You’re Still My Man (Filipino) Chapter 43

Minulagatan niya ito ng mata. “Hindi ito sa akin. Pahiram lang iyan.”

Bumagsak ang balikat ni Ponyang. “Akala ko naman sa iyo na.”

Sa palagay niya ay nagmagandang-loob lang sa kanya si Hannah para hindi siya magmukhang busabos sa opening ng resort nito. Ayaw lang siguro nito na mapahiya siya nang aprubahan nito ang mga damit na pag-aari niya. Baka ito ang paraan nito para di siya makatanggi. Paano naman siya makakahindi lalo na’t may kasama pang keyboard. Di naman siguro offensive ang ginawa nito dahil gusto lang nitong maging matagumpay ang opening ng La Reina Resort. She wanted everything to be perfect.

Tinawagan niya si Hannah. "Hello. Miss Hannah, gusto kong magpasalamat sa dress at sa keyboard. You don't have to do this."

"Dress and keyboard? Oh! It is nothing. Sorry. I have to go. I will see you on Saturday?"

"Yes. Thank you."

Pagkabihis niya ay nai-set up agad niya ang keyboard sa kuwarto niya. Kakaibang enerhiya anh dumaloy sa kanya nang magsimulang tumugtog ng Happy Days ni Yuko Ohigashi.

Dapat ay mailang siya sa bagong keyboard at damit pero naisip niyang hiram lang iyon. Basta excited lang siyang tumugtog. She just needed to play to release her own frustrations. She just needed to play music alone. Kung saan makakatugtog siya sa nais niyang musika at di niya kailangang i-reveal ang emosyon niya sa harap ng maraming mga tao.

Matapos ang musika ni Yuko Ohigashi ay nasa mood na siya para sundan ng kundimang sa Libis ng Nayon. Alam niyang warm up pa lang ito. And she could play for hours without stopping.

Kailangan niya ang pampakalmang epekto ng musika. Baka sakaling makapag-compose siya ng bagong kanta. And that would make her feel better. It would get her through her miserable state with Benedikt even if it was just temporary.

May kumatok sa pinto ng kuwarto niya saka sumilip ang inang si Lupita. "Anak, kumain ka muna. Sabay na tayo bago ako pumunta sa bar."

“Last one piece na lang po bago ako kumain,” aniya at tinugtog ang piyesa ni Debussy na Valse Romantique.

Di mapigilang pumalakpak ni Lupita. “Ang galing-galing mo talaga. Pwede na ba tayong kumain?”

“Pwede pang isa pang piyesa…”

Namaywang ito. “Maria Makiling, hindi ka na bata. Kapag oras na para kumain, kailangan mong kumain o itatago ko na iyang keyboard na iyan,” banta nito na parang batang paslit ang tinatakot nito.

Lumabi siya. “Heto na po. Kakain na.”

Napilitan siyang takpan ng cover ang keyboard at alisin ang saksak. Mas magaan na ang pakiramdam niya ngayon. Siguro ay kailangan lang talaga niya ng keyboard na magagamit para mai-channel niya ang emosyon niya. Natural na kasi sa kanya ang makalimutan ang lahat ng bagay pati ang pagkain kapag tumutugtog siya. Pero nang kumain naman siya ay bumalik na ang gana niya. Mukhang maganda talaga ang epekto ng keyboard sa kanya. Kahit paano ay nakaka-recover siya nang paunti-unti sa depression niya nang nagdaang araw.

Matapos kumain ay nagmamadali na sana siyang babalik sa kuwarto niya nang dumating si Robert. “Maki! Maki, naihiram kita ng keyboard,” anito habang yakap-yakap pa ang kahon ng keyboard na mukhang may kalumaan na. Inilapag nito sa center table ang kahon at inilabas ang keyboard. Medyo naninilaw na nga iyon at medyo kupas na ang itim na tiklado.

“Saan mo iyan nahiram?” tanong niya.

“Sa pinsan ko sa kabilang bayan. Music student siya. Naibili na siya ng tiyuhin ko ng bagong keyboard kaya hindi na muna daw niya ito gagamitin. Pwede mo ring bilhin sa kanya kung gusto mo kahit hulugan. Napakiusapan ko.”

Alanganin ang ngiting ibinigay niya dito. “Nakakahiya naman.”

“Huwag kang mahiya. Pwede naman kitang tulungan na magbayad.”

Umiling siya. “H-Hindi. Ano kasi…” Paano ba niya sasabihin dito nang di ito mapapahiya o masasaktan?

“May bago na kasing keyboard si Ate Maki,” singit naman ni Ponyang nang dulutan ng malamig na orange juice si Robert. “Kadarating lang ng package sa kanya. Ang ganda-ganda kaya. Hindi pa nagagamit. Bagong-bago. Tapos may kasama pang gown. Parang prinsesa si Ate Maki nang isukat niya. I am sure pagkakaguluhan siya ng mayayamang lalaki sa opening ng resort kapag iyon ang isinuot niya.”

Kumunot ang noo ni Robert at puno ng tanong sa mga mata nang tingnan siya. “May nagpadala sa iyo ng magandang gown at keyboard? Sino?”

Binigyan niya ng iritadong tingin si Ponyang na biglang ipininid ang bibig. Heto nga siya at iniingatan na huwag masaktan si Robert, ito naman ay walang habas kung magbitaw ng salita. “Ponyang, salamat sa juice. Punta ka muna sa bar. Baka may kailangan si Nanay.”

“Okay,” anito at susukot-sukot nang tumalikod at humakbang palayo.

Bumaling siya kay Robert at ngumiti. “Inumin mo na ang juice mo. Padala lang iyon sa akin ni Miss Hannah. Gusto siguro niya na perfect ang lahat sa performance ng mga bata kaya pinadalhan niya ako ng gown at keyboard para di na ako makatanggi. Saka ibabalik ko rin naman iyon pagkatapos ng opening ng resort. Pahiram lang iyon sa akin.”

Saka lang niya nakita ang pag-alwan ng mukha ng binata. “Si Miss Hannah lang pala. Akala ko naman kung sino. Pero iiwan ko na rin ang keyboard dito.” Tinapik nito ang kahon. “Pwede mo daw iyang hiramin. Kapag gusto nang bayaran kung kailan mo gusto, ayos lang din. Ako na ang kakausap sa pinsan ko.”

Ihinatid niya si Robert sa pinto. “Salamat sa tulong. Malaking bagay talaga ito sa akin.”

“Basta para sa iyo. I will see you tomorrow,” sabi nito.

Bumalik siya sa kuwarto dala ang keyboard na pahiram sa kanya ni Robert. Inilabas niya iyon at sinubukang pindutin ang tiklado. Hindi niya alam kung bakit wala iyong kakaibang enerhiya o saya na naibibigay sa kanya gaya ng keyboard na padala sa kanya ni Hannah.

Siguro dahil mas bago ang padala ni Hannah. O binili talaga iyon para sa kanya. Or it was just the energy that it was feeding her. Hindi niya alam kung anong dahilan. Basta ang alam niya ay gusto niyang maging kanya ang keyboard na iyon. Maaring ibalik niya iyon kapag natapos ang opening ng resort pero kung papayag siya ay bibilhin niya iyon kay Hannah kahit pa hulug-hulugan niya ng ilang taon.

Itinabi niya ang keyboard na dala ni Robert at nakangiting umupo sa harap ng keyboard. “Yes, you are mine. Sa akin ka na talaga. And we will create good music together. You will bring me back to life.” At pumailanlang ang musika na noon lang narinig.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.