“I-I am sorry,” aniya at dali-daling pinahid ang luha. “N-Napagsama ko yata ang piyesa na magkaiba. It was a bad mash up. Wala kasi akong music sheet kaya nalito ako.” Sumenyas siya sa DJ na nasa kabila ng dance floor para magpatugtog. “Pasensiya na kayo.”
Tumayo siya at saka dali-daling naglakad patungo sa dressing room. Naramdaman na lang niyang nakasunod sa kanya si Robert at ang mga bata. “Maki, anong nangyari doon? Bakit basta na lang nagbago ang music mo? Bakit bigla ka na lang umiyak? Anong…”
Itinaas niya ang kamay para patigilin ang pagtatanong nito pero patuloy pa rin siya sa mabilis na paglakad. “Robert, huwag ngayon. Gusto ko munang mapag-isa sana kung pwede.”
“Pero Maki…”
Nakuyom niya ang palad at puno ng sakit ang mga mata ito nang tingnan. “Please! Gusto ko lang mapag-isa. Kahit ngayon lang. Ikaw na ang bahala sa mga bata.”
"ANG TANGA MO, Maria Makiling. Naturingan kang teacher pero hindi ka na natuto. Pinagmukha mong tanga ang sarili mo sa harap ng maraming tao. Palpak na ang mash up mo, ipinakita mo pa sa lahat na umiiyak ka. Nakakahiya ka! Nakakahiya! Ano pang mukha ang ihaharap mo sa mga tao?"
Nakayukyok ang ulo ni Maki sa pagitan ng hita niya habang nakasabunot sa buhok niya. Nasa restroom siya at nakaupo sa nakababang lid ng toilet bowl habang paulit-ulit na sinisisi ang sarili. Mistulang may latigo siya na paulit-ulit hinahagupit ang sarili bilang parusa dahil sa katangahan niya.
Hindi siya makapaniwala na umiyak siya sa harap ng maraming tao habang tumutugtog. She allowed herself to be vulnerable. Nakita ng lahat kung paano siya naging hangal. Dapat ay nakontrol na lang niya ang emosyon niya. Dapat ay di niya hinayaang mawala ang tabing ng nakaraan at kasalukuyan. Hinayaan niya ang sarili na bumalik sa panahong isa pa siyang prinsesa at si Benedikt ang prinsipe niya.
Nang mag-walk out siya sa program ay kinuha lang niya ang damit sa dressing room at dali-daling nagbihis. Ang maganda at eleganteng gown niya ay pinalitan niya ng simpleng palda at blusa. She couldn’t wait fast enough to get out of her princess dress, her dreamy-like persona. Pakiramdam niya ay kasalanan iyon ng damit na suot niya kanina. It somehow transported her back in time. Sa mga sandali na siya pa ang prinsesa ni Benedikt at siya ang mundo nito.
Matapos iyon ay nagkulong lang siya sa restroom. Parang ayaw na nga niyang lumabas para magpakita sa mga tao. Ni ayaw na nga niyang kumain kaninang sunduin siya ng isa sa mga bata upang yayain. Hindi pa niya kayang humarap sa mga tao ngayon. She just wanted wallow in pain and misery. Ito ang realidad niya.
Hindi ko na dapat isinuot ang dress na iyon. Hindi ko na dapat pinagbigyan si Benedikt na tumugtog ng piano. Sana sinabi ko na lang na wala akong music sheet. Na wala akong masyadong alam.
But she didn’t say no to Benedikt. Hindi niya ito kayang hindian. Dahil ang musika ang isang mga bagay na nagpapakita kung gaano niya ito kamahal. They had this special secret when it comest to music. Sa isang mundo na silang dalawa lang ni Benedikt.
Hanggang kailan ba ako ganito? Kailan ba ako makaka-recover kay Benedikt? Parang hindi naman ako nadadala kahit paulit-ulit na sampalin ng katotohanan. Kailan ba ako matututo? Dinepensahan lang niya ako ng konti, akala ko katulad pa rin kami ng dati. Sobrang bilis kong madala. Kailan ako makakalaya sa kanya?
She loved him for far too long. Hindi madali na makalimutan ito. Pero ibang usapan na ngayong pati ang sarili niya ay ipinapahiya na niya sa ibang tao dahil dito. Paano ba siya makaka-recover mula sa kahihiyang ito? Tiyak na pag-usapan sila ng lahat.
Tanging pakonsuwelo na lang niya na hindi alam ng mga tao na si Benedikt ang dahilan kung bakit siya umiyak. Kung bakit nagluluksa ang puso niya. Mas malaking kahihiyan kung alam ng mga tao ang tunay na kwento.
