Pinigilan ni Maki ang sarili upang huwag tuluyang mairita sa makulit na anak ng gobernador na si Hannah. Parang hindi ito nakakaintindi sa sinabi niya. Mukhang bilang prinsesa ng pamilya nito at anak ng gobernador ay sanay itong laging nakukuha ang gusto at di na makakapaghihintay pa sa tamang protocol. How could she say no to that?
Nang tumingin siya kay Governor Marasigan ay nakita niyang nasisiyahan ito na pine-pressure siya ng anak nito at alam niyang di niya gugustuhing mapahiya ang dalaga sa pinakamataas opisyal ng lalawigan.
She helplessly looked at Benedikt like she used to. Kapag pine-pressure siya ng mga tao sa paligid niya at di niya alam kung paano hihindi, dito siya humihingi ng tulong. He was her savior, her knight in shining armor to her damsel in distress. May ibang bagay pa rin na di nagbabago. Kapag nasa paligid si Benedikt, dito pa rin siya hihingi ng saklolo. Hindi kailangan ng salita. Isang tingin lang ay alam na nitong kailangan niya ito.
Ang tanong lang ay kung tutulungan pa rin siya nito gaya ng dati. Paano kung hahayaan lang siya nito na mai-pressure ni Hannah hanggang sumuko siya?
Mariing nagdikit ang labi ni Benedikt. “Hannah, let her be!” anito sa mariing boses. “Sinabi na niyang kakausapin niya ang principal nila at ang magulang ng mga bata. She can’t decide things on her own. All you can do is wait.”
Nagdiriwang ang puso ni Maki. Ipinagtanggol siya ni Benedikt. Gaya nang dati ay di siya nito hinayaang mag-isa. It made her heart sing. Yes, she knew that it was stupid to be happy. Dapat ay kinakalimutan na niya ito gaya ng pangako niya sa sarili niya. Pero paano naman niya mapipigilan ang mabilis na pintig ng puso niya? Paano naman niya mapipigilan ang sarili na kiligin samantalang ito lang ang tanging dumepensa sa kanya kahit pa nga sa prinsesa ng lalawigang iyon at sa babaeng ngayon ay may hawak ng puso nito?
“Pero…”
Akmang tututol pa si Hannah nang isang magandang ngiti ang gumuhit sa labi ni Benedikt na di lang nakapagpatigil sa pagkontra ni Hannah kundi maging sa pag-ikot ng mundo niya. “How about Miss Veracruz play a piece for us?”
Napanganga siya. “A-Ako? T-Tutugtog para sa inyo?”
Maang siyang napatingin kay Benedikt. Nagre-request ito na tumugtog siya? That was unexpected. Di siya sanay na tumutugtog sa harap ng maraming tao dahil sa request ni Benedikt. Mas sanay siya na nagre-request ito na tumugtog siya kapag silang dalawa lang. Willing na willing siyang magkaroon ng private performance kasama ito nang mga panahon na di pa siya malayang ipakita ang talento niya sa lahat. Pero ngayon ay iba na.
Hindi ba siya nito kinamumuhian na isa sa dahilan ng pang-iiwan niya dito ay ang kalayaan niya sa musika? Bakit parang napaka-supportive pa nito sa kanya?
Because he was your number one fan to start with. At siguro hanggang ngayon ay naniniwala pa rin siya sa talento mo. Na may parte pa rin ng nakaraan ninyo na hindi pwedeng mabura sa puso niya kahit ano na napagdesisyunan na ninyong kalimutan ang isa’t isa. Maybe he misses you, bulong sa kanya ng isang munting tinig.”
“Yes! That is a nice idea, Benedikt,” excited na sabi ni Hannah at bumaling sa kanya. “Siguro naman hindi mo na kami tatanggihan ngayon. At dahil maraming heartbroken dahil may boyfriend ka na, maybe you can soothe their hearts with your music.”
Binasa niya ang nanunuyong labi. “I will do it,” aniya habang nakatingin kay Benedikt.
