You’re Still My Man (Filipino) Chapter 44

Mistulang mga dwende na pumaikot kay Maki ang mga estudyante paglabas niya ng maliit na dressing room. Katatapos lang niyang magpalit ng dress na isusuot niya para sa opening program sa pagbubukas ng La Reina Resort and Spa. Nasa isang bakanteng function room sila kung saan nagbihis sila ng mga bata at inayusan ang mga ito. May make up artist at stylist na kinuha si Hannah pero naka-supervise pa rin siya gusto niyang mas lumutang ang pagiging simple ng mga bata. Na boses ng mga ito ang mapapansin at hindi ang ayos ng mga ito. Pinaayusan lang niya ang mga ito, just enough to make them look pleasant. Siya na ang huling nag-ayos at nagbihis dahil inuna niya ang mga estudyante.

“Wow! Parang prinsesa kayo, Ma’am. Gusto ko rin na ganyan ako kaganda balang-araw,” sabi ni Juana habang magkasalikop ang palad at nakatitig sa kanya.

“Parang artista kamo,” anang si Rommel. “Mas maganda pa kayo kaysa doon sa napanood kong bida sa teleserye, Ma’am.”

Suot niya ang peach chiffon gown. It flowed around her whenever she moves. Light make up lang ang inilagay niya sa mukha. She just highlighted her eyes. Buhay na buhay ang anyo niya dahil sa eyeliner at mascara na inilagay niya. She put her long hair in a chignon. Naipakita ang elegante niyang leeg at na-accentuate naman ang ganda niya ng white sapphire earrings niya at kuwintas na hugis bituin na nasa pagitan ng cleavage niya. Iyon lang ang naiwan sa kanya na gamit dahil iyon ang suot niya nang umalis siya. Hindi niya iyon magawang ibenta o itapon man lang dahil regalo iyon sa kanya ng ama noong eighteenth birthday niya. Memorable ang araw na iyon sa kanya at sa kabila ng kasinungalingan ay mahal pa rin niya ang ama. Hindi nga lang niya inaasahan na dadating ang araw na maisusuot pa niya iyon. Pero importante ang araw na iyon sa kanya at sa mga estudyante niya. Ayaw niyang mapahiya sa mga tao.

Tumikhim si Robert sa likuran niya. “Kung mag-aartista si Ma’am Veracruz, pwede na bang ako ang leading man niya, mga bata?” At saka pasimpleng dumukwang sa kanya.

He was wearing a piña barong. Dahil maganda ang pangangatawan nito at moreno ang balat kaya naman bumagay dito ang damit. Naka-brush up din ang buhok nito at naka-pomada pa. Alam niyang kapag nakita ito ng pinsan niyang si Ponyang ay kikiligin ang dalaga.

“Uyyyy! Sumisimple si Sir,” tudyo naman ni Ailyne at nakisali naman sa tuksuhan ang iba pa niyang estudyante.

“Robert, may mga bata,” babala niya sa kasamahang guro dahil mukhang sumisimple nga naman ito ng pagporma sa kanya kahit pa pabiro. Tanggap naman niya ang affection nito. Huwag lang nitong ipapakita sa harap ng mga estudyante nila. Ayaw niyang mapag-usapan o may masabing di maganda sa kanya lalo na sa importanteng araw na iyon para sa mga bata. May tamang lugar para sa panliligaw nito.

Napilitan itong umurong at binalingan ang mga estudyante niya. “Nakaayos na ba kayo? Basta huwag kayong kakabahan, ha?” Saka nito isa-isang binilinan ang mga bata sa dapat tandaan ng mga ito.

Mas maayos na ang pakiramdam niya mula nang dumating ang keyboard na padala sa kanya ni Hannah. Gumaan ang mood niya. Pakiramdam din niya ay unti-unti na siyang bumabalik sa normal mula nang bumalik si Benedikt sa buhay niya.

Benedikt. Nanlamig ang mga kamay niya nang maalala ang dating nobyo. Nasa resort din ito ngayon at malamang ay kasama si Hannah. Pumikit siya at kinalma ang sarili niya. He means nothing to me now. I am moving on. I am moving on.

Di nagtagal ay bumukas ang pinto at pumasok ang events coordinate na si Mira. “Sir, Ma’am, handa na po ba kayo ng mga bata?” tanong nito.

“Yes, we are ready,” sagot naman niya at ngumiti.

Napatitig sa kanya si Mira at kumurap. “Ang ganda naman ninyo, Ma’am. Parang bisita lang kayo dito sa resort. Saka parang kilala ko po ang gown ninyo. Creation po iyan ni Francis Libiran.”

“Ito ba?” tanong niya at hinawakan pa ang palda ng dress. Kaya naman pala ganoon kaganda dahil sikat na designer ang gumawa. Si Francis Libiran ay designer ng mga beauty queens, local at maging Hollywood celebrities. Nalula siyang bigla sa suot na damit. “Ipinahiram lang ito sa akin ni Miss Hannah para sa performance ngayong araw. Hindi ko naman kaya na bumili ng ganito kamahal na damit.” Saka bahagya siyang natawa.

