You’re Still My Man (Filipino) Chapter 50

ITINAPIK ni Maki ang isang paa habang nakaupo sa malambot na sofa na lobby ng La Reina Resort and Spa. Magsasampung minuto na siyang naghihintay doon kay Hannah pero di niya alam kung haharapin siya nito. Alam niyang abala ito dahil kabubukas pa lang ng resort nito at marami itong inaasikaso na mga bisita. Pwede naman niyang iwan na lang doon ang piano at ang damit pero gusto niyang personal na magpasalamat dito lalo na sa magagandang bagay na nagawa nito para sa mga bata.

Tumaas ang confidence ng mga batang miyembro ng choir matapos ang performance ng mga ito. Ngayong mas maraming tao ang nakaka-appreciate sa talento ng mga ito, mas inspired ang mga ito na mag-perform. Nagsisimula nang matupad ang pangarap ng mga ito. At kung tuluyan nang aalukin ni Governor Marasigan ng scholarship ang mga ito, magtutuloy-tuloy ang magandang kinabukasan ng mga bata.

Iyon naman ang pangarap ng kahit na sinong guro – ang linangin ang talento ng mga estudyante nila at magbukas ng magandang pagkakataon para sa mga ito.

“Teacher Maki,” narinig niyang tawag sa kanya ni Hannah mula sa kalayuan. She was wearing a floral chiffon maxi dress. Kahit na pagod ay napakaganda pa rin nito dahil na rin sa tulong ng magandang make up. Habang siya naman ay nakasuot lang ng plain na blouse at ethnic printed na palda. Nakakapanliit tuloy dumikit dito lalo na’t wala naman siyang bahid na kahit anong make up.

“Magandang hapon po, Miss Hannah,” bati niya dito.

“This is a surprise. Halika. Doon tayo sa opisina ko.” Kumunot ang noo nito nang makita ang mga kahon na dala niya. “Sa iyo ba ang mga iyan? Ang dami mo namang dala.” Sinenyasan nito ang isa sa mga roomboy para bitbitin ang mga dala niya. “Ano nga pala ang gusto mong kainin? Nag-lunch ka na ba? I haven’t had lunch yet. Masarap ang lunch buffet na ihinanda ng chef namin. You should give it a try.”

“H-Hindi na po ako magtatagal, Ma’am. Gusto ko lang namang magpasalamat sa inyo sa pagkakataong ibinigay ninyo sa La Reina Children’s Choir. Bukas na bukas din po ay kakausapin namin ni Robert ang principal namin tungkol sa alok ninyo.”

Tumango-tango ito. “Good. And while you are at it, baka gusto mong i-consider na mag-perform for a solo piano for us.”

“Matapos ang kapalpakan ko kahapon, gusto pa rin ninyo akong kunin?”

“Yes,” nagniningning ang mata nitong sabi na parang nakatagpo ito ng diamante at wala itong pakialam kahit hindi pa iyon makintab at makinis. “Emotional is fine. You were still great. Ahhh! Kung alam mo lang kung ilang guest ang nagmakaawa sa akin kahapon na pabalikin ka habang nagwawala ang pop starlet na kinuha namin. And you are a local talent. Ang purpose rin kaya namin itinayo itong resort ay para iangat ang mga local talents natin. You are such a gem. Ayaw mo bang ikarangal ka ng La Reina? At hindi basta-bastang tao lang ang manonood sa iyo dito.”

“Pero…”

Pinutol na nito ang sasabihin niya bago pa siya makapagpalusot. “Yes. May bar din ang pamilya ninyo. But you don’t play piano there or classical music, right? It would be a different repertoire. At least once a month, tumugtog ka sa amin. I am sure ito lang ang lugar kung saan maa-appreciate ang galing mo sa classical music.”

“I am also a teacher,” paalala niya dito. “Ayokong pabayaan ang mga estudyante ko.”

“Okay. Twice a month. Or even once a month. I will make it worth your while. Someone as good as you is a rare find in this island,” apela pa rin nito.

Bumuntong-hininga siya. Maganda naman ang offer nito. Hell! Libre nga siyang nagpe-perform sa bar niya dahil gusto talaga niya ang tumugtog. Kung wala lang sanang Benedikt Valenciaga sa pagitan nila ni Hannah, hindi ito magdadalawang salita sa kanya.

