Tumirik ang mga mata ni Ponyang. "Ang ambisyosa naman kasi ni Ate."
"E sino ba ang mas ambisyosa sa atin? Sino bang pumila sa PBB audition at umatungal nang hindi nakapasok sa Bahay ni Kuya?" sabi naman niya pagkamumog niya.
Sa halip kasi na mag-aral ng kolehiyo ay ipinang-pamasahe ni Ponyang ang perang pang-tuition sana nito at pumunta ng Cebu para pumila sa Pinoy Big Brother Audition. Ang siste ay hindi naman ito pumasa kahit na buwis-buhay ang ginawa nitong pagsasayaw at pagdadrama sa harap ng mga judge. Naipakita nga ito sa TV pero ginawa naman itong katatawanan sa mga tao. Isang linggo ito bago nakalabas ng bahay dahil sa kahihiyan.
Umirap ito. "Hmp! Magtitimpla na nga lang ako ng kapeng bigas."
Pumunta si Maki ng mesa at dumampot lang ng pritong saging na saba saka isinumpak sa bibig. "Anak! Aba'y nasaan naman ang manners mo?"
"Nagmamadali po ako, Nay," protesta niya at kumuha pa ng isang piraso. "Mamaya na lang ako kakain at maliligo po muna ako."
"Sige. May nakahanda ding tubig sa termos para pampaligo mo. Ponyang, pakibuhos naman sa timba ang mainit na tubig para pampaligo ng ate mo."
"Opo, Tiyang,” sagot ng pinsan niya.
Sumubo pa si Maki ng dalawang pirasong saging at humigop ng kape. Saka lang siya pumasok ng banyo para maligo. Tinantiya muna niya kung tama ang init ng tubig sa timba at saka hinubad ang pantulog na pajama at maluwang na T-shirt. Malayo na ang buhay niya ngayon sa dati niyang buhay. Wala nang bakas ng buhay-prinsesa niya.
Mula sa mansion ay nakatira siya ngayon sa isang simpleng kubo - walang malambot na kama, walang mga kawaksi na nakahandang magsilbi sa kanya, ni walang hot shower kapag naliligo siya. Hindi na siya nakakapagsuot ng designer clothes o naiimbitahan sa mga sosyal na parties kasama ang creme ala creme ng alta sociedad. Ang dating plano niya na sariling preschool center ay wala na. Sa halip ay nagtuturo siya sa isang public school na mababa na nga ang sweldo, delayed pa ang sahod minsan at abonado pa silang mga teachers para mai-provide ang pangangailangan niya.
Wala rin siyang sariling kotse. Mula sa bahay ay kailangan pa niyang lakarin ang highway sa loob ng limang minuto rin bago makasakay ng tricycle o jeep na maghahatid sa kanya sa bayan. Kapag minamalas-malas at walang masakyan ay naranasan niyang maglakad.
Sa halip na kasal siya kay Benedikt Valenciaga, ang lalaking mahal na mahal niya at mistulang hulog ng langit sa mga kababaihan, ngayon ay nag-iisa siya at nagsara na ang puso niya para sa iba. Marami na nga ang nangangamba na maging old maid siya.
Kung may makakaalam siguro ng buhay niya ay iisiping hangal siya para iwan ang dati niyang marangyang buhay. Minsan ay naiisip din niya iyon pero dahil iniwan niya ang ama at si Benedikt. Lalo na si Benedikt na walang ginawa kundi ang mahalin siya.
Pero sa kabuuan ay ito naman ang gusto niyang buhay. Malayo sa mapaniil na madrasta. Hindi na niya kailangang gumalaw nang de numero kung saan di niya magawa ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya sa takot na may masabi ang lipunan o masaktan ang damdamin ng madrasta at ama niya. Ngayon ay malaya siyang nakakapag-compose ng kanta at nakakaawit. Pwede siyang magsuot ng simpleng damit lang at di niya kailangang alalahanin kung anong tatak o kung nasa uso ba. Pwede siyang maglakad nang nakayapak sa tabing-dagat at babatiin pa rin siya nang may respeto at dignidad ng mga nakakasalubong niya. Higit sa lahat ay kasama niya ang kanyang ina na walang ibinigay sa kanya kundi pagmamahal at suporta.
Oo, simple ang buhay niya pero tahimik at kontento siya. Hindi katulad noong nasa poder pa siya ng ama at madrasta kung saan kahit gaano siya ka-privileged ay hindi niya mahanap ang tunay na kaligayahan. Laging may kulang. Ngayon ay natagpuan na niya ang sarili niya at tanggap na niyang para magawa iyon ay maraming siyang kailangang talikuran –ang karangyaan, ang ama niya at si Benedikt.
MATAPOS magbihis ay tumapat agad si Maki sa electric fan para tuyuin ang buhok. May twenty minutes pa siya para gawin iyon. Sa sasakyan na lang siya mag-aayos ng mukha. "Anak, dinalhan kita ng pagkain."
"Baka di ko na po iyan makain. Nagtutuyo pa po ako ng buhok,” aniya at nalungkot nang makita ang pritong itlog na malasado ang pula na paborito niya at daing na bangus.
"Ako na ang bahala sa buhok habang kumakain ka.”