Pero alam ni Benedikt. Alam niyang nasasaktan ako dahil sa kanya. Alam niyang iyon ang wedding waltz namin pero ibang babae ang isinayaw niya.
Natigilan siya. Alam nga ba niya na ginawa ko iyon para sa kanya? Naaalala pa ba nito ang wedding waltz namin? May pakialam pa ba siya kung nasasaktan ako?
Napaiyak na naman siya. Hindi na niya tinawagan ngayon ang kaibigan niyang si Talia. Tiyak na masesermunan na naman siya nito sa kagagahan niya kay Benedikt. Baka mapasugod pa ito mula Palawan papuntang Isla La Reina para ingudngod lang siya sa toilet bowl dahil sa kahangalan niya. Ano bang magagawa niya? Minsan lang naman siya nagmahal. Mula noong eighteen years old siya ay mahal na niya si Benedikt. Sampung taon na niya itong mahal. Kahit na lumayo siya dito ay naroon pa rin ang pagmamahal niya dito. Kahit naman sino ay hindi basta makakaahon sa ganoong uri ng pagmamahal. Dahil habang pilit niyang tinatalikuran ang nararamdaman niya ay Benedikt, parang may mga nangyayari pa na lalong naglalapit sa kanya dito. Nagpapaalala sa kanya sa nakaraan.
Pero paano ba siya makakalayo dito kung magiging nobya nito, kundi pa man nito nobya, ang anak ng gobernador? Ibig sabihin ay mas madalas ito sa Isla La Reina. Paano pa siya makaka-recover nito?
Kailangan ko na bang umalis sa La Reina? Kailangan ko ba muling lumayo sa kung saan hindi ko siya nakikitang masaya sa iba para hindi na ako masaktan pa?
Iyon na ang tumatakbo sa isipan niya nang makarinig siya ng katok sa pinto. “Teacher Maki! Teacher Maki!” anang assistant ni Hannan na si Mira. “Nandiyan pa ba kayo sa loob?”
“O-Oo,” napilitan niyang sagot.
“Nag-aalala kasi sa inyo si Teacher Robert. Tapos na silang kumain ng mga bata at kayo na lang ang hinihintay nila para makaalis na daw.”
“G-Ganoon ba? L-Lalabas na ako. Salamat,” sabi niya at hinamig muna ang sarili. Nang marinig niya ang pagsara ng isa sa mga cubicle ay lumabas na rin siya para maghilamos at ayusin ang sarili. Kailangan ay maging maayos siya sa muling pagharap sa lahat kahit pa nga wala siyang balak na sagutin ang tanong ng mga ito.
Nang makapaghilamos at natuyo na ang mukha niya ay naglagay siya ng pulbo. Sana lang ay hindi mamugto ang mata niya. At kung makakaiwas siya sa ibang tao lalo na kina Benedikt at Hannah ay mas mabuti. Siya na ang bahala kay Robert dahil di naman niya ito maiiwasan pa.
“Okay ka lang ba?” tanong ni Mira nang samahan siya sa sink at naghugas ito ng kamay. Tumango lang siya at pilit na ngumiti. “Nag-alala ang mga tao nang basta ka na lang umiyak at umalis. Hindi lang si Ma’am Hannah ang nagtatanong sa iyo kundi pati si Sir Benedikt. Uhmmm… may problema ba?”
Umiling siya. “Wala. M-Masyado lang akong naging emotional sa tinugtog ko. G-Ganoon talaga ako. Nahihiya nga ako sa nangyari.”
Hinawakan nito ang braso niya. “Wala iyon. Ganoon talaga ang artist. Hamak mas nakakahiya naman ang starlet popstar na kasama ng isang congressman. Tanghali pa lang, lasing na at nagwawala sa microphone ngayon. Sayang nga kasi umalis ka agad. Ang dami pa mandin nagre-request na tumugtog ka ulit. Ang alam ko nga gusto kang alukin din ng gig ni Ma’am Hannah para tumugtog dito sa resort.”
Pagak siyang tumawa. “H-Hindi naman yata ako bagay para sa ganitong klaseng lugar. Saka may bar ang pamilya namin sa kabilang beach. Sa folk rock at country music talaga kami.”
“Oo nga pala. Ang Amihan Bar. Dadalaw kami ng boyfriend ko doon minsan kapag maluwag na ang schedule ko dito. Para maiba naman ang naririnig ko. Pero ayaw mo ba talagang subukang mag-perform dito, bukod sa pag-accompany sa choir?”
Umiling siya. “Hindi talaga. Sige. Naiinip na ang mga bata. Baka mag-alala na ang mga magulang nila. Maraming salamat.”
