You’re Still My Man (Filipino) Chapter 27

NAYANIG ang mundo ni Maki habang nakatulala sa dating nobyo. Nandito si Benedikt. Nandito siya sa La Reina. Nandito siya sa harap ko. Ito ang kahulugan ng panaginip ko kanina. Nandito siya. Sinundan niya ako. Sinusundo niya ako.

Hindi siya makapaniwala na nasa harapan niya ito. He looked gorgeous and regal in his light blue polo and black trouser up to his black leather shoes. Animo’y di ito bagay sa gitna ng maputik at masukal na lugar na iyon.

Halos walang nagbago dito sa loob ng walong taong nagdaan. Only his eyes were colder, indifferent even. Parang hindi ito nasisiyahan na makita siya. Hindi niya maintindihan. Di ba dapat ay masaya itong makita siya?

“Maki, may problema ba?” narinig niyang tanong ni Robert na may kasamang pag-aalala.

Ipinilig niya ang ulo nang makabawi. “W-Wala.”

At saka walang kibo siyang umakyat ng van habang malakas ang pintig ng puso niya dahil alam niyang magkasunod lang sila ni Benedikt.

Kimi siya nang umupo na ito sa tabi niya. Hindi siya halos humihinga lalo na’t ramdam niya ang init ng katawan nito. Napapikit siya nang maamoy niya ang pamilyar nitong bango. That familiar warmth. That familiar scent. Na parang hindi nangyari ang walong taong nagdaan.

Kinuyom ni Maki ang palad at napatingin sa kamay nitong kaswal lang nakapatong sa hita ni Benedikt. Gusto niyang tanungin kung kumusta na ito. Kung maayos ba ang buhay nito mula nang mawala siya. Kung nami-miss ba siya nito. Subalit hindi naman niya magawang itanong lalo na’t may iba pa silang mga kasama sa sasakyan.

Napapikit siya. Napakahirap na magkatabi lang sila. Wala halos silang pagitan sa isa’t isa ngunit hindi niya magawang kausapin man lang ito o tawagin sa pangalan nito. And all she remembered was the night they made love. She missed kissing him, touching him and loving him.

Sa loob ng walong taong nagdaan ay ito lamang ang lalaking minahal niya. Ito lamang ang lalaking laman ng puso kaya bigo ang ibang kalalakihan na mapansin niya. Yet, she couldn’t even say hello.

Bakit nangyayari ito? Bakit ito nagpakita sa kanya? Coincidence lang ba ito o sinadya nito? Kaya ba napanaginipan niya ito kanina dahil iyon ang senyales na magkikita silang muli? Na gusto nitong bumalik siya sa buhay nito? May pag-asa pa ba sila?

Ngunit nang matapos matiyak ni Benedikt na maayos lang siya at komportable ay hindi na ulit siya nito nilingon pa o kinausap man lang.

Napakalaking torture nito sa kanya. Hindi niya alam kung hanggang kailan kakayanin ng puso niya na tratuhin nilang estranghero ang isa’t isa. Na parang di sila magkakilala. Bawat Segundo ay parang pinipiga ang puso niya. Hindi siya makahinga.

“Maki, ayos ka lang ba diyan?” tanong ni Robert sa likuran niya at pilit pang isiningit ang ulo para lang makita siya. “Hindi ka ba nahihirapan?”

Nilingon niya ito at pilit na ngumiti. “Okay lang ako.”

Kung alam lang nito na sobra siyang nahihirapan. Na katabi niya ang taong tinakasan niya walong taon na ang nakakaraan pero ang nais lang niya ngayon ay ang yakapin ito at marinig na mahal ulit siya nito. Hindi niya alam kung magiging okay pa siya.

“Pasensiya ka na dahil nasiraan ang jeep na inarkila ko. Pero sabi naman ni Mang Kanor na susunduin niya tayo sa Annex mamaya,” sabi ni Robert.

“Ayos lang iyon. Mabuti na lang at nadaanan tayo ni Mang Filemon,” aniya at nilingon ang driver.

“Nagkataon kasi na pupunta din si Sir Benedikt sa Annex,” anang si Mang Filemon.

Nilingon niya si Benedikt habang malakas ang kaba ng dibdib niya. “Ano pong gagawin ninyo sa Annex?”

“Mang Filemon, malayo pa po ba tayo?” sa halip ay tanong ni Benedikt sa pormal na boses. “Baka kasi ma-late na ako.”

