"TALIA, nandito si Benedict. Nagpakita siya sa akin," humahagulgol na wika ni Maki nang tawagan ang kaibigan sa cellphone. Tumuloy agad siya sa restroom at nagkulong sa isa sa mga cubicle doon. Hindi na niya napigilan ang sarili na umiyak sa labis na emosyon. Ngayon lang siya ulit umiyak nang ganito matapos ang napakaraming taon.
Umungol si Talia. Nagising ito sa sa pagtawag niya. "Maki, kulang ka lang sa tulog. Tumawag sa akin si Tita Lupita. Napanaginipan mo nga daw iyan kanina."
"Hindi ako nananaginip o nahihibang. Nandito talaga si Benedikt sa La Reina."
"Naku! Wala akong oras sa halusinasyon mo, Maria Makiling. Wala pa akong matinong tulog dahil alas kuwatro na kami nakapagsara kanina. Nirentahan ang bar namin ni Mayor Hagedorn para sa birthday ng isa sa bisita niya galing Japan. Pagod ako. Kapag matino ka na, saka tayo mag-usap. I am sure the end na ang halusinasyon mo."
Nasa Puerto Princesa City sa Palawan na ito at doon nag-relocate ang pamilya at bar nito may limang taon na ang nakakaraan. Tumutugtog pa rin ito at madalas ay mga orihinal niyang kanta ang inaawit ng banda nito. Patok kasi sa Palawan ang konsepto ng bar nito na may pagka-ethnic at puro Pinoy folk at country music ang tugtugan. Hindi naputol ang komunikasyon nilang magkaibigan dahil ito lang ang kasama sa iilang taong tinawagan niya para sabihin kung nasaan siya matapos niyang umalis kasama ang ina.
"Talia naman! Kailan ba ako naging hibang? Matino ako. Nandito talaga si Benedikt. Siya pa nga ang naghatid sa amin ng mga bata dito sa Annex dahil nasiraan ang sasakyan natin."
"Seryoso? Nandiyan siya? Nagkatotoo ang panaginip mo. Sinundan ka niya. Mahal ka talaga niya. Ano ba? Huwag mong sabihing tatanggi ka pa sa lalaking iyan. Balikan mo na! Tama na iyang kadramahan mo pwede? Iiyak-iyak ka pa. Dapat nga magsaya ka."
Umiling siya at sinapo ang noo. "Akala ko rin noong una sinusundan ako ni Benedikt. Kinompronta ko pa nga siya tungkol doon at nagkaila siya. Hindi na daw umiikot ang mundo niya sa akin. Tapos may isang magandang babae na lumapit sa kanya. Anak pala ng governor at iyon ang pinuntahan niya. Hindi ako," usal niya sabay hagulgol.
"Uh oh!" narinig lang niyang usal ng kaibigan niya sa kabilang linya.
"Sobrang sakit. Di ko inaasahan na magiging ganito kasakit kapag makikita ko siyang may kasamang iba. Pakiramdam ko binali at pinagkalas-kalas ang mga buto ko sa katawan saka ako kinaladkad nang paulit-ulit, pabalik-balik sa batuhang kalsada."
Ilang sandali itong di kumibo hanggang sa marinig niya ang paghugot nito ng hininga. "Sinabi ko naman sa iyo, 'di ba? Nang iwan mo siya basta. Malaki ang magiging kapalit. Kung anuman ang sakit na nararamdaman mo, ikaw din ang may kagagawan niyan."
"Kailangan kong gawin iyon. Alam mo na kailangan kong hanapin ang sarili ko at ang kaligayahan ko. Ayokong matulad kami ni Benedikt sa mga magulang ko. Nagmamahalan pero parang pilit na pinaglalayo. H-Hindi ko naman alam na magkikita kami ulit.... at may kasama siyang iba. Sana di na lang ako nanaginip. Umasa-asa pa kasi ako na kaya nagpakita siya sa akin ay para balikan ako dahil mahal pa rin niya ako."
"Kahit naman walang panaginip aasa ka pa rin oras na makita mo siya ulit."
"Mahal ko pa rin siya. Alam mo naman na wala akong ibang minahal kundi siya lang. Saka bakit nagpakita pa ulit siya sa akin k-kung walang ibig sabihin ang lahat ng ito? Sobrang lupit naman yata ng mundo sa akin kung para lang inggitin ako at isampal sa mukha ko na mas masaya si Benedikt sa iba. Hindi pa ba sapat na ilang taon akong nagdusa dahil pinili kong lumayo sa kanya kahit na iyon ang pinakamasakit at pinakamahirap na desisyong nagawa ko sa buhay ko."
