Parang zombie na naglalakad patungo sa parking lot ng La Reina Resort and Spa si Maki. Bitbit niya pabalik ang mga kahon ng digital at ng damit at sapatos. Ni hindi na siya nag-abalang magpatulong na bitbitin ang mga iyon kahit na nag-alok ang mga staff ng hotel. And it weighed heavily on her shoulders. Kasing bigat ng tanong kung sino ang nagdapala ng mamahaling gamit na iyon sa kanya.
Hindi biro ang halaga ng mga gamit na iyon. In-establish na niyang hindi si Robert ang nagbigay niyon sa kanya. At hindi rin siya komportable sa ideya na may secret admirer siya. Ayaw niya ng pinapatay siya sa antisipasyon. Ayaw niya na sinosorpresa siya. Baka mamaya ay umasa pa ito na susuklian niya ang affection nito dahil ginamit niya ang padala nito. Gusto na rin niyang ibalik ang mga gamit na iyon. Hindi bagay sa kanya ang mamahaling damit at sapatos. Tapos na siya sa pangangarap na isa siyang prinsesa. Katulad lang din siya ni Cinderella na matapos ang ball ay bumalik sa pagiging hampaslupa. Ngunit sa pagkakataong ito ay wala na siyang interes sa Prince Charming niya. Tanggap na niyang hindi siya magkakaroon ng mala-fairy tale na happy ending.
Bahagya siyang nahilo sa paglalakad sa ilalim ng init ng araw. Naging mabuway ang paglakad niya. Gumiray ang katawan niya at pakiramdam niya ay matutumba siya.
"Easy," anang boses ng isang lalaki. Isang pares ng kamay ang humawak sa balikat niya at napasandig siya sa matipuno at makisig na matawan nito para hindi siya matumba.
Magpapasalamat sana siya dito. Naliliyo niyang inangat ang tingin at napasinghap nang makilala ang lalaking sinasandigan niya. "Benedikt!"
Nataranta siya. Ito ang huling taong nais niyang makasalubong o makita sa resort. Pero ang katawan niya ay mukhang may ibang ideya dahil parang nagugustuhan nito na humilig na lang sa binata.
Nasaan na ang katinuan niya? Nasaan na ang pride niya? Kaya nga siya nandito para iwasan ito at putulin ang kaugnayan nila sa isa't isa, hindi ba?
Sinubukan niyang ilayo ang katawan dito pero mahigpit nitong hinawakan ang balikat niya para hindi siya basta-basta makatakas. “Don’t move,” babala nito at lalo pang hinapit ang katawan niya dahilan para lalo siyang ma-torture. “May bench na may shade di kalayuan dito.”
Walang kahirap-hirap nitong kinuha ang mga dala niya at ang isang malayang kamay nito ang naggiya sa kanya papunta sa bench na nasa ilalim ng malaking puno ng acacia na nasa bungad lang ng resort. Pinaupo siya nito at ilapag ang gamit niya sa tabi niya. “Ikukuha lang kita ng tubig.”
Bago pa siya nakasagot ay umalis na ito at bumalik sa kotse nito. Bumalik ito na may dalang chicken pie na nakalagay sa non-stick paper at bote ng tubig. “Here. Uminom ka. Masyadong mainit ang araw ngayon.”
Tinanggap niya ang tubig dahil nahihilo naman na talaga siya. “Thank you.”
“Eat,” utos nito sa kanya.
“Hindi na…”
Binuksan nito ang chicken pie at inilapit sa labi niya. “Eat!”
“Okay na ako,” aniya at iniwas ang tingin.
“Anong oras ka pa huling kumain?” tanong nito sa may katalimang boses. Saka niya naramdaman na nakatitig ito sa kanya nang matiim na may kasamang babala. Na parang di siya maaring magsinungaling dito. He could see right through her.
“Kaninang umaga pa…” napipilitan niyang amin.
“Sabi na nga ba! No wonder you are woozy. Nakita mo na ba kung anong oras na?” Ipinakita nito ang oras sa Philippe Patek platinum wristwatch nito. “Pasado ala una na. Are you nuts? Bakit di ka kumakain sa oras? You are teacher, for Pete’s sake. Ikaw dapat ang magandang example sa mga estudyante mo.”
Paano nito nagagawa iyon sa kabila ng mahabang panahon nilang pagkakalayo? Bakit may kapangyarihan pa rin ito sa kanya? Heto na naman siya at nahuhulog sa dito. Hindi ito magandang pangitain. He was taking over her… again. Bakit kung kailan sinusubukan niyang maging okay at dumistansiya dito ay basta na lang itong susulpot para guluhin ang lahat?
Pero sa huli ay wala naman siyang choice kundi kainin ang chicken pie na ibinigay nito. Hindi sila matatapos sa argumento hangga’t di niya ito sinusunod at wala na siyang lakas para makipagtalo pa dito. Mas mabilis siyang makakakain, mas mabilis siyang makakalayo dito.
But she was really hungry. Mula kahapon ay di siya halos kumain. Idagdag pa ang tensiyon na naramdaman niya nang ibabalik sana ang gamit kay Hannah at ang malamang ibang taong di niya kilala ang nagpadala sa kanya. Isama pa itong si Benedikt na parang tuksong dikit pa nang dikit sa kanya.
Dalawang minuto lang yata ang kailangan para maubos niya ang chicken pie. Sa buong pagkakataong kumakain siya ay nakatitig si Benedikt sa kanya. Matapos tunggain ang bote ng mineral water ay pinunasan niya ng panyo ang bibig. “Salamat,” nausal na lang niya.
“Ano ba itong mga dala mo?”
