Mariing magkadikit ang labi ni Maki nang bitbitin palabas ng kuwarto ang kahon na may lamang damit at sapatos at ang box na naglalaman na YAMAHA DGX-650 na digital piano sa isang kamay. Kahit na masakit-sakit sa loob niya na ibalik iyon, alam niyang mas mabilis niyang maibabalik, mas makakabuti para sa kanya at sa katinuan niya. Puno siya ng determinasyon na putulin ang kahangalan niya kay Benedikt at anumang koneksiyon niya dito.
Kaya naman pagkagaling na pagkagaling pa lang niya sa opening ng La Reina Resort and Spa ay nilabhan agad niya ang damit. Mabuti na lang at manipis lang ang tela at bago pa magtanghali ay natuyo na iyon. Dahil gawa sa chiffon ay di na iyon kailanganm pang plantshahin. Ibinalik agad niya sa kahon kasama ang nalinis na niyang Manolo Blahnik shoes at nagpatawag kay Ponyang ng tricycle na maghahatid sa kanya sa resort.
Nagulat pa ang nanay niyang si Lupita nang makita siyang bitbit ang mga kahon. Mukhang kagigising lang nito dahil madaling-araw na itong natulog mula sa pag-aasikaso sa Amihan Bar kahapon. Hindi na nga siya nakatulong dahil pinili niyang magmukmok sa silid niya kagabi. Sinabi niyang masama ang pakiramdam niya pero ang totoo ay iniiyak lang niya ang bigat ng puso niya. “Anak, saan ka pupunta? At bakit bitbit mo na ang mga iyan?”
“Pupunta po ako sa La Reina Resort, Nay. Kailangan ko na po itong ibalik kay Miss Hannah dahil tapos ko naman na pong gamitin,” paliwanag niya.
“Bakit hindi ka muna magpahinga. Masama ang pakiramdam mo, di ba?” anang si Aling Lupita at kinuha ang kahon ng gown mula sa kanya. “Dumito ka muna sa bahay at magpahinga. Makakapaghintay naman siguro iyang ibabalik mo.”
Nanginig ang labi niya at nagbabadya na namang bumuhos ang emosyon niya. “Kailangan ko na pong alisin ito sa kuwarto ko at sa buhay ko, Nay. Lalo lang pong sasama ang pakiramdam ko kapag nakikita ang mga ito. Lalo lang po akong nasasaktan.”
Nabanaag ang pag-aalala sa mukha nito. “Anak, ano na naman ba ang nangyari? May kinalaman ba dito si Benedikt?”
Nanlulumo siyang umupo sa sofa na gawa sa kawayan. “Mahina pa rin ako pagdating sa kanya, Nay. Kahapon nag-request siya na tumugtog ako ng piano at parang hangal naman ako na pinagbigyan siya. Sa sobrang kaba ko, wala na akong ibang naalalang piyesa kundi ang wedding waltz namin. I composed that piece for our wedding. Na tutugtugin para sa wedding dance namin. Nang mga oras na iyon, parang bumalik ako sa nakaraan. Na malaya kong naipapahayag ang nararamdaman ko sa pamamagitan ng musika kapag kami lang ni Benedikt. Tapos nakita ko na isinayaw niya si Miss Hannah. Parang sinampal ako, Nay. Masakit pa rin pala ang realidad.”
Tinabihan siya nito at niyakap. “Anak… huwag mong parusahan ang sarili mo ng ganito.”
Pumikit siya ng mariin pero wala nang luhang lumabas sa mata niya. She was emotionally drained. Di na niya magawang lumuha pa. “Tama lang ang nangyari sa akin. Wala po kasi akong dala. Paulit-ulit na lang na bumabalik ako sa nakaraan. Siguro dahil sa suot kong damit. Siguro dahil dinepensahan ako ni Benedikt kahapon nang pine-pressure ako ni Governor Marasigan at ng anak niya na magdesisyon para sa choir nang mag-isa ko, na parang siya ulit ang tagapagtanggol ko. Siguro kasi hindi pa rin siya nakakalimutan ng puso ko at ayaw na mag-move on. Hindi na kami tulad ng dati. Hindi na ako ng prinsesa ng mga Rubella. At hindi na rin siya ang prinsipe ko dahil may iba na siyang prinsesa. Malinaw na po iyon sa akin ngayon.”
