You’re Still My Man (Filipino) Chapter 52

NAKATULALA si Maki sa nakasabit sa dingding ng kuwarto niya na designer gown na suot niya noong opening ng La Reina Resort and Spa isang buwan na ang nakakaraan. Isang buwan na rin ang nakakaraan mula nang huli silang magtalo ni Benedikt. Nakabihis na siya at handa nang pumasok ng paaralan pero di pa rin siya kumikilos dahil abala siya sa pagtitig sa dress. Iyon na lagi ang naging ritwal niya bago umalis patungong paaralan o kaya ay bago matulog sa gabi na parang sa ganoong paraan masasagot ang mga tanong niya.

Hindi niya magawang itapon o sunugin ang mga regalo sa kanya. She couldn’t be that ungrateful. Hangga’t hindi niya nalalaman kung sino ang nagpadala sa kanya ay di pa rin niya gagalawin iyon. She was tempted to play the keyboard but she decided not to. Isang buwan na rin siyang walang nako-compose na bagong musika. At sa loob ng isang buwang iyon ay hindi niya nalaman kung sino ang nagregalo sa kanya. Kung secret admirer nga ba ito o fairy godmother. She was still in a limbo.

Minsan ay iniisip niya na baka kaya ganoon ang reaksyon ni Benedikt ay dahil ito ang nagpadala ng regalo sa kanya. Pero parang malabo na suportahan siya ng dating nobyo. Malabong-malabo. Wala na itong pakialam sa kanya. Itinuring na nga siya nitong estranghero, di ba? At bakit naman siya nito bibigyan ng magandang designer gown na mas maganda pa sa suot at sapatos ng bagong babaeng gusto nito ngayon? That would be so weird.

Nakatulala pa rin siya nang katukin siya ni Ponyang. “Ate, alas sais na. Baka ma-late ka sa klase mo. May flag ceremony pa kayo,” paalala nito sa kanya.

“Sige. Lalabas na ako.”

At halos hinatak niya ang sarili palabas ng silid. Sa sala ay naabutan niyang nakapaikot ang ilang residente ng La Reina. Pawang mga opisyales at masisigasig na grupo ng tourist guides, may-ari ng mga maliliit na resort, mga may-ari ng lupain sa isla na maaapektuhan sa nalalapit na pagtatayo ng La Reina International Airport.

“Good morning, Ma’am Maki,” bati sa kanya ng mga ito.

“Magandang umaga rin po,” bati niya. “Maaga po ata tayo ngayon.”

Nang nagdaang dalawang linggo ay abala ang grupo dahil sa pagdating report ng Nature’s Keeper, isang international at independent environment group na tumulong sa mga taga-La Reina para pag-aralan ang kondisyon ng isla kung nararapat bang tayuan ng international airport to hindi. Kinumpirma lang ng mga ito ang dating hinala ng mga concerned citizens ang matagal nang hinala na tama ang unang resulta ng pag-aaral ng mga geologist dito bago pa binawi ng mga ito para pumabor sa patuloy na pagtatayo ng international airport doon. Hindi feasible na tayuan ang international airport ang isla ng La Reina.

Oras na lumapag ang mga jumbo jet ay maaring bumigay ang lupa sa ilalim na gawa sa limestone at maraming buhay at kabuhayan ang malalagay sa panganib. Sobra ang pagkadismaya nila nang mabasa ang report. Ibig sabihin ay nasuhulan nga ang unang grupo ng geologist na gumawa ng pag-aaral nang di man lang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga residente doon. Palibhasa ay magpapakasasa nga naman ang mga ito sa pera habang may mga taong nasa panganib ang buhay. Palibhasa ay di sa La Reina nakatira ang mga ito. Hindi maaapektuhan ang mga ito kapag nangyari ang trahedya.

At si Governor Marasigan…

Ano pa bang aasahan nila sa mga pulitiko? Wala naman na yatang nakaupo sa tungkulin ngayon na mamamayan ang priority at ang interes ng bahay. Bawat isa ay nabubuhay sa kani-kaniyang interes. Kanya-kanya ng gawa ng paraan at diskarte kung paanong magkakamal ng salapi. Noong una ay di pa halata sa gobernador ang interes nito. Ngayon ay lumalabas na ang tunay nitong kulay. At natitiyak niyang sa darating na mga araw ay mas titindi pa ang labanan ng grupo ng mga tumututol sa pagpapatayo ng Pandaigdigang Paliparan ng Isla La Reina at ang mga taong may mapapakinabangan dito.

Alam kaya ni Benedikt ang tungkol sa ginagawa ni Governor Marasigan? Imposibleng wala itong alam. Natatakot siya na isang araw ay makita na lang nila ni Benedikt ang isa’t isa sa magkabilang grupo – bawat isa ay may kanya-kanyang ipinaglalaban.

“Aba! Kagabi ay pinuntahan kaming magkakapit-bahay ng mga tauhan ng DPWH kasama pa ang mga bodyguard ni Governor Marasigan. Binibigyan daw kami ng isang buwan na taning para umalis sa bahay-bahay namin,” anang biyudong si Kapitan Torre na manliligaw ng nanay niya. Dati ay sa kampo ito ni Governor kumakampi. Kaya nga nagtataka siya kung paanong nakasama ito sa pagpupulong na iyon samantalang pabor na pabor ito sa pagpapatayo sa international airport dahil mas marami daw constituents nito ang magkakaroon ng kabuhayan.

“Hindi naman po kayo sakop ng area ng tatayuan ng airport,” sabi ni Maki. “Bakit bigla pong kasama kayo sa paaalisin?”