“Digital piano at sapatos at damit na suot ko kahapon. Akala ko kasi si Miss Hannah ang nagpadala niyan dahil wala namang nakalagay kung kanino galing nang i-deliver sa amin. Pero sabi niya hindi daw sa kanya galing iyan.” Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko na alam kung kanino pa galing iyan. Di ko alam kung kanino ibabalik.”
“Baka naman para talaga sa iyo iyan. Hindi mo na kailangang ibalik dahil regalo naman sa iyo,” kaswal na sabi ni Benedikt na parang okay lang tumanggap siya ng regalo mula sa taong di niya kilala.
Puno ng pagtataka niya itong tiningnan. “Hindi ako komportable sa ideya. Isa pa, ayokong nasa akin pa ang mga iyan. Hindi ako komportable na gumamit ng mamahaling mga bagay lalo na’t di ko naman pinaghirapan.”
“Kaya siguro ayaw magpakilala ng nagregalo sa iyo dahil alam niyang mataas ang pride mo at ibabalik mo lang ang mga iyan. Bakit di mo na lang tanggapin at ipagpasalamat iyan? You need a new organ. You old organ is ruined. Just be grateful with the blessings coming your way.”
Binigyan niya ito ng matalim na tingin. “Ayoko sa mamahaling bagay na di ko naman pinagpaguran. The digital keyboard fine. Plano ko ngang bayaran iyan kay Miss Hannah. Pero ang designer clothes at shoes, that is not my thing anymore, Benedikt. Ayoko ng mga iyan.”
“Pero…”
Tumayo siya at matapang itong tinitigan. “Look at me, Benedikt. Hindi na ako ang prinsesang nakilala mo noon. Hindi na ako ang tagapagmana ng mga Rubella. I am just a plain school teacher now. Nakatira lang ako sa simpleng kubo sa tabi ng dagat. Sumusweldo ng minimum at minsan ay delayed pa. Anong gagawin ko sa mamahaling gown na iyan? Isusuot ko kapag nagtuturo ako o kaya kapag may gig ako sa simpleng bar ng nanay ko? Oh! Ilalakad ko ba sa buhanginan o sa bundok ang Manolo Blahnik shoes? That is crazy.”
“Why do you hate beautiful things, Maki?”
“Because it represents everything I turned back to. Everything I left behind. Dahil ipinapaalala sa akin ang lahat ng kasinungalingan na nangyari sa buhay ko. Na hindi na ako isang prinsesa.”
Hinatak nito ang pulsuhan niya at napalapit ang katawan niya dito. “Paano naman ako? Isang kasinungalingan lang din ang tingin mo sa akin?” puno ng pait na tanong nito.
Mariin siyang pumikit at umiling. “No. Alam mo na hindi kasinungalingan ang lahat sa atin. Dahil ikaw lang ang totoong magandang bagay na nangyari sa akin sa buhay na iyon. And I hated leaving you behind. Pero tapos na iyon. Iba ka na. Iba na ako. Iba na ang buhay ko ngayon. Hindi na ako prinsesa, Benedikt. Hindi na ako ang prinsesa mo. At mas makakabuti kung lumayo ako sa mga bagay na nagpapaalala sa akin sa nakaraan ko.” Lumayo sa mga bagay na nagpapaalala sa akin sa iyo. Kailangan kong lumayo sa iyo, Benedikt.
“Kahit na malinis ang intensiyon ng nagbigay niyan, di mo pa rin tatanggapin?”
Umiling siya. “No. A-Ayoko na. Alam ko kung saan ako lulugar, Benedikt.”
Huminga ito ng malalim at saka pasalya siyang binitawan palayo dito. “Fine! Bahala ka kung anong gusto mong gawin sa mga iyan. Sunugin mo! Itapon mo! I don’t care!”
Natilihan siya nang makita ang galit ang iritasyon sa mukha nito. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang galit na iyon. Ngayon lang niya nakitang nagalit at nairita nang totoo si Benedikt. Kahit nang nang pinag-uusapan nila ang isyu tungkol sa pagkamatay ng ama nito o ang basta na lang niyang paglayo sa kanya ay di naman ito nagalit nang ganito.
“Bakit ka galit?” nagtataka subalit malumanay niyang tanong. “Hindi naman ikaw ang nagpadala ng mga ito sa akin para magalit ka ng ganyan.”
Saglit itong natigilan at kumurap-kurap. As if she caught him off guard. Subalit biglang nawala ang kalituhan sa anyo nito at bumalik ang galit sa mga mata nito. “Hindi nga ako ang nagpadala niyan sa iyo. Bakit naman kita bibigyan niyan? Hindi naman kita kilala.” At saka nagdadabog itong naglakad papunta sa resort. Iniwan siya nitong naguguluan.
Naguguluhan siyang umupo sa bench. Hindi niya maintindihan kung anong nangyari. Naramdaman na lang niya na lumapit sa kanya ang driver ng tricycle na si Igme na kapitbahay lang nila. “Ma’am, ayos lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong nito. “P-Parang nagkasigawan po ata kayo ng bisita dito sa resort.”
“W-Wala iyon,” aniya at nanginginig ang kamay na isinuklay ang daliri sa buhok niya. “Ayos lang naman ako.”
“Aalis na po ba tayo?” tanong nito.
Lumunok siya at tumango. “Oo.”
“Dadalhin ko na po ang mga ito,” tukoy nito sa mga kahon na regalo sa kanya at binitbit ang mga ito iyon patungo sa tricycle.
Lalo lang sumama ang pakiramdam niya matapos ang pagtatalo nila ni Benedikt. Mas malaking palaisipan pa para sa kanya ang inasal ng dating nobyo kaysa kung sino ang nagpadala ng mga regalo sa kanya.