Nang lumabas ng restroom ay nakayuko siyang naglakad. Hindi niya kayang salubungin ang naiintrigang tingin ng mga nagtatakang tingin ng mga kasalubong niya. Isang text message ang natanggap niya mula kay Robert para sabihing nasa bungad na ng resort ang mga ito at paalis na. Siya na lang ang hinihintay.
Halos patakbo niyang tinungo ang bukana ng resort at nakita niyang nakaabang sa may lobby si Robert at ang mga bata. Ngunit muntik na siyang kumaripas ng takbo palayo nang makita niyang naroon din sina Hannah at Benedikt.
“Nandiyan na si Ma’am Veracruz!” sigaw ng ilan sa estudyante niyang nakakita sa kanya.
Nakita niya na hangos na palapit sa kanya si Robert pero higit siyang nagulat nang unahan ito ni Benedikt palapit sa kanya. “Maki, are you okay?” nag-aalalang tanong nito.
Nakakunot ang noo niya itong tiningnan. Paano niya sasagutin iyon? Mukha ba siyang okay? Hanggang ngayon nga ay di pa nakakabawi ang puso niya sa sakit at kahihiyan tapos ay ito pa ang bubungad sa kanya. Gusto niyang mainis at magalit dito. At habang hawak nito ang balikat niya na parang napaka-familiar pa rin nito sa kanya gaya ng dati, naramdaman niya panginginig ng tuhod niya. Ginugulo nito ang mundo niya. Hindi niya magawang magalit dito nang matagal kung nararamdaman niya ang init ng balat nito sa kanya.
“We are so worried about you,” sabi ni Hannah at tumayo sa likod ni Benedikt. Nang hawakan nito ang balikat ni Benedikt ay saka siya binitiwan ng dating nobyo na parang noon lang nito napansin ang inakto. That he shouldn’t be touching her. “Noong una tumutugtog ka ng romantic na piece tapos bigla na lang naging malungkot at nakita ka na lang naming umiiyak. May nangyari bang hindi maganda?”
“The piece… N-Nawala sa isip ko ang kasunod na nota at ang tanging nasa utak ko lang ay ang Rain Drops ni Chopin and it always makes me cry. Sorry. Biglaan kasi ang request at wala akong dalang music sheet. Nakakahiya tuloy sa mga bisita mo.”
Hinawakan ni Hannah ang kamay niya at umiling. “No. There is nothing to be sorry about. Mas gusto ko naman na ikaw ang tumugtog kaysa sa…” Sinapo ng dalaga ang noo at umiling. “I really can’t believe that I paid a hundred thousand for that pop starlet to perform. Mas gusto ko na ang emotional na musician kaysa sa isang lasing na pop star.”
At hanggang ngayon ay naririnig pa rin niya ang pag-alulong ng babae sa mikropono at umaalingawngaw iyon sa buong resort. It must be quite a spectacle.
“Aalis na rin kami,” sabi niya. “Maraming salamat.”
“Basta kung may kailangan ka, sabihin mo lang sa akin. Sana talaga emotional ka lang at wala kayong pinagdadaanan ng boyfriend mo,” sabi ni Hannah at ngumuso kay Robert.
Pilit lang siyang ngumiti. Wala naman talaga silang pinagdadaanan ni Robert dahil hindi naman niya ito nobyo. Hindi ito ang lalaking mahal niya. Wala itong kakayahang saktan siya.
“Oh! The bags of goodies for the kids are here,” sabi ni Hannah nang makita ang isa sa mga staff nito na may dalang loot bags. Dali-dali itong umalis at natagpuan na lang niya ang sarili na nakatayo malapit kay Benedikt. It was quite awkward.
Akmang hahakbang siya palayo nang tawagin nito ang pangalan niya. “Maki, I am sorry.”
Di sana niya ito papansinin pero napansin niya ang pagpapakumbaba sa boses nito. Nakakunot ang noo niya itong nilingon. “Para saan?” Dahil nasaktan siya nito? Dahil nakipagsayaw ito sa ibang babae habang tinutugtog ang wedding waltz nila?
“Hindi ako dapat nag-request na tumugtog ka samantalang wala kang nakahandang piyesa. I… just want other people to hear more of your music. Hindi ko naisip na pwede kang makalimot dahil sa sobrang kaba o maging emotional dahil doon.”
So, hindi nito iniisip na kaya siya naging madrama ay dahil nasasaktan siya na ibang babae ang isinayaw nito sa musical piece na nilikha nila para sa wedding waltz nila?
Itinuwid lang niya ang tingin kay Hannah na masayang binibigyan ng goodies ang mga miyembro ng choir. “Hindi mo kasalanan iyon, Mr. Valenciaga. Kasalanan ko iyon dahil pumayag ako. Akala ko kasi kaya ko pero hindi pala.”