Nangingiti si Maki habang pinagmamasdan ang mga estudyante niyang miyembro ng choir. Naroon ang modista para sa fitting ng damit ng mga ito na gagamitin sa opening ng La Reina Resort and Spa. Nagpasadya pa talaga si Hannah ng mga damit na isusuot ng mga bata. Bulaklaking blouse at palda sa mga batang babae at light blue na barong at brown pants sa mga batang lalaki.
"Bagay ba sa akin?" tanong ni Robert nang ipakita sa kanya ang suot na bagong barong na piña cloth ang gamit.
"Ayos, ah! Mukhang kagalang-galang," biro niya.
"Ma'am, wala po ba kayong bagong damit?" tanong ng estudyante niyang si Jonela.
"May damit na ako. Bagay sa iyo ang baro at saya mo. Mukha kang dalaga," puri niya sa bata. Pumalakpak siya. "Magaganda at guwapo kayong lahat."
"Gusto na po naming kumanta suot ang mga ito," sabi naman ng batang si Ken-Ken na nag-pogi pose pa.
"Bakit hindi mo tinanggap ang alok ni Ma'am Hannah na ipagpagawa ka ng bagong damit?" tanong ni Robert sa kanya.
"Hindi na kailangan. May mga damit pa naman ako. Di ko kailangan ng bago. Ipinakita ko naman sa kanya ang damit na isusuot ko at okay lang sa kanya. Kayo ng mga bata ang mas kailangan ng bagong damit. Kayo ang makikita ng mga tao habang nasa likod lang naman ako ng piano,” paliwanag niya.
Ayaw na niyang makadagdag pa sa gastusin ni Hannah kahit na alam niyang afford naman nito. Di lang siya komportable na tumanggap ng kahit na ano mula sa bagong babae sa buhay ni Benedikt.
Mataman siyang pinagmasdan ni Robert. “Ayos ka lang ba? Wala ka bang sakit?”
“Okay naman ang pakiramdam ko. Bakit mo naman naitanong iyan? Uhmmm… may problema ba sa performance ko?” nag-aalala niyang tanong. Aminado siyang distracted siya nitong nagdaang mga araw dahil kay Benedikt. Hindi siya makatulog nang maaga at minsan ay parang lumulutang din ang isip niya. Pero sinisikap niya na huwag may ibang makapansin o makaapekto iyon sa trabaho niya. Ang trabaho na lang niya ang ginagamit niya para ma-distract dito. Inakala niya na kapag nag-focus siya sa trabaho ay makakalimutan niya ito.
“Kasi parang matamlay ka nitong nakakaraang araw. Siguro nami-miss mo lang ang keyboard mo.”
Alanganin ang ngiti na isinagot niya dahil ibang tao naman talaga ang nami-miss niya. “O-Oo,” napipilitan niyang sagot at yumuko.
Sana nga ay keyboard na lang niya ang dahilan kung bakit siya mukhang matamlay. Madali lang bilhin ang keyboard. Pero ang puso niyang sugatan hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung paano paghihilumin.
“Baka naman masyado kang nagpapagod. Magpahinga ka rin. Wala ka nang inintindi kundi ang practice ng mga bata. Okay naman na sila. Pwede kang mag-relax.”
“No. Kailangan ko ito.” Napansin niya ang pagtatanong sa mga mata ni Robert. “Ang ibig kong sabihin, kailangan kong gawin ito para sa mga bata. Di kita pwedeng iwan dito na mag-isa.” Hinawakan niya ang braso nito. “Ayos lang ako. Ilang araw na lang at opening na ng La Reina Resort. Ayokong masira ang performance ng mga bata. Pagkatapos niyon ay magpapahinga na ako. Pangako iyan.”
“Pwede na ba kitang yayaing lumabas pagkatapos?” tanong nito nang may pag-asam sa mga mata.
“Kapag siguro nakapagpahinga na ako at di na busy,” maingat niyang sagot. Ayaw naman niya itong paasahin pero ayaw din naman niyang madismaya ang binata sa kanya.
Nagningning ang mga mata ni Robert. “Sige. Sabihin mo lang sa akin kung kailan ka pwede. Alam mo naman walang problema sa akin kahit anong oras o petsa. Basta para sa iyo available ako.”
Wala naman sigurong masama kung hayaan niyang pumasok sa buhay niya si Robert. Matagal na itong naghihintay. Ngayong tuluyan nang sarado ang lahat sa kanila ni Benedikt, wala naman sigurong masama kung buksan niya ang puso sa iba. Baka sakaling sa pagkakataong ito ay makahanap siya ng kaligayahan sa piling ng iba… kahit pa matagalan. Ang mahalaga ay tapos na siya sa pagpaparusa sa sarili niya at sa puso niya. Wala namang masama kung susubukan niyang maging masaya ulit at muling magmahal.
Pilit na pinapalis ni Maki ang lungkot sa puso at nag-focus na lang sa gagawin niyang lesson plan pag-uwi ng bahay. Bagamat abala sa practice ng choir ay may klase pa rin siya na kailangang asikasuhin. Dati naman ay lagi siyang ganado kahit na pagod sa trabaho. Ngayon ay parang hinuhugot na ang lakas niya.
Pumikit siya at ikinatang ang ulo sa tricycle na sinasakyan. Kaunting tiis lang. Lilipas din ito, Maki. Makakalimutan mo rin si Benedikt.
