Nagpapasalamat na lang siya dahil mababait at masisipag ang mga estudyante niya. Hindi katulad noong nag-student teacher siya noong nasa Maynila pa siya. Hindi marunong makinig ang mga estudyante at parang walang respeto minsan sa mga guro. Kaya naman mahal niya ang mga estudyante niya sa La Reina. Alam niyang malayo ang mararating ng mga ito sa buhay basta panatilihin lang ng mga ito ang magandang asal at pagnanais matuto.
Mahirap ang daan paakyat ng bundok. Bako-bako ang mga daan at dahil umulan nang nagdaang gabi ay maputik ang kalsada. Patuloy lang sa masayang kantahan ang mga bata nang bigla silang may narinig na pumutok. Nayanig ang jeep. Tumili ang mga bata at niyakap niya ang mga ito. Gumewang ang jeep. Kinaabahan siya dahil bangin sa magkabilang gilid. Napausal na lang siya ng dasal na ligtas sila ng mga bata. Saka lang siya nakahinga ng maluwag nang tuluyan nang tumigil ang jeep.
“Anong nangyari?” tanong ni Maki kay Mang Filemon.
“Na-flat-an po ata tayo, Ma’am.” Bumaba ang driver at si Robert para tingnan ang sira ng sasakyan. “Naku! Flat nga.”
“Tutulungan ko na lang po kayong magpalit,” prisinta ni Robert. “Nasaan po ba ang reserba ninyong gulong?”
“Nasa ilalim ng jeep…” Natigilan si Mang Filemon nang sumilip at napakamot sa ulo. “Naku! Hiniram pala ng kumpare ko iyong reserba kong gulong. Nakalimutan niyang palitan.”
“E paano po tayo?” tanong ni Maki. Hindi naman sila aandar kung walang bagong gulong.
“Huwag po kayong mag-alala, Ma’am. Tatawag po ako para may tumulong sa atin. Dadalhan po nila ako ng bagong gulong at tutulungan akong ayusin itong jeep.”
Pero kinse minuto na ang lumilipas ay naroon pa rin sila at walang dumadating para magdala ng gulong. Naiinip na siya at gayundin ang mga estudyante.
“Ma’am, matagal pa po ba?” tanong ng estudyante niyang si Romeo.
“Naku! Baka hindi na po kami makakanta kapag na-late po kami,” anang si Roxan.
“Kawawa naman po kami. Sayang po ang inensayo namin,” sabi ni Diana.
Tiningnan niya ang relo. May beinte minuto pa bago ang alas otso. Kailangang handa na sila dahil baka dumating na lang si Governor Marasigan. Ito daw ang public official na laging nasa oras. Di sila maaring ma-late.
“Maghintay lang tayo. Makakarating din tayo sa Annex. Huwag kayong mag-alala,” paniniyak niya sa mga ito.
Mukhang seryoso pa rin sa pagkukumpuni ang driver na si Mang Kanor habang tagaabot naman ng tools si Robert. “Manong, matagal pa po ba?” tanong niya. “Kasi po baka ma-late na ang mga bata.”
“Papunta na daw po ang mga kasamahan ko. Mga sampung minuto pa.”
“Di ko alam kung makakapaghintay pa po kami ng ganoon katagal. Kinse minuto pa po ang layo dito ng eskwelahan,” aniya parang gusto nang maiyak sa frustration.
“O baka pwedeng makisakay na lang tayo kapag may dumaang sasakyan para makarating ang mga bata sa Annex sa oras. Pasensiya na talaga sa bulilyaso,” sabi ni Robert na kakamot-kamot sa ulo.
Narinig siyang may ugong ng paparating na sasakyan. Isang puting van ang nakita nilang paparating. Dali-dali niyang pinara iyon. Tumigil naman iyon at dali-dali siyang lumapit sa driver. Nakilala niya ang driver ng rental van na si Mang Filemon dahil naghahatid ito ng mga turista sa restaurant nila kapag may tour ito.
“O, Ma’am! Saan po kayo papunta? Ano pong nangyari?” tanong ng matandang tsuper.