Mira had no idea that she was born wearing designer clothes. Na lumaki siya na marangya ang pamumuhay hanggang talikuran niya ang lahat.

“Ahhh!” anang si Mira at tumango. “Pwede na pong pumila ang mga bata sa labas. Excited na po si Miss Hannah at si Governor na mapanood sila.”

Tumango na lang siya at inayos ang pila ng mga bata. Umihip ang malakas na hangin at nakadama siya ng panlalamig. Pumikit siya at dinama iyon. This would be a test. Hindi sa mga bata kundi sa kanya. Oras na maka-survive siya sa araw na ito nang di gaanong nasasaktan o nakokontrol ang emosyon niya kapag nakita ito, malaki ang pag-asa na tuluyan na siyang makaka-move on dito. Kakayanin niyang maging masaya para dito na may kapiling itong iba at marahil ay magagawa din niyang maging masaya kahit na wala ito sa buhay niya.

Kaya niyang maging masaya kahit na wala ito. Di niya alam kung gaano katagal na mangyayari iyon pero ang mahalaga ay masimulan na niya.

Nasaksihan pa nila ang pagtatapos ng performance ng isang world class acrobatics act habang pinapapila niya ang mga bata. Nasipat din niya ang mga bisita. Bagamat opening iyon ng isang beach resort ay may pagka-pormal pa rin ang okasyon. It was a formal occasion after all. Dinaluhan iyon ng mga taong may sinasabi sa lipunan – businessmen, politicians, socialites and celebrities. Ang sirkulo na minsan niyang inikutan, bagamat di naman siya naging sentro ng atensiyon ng mga ito at di siya naging malapit sa mga ito dahil sa puso niya, parang alam niya na kabilang siya sa ibang mundo. Sa ibang mundo siya nababagay.

Yumuko siya at dumagundong ang dibdib sa matinding kaba. Paano kung may makakilala sa kanya? Paano kung mabulgar ang nakaraan nila ni Benedikt? Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang lahat sa mga tao sa paligid niya.

Kinuyom niya ang palad. Nagdesisyon siya noon. Pangangatawanan niya ang lahat. Saka matagal nang panahon iyon. Malamang ay nakalimutan na rin siya ng mga tao. They won’t bother with her anymore. Sino lang ba siya ngayon? Isang probinsiyanang guro na ngayon lang nakapagsuot ng maganda at mamahaling dress. Yes, that was just her. Not the heiress who had the world at her feet. Hindi ang babaeng minsang minahal ni Benedikt.

“Ayos ka lang ba?” untag ni Robert sa kanya na puno ng pag-aalala. “Kinakabahan ka ba?”

“Hindi, Robert. Ayos lang ako,” kaila niya.

Ginagap nito ang kamay niya sa pagkagulat niya. “Nilalamig ka. Kinakabahan ka nga.”

“Hindi naman ako…” Bago pa niya nabawi ang kamay mula kay Robert ay umangat ang tingin niya at nahagip ng mga mata niya si Benedikt.

He looked breathtaking in his white suit. Hindi niya magawang alisin ang tingin dito. Nakakunot ang noo habang pinapanood ang pagtatapos ng acrobatics act. Habang aliw na aliw ang iba ay seryosong-seryoso naman ang anyo ng binata. She didn't know if he was bored or what.

Hanggang ibaling nito ang tingin sa direksyon niya na parang naramdaman nito na nakatingin siya dito. Malakas siyang napasinghap. Saka dali-dali niyang binawi ang kamay mula kay Robert at iniwas ang tingin sa dating nobyo.

"I-check na lang natin ang mga bata. Tapos na ang act," sabi niya kasunod ang palakpakan ng mga tao sa buwis-buhay na performance ng acrobatics group.

Hindi niya inaasahang mahuhuli siya ni Benedikt na nakatingin dito o makikita siya nito na hawak ni Robert ang kamay niya. Ano bang pakialam niya sa akin o kung sinuman ang may hawak ng kamay ko? I am sure he doesn't care a bit. Ang kailangan ko lang gawin ngayon ay mag-focus sa performance ng mga bata.

Hindi pa rin humuhupa ang tensiyon sa katawan ni Maki nang tawagin na ng celebrity host ang grupo nila. This was not good. Isang tingin lang talaga ni Benedikt sa kanya ay nasira na ang composure niya. Hindi ito pwede. Hindi. Kailangan kong makabawi.

Taas-noo siyang umupo sa piano stool at nang nakapuwesto na ang mga daliri niya ay naramdaman niyang nababawasan ang tensyon sa katawan niya. Tinanguan niya si Robert at saka niya pinindot ang tiklado.

Tuluyan nang naglaho ang lahat sa paligid niya nang pumailanlang ang magandang musika mula sa piano kasabay ng mala-anghel ng boses ng mga bata.

Ito ang buhay na pinili niya. She was devoted to this. And she was happy. Really, really happy. Maaring nagbunga ng ibang kamalian ang desisyon niya na lumayo, alam niyang nabuhay siya para sa musika at maging mabuting guro.

She was content with this. Hanggang matagpuan pa niya ang ibang bagay o tao na maaring magdala sa kanya ng kaligayahan. Ito ang mundo niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.