“Naiba na daw ang plano ng airport, anak. Sinadyang ibahin para mapatayuan ng mas magandang daan papunta sa La Reina Resort and Spa,” paliwanag ni Aling Lupita. “Walang choice ang mga residente na sakop ng bagong plano ng airport para

Mariin siyang pumikit kasabay ng paggigiyagis ng ngipin. “Ayyyy, lintik! Malinaw na itinatayo ang international airport na iyan para pumabor sa mga katulad ni Governor Marasigan. Ang kapal talaga ng mukha nila na ibahin ang plano para lang pakinabangan ng resort nila. Sariling pera ng bayan, gagamitin nila sa pansariling interes nila. At ano na ang nangyari sa restraining order na isinampa ninyo sa husgado?”

Isinampa na ang restraining order para pigilan ang pagpapatupad ng naturang proyekto. Kasehodang umabot sa Korte Suprema ay gagawin ng mga residente ang lahat para hindi matuloy ang pagtatayo ng international airport.

Nagkibit-balikat si Ondoy. “Ano bang aasahan mo sa sistema ng hustisya sa bansang ito? Napakabagal. At natitiyak namin na gagawin ni Governor Marasigan ang lahat para hindi mahadlangan ang plano nila.”

“Napakaliit ng presyo nila sa lupain namin. Wala naman kaming magagawa dahil gobyerno na ang nagpresyo,” hinaing ni Aling Miling, isang matandang biyuda na binubuhay ang tatlo nitong batang apo matapos mamatay ang anak nito. Suminghot ang matanda. “Ang lupang iyon lang ang tanging pinagkakabuhayan namin. Hindi ko na alam kung saan pa kami tutuloy ng mga apo ko sa kakarampot na ibabayad nila sa amin. Kaya ilalaban ko talaga para hindi maituloy ang airport na iyan. Salot! Salot sa buhay naming mahihirap.”

“Aba! Kailangan na nating magsagawa ng protesta para naman maiparating natin na di na tama ang ginagawa nila. Maganda din siguro kung makuhanan tayo ng media para malaman ng buong mundo ang panggigipit na ginagawa sa atin ni Governor Marasigan. Hindi ako papayag na apak-apakan lang tayo,” sabi ni Kapitan Torre at itinaas ang kamay.

“Maganda po siguro kung magkaroon tayo ng dayalogo sa bawat baranggay para po malaman din sa ibang lugar ang tunay na kalagayan sa isla natin. Ako na po mismo ang tatawag sa Nature’s Keeper para maipakita ang presentation sa mga tao dito sa totoong masamang epekto ng pagtatayo ng airport at kung ano ang itinatapon natin para lang sa kakaunting barya,” sabi ni Maki.

Sumang-ayon naman ang iba. “Maganda iyan. Maganda iyan.”

“Anak, mag-agahan ka na muna,” anang si Aling Lupita at tumayo sa kinauupuan. “Pasintabi lang sa inyo. Ituloy muna ninyo ang pag-uusap at aasikasuhin ko lang itong maestro ko.”

“Hindi na po kailangan, Nay. Kaya ko na po ito,” protesta siya nang akayin siya nito sa hapag-kainan malapit sa kusina. “Bumalik na po kayo sa mga kasama ninyo at importante po ang pinag-uusapan ninyo.”

Umiling ito. “Hindi. Importante din ang pag-uusapan natin.”

“Di naman po siguro tayo kasama sa mga palalayasin sa bahay natin dahil nalihis na ang plano ng airport.”

Matiim siya nitong tiningnan. “Si Benedikt. Oras na ituloy natin ang labang ito, maaring magkalaban kayo ni Benedikt. Plano ng kompanya niya na mag-develop ng commercial buildings malapit sa La Reina International Airport at subdivision din. Mas gugustuhin niyang matuloy ang airport dahil mas tataas ang presyo ng mga properties ng kompanya niya. Kaya mo ba siyang harapin kung sakali?”

Mariing nagdikit ang labi niya. “Naisip ko na rin po iyan pero matagal na kaming walang relasyon. Tapos na po kami. Kahit po mahal ko pa si Benedikt, di ko naman pwedeng isuko ang mga bagay na ipinaglalaban at pinaniniwalaan natin. Mahalaga po sa akin ang kinabukasan ng La Reina. Ito ang tahanan natin mula nang iwan ko ang dati kong buhay. Ang mga tao dito po ang pamilya ko. Hindi ko sila pwedeng pabayaan.”

“Kahit pa para kay Benedikt?”

“Kahit pa para kay Benedikt,” aniya sa matatag na boses.

“Kahit na masaktan ka pa?”

“Sanay na po akong masaktan. Hindi na po bago iyon sa akin.” Pilit siyang ngumiti. “Huwag po kayong mag-alala. Ayos lang po ako.”

Mataman siyang tiningnan ng ina na parang inaarok kung totoo ba sa puso niya ang sinabi o baka balang-araw ay magbago na naman ang isip niya. “Sinabi mo iyan, anak. Tandaan mo iyan kapag dumating ang panahon na nasa magkabilang panig na kayo ni Benedikt. Isipin mo kung ano ba talaga ang mas mahalaga sa iyo.”

“Buo na po ang desisyon ko. Nasa panig po ninyo ako.”

Iba na ang buhay niya ngayon. She was her own woman now. May paniniwala at paninindigan. At natitiyak niyang ipaglalaban din ni Benedikt ang sarili nitong paniniwala lalo na’t nakasalalay ang kompanya nito.

May the best man or woman win.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.