Alam niyang maaring tumanggi si Hannah na ibalik niya ang organ dito o ang damit dahil nariyan pa rin ang alok nito na tumugtog siya para sa resort o kaya naman ay ang gig ng La Reina Children’s Choir. Kakailanganin nga naman niya ang mga iyon kung sakali. Pero wala siyang plano na tumugtog sa resort nito, kahit pa para sa piano accompaniment ng choir. Determinado siya na putulin ang anumang koneksyon niya kay Benedikt kaya mabuting iwasan na rin niya si Hannah.
Hindi niya mapipigilan ang mga magulang o ang paaralan na tanggapin ang alok para sa choir na mag-perform sa La Reina Resort. Na-realize niya na makakatulong nga naman iyon sa kabuhayan ng mga bata, pero hindi iyon makakabuti para sa kanya. Kaya naman plano niyang ipasa na ang trabaho ng piano accompaniment sa isa sa bagong kasamahan niya si Teacher Jessica na marunong din naman sa organ at piano. Pwede pa rin siyang tumulong sa training ng mga bata, mag-contribute ng bagong awitin para sa repertoire ng mag ito o kaya ay samahan pa rin ang mga ito sa mga choir competition pero di na siya sasama sa mga ito para mag-perform sa resort. Oras na para mag-focus naman siya sa iba pa niyang estudyante.
She was escaping from Benedikt, she knew. Pero ito ang makakabuti para sa kanya. Benedikt could easily wreck havoc in her life. Ayaw na niya ng ganito. Masyado nang gulpi ang puso niya. Hindi na niya ito kayang gawin sa sarili niya nang paulit-ulit.
Hinaplos nito ang buhok niya. “Anak, gawin mo ang kailangan mong gawin para maka-recover ka kay Benedikt. Alam ko na masakit pero maganda na rin iyang nagmo-move on ka. Mabuti na nga siguro ang nangyari. Hayaan mo lang ang sakit. Mauubos din iyan sa takdang panahon. Hayaan mo lang ang sarili mo na makaramdam hanggang magagawa mo nang makangiti sa susunod na magkikita kaya. Kaya mo iyan.”
Hangos na bumungad sa pinto si Ponyang. “Ate Maki, nandiyan na ang tricycle.”
Kumalas siya sa pagkakayakap sa ina at pilit siyang ngumiti sa pinsan. “Salamat, Ponyang.”
“Ay, sus! Ano ba naman ang drama ninyong magnanay?” anang pinsan niya at humalukipkip. “Tiyang, di naman sa abroad pupunta ang anak ninyo. Diyan lang naman sa La Reina Resort and Spa. Uuwi din agad iyan malibang may guwapo at mayamang guest doon na magkagusto sa kanya at yayain agad siyang pakasal. Instant yaman iyon.”
“Ponyang, bitbitin mo na sa tricycle itong mga kahon,” utos ng nanay niya at bubulong-bulong naman na sumunod ang pinsan niya. “Gusto mo bang samahan kita o kahit si Ponyang man lang?”
Umiling siya. “Kaya ko na po itong mag-isa.” Kailangang kayanin niyang mag-isa.
Sa isang banda, may kakaiba siyang koneksiyon sa keyboard na padala sa kanya. As if it belonged to her. Na parang may kaluluwa iyon na tumatawag sa kanya. Malulungkot siya na mapalayo sa keyboard.
Pinisil ng ina niya ang kamay niya. “Ipaghahanda kita ng miryenda. May nagbigay ng langka sa atin kaya ipagluluto kita ng turon na may minatamis na langka.”
“Gusto ko po iyan. Uuwi po ako agad.”
Habang bumibiyahe si Maki patungo sa resort ay nakadama siya ng ginhawa at lakas ng loob. Alam niya na anumang mangyari ay nariyan ang nanay niya para suportahan siya at damayan siya. Nagpapasalamat siya sa Diyos na kapiling niya ang ina niya sa mga panahong ito. Masarap talaga ang may nanay.
Kaya kahit na ilang beses pa siyang madapa o maurangod sa bahaging ito ng buhay niya, kahit na gaano kahirap na paulit-ulit masaktan kay Benedikt, alam niyang nariyan niya ang nanay niya hanggang makaya na ng puso niya ang lahat ng sakit.
Matatapos din ang lahat ito. Babalik na rin sa normal ang buhay niya.