Umugong ang palakpakan at hiyawan matapos iyon. Nang bahagyang humupa ang mga papuri ay saka niya sinimulan ang pangalawang piyesa. Medley iyon ng mga awiting bayan na mula sa isla mismo para maramdaman ng mga bisita ang pagtanggap nila sa mga ito.
Parang may sariling buhay ang mga kamay niya nang mag-glide sa piano. She was in the zone. Ang boses ng mga bata, ang piano - it was perfect. May mga bisitang napapaindak pa dahil sa masasayang awitin. And before they knew it, everyone was in a festive mood. Ang choir ang huling performer at nakuha ng mga bata ang puso ng mga manonood.
Instant celebrity ang mga bata. May mga sikat na personalidad na nagpakuha ng larawan sa mga ito at kay Robert. Maki decided to step back and opted not to share the limelight. Mas gusto niya na sa mga ito maituon ang atensiyon ng mga tao. Nagkunwari na lang siyang umiinom ng juice sa isang tabi habang dinadaan-daanan ng mga bisita.
"There you are, Miss Maki. Kanina pa kita hinahanap," sabi ni Hannah. "Bakit hindi ka sumama sa pagpapa-picture sa mga bata?"
"Hindi ko hilig ang magpa-picture. Pasensiya na," aniya at nahihiyang ngumiti.
"Sayang naman. You look great on that dress. You actually look more beautiful than I do," sabi niya at nanghaba ang nguso na parang naiinis na nasapawan niya ito.
"H-Hindi naman."
Maganda din naman ang gown ni Hannah at natitiyak niyang gawa din ng isang top designer. Bakit naman siya nito pagsusuutin ng gown kung saan mas lulutang pa ang ganda nito kaysa sa kanya? Ito ang may-ari ng resort. Ito ang prinsesa sa araw na iyon. Hannah was just being nice. Iniisip marahil nito na isa lang siyang simpleng probinsiyanang teacher at noon lang niya naranasan na makapagsuot ng ganoon kaganda at kamamahaling gown. Gusto lang nitong maging komportable siya.
"Alam mo ba na maraming nagtatanong ng pangalan mo at humihingi ng number mo pero sabi ko ay may boyfriend ka na." At saka ngumuso kay Robert.
Natawa lang siya dahil botong-boto ito kay Robert para sa kanya. Kung ibang pagkakataon siguro ay kokontrahin niya ito subalit sa pagkakataong ito ay mas gusto niyang mapag-isa at huwag lapitan ng ibang kalalakihan na magkaka-interes sa kanya. Kundi lang dahil sa mga bata ay gusto na lang niyang umuwi.
"Salamat. Hindi talaga ako interesado sa iba."
"Ang diwata ng Isla La Reina. Who would have thought that you are such a goddess?" anang si Governor Marasigan at kasunod nito si Benedikt. "Ipinatatanong ng pamangkin ko kung single ka pa..."
"Primo is a playboy, Papa. Ni hindi pa siya annulled." Tumirik ang mga mata ni Hannah. "At may boyfriend na si Miss Veracruz."
"May boyfriend na si Maki?" gulat na tanong ni Benedikt na parang isang krimen ang pagkakaroon niya ng nobyo.
"Yes. Si Teacher Robert," sagot ni Hannah at siniko si Benedikt. "Sabi ko naman sa iyo na bagay silang dalawa."
Kumuha ng inumin si Benedikt sa nagdadaang waiter at tinungga iyon. "Nasabi mo na ba kay Miss Veracruz ang business proposition natin?" tanong ng gobernador.
Nagsalubong ang kilay ni Maki. "Business proposition?"
"Oh, yes." Bumaling sa kanya si Hannah. “The guests here are elated with the kids’ performance. Parang inaawitan daw sila ng mga anghel sa langit. Bagay na bagay sa mala-paraiso naming resort. At tiyak na mas maraming magkaka-interes sa mga kanila oras na kumalat sa internet ang performance nila. After the reaction we got from the guests, we want to invite La Reina Children’s Choir as a regular act in our resort.”
“A-A regular act?” naguguluhan niyang tanong.
“Yes. Like the Loboc Children’s Chor,” sabi ni Hannah. “Nagpe-perform sila every weekend sa mga guest ng night cruise sa Loboc River. Magandang exposure ito para sa mga bata at sa palagay namin ay makakatulong din ang talent fee na makukuha nila at mga tip para sa pag-aaral nila. Of course, you and Teacher Robert will be compensated as well. Who knows? Pagtagal-tagal ay maimbitahan na rin sila sa ibang mga lalawigan sa bansa at sa ibang bansa. Hindi ba magandang opportunity ito para sa inyo ng mga bata?”
“Sila ang magiging boses ng ating lalawigan,” anang si Governor Marasigan at inilahad ang kamay. “Makakasama sila sa tourist attraction dito sa La Reina. Maipagmamalaki ang talento nila at siyempre sisikat din ang mga orihinal na kanta na ikaw ang nag-compose, Miss Veracruz. Lalo pa kayong makikilala kapag naitayo na ang airport natin.”
Nanigas ang buong katawan ni Maki. Hindi niya inaasahan ang ganoon kalaking proyekto na inaalok sa kanya. Nagpunta lamang naman talaga sila doon para mag-perform. Hindi nila inaasahan na magkakaroon ng regular gig o pinapangarap ang posibilidad na maging international sensation balang-araw. Di nga naman iyon nalalayo lalo na kung maitatayo ang airport sa isla. Ang international airport na tinututulan nilang maitayo. At ang pagtutol niya ay para rin naman sa kapakanan ng mga kabataan ng La Reina at sa mga mamamayan nito. Pero kaya ba niyang palampasin ang ganitong kalaking oportunidad?
“Uhmmm… hindi ko pa po alam. Nag-aaral pa ang mga bata,” sabi niya at nilingon ang mga bata na ine-enjoy ang limelight. “Ayokong makaapekto ito sa kanila. Ang totoo, medyo apektado na nga po ang pag-aaral nila dahil sa pagpa-practice sa competition at dito sa program ninyo. Hindi ko pa po iyan masasagot sa ngayon.”
Hinawakan ni Hannah ang braso niya. “Alam ko na inaalala mo ang pag-aaral nila. Pero nakausap ko sila. I know they are not well off. Ang iba sa kanila ay kailangan pang magtrabaho para lang makapasok sa eskwelahan. Pwedeng mabago ang buhay nila kung mapagbibigyan lang. Pwedeng gamitin ang talento nila para hindi na nila kailangang tumulong sa pagkokopra at pangingisda sa batam-batang edad. This is a good opportunity for them. And for you.”
“Hindi naman ako interesado sa pera,” aniya sa malamig na boses.
“Okay. If not for you, then for the kids. Nagawa rin naman ng ibang choir group na makilala at hindi naman naapektuhan ang pag-aaral nila. Please?” anang si Hannah at pinagsalikop ang mga kamay.
“Kakausapin ko ang principal namin at ang mga magulang ng mga bata. Sila lang ang pwedeng magdesisyon tungkol dito.” Malaking responsibilidad kung lagi silang magpe-perform para sa La Reina Resort and Spa. Hindi lang ang schedule ng mga bata ang maapektuhan kundi pati rin ang pagtuturo nila ni Robert. May mga klase din sila na apektado na dahil sa palagi silang wala sa klase at naka-focus sa choir.
“Kahit na twice a month o once a month basta mag-perform lang ang bata para sa amin.” Pinagsalikop ni Hannah ang mga palad. “Please! Please!” parang batang pakiusap nito.