Malayo pa lang siya sa may niyugan ay sinalubong agad siya ng pinsang si Ponyang. “Ate! Ate Maki, may nagpadala ng package sa iyo.”
Kumunot ang noo niya. “Package?”
“Oo, ate. May lamang keyboard at magandang-magandang damit at sapatos.”
“Ano? Binuksan mo ang package ko?” angil niya. Nainis siya sa pagka-pakialamera nito.
Biglang natutop ni Ponyang ang bibig. Mismong ito na kasi ang nagbuko sa pakikialam sa gamit niya. “Sorry, Ate. Naintriga kasi ako sa laman. Ngayon ka lang kasi nakatanggap ng ganoon kalaking package.”
Nagmamadali siyang pumasok sa loob ng bahay at padabog na ibinaba ang gamit sa sofa. “Ponyang naman! Hindi mo dapat pinakikialaman ang gamit na hindi sa iyo.”
Tahimik lang na nakasunod sa kanya si Ponyang habang nakayuko. Alam kasi nito na nagkamali ito. Madalang siyang magalit. Ayaw niya sa lahat ay pinakikialaman ang gamit na para sa kanya nang di nagpapaalam.
“Naku! Iyan ang sinasabi ko kay Ponyang. Huwag niyang pakialaman ang gamit mo,” anang inang si Lupita na nagpupunas ng kamay. “Gusto atang mapitpit ang kamay.”
“Nasaan po ang padala sa akin?” tanong niya habang palinga-linga sa sala.
“Nasa kuwarto mo na. Ibinalik ni Ponyang sa kahon.”
Di pa rin nawawala ang inis niya nang pumasok sa kuwarto niya. Pero napalitan iyon ng pagkamangha nang makita ang kahon ng keyboard na may tatak na YAMAHA. Nahigit niya ang hininga nang buksan iyon at makitang bagong-bago pa. It was a modern digital piano. The latest model. At ang alam niya ay ubod iyon nang mahal. Mukhang di pa nagagamit. Parang nananaginip siya nang pindutin niya ang tiklado. “P-Para sa akin ito?”
Sa ibabaw ng manual ay may note na nakasulat. Keep on creating music that feeds the soul and calms the heart. It makes me happy.
Computerized at naka-print ang sulat. Walang nakalagay kung kanino galing.
“Ate, tingnan mo na ang gown sa kabilang box,” excited na sabi ni Ponyang at halos iduldol sa kanya ang pangalawang box na nakapatong sa kama bago pa man niya maitanong kung kanino iyon galing.
Tinanggal niya ang takip at dinampot ang note na nakapatong sa ibabaw ng gown. A superb pianist deserves a lovely dress and fabulous shoes. You, the piano, this dress and the shoes are perfect together.
Inangat niya ang damit at nahigit niya ang hininga nang tumambad sa kanya ang isang eleganteng gown. It was a peach chiffon and charmeuse A-line floor length dress. Beaded ang itaas na bahagi habang flowing naman ang bagsak na tela.
Napanganga siya nang makita ang sapatos na kapares ng gown. It was a white three-inches shoes with silver feather-like accent. “Oh! A Manolo Blahnik,” usal niya nang makilala ang mamahaling brand. Pamilyar iyon sa kanya dahil iyon ang isinusuot ng mga local at Hollywood celebrities na madalas banggitin ni Ponyang sa showbiz updates nito.
Both the dress and the shoes came out right from a fairy tale. Hindi siya makapaniwala na makakahawak pa siya o makakapagsuot ng ganito kagandang damit at sapatos matapos ang walong taon nang iwan niya ang dating mundo at buhay na puno ng karangyaan… at kasinungalingan.
“Ate, isukat mo na. Dali!” nasasabik na wika ni Ponyang.
“Oo na. Oo na. Mas excited ka pa sa akin.”
Iyon ang tipo ng damit na lumilipad kapag humahangin. Animo ay pangdiyosa. Napakaganda kahit na ipanglakad sa beach. At maganda din iyon kapag tumutugtog siya ng piano. Nakaka-excite talaga. Bagamat di naman siya mahilig sa eleganteng bagay mula noong bata pa siya, nakaka-miss din palang magsuot ng ganoon kagandang damit. She had almost forgotten what a good quality of fabric felt like against the skin.
“Wow! Parang artista ka, ate,” anang si Ponyang at nilaro-laro pa pa ang palda ng dress niya.
“Napakaganda mo talaga, anak,” anang si Lupita at hinaplos ang buhok niya. “Pasensiya na kung di ka na nakapagsuot ng…” Napalunok ito. Emosyonal ito marahil. Alam niyang iniisip nito na baka kung maayos sana ang pamilya niya ay mayaman pa rin siya ngayon, mistulang prinsesa at nakakapagsuot ng magagarang damit. “Basta bagay sa iyo. Sana lang ay makita kitang suot iyan habang tumutugtog ng piano.”
“Huwag po kayong mag-alala, Nanay. May kukuha naman po siguro ng video kapag nag-perform kami ng mga bata. Sino pala ang nagpadala nito?” tanong niya sa ina at sa pinsan.
“Hindi rin sinabi sa amin,” sabi ni Lupita. “Basta na lang may nagdalang mga lalaki kanina pero wala man lang pinapirmahan sa amin na kahit anong resibo. Di ko rin tuloy alam kung saan nanggaling.”
“Pahiram ako kapag pupunta ako sa sayawan sa plaza…” ungot ni Ponyang.