“Na-flat-an po ng gulong at walang reserba ang driver namin. Matatagalan po ata bago pa maayos. Kailangan na po naming dalhin ang mga bata sa La Reina Annex. May performance po kasi ang choir namin para sa opening ng school. Malapit na pong magsimula ang program. Baka pwede pong makisakay. Ayaw po naming mapahiya dahil mga bigating tao po ang dadalo. Pati po si Governor Marasigan ay pupunta.”
“Ganoon ba? May ihahatid kasi ako,” anang driver.
“Anong problema?” narinig niyang mababang tinig ng isang lalaki. Hindi niya alam kung bakit may kakaibang pintig sa puso niya nang marinig ang boses na iyon. Siguro dahil pamilyar iyon sa kanya. Parang boses iyon na nagmula sa isang malayong panaginip.
Nilingon ni Mang Filemon ang pasahero nito. Hindi niya gaanong maaninaw ang pasahero dahil tainted ang bintana ng sasakyan. Pero natitiyak niyang may katangkaran ang lalaki at maganda ang hugis ng mukha. Naka-shades nga lang ito. Mukhang guwapo. Artista ba ito at kailangang naka-shades pa kahit na tainted naman ang sasakyan?
“Nasiraan po kasi sila ng sasakyan. Kailangan daw pong isakay ang mga bata papunta sa bagong bukas na paaralan dahil may program po sila,” sabi ng driver dito.
“Good morning, Sir. Ako po si Miss Veracruz, teacher sa La Reina Central Elementary School. Makikisuyo po sana kaming makasakay ng mga estudyante ko. Kailangan po kasi naming makarating sa La Reina Elementary School Annex. Mga kinse minuto na lang po iyon mula dito. Importante po kasi na makarating kami bago mag-alas otso ng umaga.”
“Walang problema. Doon din naman ang way namin,” anang lalaki.
“Maraming salamat po,” excited niyang sabi at nilapitan si Robert na abala sa pagtulong pa rin kay Mang Kanor sa pag-aayos ng jeep. “Pwede daw tayong makisakay doon sa van. Doon din naman daw ang way nila. Mabuti na lang mabait si Sir dahil doon din daw ang way niya.”
“Sir? Lalaki? Mapagkakatiwalaan ba iyan?” tanong nito sa mataas na tono. Halatang diskumpiyado ito.
“Si Mang Filemon naman ang driver. Kilala ko siya at mapagkakatiwalaan. Saka kasama ka naman,” sabi niya.
“Sige. Kunin na natin ang mga bata,” anang binata at pinagtulungan na nilang ibaba at papilahin ang mga bata.
Narinig niyang bumukas ang van habang iniisa-isa niyang alalayang bumaba ang mga bata. “Sa harap na lang ako sasakay,” anang pasahero ni Mang Filemon.
“Maraming salamat po, Sir,” sabi naman ni Robert na naunang umalalay sa mga bata papunta sa van. “Hindi na rin po kasi namin alam ang gagawin namin at wala na po kaming sasakyang makuha paakyat dito.”
“Walang anuman.”
Sa wakas ay napuno na ang van at nasa loob na siya. Sa harapan sana ng van kasama ng pasahero ni Mang Filemon sasakay si Robert pero umangal ang driver. “Sir Bustillos, palit na lang po kayo ni Ma’am ng upuan. Di po kayo kasyang dalawa ni Sir diyan. Mahihirapan po kayo pareho.”
“Pero…” akmang tutol ni Robert.
“Wala pong problema. Ikaw na dito sa mga bata sa loob,” sabi naman ni Maki para matapos na lang. Nakakahiya nga naman kung ang mismong nag-rent pa ng van ang masisiksik samantalang ito na nga ang nagpasakay sa kanila. Gusto na lang niyang makarating sa destinasyon nila.
Bumaba siya ng van at bumaba din ang lalaki para paumahin siyang sumakay. “Thank you…”
Nawala ang ngiti niya nang tanggalin ng lalaki ang shades at mapagmasdan niya itong mabuti. Nahigit niya ang hininga dahil nasa harap niya ang lalaking laman ng panaginip niya kanina.
“Benedikt.”