“I am sorry, Miss Hannah. Sa palagay ko po ay masyado na akong magiging abala para isingit pa ang pagtugtog dito sa resort ninyo. Mahalaga pa rin sa akin ang pagtuturo. Ayoko namang mapabayaan ang trabaho ko. Pero nagpapasalamat po ako sa paniniwala ninyo sa talento ko. Huwag kayong mag-alala. Magko-compose ako ng bagong kanta para sa mga bata kung sakaling pumayag ang principal namin at ang mga magulang nila na mag-perform sila para sa resort ninyo.”

It was not a bad trade, right? Makukuha pa rin nito ang gusto nito. Ang mahalaga naman ay ang choir kaysa sa kanya. Hindi na lang niya babanggitin sa babae na hindi siya ang makakasama ng mga bata para sa piano accompaniment kapag nag-perform ang mga ito doon. Malalaman na lang nito sa takdang panahon.

Ginagap nito ang kamay niya. “Oh, thank you! Hindi na ako magtatampo kung tinanggihan mo ako. After all, tutulungan mo naman ako sa mga bata, di ba?”

Nakangiti na lang siyang tumango. “Siyanga pala, nandito po ako para ibalik ang damit at ang keyboard na ipinadala ninyo sa bahay. Marami pong salamat. Malaking tulong po iyon sa akin.”

Kumunot ang noo niya. “A-Ano ulit ang ibabalik mo sa akin?”

Inilahad niya ang palad sa mga kahon na nakapatong sa ibabaw ng couch ng opisina nito. “Iyon pong damit na padala ninyo sa akin. ‘Yung suot ko po kahapon. Saka ‘yung organ na ginamit ko para makapag-practice ako sa bahay,” paliwanag niya.

Naguguluhan siya nitong tiningnan. “Bakit mo ibabalik sa akin?”

“K-Kasi h-hiram lang naman iyan, di ba? Tapos na ang opening program ninyo kaya ibabalik ko na,” maingat niyang sagot dahil ayaw niyang ma-offend ito.

Naguguluhan siya nitong tiningnan. “No. I mean, hindi sa akin galing ang mga iyan kaya bakit mo ibabalik sa akin?”

Natigagal siya. “Ano po? H-Hindi sa inyo galing iyan? P-Pero tinawagan ko kayo nang matanggap ko iyan. Nagpasalamat pa nga ako sa padala ninyong damit at organ. Sabi ninyo walang anuman iyon.”

“No. I am pertaining the choir’s dress. And of course, naisip ko na tinutukoy mo ang organ na donation ko sa eskwelahan. Nang sabihin mo sa akin na ayaw mong magpatahi ng bagong damit at may sarili ka namang damit, hindi na ako kumontra. Nirespeto ko iyon. But I am impressed with the dress you were wearing yesterday. Sa palagay mo ba ay papayag ako na mas maganda pa ang dress mo kaysa sa akin? You were even more stunning than me. Kahit na mahilig ako sa designer clothes, I can’t afford that designer. Francis Libiran iyon. And the shoes is Manolo Blahnik.”

“H-Hindi ko pa rin maintindihan. Pero sino naman ang magpapadala sa akin ng mga iyan?” tanong niya at nilingon ang mga kahon. Kahit naman mukhang generous si Hannah ay mukhang di ito ang tipo na magpapatalbog sa kanya.

“Baka naman si Teacher Robert,” anitong may nanunuksong ngiti sa labi. “Ayaw lang niyang sabihin sa iyo dahil baka tanggihan mo.”

Umiling siya. “Imposibleng mangyari iyon.”

Pumunta si Robert sa kanya nang gabing iyon dala ang second-hand na keyboard na hiniram nito. Isa pa, alam ba ni Hannah kung gaano lang kaliit ang sweldo ng public school teacher lalo na sa mga probinsiya? Baka kahit na kumayod pa ng dalawang taon si Robert ay hindi kakayanin ng sweldo nito ang mga items na ipinadala sa kanya. Sapatos pa nga lang ay ubod na nang mahal. It was a Manolo Blahnik. Baka kulang pa ang isang taong sweldo ni Robert para mabili iyon. Baka nga di pa nito alam kung anong brand iyon.

“O baka naman may secret admirer ka na afford ang YAMAHA digital piano, Francis Libiran gown at Manolo Blahnik shoes,” sabi nito at kinindatan siya. “Isn’t it romantic? Hindi lang siya basta Prince Charming, Siya rin ang fairy godmother mo. At natitiyak ko na dadating ang panahon na magpapakilala din ang admirer mo. Baka kailangan lang niya ang panahon. Mukhang may karibal na si Teacher Robert. I can’t wait to find out who that mystery man is, if ever.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.