Nanlalamig ang kamay niya nang naglakad patungo sa piano. Tumahimik ang lahat nang umupo siya sa piano stool at parang tumigil ang lahat sa ginagawa para lang pagmasdan siya. Tumigil ang instrumental music na pumapailanlang sa buong restaurant. Nasa kanya na ang atensiyon ng lahat.
Hindi niya inaasahan na kakabahan siya ng ganito. Hindi naman niya expected na magre-request si Benedikt na tumugtog siya para dito. Her hands were suddenly clammy. Di niya maiwasang ikaskas iyon sa chiffon dress niya. Iba kaninang nag-accompany siya sa piano para sa performance ng mga bata. Ang mga ito ang sentro ng atensiyon. She was just behind the piano. Ang tinig ng mga ito at ang awitin niya ang nangingibabaw. Sa pagkakataong ito ay siya na ang tinututukan ng paningin ng marami.
Huli na niyang naisip na mukhang napasubo siya. Hindi siya nakapaghanda na magpe-perform siyang mag-isa. Wala siyang dalang music sheet. Marami siyang kabisadong musical pieces mula sa classical music hanggang sa kundiman at pop na ginawan niya ng sariling arrangement at ang mga sarili niyang composition. Wala siyang matandaan na kahit ano. Blangko ang utak niya sa sobrang kaba. Ano ba itong napasukan niya?
Her eyes scanned the room. Lahat ng mga mata doon ay naghihintay ng tutugtugin niya. Habang siya naman ay naghahanap ng lakas ng loob o inspirasyon. Nasa di kalayuan si Robert at ang mga bata. Nakita niya ang pagtataka at takot sa mga mata ng binata. Natatakot marahil ito na pumalpak siya. Parang mas kabado pa ito sa kanya. No, hindi niya makukuha mula dito ang lakas ng loob na hinahanap niya.
Pumikit siya nang mariin. Should she just bail out? This was stupid really. Hindi na siya dapat sumang-ayon pa sa request ni Benedikt. Hindi naman talaga siya handa para sa isang solo performance. Hindi naman…
Naramdaman niya na may maiinit na mga matang nakatitig sa kanya. At parang may magneto na kusang umangat ang tingin niya at inapuhap niya ang direksiyong pinagmumulan niyon. Nagtama ang mga mata nila ni Benedikt. Nasa di kalayuan ito, nakasandal sa isa sa mga poste doon at may hawak na alak. His eyes was intently looking at her. As if he was anticipating her performance. As if he wanted her to show the world what she was made of.
When he saluted his glass of wine to her, the world melted around them. Naglaho ang lahat ng nasa paligid niya hanggang silang dalawa na lang ang natira. Ibinalik siya nito sa panahon kung saan malaya siyang nakakapag-perform nang silang dalawa lang. Solo nila ang mundo subalit ito ang mismong mundo niya at siya rin ang mundo nito. Bumalik siya sa panahon kung saan walang ibang mahalaga sa kanila kundi ang pagmamahalan nila… kung saan maganda pa ang lahat. Noong inakala nilang walang makapaghihiwalay na anuman sa kanila at magkakasama sila habambuhay.
Isang himig ang tumining sa isipan niya habang nakatitig sa binata. Iyon ang huling love song nai-compose niya. Their wedding waltz. Ang musika na gusto niyang sayawin sa wedding dance nila. Ang kanta na gusto niyang awitin kapag ikinasal sila.
Kusang tumipa sa tiklado ang daliri niya at awtomatiko na pumailanlang ang maganda at nakaka-in love ng nota sa paligid. Nadala siya ng musika at patuloy lang siya sa pagtugtog. Naglaho ang kaba niya. Nagsimula namang maging romantic ang atmosphere sa resort at kanya-kanya nang hila ng kapareha ang mga bisita at nagsayaw sa bakanteng espasyo ng restaurant na nagsisilbing dance floor.