"Alam mo, parang Starting Over Again lang iyan nila Piolo at Toni. Nagkita lang kayo ulit para magkaroon ng closure."
"Closure? Ganoon lang iyon? Hindi mo man lang ako bibigyan ng pag-asa kahit na bahagya? Di mo man lang nai-consider na baka nagkita kami para magkaroon ng pagkakataong ayusin ang lahat."
"Kaya mo nga ako kaibigan para may sumopla sa kahibangan mo. Sige nga. Sa palagay mo ba mamahalin ka pa rin niya matapos mo siyang iwan noon? Sa palagay mo ba may pag-asa pa kayo matapos magdaan ang walong taon? Maki, marami nang nagbago. Nagpalit na nga ng presidente ang Pilipinas. Saka anong gagawin mo para magkabalikan kayo? Kahit pa sabihing gusto mo siya, baka hindi na rin siya ang dating Benedikt na minahal mo noon. Kailangan mong harapin ang consequences ng mga desisyon mo noon. Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo.”
“Hindi ko kaya. Hindi ko kayang kalimutan na lang siya basta o burahin sa puso ko ngayong nagkita ulit kami.”
Naantala ang pag-uusap nila nang may kumatok sa pinto ng cubicle. “Ma‘am Veracruz! Ma’am, nandiyan po ba kayo sa loob? Ayos lang po ba kayo?” anang estudyante niyang si Kristine.
“O-Oo. Medyo masama lang ang pakiramdam ko,” aniya at pinahid ang luha. “Lalabas na rin ako.”
“Kanina pa po kasi kayo hinahanap ni Sir Robert. Magsisimula na daw po ang program at dumating na sila Governor at Mayor. May kailangan po ba kayo, Ma’am? Baka kailangan po ninyo ng gamot.”
“Hindi na. Okay na ako. Sabihin mo lalabas din ako,” sabi niya at pinakinggan ang papalayong yabag ng paa ng estudyante niya at saka muling kinausap si Talia. “Sorry. ‘Yung estudyante ko kasi. Dumating na daw ang mayor at governor kaya sisimulan na ang program.”
“Ngayon magpe-perform ang choir mo at kanta mo ang ipe-present nila, di ba?”
“Oo,” sabi niya. Siya ang nasa keyboard habang si Robert naman ang kukumpas. Bigla tuloy siyang kinabahan.
Parang di niya kakayaning tumugtog habang alam niyang naroon si Benedikt kasama ang ibang babae. Wrong timing talaga ito. Paano siya makakapag-concentrate sa pagtugtog niya kung distracted siya sa dating nobyo at sa bagong babae sa buhay nito?
Narinig niya ang pagpalatak ng kaibigan. “Kita mo nga. May performance ang mga alaga mo pero inuuna mo ang pagnguyngoy mo diyan. Ito ang realidad, friend. Ito ang buhay na pinili mo. Alam kong nasasaktan ka. Okay lang naman na magdrama. Willing naman akong makinig sa iyo. Pero mamaya na iyan. Unahin mo muna ang mga estudyante mo. Sabi mo gusto mong marinig ng marami ang kanta mo sa pamamagitan nila. Gusto mo ring ma-build ang confidence nila at maipakita ang talento nila. Ito na ang pagkakataong iyon. Huwag mong sayangin ang tsansa na ito.”
Napipilan si Maki. Napakahalaga ng araw na ito para sa mga estudyante niya. Pinaghandaan at pinaghirapan nilang lahat ito. Ngayon pa ba niya bibiguin ang mga bata na parang anak na ang turing niya? Pinagkatiwalaan siya ng mga ito. Kailangan siya ng mga bata ngayon. Hindi siya pwedeng magpadala sa nararamdaman niya. Di niya bibiguin ang mga ito.
Huminga siya ng malalim. “Salamat sa pakikinig sa akin. Tama ka. Kailangan kong mag-focus sa mga bata ngayon. Sila ang realidad ko. Hindi katulad ni Benedikt na parang isang panaginip lang. Mas kailangan ako ng mga bata ngayon. I-Isasantabi ko muna ang isyu ko kay Benedikt.”
“I know I a bit harsh on you, but this is reality. May mga bagay kang kailangang harapin. May mga responsibilidad ka. Kaya mo iyan, friend. Tatagan mo lang ang loob mo. Hindi ka na bata ngayon. Ngayon lang kasi ulit kayo nagkita kaya parang tuliro ka pa. Mas matured ka nang mahaharap itong kay Benedikt. Kailangan mo lang malampasan ito.”
“Okay. T-Tatawag na lang ulit ako mamaya. Sana nga okay lang ako.”