niya ng matalim na tingin si Ponyang habang nagsesepilyo. "Raagoooht ka sha akhin mamayah," banta niya habang nakasupalpal ang sepilyo sa bibig.
"Naku! Mai-in love ka lang ulit, doon pa sa hindi mo maaabot,” iiling-iling na wika ng ina niyang si Lupita. “Coco Martin ba talaga.”
"Sino ba una niyang minahal, Tiyang?" tanong ni Ponyang.
Binigyan niya ng nagbababalang tingin ang ina. Alam nito na di pwedeng banggitin ang tungkol kay Benedikt sa ibang tao. Mas mabuting ilihim na lang ang nabigo niyang pag-ibig. "Si Rafael Rosell,” sa halip ay sabi nito habang nakakaunawang nakatingin sa kanya.