“Mga ten minutes na lang po, Sir.”

Ipininid ni Maki ang bibig niya. Parang ayaw nitong pag-usapan kung anong gagawin nito sa Annex. Lalong lumakas ang hinala niya na susundan siya nito. Gusto siguro siyang sorpresahin. Well, she was surprised indeed.

“Sir, gusto po ba ninyong kantahan namin kayo?” tanong ni Kristine na sumilip pa sa pagitan ng sandalan para lang makita si Benedikt.

“Sige nga. Anong kanta ba iyan?” tanong ni Benedikt at bahagyang umangat ang gilid ng labi nito.

“Kamtin ang Pangarap po. Si Ma’am Veracruz po ang nag-compose,” anang si Kristine.

“Your teacher must be really talented. Siya pa ang nag-compose ng kanta ninyo,” anang si Benedikt at nilingon siya pero di naman nito sinalubong ang mga mata niya.

Habang masayang kumakanta ang mga estudyante niya ay kakaibang kilabot ang naramdaman niya. Malamig ang boses nito nang binanggit ang tungkol sa talento niya. As if he was not happy about it. Iba sa dati na kapag binabanggit ang tungkol sa talento niya ay proud na proud ito. Si Benedikt ang isa sa iilang tao na sumusuporta sa kanya.

Ito pa ba ang dating Benedikt na nakilala niya?

Pumalakpak naman si Benedikt sa mga bata matapos ang performance. “I am sure mai-impress ninyo ang mga audience ninyo mamaya. Congratulations, kids. Congratulations, Miss Veracruz.”

“Thank you,” mahina niyang usal at yumuko na lang.

Kinagat niya ang pang-ibabang labi at parang gusto niyang maiyak. Bakit ngayon pa ito nagpakita sa kanya? Kailangan niya ng focus ngayon para sa performance ng mga bata. Hindi niya kailangan ng ibang emosyon ngayon na magpapagulo sa kanya. She couldn’t handle this right now.

Di nagtagal ay dumating na sila sa La Reina Elementary School Annex. Naunang bumaba si Benedikt at inalalayan siyang bumaba. She felt that familiar zing. She was sure it was there. Pero base sa pagkakatayo nito na parang wala itong naramdamang kakaiba. How could he be so indifferent? Bakit pa siya nito sinundan kung ganoon? Natitiyak niyang sinundan siya nito. Hindi naman ito basta coincidence lang. Maganda siguro na magkalinawan na sila.

“Robert, pakidala na ang mga bata sa loob. Gusto ko lang magpasalamat nang pormal kay Sir Benedikt,” sabi niya sa kasamahang guro.

Nag-aalala siyang tiningnan ng binata at saka si Benedikt. “S-Sige. Sumunod ka na lang sa amin.”

“Sige.” Saka niya hinarap si Benedikt nang nakadistansiya na si Robert at ang mga bata. “Uhmmm.. Benedikt, maraming salamat sa pagtulong mo sa amin.” Pinagsalikop niya ang nanlalamig at nanginig na mga kamay. “Mabuti pa siguro bumalik ka na sa hotel o kung saang resort ka man tumutuloy. Hindi pa tayo pwedeng mag-usap ngayon. May trabaho ako.”

“No. I am staying here,” anito sa matatag na boses.

Bumuntong-hininga ito. He was making things difficult for her. Hindi siya makakapag-concentrate sa trabaho niya kung alam niyang naroon lang din ito sa area. “Alam ko na marami tayong kailangang pag-usapan pero hindi mo naman ako kailangang sundan…”

Isang amused na ngiti ang sumilay sa labi nito. “Miss Veracruz, sino ang may sabi sa iyong plano kitang kausapin at sinusundan kita kaya ako nandito?”

Nagsalubong ang kilay niya dahil hindi niya maintindihan kung bakit kailangan nitong magkaila sa kanya. “Ibig sabihin nagkataon lang na napadaan ka sa amin at papunta ka dito? Hindi dahil sa akin?”

“Yes. Nagkataon lang ang lahat. I am not here for you. As a matter of fact, my world doesn’t revolve around you anymore. Matagal na,” mariin nitong sabi at parang nahiwa siya sa talim ng boses nito. Parang isinampal nito sa kanya na wala na itong pakialam sa kanya.

Humalukipkip siya dahil hindi siya naniniwala sa palusot nito. “Sige nga. Kung hindi ako ang sinusundan mo dito, anong ginagawa mo dito?”

