“Ako na ang bahalang mag-ayos dito sa kuwarto mo. Bumaba ka na. Siyanga pala, obserbahan mo si Governor Marasigan. Alam mo naman na naipasa na niya ang proposal na magtayo ng international airport dito sa bayan natin. Di pa nga tayo kumporme sa plano niyang malaking resort dahil itinayo niya sa ibabaw ng dead corals. Tapos gusto pa niya ng international airport at lapagan ng jumbo jets.”
Isang malaking isyu ang proposal na magtayo ng international airport sa bayan nila. Maraming tumututol kasama na ang mga normal na residente at mga maliliit na resort at tourist guide na rin. Di sila tutol sa kaunlaran subalit ang inaalala nila ay ang vulnerability ng isla nila na nabuo mula sa mga limestone formation sa ilalim dagat milyon-milyong taon na ang nakakaraan. Hindi stable ang naturang lugar para lapagan ng malalaking eroplano. Idagdag pa ang napipintong overdevelopment na makakasira sa marine ecosystem. Kaya dinadayo sila ng mga turista ay dahil na rin sa mataas na marine biodiversity sa lugar at ang mga endemic species sa kanilang karagatan. Hindi nila nanaising pare-pareho silang maperhuwisyo dahil lang sa kagustuhang magkamal ng salapi ng iba. Di sila tutol sa turismo. Ang tinututulan nila ay ang pagkasira ng kalikasan at ng lugar nila mismo. Gusto nilang mapanatili ang ganda at katahimikan ng kanilang lugar.
"Nanay, huwag po kayong mag-alala. Nagpadala na tayo ng petition na huwag ituloy ang airport at report na hindi feasible ang isla para tayuan ng malaking airport at kung anong kapahamakan ang pwedeng maranasan natin kapag itinuloy nila ang project,” sabi niya at pinisil ang balikat ng ina. Ito kasi ang pangulo ng grupong kumokontra sa proyekto kaya naman malaki ang alalahanin nito. “Huwag na ninyong isipin iyon. Siguro naman hindi nila basta-basta aaprubahan ang proposal.”
"Sige na. Sa susunod na practice ninyo, dalhin mo dito ang mga bata. Ipaghahanda ko sila ng pagkain."
"Matutuwa po tiyak ang mga iyon."
Parang di na iba sa nanay niya ang mga estudyante ng La Reina Elementary School. Mistulang lola nga ito ng mga bata minsan.
Pagdating ng sala ay naghihintay na doon si Robert habang ine-entertain ni Ponyang. O mas tamang sabihing inaakit ito ni Ponyang dahil may pahaplos-haplos ang bruha niyang pinsan sa hita ng kasamahan niyang teacher. Si Robert naman ay alanganin ang ngiti habang siksik na siksik na sa gilid ng upuang kawayan para iwasan ang pinsan niya.
"Ponyang, aalis na kami,” sabi niya at napapitlag si Robert.
Biglang dumistansiya si Ponyang. "Ay! Bye, Sir Robert. Basta gusto ko lang ipaalala sa iyo na hindi ako choosy. Di tulad ng iba diyan na hindi ka man lang naa-appreciate. Muscles mo pa lang, appreciate na appreciate ko na."
“S-Sige,” anang si Robert na dali-daling tumayo at lumapit sa kanya. Maya maya pa ay lumabas na ng kuwarto ang nanay niya at nagpaalam na ang binata. "Nanay Lupita, aalis na po kami.”
"Sige. Mag-iingat kayo, ha?"
“Iingatan ko po ang anak ninyo,” wika nito. “Halika na. Naghihintay na ang jeep sa labas.”
Nakita niya ang pag-ismid ni Ponyang. Kung pwede lang ay ialay na lang niya si Robert sa pinsan niya. Kaso ay siya ang pinopormahan ni Robert.
“Naku! Nakakahiya naman. Idinala mo pa ang jeep dito para lang sunduin ako,” aniya at nakita ang nakaparadang arkiladong jeep nila na sasakyan patungo sa La Reina Annex.
“Ayoko namang mahirapan ka pa. Kung pumayag ka nga lang sana araw-araw kitang susunduin,” paandar ni Robert nang alalayan siyang sumakay ng jeep. Dati pa naman ang mga simpleng pahaging nito pero di naman ito pormal na dumadalaw pa sa bahay nila para manligaw.