Kinuha nito ang suklay at siya naman ay kinain na ang agahan niya. Kahit na nagmamadali ay di niya pwedeng pabayaan ang sarili. Kailangan niya ng enerhiya para sa araw na iyon. Hindi naman biro ang trabaho ng mga public school teachers. Pagkatapos ng performance sa Annex ay babalik siya sa Central School para ituloy ang pagtuturo sa natitira pa niyang klase. Idagdag pa ang nerbiyos dahil ang kakantahin ng choir niya ay original niyang composition na nilikha para mismo sa event na iyon.
Pinilit niya ang sarili na kumain para mawala ang pagkabagabag niya sa panaginip niya kay Benedikt. Napapangalahati na niya ang pagkain ay hindi pa rin ito maalis sa isip niya. "Nay, napapanaginipan ba ninyo si Tatay noong nagkalayo kayo?" di niya maiwasang itanong.
"Oo. Madalas."
"Anong sinasabi niya sa inyo? Sinasabi ba niyang mahal niya kayo? Hinahalikan ba niya kayo..."
"Ano ka ba namang bata ka? Bakit naman bigla mong naitanong iyan? Kinikilabutan ako,” anito at tumigil sa pagsusuklay para lang haplusin ang braso nito. “Huwag nga nating pag-usapan ang tatay mo. Hindi ka na niya hinanap. Wala na rin siyang pakialam sa atin. Pati panaginip ko pinakikialaman mo. Pati halik ng tatay mo… Naku!”
Nawalan na siya ng komunikasyon sa ama niya mula nang umalis siya sa poder nito. Hindi niya alam kung hinanap siya nito o hinayaan na lang. Hindi siya gumawa ng social media account kahit pa sabihing uso naman ang Facebook at Twitter. Siguro ay hinayaan na lang siya nito. Isang sulat lang ang ipinadala niya dito noon para sabihin na huwag siyang hanapin. Nagpapadala man siya ng sulat dito at regalo kapag may kaarawan ito pero ipinapadaan niya ang pagpapadala sa kaibigang si Talia. Walang return address. Hindi na siya naghintay ng sagot. Ang mahalaga ay alam nitong di niya ito kinalimutan.
“Sandali nga. Ano bang nangyayari sa iyo?” tanong ni Aling Lupita.
Huminga siya ng malalim at nilingon ito. "Napanaginipan ko po si Benedikt."
“Anak, ayokong paasahin ka. Panaginip lang naman iyan. Madalas hindi iyan nagkakatotoo.”
“Parang totoo po ang panaginip ko. Nakatayo daw siya sa may beach at hinihintay ako. Sabi niya gusto daw niyang bumalik ako sa kanya. Na mahal pa daw niya ako. Sa palagay ninyo posibleng magkita pa kami ulit? Sa palagay ba ninyo ay mahal pa niya ako?”
Matagal na panahon na niyang di napapanaginipan ang dating nobyo. Kahit nang lumayo siya dito ay naiisip lang niya ito pero hindi niya napapanaginipan. Hindi niya alam kung bakit ngayon pa.
Lumungkot ang mga mata ng ina niya at hinaplos ang buhok niya. "Ibig sabihin si Benedikt ang napanaginipan mo at hindi si Coco Martin?"
Marahan siyang tumango. "Opo. Paano kung magkita kami? Paano kung mahal pa niya ako?"
Nagkibit-balikat ito. "Hindi natin malalaman. Ayokong masyado mong dibdibin ang panaginip na iyan. Dahil ang realidad ay iniwan mo si Benedikt. Nang magdesisyon kang tuluyang di sumipot sa kasal mo, alam mo kung ano ang kapalit. Magkaiba na kayo ng buhay. Kailangan mong tanggapin iyon."
Kumatok si Ponyang bago binuksan ang pinto at nakangising sumilip. "Ate, nandiyan na si Sir Robert. Nakakatakam siya. Mukhang masarap pisil-pisilin at kagat-kagatin ang muscles niya,” kinikilig na sabi ni Ponyang at niyakap-yakap ang pinto ng kuwarto ni Maki.
May itsura naman kasi si Robert at maganda ang pangangatawan lalo na’t P.E. major ito bagamat nagtuturo din ito ng sining at musika gaya niya. At hindi palalampasin ni Ponyang ang tulad nito. Patay! May sundo na siya. Ibig sabihin ay late na talaga siya.
"Pakisabi palabas na ako. Uhmmm… two minutes,” aniya at ipinusod ang kalahati ng buhok niya para di gaanong sumabog sa biyahe mamaya. Napansin niya ang kakaibang tingin sa kanya ng nanay niya. “Bakit po?”
"Baka masyado kang nadadala ng panaginip mo, di mo napapansin ang ibang nagmamahal sa iyo. Baka mapakawalan mo ang kaligayahan mo sa taong hindi na magiging sa iyo kahit na kailan."
Inikot niya ang mga mata. Tinutukoy nito ay si Robert na ilang beses nang nagparamdam sa kanya. Gusto na kasi ng nanay niya na magka-boyfriend na siya at magkapamilya. "Nanay, sabihin ninyo sa akin iyan kapag sinagot na ninyo si Kapitan Tore at naka-move on na kayo kay Papa. Sasagutin ko agad iyang si Robert."
Napamaang ito. "Aba't luko ang batang ito."
Humagikgik siya. “Aalis na po ako.”