“Ohhhh, Benedikt! You are finally here!”

Tumigil ang mundo ni Maki habang pinagmamasdan ang isang magandang babae na patakbong lumapit kay Benedikt at hinalikan ang binata sa magkabilang pisngi.

Parang hiniwa ang puso niya nang makita ang pagngiti ng dating nobyo sa babaeng iyon. “I promised to be here, remember? So I am here.”

“A-Akala ko bukas ka pa dadating dahil may meeting ka,” anang babae dito. “Hindi ka man lang nagpasabi na dadating ka. Sana ipinasundo kita.”

“I want to surprise you.”

“I am surprised indeed,” anang babae at yumakap sa baywang ni Benedikt.

Hindi siya makapaniwala na nakatayo siya dito sa harap ng lalaking mahal niya subalit hindi siya ang babaeng kayakap nito. Hindi siya ang babaeng nasa tabi nito. Hindi siya ang pinuntahan nito sa La Reina. Isang coincidence lang ang pagkikita nila para lang isampal sa kanya ang katotohanang iyon. Isang masamang panaginip ang lahat.

“Hindi ko inaasahan na sobrang layo pa pala nito,” sabi ni Benedikt at inikot ang mata sa paligid.

“Nahirapan ka siguro sa kalsada. I am sorry. Kaya nga gustong i-push through ni Papa ang international airport para direkta nang makakalipad dito ang mga foreign tourist at hindi na nila kailangan pang magbangka o lumapag sa ibang airport. Para maipagawa na ang mga kalsada,” sabi ng babae at biglang lumingon sa kanya. Parang nagulat pa ito nang makita siya. “Oh, hi! Are you one of the teachers? I am Hannah Marasigan, Governor Marasigan’s daughter. Ako rin ang nag-asikaso sa pagdating ni Papa dito. He is a bit meticulous. Gusto niya bago dumating sa isang lugar personal kong mai-check lahat.”

Inabot nito ang kamay at hindi niya alam kung paano niya nagawang kumilos para kamayan ang babaeng karibal. “I am Miss Veracruz. Teacher ako sa La Reina Central Elementary School.”

“She’s with the children’s choir,” sabi ni Benedikt.

Nagpalipat-lipat ang tingin ni Hannah sa kanila. “Magkakilala ba kayo?”

Saglit siyang di huminga nang magtama ang tingin nila ni Benedikt. Sasabihin ba nito na magkakilala sila o dati siya nitong nobya? O baka ikaila lang siya nito. Sumagot na agad siya bago pa siya maunahan ni Benedikt.

“N-No. Nagkakilala lang kami dahil siya ang tumulong sa amin ng mga bata nang masiraan ang jeep na sinasakyan namin papunta dito. Pinasakay niya kami,” sabi niya at tipid na ngumiti kay Benedikt. “Thank you, Mr. Valenciaga. Sana ma-enjoy ninyo ang pagbisita ninyo dito sa Isla La Reina.”

“Thank you. I am looking forward to the children’s performance, Miss Veracruz. I hope I can hear them sing some more.”

So formal. So stiff and cold. Isang estranghero na ang Benedikt na nasa harapan niya. Parang hindi na ito ang lalaking minahal niya. At lalong hindi na rin siya nito kinikilala pa. Paanong ang dalawang puso na minsang malapit sa isa’t isa ay mistulang milya-milya ang distansiya kahit na magkaharap?

At ngayon ay ibang babae na ang kasama nito. Iba na ang babaeng nasa buhay nito. Hindi niya iyon matanggap.

“P-Papasok na ako sa loob. Salamat ulit sa tulong, Mr. Valenciaga. Miss Marasigan, maraming salamat sa tulong ng ama mo sa pagpapatayo sa paaralang ito. Malaki ang tulong nito sa mga mata,” aniya sa babae na walang kamalay-malay sa namagitan sa kanila ni Benedikt.

“Walang anuman,” sabi ni Hannah.

Tumalikod agad si Maki habang kaya pa niyang pigilin ang pangingilid ng luha sa mga mata niya. Habang hindi pa siya tuluyang bumibigay sa sakit na nararamdaman niya.

Ngayon ay naniniwala siya na hindi totoo ang panaginip. Tama ang nanay niya na kabaligtaran lang ang lahat. Hindi kaligayahan ang nararamdaman niya ngayon kundi pighati.

Bakit pa sila nagkitang muli ni Benedikt kung masasaktan lang siya?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.