"Good morning, Manong,” bati niya sa driver. “Pasensiya ka na kung late ako. Tinanghali ako ng gising.”
"Okay lang iyan. Maganda ka pa rin kahit tinanghali ng gising,” sabi ni Robert at umupo sa tapat niya.
Tumingin siya sa labas ng jeep at pinagmasdan ang nadadaanan nilang mga taniman ng niyog at manaka-nakang pawid na bahay. Maya maya pa ay nadaanan na nila ang tanawin na may puting buhangin at ang malawak na karagatan. Hindi siya interesado sa maagang pagpapahaging ni Robert. “Kanina pa siguro naghihintay ang mga bata sa akin. Sabi ko six-thirty kami magkikita para makapag-practice.”
“Magagaling na sila. Praktisado mo naman ang mga iyon,” puno ng kompiyansang sabi ni Robert at tumikhim. “Ahmmm… Maki, kailan ba tayo pwedeng mamasyal?”
“Kapag walang pasok,” nausal niya.
“Ahh… sa Sabado o sa Linggo pwede ka na?” may halong kasabikang wika ng binata.
Umiling siya. “Hindi pwede. Marami akong gagawing lesson plan. Saka tumutulong ako sa restaurant kapag ganoong araw.”
“Sa holiday kaya? May holiday sa isang buwan.”
Lumabi siya. “Sa bakasyon na siguro.”
Part-time kahera din siya sa bar at restaurant ng ina kapag tapos na ang paggawa niya ng lesson plan at visual aids. Kailangan siya nito kapag maraming customer. Maging ang mga lokal na tagadoon ay gustong tumambay sa bar nila dahil folk rock at makabayan ang tugtugan nila. Hindi maingay at bagay na bagay sa tahimik na bahaging iyon ng dalampasigan. Iyon naman ang bentahe nila sa ibang restaurant at bar sa lugar. Nakikisama kasi ang tradisyunal na tugtugin sa tahimik na kalikasan. Gusto niya ang trabaho sa bar ng ina. Paminsan-minsan ay may free jamming din sila kaya nakakakanta siya.
Napakamot sa ulo si Robert. “Mas abala ka ng mga panahon na iyon. Mas maraming mga customer sa bar ninyo. Paano ba ito?”
“Medyo butata tayo diyan, Sir,” ngingisi-ngising sabi ng driver.
“Pakibilisan na lang ang pagda-driver, Manong. Nagmamadali po kami,” anang si Robert sa bahagyang iritadong boses.
Di nagtagal ay dumating na sila sa La Reina Elementary School. Nakaipon na ang mga estudyante nila sa waiting shade di kalayuan sa gate ng paaralan. Nagtakbuhan agad ang mga ito palapit sa kanya.
“Good morning, Ma’am Veracruz and Sir Bustillos,” bati ng mga ito sa kanila.
Siya na si Maria Makiling Veracruz. Isinunod na niya ang pangalan niya sa apelyido sa nanay niya. Iyon ang isa sa una niyang ginawa sa perang naipon niya. She wanted a new life. Mas mahirap maging isang Veracruz dahil ibig sabihin ay isinuko na niya ang lahat ng sinisimbulo ng isang Rubella. Pero kaakibat naman nito ay ang mas simpleng buhay. Malayo sa gulo at nakakapamuhay sila nang tahimik na mag-ina.
“Pasensiya na kung na-late ako. Kumain na ba kayong lahat ng agahan?” tanong niya.
“Opo. Ipinaghanda po kami ni Ma’am Teleb,” tukoy nito sa principal nila. “Pero mauuna na daw po siya sa school sa bundok at hihintayin na lang daw po niya tayo.”
Ang principal nilang si Mrs. Teleb ang nag-push para magkaroon ng La Reina Elementary School Annex at nang di na mahirapan ang mga estudyante at guro sa bundok para bumiyahe pa sa bayan.
“Nakapag-vocalize na po kami para makapag-warm up,” anang estudyante niyang si Ailyne.
“Sa biyahe na tayo magpa-practice. Kailangan na nating makaalis ngayon,” anang si Maki at iginiya ang mga bata pasakay sa jeep.
Maya maya pa ay nagkakantahan na sila. Napakasarap na pakinggan na inaawit ng mala-anghel na tinig ng mga ito ang komposisyon niya. Tungkol iyon sa pangarap na mabubuo sa bagong paaralan.